Chapter 4 - 4. Sino 'Yon?

SINO 'YON?

Genre: Horror, Mystery

Theme: School, Doppleganger

Mahilig kaming maggala na magbabarkada noon. Isang araw na walang klase sa school ay naisip namin na maglakad-lakad lang sa kung saan-saan at kahit saan man kami dalhin ng mga paa namin.

Malapit na rin naman ang bakasyon dahil halloween na. Dumaan nga lang din kami sa school kanina para iabot sa teacher namin ang project namin.

Napagtripan namin na lakarin ang buong kalsada. Nakarating kami sa palengke. Kumain lang kami, nagkaraoke at kung saan-saan nagliwaliw. Halos wala nga kaming kapaguran no'n kahit na ang layo na ng nilalakad namin. Hindi pa naman masyadong gabi, mga 8pm pa lang kaya okay lang.

Hanggang sa may nakita kaming isang abandonadong gusali. Para iyong apartment na hindi na natapos gawin at parang napabayaan na lang din. O 'di kaya naman ay parang nasunog na lugar dahil bulok na bulok na ang pader at mangitim-ngitim na rin.

Ano mang nangyari sa lugar na iyon ay wala akong kaalam-alam. Pero sa unang tingin pa lang ay talagang nakakatakot na ang lugar na iyon. Para bang kapag tiningnan mo ay may mai-imagine ka talagang kung ano.

Dahil na rin sa halloween eh, para bang gusto rin naming takutin ang mga sarili namin dahil madilim din doon.

Lima kami no'ng mga oras na iyon. Tatlong lalaki tapos dalawa kami ni Juliet na babae. Si Kuya Rain nga ay parang ayaw pa pumasok sa loob kasi baka raw may makahuli sa amin eh, mapagbintangan pa kaming may ginagawang kababalaghan dahil ano nga ba ang gagawin ng tatlong lalaki at dalawang babae sa lugar na ganoon?  Ang linis mag-isip eh, 'no? Pero wala rin siyang nagawa nang nagkasundo ang tropa sa trip namin na pumasok sa loob.

Nag-ikot-ikot lang kami roon sa loob. Sina Jay, Juliet at Nick ay magkasama na nag-ikot doon sa kabilang bahagi ng kwarto. Trip-trip lang talaga at nagbabakasali na makakita ng mumu. Kami naman ni Kuya Rain ang magkasama.

Dahil wala naman akong third eye ay natural na wala naman akong nakita. Bahagya lang na tumatayo ang  balahibo ko at parang may kung anong malamig. Hindi ko nga alam kung bakit ganoon ang nararamdaman ko.

Medyo takot din naman ako pero hindi ako nagpapahalata dahil andilim-dilim kaya roon. Kapag natakot ako ay baka mas lalo lang din akong matakot kaya dapat ay relax lang ako.

Kinausap ko si Kuya Rain para mawala ang tensyon na parang nararamdaman ko sa paligid.

"Kuya Rain, may nakita ka na bang mumu? pagbibiro ko sa kanya."

Hindi niya ako kinibo. No pansin talaga pero nagpapansin pa rin ako. "Daan kaya tayo kina Rachel mamaya? Birthday ng ate niya, 'di ba? Baka marami tayong makain don. Ha-ha-ha!" Patuloy pa rin ako sa pagdaldal pero para lang akong nagsasalita sa hangin.

As in nakatitig lang siya sa akin at dahil nga sa madilim doon ay parang bahagyang nag-iilaw ang mga mata niyang tila nanlilisik habang tinititigan ako ng sobrang lalim. 

Weird, pero pakiramdam ko ay parang tumataas ang balahibo ko sa ginagawa niya.

Nainis na ako sa kanya nang halos mapaos na ako kakasalita pero wala pa rin siyang reaction. Kaya naman nong pinuntahan na kami nina Juliet ay nanguna pa ako sa pagbaba. Nainis kasi ako kay Kuya Rain, eh. Napansin ko rin na kasunod pa namin si Kuya Rain.

"Hay naku, nagsayang lang tayo ng panahon dito, eh wala naman palang mumu. Saan kaya meron, 'no? disappointed na sabi ni Juliet.

Hindi ako sumagot at napansin ni Juliet iyon. "Bakit ka ba parang iritado riyan, Tinay?" tanong sa akin ni Juliet habang bumababa na kami ng hagdan.

