Chapter 5 - 5. Ang Galit Ng Duwende

Ang Galit Ng Duwende

Genre: Fantasy

Themes: Revenge, Bullies

Isang bully na bata si Lycka. Palibhasa kasi ay mas malaki kaysa sa ibang mga bata at kinalakhan na rin niya na madalas na nagsasapakan ang mga magulang niya kaya balewala na rin para sa kanya ang manakit ng iba.

Nang araw na iyon ay isang lalampang-lampang batang babae ang inaapi na naman niya. Ang pangalan nito ay Len.

"Hoy, Lenlen, akin na na nga 'yang baon mo!" Sisiga-sigang sabi niya.

Halata namang takot na takot at biglang-bigla si Len pagkakita sa kanya. Ilang araw na rin niyang napapansin na ilang araw na rin siyang pinagtataguan ng walong taong gulang na batang ito.

Pero kaiba noon na madalas ay inaabot na lang nito agad-agad ang baon nitong lunch box sa kanila ay nagmatigas ito ngayon.

"Hindi pwede! Hinanda ito ni Mama para sa akin! Hindi ko pwedeng ibigay ito sa inyo"! Pagmamatigas nito kahit halata namang takot pa rin.

"Ah, gano'n! Papalag ka na, ah! Anna, Maricar! Ipakita ninyo sa gagang ito kung ano ang hinahanap niya!" Pagtawag niya sa dalawang bata na kasama niya na sisiga-siga rin.

At katulad nga ng inaasahan ay nabugbog ng husto ng tatlong bata ang kaawa-awang si Lenlen. Natapon pa ang launchbox nito na ginawa ng mama nito para sa kanya.

___

ILANG araw lamang at namatay si Lenlen. Dahil na rin sa napakahina ng katawan nito at nabugbog pa ng todo nong isang araw. Hindi kinaya ng katawan nito ang pambubugbog ng mga kaklase nito.

Napag-alaman din ng doctor na isa sa mga dahilan ng pagiging mahina ng katawan nito ay dahil palaging gutom ang bata.

Sobra-sobrang pagdadalamhati ng mga magulang ni Lenlen dahil kahit na kailan ay hindi nagawang magsabi ng anak nila sa kanila. Hindi ito dumadaing kahit pa may nararamdaman na ito. Alam kasi ng bata na napakalaki na ng problema nila dahil bumagsak na lang bigla ang maliit na negosyo na itinayo nila. Alam nito na problemado sila sa pera kaya marahil ay hindi na ito nanghihingi pa ng baon kapag nakukuha ng mga batang bully ang pera nito.

Napakabait na bata ni Lenlen. Hindi ito deserving na mamatay ng ganon-ganon na lang.

Sinubukan nilang mag-asawa na panagutin ang mga batang nambugbog sa anak nila, pero dahil menor de edad pa ang mga ito ay hindi magawang hulihin ng pulisya.

Maging ang mga magulang ng mga ito ay wala ring pakialam sa kinahinatnan ng anak nila. Nasisi pa sila na hindi raw dapat nila pinabayaan ang anak nila.

Mabigat pa rin ang loob ng mag-asawa dahil alam nila na wala silang magawa para mabigyan man lang ng katarungan ang pagkamatay ng anak. Ipinagdasal na lamang nila ang kaluluwa nito.

Pero iba si Duwen. Ang kaibigan ni Lenlen na isang pulang duwende. Hindi siya sang-ayon sa batas ng tao na hindi pananagutin ang mga taong nagkasala purket wala pa sa wastong gulang. Sa mundo nila ay hindi ganoon. Kahit ano pa ang edad mo, kapag may mabigat kang ginawa ay kamatayan din ang kapalit.

___

Paano yan, Lycka patay na si Len. Hindi ka ba nakukunsensya na tayo ang naging dahilan ng pagkamatay niya?" Untag ni Maricar sa nakatulalang si Lycka.

"Pwede ba! Hindi natin kasalanan na lampa siya! Kasalanan niya rin iyon dahil hindi niya agad ibinigay sa atin ang baon niya. Kung binigay lang sana niya, 'di sana gano'n ang inabot niya, wala sanang problema!" Wala pa ring pakialam na sabi ni Lycka. Hindi talaga tinutubuan ng kunsensya ang tabatchoy na batang ito.

"Oo nga naman, Maricar! Hindi rin naman natin gustong mamatay si Len, ano! Wala na tayong utusan dito at wala na rin tayong mananakawan ng baon!" sabi naman ni Anna na mukhang tomboy.

"Ang tanga-tanga rin naman kasi ng Lenlen na 'yan! Kahit na kinukuhanan natin siya ng baon, sana ay kumakain na lang siya sa kanila. Pagkatapos, tayo ang sisisihin ng mga magulang niya? Sinabihan pa tayong mga salbaheng bata! Buti nga sa kanila, namatay ang anak nila! Panget naman 'yun si Len! Dapat lang sa kanya na manahimik na lang sa lupa! Ha-ha-ha!!!" Pagtatawa pa ni Lycka.

