Dali-dali akong tumakbo palapit sa kanila at hinila palayo sa Jarvis. Itinago ko siya sa likod ko bago ako humarap sa amo ko. "S-Sir, pasensiya na po. Kakapasok lang namin saka—"
"This is a family matter, Miss Dela Merced." Tila natulos ako sa aking kinatatayuan nang marinig ang boses niya at ang paraan ng pagtawag niya sa akin. "And you should teach your son some manners, too. He shouldn't interfere to other people's conversation like that. "
Kinagat ko ang aking ibabang labi bago nahihiyang yumuko. "Pasensiya na po ulit, Sir. H-Hindi na po mauulit. Pangako po 'yan."
"You may leave—"
"Mama, bakit ka nagsosorry?"
Ipinikit ko ang aking mga mata upang kahit papaano ay pakalmahin ang aking sarili nang marinig ko ang tanong ni Jarvis. Alam kong pabulong iyon at mahina ngunit sapat pa rin para marinig nina Ma'am Chantal at Sir Preston.
"Jarvis," suway ko sa kaniya nang lumingon ako sa gawi niya.
Inosente niya akong tiningnan. "E-Eh kasi Mama, 'di ba dapat 'yong nang-aaway ang nagsosorry s-sabi ni teacher. S-Si ano… si Boss mo po, niaaway niya po si Chanty kaya siya dapat ang mag-sorry kasi siya ang bad," tila nahihiyang pagsusumbong nito.
Magsasalita pa sana ako para pangaralan siya ngunit naunahan na ako ni Sir Preston sa pagsasalita. "What did you call my daughter? Chanty—what?" Hindi makapaniwalang tanong niya kay Jarvis.
Ilang beses na napakurap si Jarvis at bakas sa mga mata ang takot kaya't ako na ang nagsalita. "U-Uh ano kasi, Sir, hindi niya po ano… hindi niya masabi nang tama 'yong pangalan ni M-Ma'am Chantal kaya… kaya po ano, Chanty ang tawag niya. Pasensiya na po ulit, h-hindi ko kasi siya maturuan," paghingi ko nang paumanhin.
"Mama, dapat 'di nagsosorry mga walang kasalanan, 'di ba?" bulong muli sa akin ni Jarvis ngunit masyado pa rin iyong malakas kaya't alam kong narinig pa rin iyon ng mag-ama.
Wala akong nagawa kung hindi ang kumamot ng ulo dahil hindi ko alam kung anong sasabihin ko kay Jarvis. Alam ko naman na wala siyang kasalanan pero kasi…
"Chantal."
Ibinalik ko ang atensiyon ko sa mag-ama nang tawagin ni Sir Preston si Ma'am Chantal. Doon ko lamang napansin na nakatingin kay Jarvis si Chantal at nakataas ang kilay habang nakatingin sa anak ko. Kahit na nakataas ang kilay niya ay hindi nakatakas sa aking obserbasyon ang pagkamangha sa kaniyang mga mata na itinatago niya sa pamamagitan ng pagtataas ng kilay upang magmukha siyang matapang.
"Are you going to scold me again, Daddy?" Mahinang tanong nito sa ama.
Bumuntong hininga si Sir Preston bago itinuro si Jarvis. "Take this kid outside."
"H-Ho?" Hindi ko na napigilan pang sumabat dahil sa sinabi niya. Humigpit naman ang hawak sa laylayan ng t-shirt ko si Jarvis dahil sa kaba.
"Take this kid outside," sambit niya kay Chantal bago ibinaling ang tingin sa akin. "And you, I'll talk to you."
Ilang beses akong napakurap. Wala sa sarili kong itinuro ang aking sarili ngunit tumango lamang siya tanda na ako nga ang tinutukoy niya. Dahil tuloy doon ay mas bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa labis na kaba.
Nang mapagtantong hindi siya nagbibiro ay dahan-dahan kong pina-bitiw si Jarvis sa akin. "'Nak, l-labas ka muna. Mag-uusap lang kami ni ano… ni Sir. H-Hintayin mo nalang muna ako sa labas, ha? Susunod sa 'yo si Mama," kalmadong sambit ko sa kaniya kahit na ang totoo ay pakiramdam ko'y halos aatakihin na ako sa kaba.
Umiling si Jarvis bilang tanda ng pagtutol ngunit nginitian ko lamang siya. Mukha namang nakuha niya ang ibiig kong sabihin at nakasimangot na bumitiw sa akin. Sumulyap muna siya saglit kay Sir Preston ngunit agad din siyang nagbaba ng tingin at tumalikod sa amin.
Nauna nang naglakad si Ma'am Chantal at tahimik namang sumunod si Jarvis. Doon ko tuloy napagtanto at napansin na halos magkasing-height lamang sila—mukha nga lamang mas matangkad nang kaunti si Jarvis mula kay Ma'am Chantal.
Hinigit ko ang aking hininga nang tuluyan nang magsara ang pinto at maiwan kami ni Sir Preston sa loob ng kaniyang opisina.
Peke akong umubo bago nag-angat ng tingin sa kaniya. "S-Sir, kung tungkol po 'to sa ginawa ni Jarvis, a-ako na po ang humihingi ng pasensiya. H-Hindi ko naman po alam na gagawin niya iyon—"
"I just want to clarify something to you, Miss Dela Merced."
