Vreihya's P.O.V
Hiyang-hiya ako ngayon na humarap at magpakita kay Mino na alam kong nasa likuran ko lang. Tila gusto ko na lamang bumuka ang lupa at magpakain nang buo. Buong akala ko kanina ay isa lamang siya sa mga ilusyon ng diwata.
Hindi ko alam pero parang gusto ko na lamang maglupasay at mamato ng kung ano-ano habang tila nag-iinit nang husto ang aking pisngi. Matindi na ang kaba at pamumula ng aking pisngi dahil sa nangyari at pakiramdam ko ay napakaliit ng lugar na ito para sa aming dalawa.
Gusto ko magtatakbo upang hindi ko muna siya makita o maramdaman. Dyosang kataas-taasan, kunin niyo na ako pakiusap. Hiyang-hiya na ako sa aking pinaggagagawa kanina. Ngayon lamang ako nahiya nang ganito sa buong buhay ko.
Mas lalo pang nagwala nang husto ang aking dibdib at nanghina ang aking tuhod dahil sa narinig ko ang malalim niyang paghinga na tila pa niyayanig ang pagkatao ko dahil sa nangyari kanina. Utang na loob gusto ko na talagang magtatakbo! Naiiyak na ako!
Agad akong napatingin sa aking harapan dahil sa may biglang lumitaw na isang pintuan at nang tanawin ko nang bahagya si Mino ay may pinto din sa kaniyang harapan. "AY!" agad kong impit na tili dahil humarap din siya sa akin at nagkasalubungan ang aming mga mata.
Utang na loob! Huwag mo akong tignan! Mabilis kong hinarangan ang aking mukha at mabilisan na tinungo ang pinto at marahas itong binuksan. Nagmamadali akong pumasok habang nakatakip pa din ang aking mukha na parang isang batang nahihiya.
Pagkasara na pagkasara ng pinto ay agad akong sumandal dito at napaupo. Dalawang kamay na ang nakasapo sa aking dibdib habang nakatingala na lamang ako sa nakikita kong maaliwalas na kalangitan. Hindi ko na muna nais na titigan ang kabuuan ng lugar kung nasaan man ako.
Mas gusto ko munang pakalmahin ang nagwawala kong dibdib. Napayuko na lamang ako at napapikit habang nararamdaman ko ang pagbabago ng aking kasuotan dahil mas balot na ngayon ang aking katawan.
Kusang dumapo ang aking daliri sa aking ibabang labi habang muli akong tumingala. Pumikit ako habang nakadampi ang aking daliri sa labi na kanina lamang ay inangkin ni Mino. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay nakaangat ako sa ere ngunit agad din akong umiling at nagmulat.
Tinampal ko nang bahagya ang aking noo dahil mali itong aking naiisip at nararamdaman. Naikuyom ko ang aking palad at marahas na umiling na para bang maaalis nito ang epekto sa akin ng nangyari kanina. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman dahil parang gusto kong sumaya, mahiya at maiyak dahil sa gulong-gulo ang isip ko ngayon.
"That's interesting," agad akong napatingin sa tinig na aking narinig at agad na tumaas ang kilay ko at tumiim ang aking panga. "This is your fault!" agad akong tumayo at sininghalan ko ang babaeng hindi na nawala ang ngisi sa kaniyang mapulang labi.
"Why me? Ako ba ang humalik?" nakakapanloko niyang saad kaya naman agad akong natigilan at napaiwas ng tingin. "Damn! Malala ka na!" natatawa niyang pahayag sa akin kasabay ng pag-iling. "Do you think this is funny? Making fun of other people's feelings and emotions?" pagtataray ko sa kaniya ngunit prente lamang niyang hinipan ang kaniyang kuko sabay ayos ng kaniyang buhok.
"Come on! It's my duty! Nagustuhan mo naman 'di ba?" natatawa niyang pahayag at napakuyom na lamang ako ng aking kamao. Gusto ko talaga manakit ngayon ng diwata. Ingungudngod ko lang siya sa putikan kahit saglit.
"Didn't like it at all!" matapang kong pahayag sa kaniya ngunit tumawa lamang siya nang malakas habang naiiling. Ilang segundo kaming natahimik na dalawa ngunit agad kong nakita ang pagbabago sa kaniyang ekspresyon. Bakit tila hindi ko gusto ang mangyayari?