"Nakakainis kasi si Kuya Rain, eh! Hindi ako pinapansin, ang yabang-yabang, akala mo naman ang pogi!" inis na sabi ko sabay lingon kung nasaan na si Rain dahil baka narinig niya ang sinabi ko. Pero napansin ko na parang hindi na nakasunod sa amin sa pagbaba si Kuya Rain.

"Si Rain? Ang ingay-ingay n'yo nga kanina tapos hindi ka pa pinansin ng lagay na 'yun?" nagtatakang tanong nito na ang tinutukoy ay iyong daldalan at tawanan namin ni Kuya Rain nong naglalakad na kami sa kalsada kanina.

"Hindi. Kanina pa siyang dumadaldal non, eh. Napagod yata kaya pagdating doon sa taas ay sobrang tahimik na. Speechless na ang peg niya. Para nga akong may kausap na hangin, eh!" sabi ko na lang na parang medyo kinilabutan dahil hinahanap ng mga mata ko si Kuya Rain na biglang nawala sa dilim. Hindi ko alam pero parang kinukutuban ako.

"Ano'ng taas, eh hindi naman sumama sa atin sa loob si Rain? Andon siya sa labas, oh!" Saka itinuro ni Juliet si Kuya Rain na nasa labas nga at nakapamaywang pa habang para bang inip na inip sa pagbaba nila!

"Paano kang napunta riyan?!"tanong ko na nag-uumpisa nang kilabutan nong malapitan nila ito.

"Ano'ng papaanong napunta eh, kanina pa ako rito? Kung walang maiiwan dito sa labas, eh sino ang magbibigay ng senyas sa inyo sa taas kung bigla na lang may dumating na tao? Teka nga, bakit ba ganyan ang mukha mo? Para kang nakakita ng multo? Ang pangit mo, Tinay!" Pang-aasar pa ni Kuya Rain na nakakaloko pang tumatawa! Masiglang-masigla ito at malayong-malayo sa parang walang kagana-ganang kausap ko kanina.

Ako naman ay hindi na makangiti. Puno na ng kaba ang dibdib ko.

"Niloloko mo ba ako? Kasama kita roon sa taas, eh! Kinakausap pa nga kita pero hindi ka sumasagot!"

"Ano? Paanong mangyayari iyon, eh nandito lang naman ako. Hindi ako umakyat kahit saglit doon sa taas. Juliet, ano bang problema nito ni Tinay? Sino ang kausap niya dahil siguradong hindi ako iyon," binalingan nito si Juliet.

"Hindi ko alam diyan. Tinay, Wala ka namang kasama no'ng pinuntahan ka naming tatlo kanina, eh. Sigurado ako na mag-isa ka lang doon kaya sino ang sinasabi mo na kausap mo?" Parang nahihintakutan na rin na tanong ni Juliet.

Hindi na ako makapagsalita ng maayos dahil umakyat na ang kilabot sa buong katawan ko. Nagtataasan ang mga balahibo ko dahil kung hindi si Kuya Rain ang nasa loob eh, sino iyong nakausap ko sa taas at malalim kung tumitig sa akin doon sa loob?

Nang sinabi ko sa kanila ang lahat ng nangyari sa akin sa taas ay kahit sila ay kinilabutan na rin. Muli kaming tumingin doon sa abandonadong gusali na pinasukan namin kanina. Madilim na madilim doon pero bigla na lamang na may suminding isang kandila at saka may dumaan na anino sa loob!

"AAAAHHHHHHH!!!"

Napatili kaming lahat sabay takbo dahil sa sobrang takot.

___

NOONG MGA SUMUNOD NA ARAW ay nalaman na lamang namin na ang gusali pala na pinasukan namin ay isa palang dating apartment na nasunog at may isang pamilya na namatay.

Iyon marahil ang nagpakita sa akin noong gabi na iyon. Marahil ay naramdaman ng mga multo na mayroong grupo ng magbabarkada na gustong sirain ang pananahimik ng mga ito sa apartment na iyon kaya naman nagparamdam sa amin. Lalo na sa akin dahil nag-iisa lamang ako nong mga panahon na iyon.

Doon ko na-realize na hindi ka pala dapat humihiling ng isang bagay na hindi mo kayang panindigan kapag nasa harap mo na.

Katulad ko. Hindi namin akalain na ang multo na hinahanap namin ay nasa harapan ko na pala. Kaya naman pala malalim kung tumitig ang multo sa akin at nanlilisik pa ang mga mata niya sa akin. 

Sa tuwing naiisip ko ang bagay na iyon ay kinikilibutan pa rin ako. Ang makakita ng multo, face to face ay isang malaking bangungot!

Wakas…