Lahat ng mga iyon ay narinig ni Duwen na dapat sana ay papatawarin na ang tatlo kung nakita niya lang sana na nagsisisi na ang mga ito. Pero hindi ganoon ang nangyayari dahil ang tatlong bata ay tila walang alam sa kung ano ang tama at mali. Ni kaunting pagsisisi ay hindi mababakasan ang mga ito.

Nagpakita na siya sa tatlong salbahe at malalaking bata. Hindi niya matiis na sinasabihan pa nila ng kung ano-ano si Lenlen na nag-iisang kaibigan niya ng masasamang bagay kahit na namatay na nga ito.

"AHHHHH!!!! Duwendeeeeee!!!!"  Takot na takot na sigawan ng mga bata.

"Kayo ang dapat mamatay! Hindi kayo nararapat na mabuhay sa mundong ibabaw! Pero hindi yata kayo dapat na mamatay agad. Gusto kong iparamdam sa inyo kung paano ang maging maliit," galit na sabi ng duwende. Nanlilisik ang mga mata nito. Pulang pula iyon na parang dugo. Mahaba ang ilong nito na may pangil at kasing liit lamang ito ng isang daliri nila.

"Huwagggg!!!! Humihingi na kami ng tawad kay Len! Hindi na po kami uulit!" Pagmamakaawa pa ni Lycka.

"Huli na ang lahat dahil patay na si Lenlen! Siya lang ang taong hindi natakot at hindi hinusgahan ang panlabas na anyo ko. Siya lang ang taong nakipaglaro sa akin sa kabila ng agwat ng laki namin. Siya lang ang taong nagpasaya sa akin! Alam ba ninyo na matagal ko na kayong gustong parusahan dahil sa mga pang-aapi ninyo sa kaibigan ko pero pinipigilan lang niya ako? Dahil mabuti siyang tao at iniisip pa rin niya kayo kahit na inaapi na ninyo siya! Hindi katulad ninyo! Mga salbaheng bata!" galit na sabi ng duwende.

Doon nakaramdam ng takot ang mga bata. Ngayon nila nakita na hindi pala dapat nila kinalaban noon si Lenlen.

"Nang dahil sa inyo ay wala na siya sa akin ngayon. Kung hindi mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay niya dahil sa batas ng mga tao na hindi pwedeng magpataw ng parusa sa mga masasamang batang katulad ninyo ay ako ang gagawa niyon! Sa aming mga duwende, walang bata o matanda kapag nakagawa ka ng krimen kaya humanda kayo!"

Kumumpas ang duwende, nag-ilaw ang daliri nito at doon ay unti-unting lumiit ang katawan ng tatlo at nagkorteng langgam.

Naging langgam ang tatlo at naranasan nga nila kung paanong maging isang maliit.

Inilabas ni Duwen ang galit nito sa tatlong batang nang-api sa kaisa-isahang kaibigan niya. Mabait na kaibigan ang mga langgam pero masama silang magalit. Wala siyang pakialam kahit mga bata ang ginawa niyang mga langgam. Dahil sa mundo ng mga duwende, walang bata, babae o matanda kapag nakagawa ng kasalanan. Sa kanila ay napaparusahan talaga ang mga nagkakasala at walang nakakatakas sa batas.

Nagulat ang lahat sa baryo sa biglaang pagkawala ng tatlong bata. Iniisip ng lahat na nakuha na ng isang sindikato na nagbebenta ng mga bata ang tatlong salbaheng bata.

Pero ang hindi nila alam ay nandoon lamang ang tatlo at rinig na rinig nila ang pinag-uusapan ng mga tao tungkol sa kanila. Nakita rin nila kung gaano na kasaya ang mga batang inaapi nila noon dahil sa pagkawala nila.

Dahil sa wakas. Ang tatlong salbaheng bata ay bigla na ring nawala kasabay ng pagkatahimik ng lugar na iyon.

At sina Lycka, Anna at Maricar?

Habang buhay na lang silang magiging maliit at hindi na muling maririnig ng iba ang tinig nila. Katulad din ng hindi nila pakikinig sa mga lampang batang nagmamakaawa sa kanila noon para lang palagpasin na nila. Sa mga batang itinrato nilang maliit dahil lang sa mas malalaki sila sa mga ito.

Ngayon ay sila naman ang ubod ng liit. Maliit na walang laban sa mga malalaki.

"Huwaggggg!!!" Umalingawngaw ang pagtili ni Lycka nang hindi mapansin na may isa palang batang naglalakad malapit sa kanila.

Huli na parang maiwasan ang taong iyon dahil natapakan na niyon si Lyka...

- WAKAS...