Pinutol niya ang dapat na sasabihin ko kaya't mas lalo akong kinabahan. Wala sa sarili akong napalunok habang hinihintay ang susunod niyang sasabihin sa akin.
"You're here to take care of my daughter and not to mess with our personal lives," dagdag niya.
Kinagat ko ang aking ibabang labi at nagbaba ng tingin. "P-Pasensiya na po. Hindi na mauulit."
"As it should. Kung maaari, pagsabihan mo rin ang anak mo sa mga bagay na gagawin niya. I am no saint, Miss Dela Merced. I can fire you whenever I want."
"O-Opo," tanging sambit ko at marahang tumango.
Alam ko naman na hindi ginawa iyon ni Jarvis para makipag-away. Gusto niya lang namang ipagtanggol si Ma'am Chantal tapos…
"Are you not going to defend your son?"
Wala sa sarili akong nag-angat ng tingin nang marinig ang sunod niyang tanong. Ilang beses akong napakurap at naguguluhang tumingin sa kaniya. "P-Po?" takang tanong ko.
"Well most of our maids with child back then used to defend their child and blame Chantal instead. Aren't you going to do the same?"
Kinagat kong muli ang aking ibabang labi habang iniisip kung ano ang dapat na isagot ko sa kaniya. Kapagkuwan ay humugot ako ng malalim na buntong hininga bago ako nagsalita.
"G-Gusto lang naman pong ipagtanggol ni Jarvis si Ma'am Chantal noong nakita niyang papaluin niyo. Naiintindihan ko po na gusto lang makatulong ng anak ko pero…" Muli akong bumuntong hininga bago nagpatuloy. "Pero mali rin po na nakialam siya sa away ng iba l-lalo pa't boss namin kayo rito."
Hindi ko alam pero labas sa ilong ang sinabi ko sa kaniya. Gusto ko sanang sabihin na oo at boss namin siya pero wala pa rin siyang karapatan na manakit ng bata… kaso baka sabihin niya, anak niya naman iyon at wala kaming pakialam sa kung ano man ang gusto niyang gawin. Alam kong maaari niyang sabihin ang bagay na iyon dahil ilang beses na akong napagsabihan nang ganoon.
Pagkatapos akong sabihan ng huwag mangialam, karaniwan ay sunod na niyon ang pagtatanggal sa akin sa trabaho.
"All right. Then we're good—"
"P-Pero Sir…" Pinutol ko ang sasabihin niya nang muli akong mag-angat ng tingin sa gawi niya. "Alam ko po na anak niyo si Ma'am Chantal at boss namin kayo kaya wala kaming karapatang mangialam pero… k-kung puwede po sana, huwag niyong paluin 'yong b-bata."
Umarko ang kilay niya kasabay ng pag-ayos niya ng suot na salamin. "What?"
"H-Hindi naman po sa nangingialam ako, Sir. Concern lang po ako sa bata kasi may anak din ako. S-Saka mukha rin pong natakot siya—"
"Did you even spare her a glance, Miss Dela Merced? May nakikita ka bang takot sa mga mata niya kanina, ha? Yes, she cried but it's an act. Palagi niya 'yong ginagawa para magpapansin at para hindi ko siya pagalitan. She's been hurting people every now and then… tapos siya pa ang matatakot?"
Nagbaba ako ng tingin at binasa ang aking mga labi dahil nakuha ko naman ang punto niya. Mukha nga namang matapang si Ma'am Chantal kanina kahit na umiyak siya. Kahit na pinagalitan na siya ng tatay niya ay hindi pa rin siya natinag at ipinagtanggol ang sarili kahit na sumisigaw na siya sa sariling ama.
Oo at mukha siyang matapang at hindi nasasaktan pero…
Hindi ko alam pero paulit-ulit na nagrereplay sa utak ko ang manghang ekspresyon sa kaniyang mga mata kanina nang ipagtanggol siya ni Jarvis. Hindi ko tuloy alam kung iyon ang unang beses na may nagtanggol sa kaniya o ano dahil kakaiba ang emosyong nakita ko sa kaniyang mga mata kanina.
"Pero Sir, p-pwede niyo naman po sanang pagsabihan 'yong bata nang hindi siya nasasaktan, 'di ba?" pangangatwiran ko.
"Hindi siya magtatanda hangga't hindi siya nasasaktan. Nasasabi mo lang 'yan dahil kadarating mo pa lamang dito at hindi mo pa siya gaanong kakilala. But I bet my fortune, you'll finally get what I'm trying to say once you found out how evil she is."
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Sinasabi niyo ho ba na sasaktan ko rin si Ma'am Chantal, ganoon ba?" Hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
Umarko ang kilay niya bago siya umupo sa kaniyang swivel chair. "Well, it's up to you—"
"Pasensiya na po, Sir, pero hindi ako nananakit ng bata," mariing pagtutol ko sa kaniya. "At papatunayan ko rin ho sa inyo na kahit kailan, hindi ko sasaktan si Ma'am Chantal dahil bata 'yon… kahit na gaano pa siya kakulit at kasama. Alam ko ho dahil may anak ako at ayaw kong maranasan 'yon ng anak ko sa kamay ng ibang tao. Papatunayan ko ho sa inyo na madidisiplina ko siya nang hindi siya pinagbubuhatan ng kamay kahit kailan. Ipinapangako ko ho iyan sa inyo."
----