Tatlong linggo na ang nagdaan mula ng makalabas ang tatay sa pagkaka-hospital ng apat na araw.
Unti-unti namang bumuti ang kanyang lagay, 'yon nga lang hindi na bumalik ang dati niyang lakas bago pa siya magka-sakit.
Awang-awa na ako sa aking mga magulang na pilit na nagta-trabaho para makapag-tapos ako.
Gustuhin ko mang makiusap sa mga kamag-anak ko at magtrabaho sakanila ay paniguradong tatanggi na naman silang tulungan kami gaya noong na ospital naman ang aking ina noong nakaraang taon.
"Tay, aalis na po ako." paalam ko at nagmano.
"Magi-ingat ka." nakangiting saad niya habang inihahanda ang kanyang bisekleta't mga panghasa.
Tuwing lunes hanggang biyernes ay nagtatrabaho si tatay sa sakahan tuwing sabado naman ang pahinga nila kaya aalis na naman siya para maglibot dito sa bayan, hahanap ng mga taong gustong magpahasa ng kanilang patalim. Basyador tuwing sabado't linggo.
Kaya wala talagang pahinga ang tatay sa pagtatrabaho.
"Tay, pag hindi po ako nakauwi agad, nasa may palengke lang po ako. Tutulong ako kay nanay." pahabol ko.
Tumitig naman ang tatay ko at umiling ng marahan bago unti-unting tumanggo.
"S'ya! Ikaw ang bahala."
Nagsimula na akong maglakad papunta sa paaralan ko, Balakat City College na walking distance lamang sa aming bahay.
"Hello Eli ang ganda mo ngayon!" bati ng isang lalaki mula sa Accountancy dept.
Ngumiti lamang ako at nagpatuloy sa paglalakad.
Sumisipol naman ang mga Sea Man at iba pang Criminology student mula sa katabi ng aming paaralan, Florencio College Foundation. Ang priority kasi ng paaralang ito ay mga criminology at mags-sea man, kaya halos lalaki ang mga nagaaral rito.
Hindi gaya sa amin na may accountancy, education, tourism at engineering.
Ang kurso ko naman ay Educ. Bachelor of Secondary Education major in English.
Isang taon tapos board exam ay ganap na akong magiging guro.
"Hi miss, ang ganda mo." saad ng sea man student na nakasalubong ko sa daan.
"Salamat." turan ko at ngumiti.
Nagtulakan naman silang makakaibigan at nilagpasan na ako.
Habang patuloy ako sa paglalakad ay may umakbay sa akin, "Iba talaga kapag maganda."
"Uy, Tony." bati ko, "Tanggalin mo na yang braso mo, baka makita ng kasintahan mo, magselos na naman."
Si Tony ang nagiisang kaibigan ko rito sa lugar namin. Wala akong kaibigang babae, marami kasi sakanila ang galit dahil sa itsura ko.
"Hayaan mo, ayaw naman akong pansinin no'n, pagselosin ko na muna." saad niya sabay halakhak.
Pinilit ko namang tanggalin ang pagkakaakbay niya at nagpaalam, nagsimula na ulit akong maglakad patungo sa building ko.
"BILI na po kayo!" nakangiti kong bati sa mga mamimili.
Tumingin naman ang iilan sakanila.
"Ang ganda mo naman, sige pabili ako. Kangkong dalawang kaptas." sabi ng isang ale.
Iniabot ko ang bayad kay nanay at binalot ko na ang kangkong.
"Aling Esme! Eli! Aling Esme!" humahangos na tawag ng isang kargador.
"Oh? Ay bakit ka ba tumakbo at pagod na pagod ka?" tanong ni nanay matapos itong abutan ng isang basong tubig.
Bumundol naman ang kaba sa dibdib ko habang tinitignan ko ang maputla at pawisang kargador.
"S-si Mang Joselito..." hinihingal na panimula nito, "Isunugod sa ospital sa bayan— na heat stroke raw!" sigaw nito.
Agad kong inalalayan ang muntik nang matumbang si nanay at pinaypayan. Inabutan din kami ng tubig ng katabing tindera sa palengke.
"N-nako! Si Joselito.." tumingin sa akin si nanay. "Tara na sa bayan, Elviera!" tarantang sigaw ng nanay.
"OH Diyos ko, ang asawa ko." naiiyak na anas ni nanay habang mahigpit na hawak sa kamay si tatay.
Ako na ang kumausap sa Doctor. Hinimatay pala si tatay habang naghahasa dito sa may bayan dahil sa sobrang init, mabuti na lamang at agad siyang naidala rito sa ospital at agad na naagapan.
Nanghihinang napaupo ako habang nakatitig sa maputlang ama ko habang may oxygen at dextrose na nakasaksak sa kanyang kamay.
"Ma, tatapusin ko po itong taon tapos ay hihinto na po muna ako."
Agad namang tumingin sa akin si nanay.
"Nako! Hindi maaari, magagalit ang iyong ama, Elviera."
"Nay. Mahal po ang gamot ni tatay, hindi pa siya magaling sa sakit niya noong nakaraang tatlong linggo. Marami na pong bayarin, kapag nakaipon po ako, babalik ako agad sa pagaaral." paliwanag ko, nanghihina naman siyang tumango.
Lumabas muna ako ng silid ni tatay dahil sobrang bigat ng loob ko.
May sakit ang tatay at kailangan ko pang huminto. Ang totoo niyang ay hindi ko alam kung saan ako hahanap ng trabaho.
Hindi ganoon kalakas ang benta ng mga gulay lalo na tuwing lunes at biyernes.
Hindi ko naman p'wedeng ipagpatuloy ang pagsasaka ni tatay, dahil kadalasan ay lalaki ang gustong trabahador ng may ari ng mga sakahan. At mas lalong hindi ako p'wedeng maging basyador.
Mukhang kailangan ko talagang makiusap ngayon. Tinignan ko ang laman ng aking pitaka at muling pumasok sa loob.
"Nay, aalis muna po ako."
Tumango na lamang si nanay at hindi na nagtanong pa.
Nang makalabas ako ng ospital, agad akong sumakay sa traysikel at pumara sa sakayan ng bus.
Ilang oras lang naman akong mawawala. Hindi naman siguro magaalala si nanay.