"Wanna see what is happening to him right now?" agad niyang saad sa akin at mabilis na akong tumango. Nang tumalikod na siya upang akin na siyang masundan ay tsaka ko lamang napagmasdan ang aking paligid. Ito lang din ang lugar kung saan kami madalas magkita ni Calix.
Bahagya akong natigilan nang makita ko na naman ang malaking puno na nakasaksi ng aming pagkakaibigan. Ang puno kung saan kami bumuo ng ala-ala at kung saan unang nasaktan ang prinsipe ng nyebe.
Ilang sandali pa ay umupo sa damuhan si Circa habang nakasandal siya sa puno. "Come! Huwag ng maarte," pahayag niya sa akin na nagpatalim ng aking paninitig sa kaniya. Umupo na 'ko sa damuhan at sumandal sa puno.
Laking pasalamat ko dahil isang dilaw na bistida na ang aking suot na masasabi kong komportable sa aking pakiramdam. Sa kumpas ni Circa ay agad na nagdilim muli ang paligid ngunit may nakatutok ng ilaw sa malaking puno na tila ba ito ang pinakasentro ng lugar na siyang nagbibigay sa amin ng liwanag.
Agad na napaawang ang aking bibig dahil sa paglabas ng isang makapal at malaking usok. Ilang segundo pa ay may nabuo na tila larawan sa usok at agad akong napasinghap at napatayo dahil sa aking nakitang imahe. "Mino!" agad kong usal sa kaniyang pangalan at akma na sanang tatakbo patungo sa imahe ngunit agad na hinawakan ng diwata ang aking palapulsuan.
Marahas akong napatingin sa kaniya ngunit umiling lamang siya sa akin na tila ba sinasabihan ako na kumalma at maupo na siya namang marahan kong ginawa. Hindi ko maiwasan na makaramdam ng kagustuhan na puntahan siya habang nakikita ko siya na unti-unting lumulubog sa ilalim ng malalim na tubig.
Agad akong natigilan nang mapagtanto ko ang nangyayari. Ang kasuotan niya ay katulad nang gabi na pinaglaruan ko siya at nahulog siya sa ilog. Ito ang gabi na pinagsaluhan namin ang isang mainit na halik sa ilalim ng ilog.
Bahagyang nag-init na muli ang aking pisngi na agad ko namang inilihis sa aking isip. Kitang-kita ko ang hindi niya gumagalaw na katawan na tila ba wala na din siyang balak pa na manlaban at umahon sa madilim na tubig habang sinag lamang ng buwan ang bahagyang nagpapaliwanag sa kaniyang paligid.
Agad na nanlaki ang aking mata dahil sa bigla siyang nagmulat ng kaniyang mata at muli kong nasilayan ang pagiging kulay asul ng mga ito. Kung hindi ako nagkakamali ay nabanggit niya sa akin na habang nasa ilalim siya ay nakipag-usap sa kaniyang ang Dyosa.
Ngunit sabi ni Mino ay hindi niya naunawaan ang sinaad ng Dyosa sa pagkakataon na iyan. Tila lalo akong nanabik na manood dahil baka dito namin mauunawaan kung ano ang kanilang napag-usapan at kung ano ang pinagkasunduan nila.
"Mino?" agad akong kinilabutan nang marinig ko ang tinig ng Dyosa habang nanatiling nakatulala si Mino habang nagniningas ang kaniyang mga mata. "Just leave me alone! Let me die," rinig kong pahayag ni Mino kahit hindi bumubuka ang kaniyang bibig.
"Hindi ka pa maaaring mamatay," malumanay na tinig ng Dyosa. "Para saan pa? Para sa sarili ninyong mga kagustuhan? Maraming tao sa mundo kaya bakit ako ang napili ninyong paglaruan?" marahas niyang pahayag na para bang hindi Dyosa ang kaniyang kausap.
"Hindi mo ba nararamdaman na espesyal ka?" marahan lamang na saad ng Dyosa na lubos kong hinangaan dahil sa haba ng kaniyang pasensya. "Magpapasalamat na ba ako?" sarkastikong pahayag ni Mino ngunit narinig ko ang matamis niyang paghalakhak.
"Hindi ka pa maaaring mamatay dahil-" agad na tumigil ang Dyosa at agad akong napatakip sa aking mata dahil bigla na lamang nagliwanag ang aking pinapanood. Ilang segundo na tila nilamon ng liwanag ang paligid at nang nawala ito ay ibang imahe na ang aking nakita.
Nakikita ko ang isang nakatalikod na lalaki na nakatayo sa isang malawak na damuhan. Nakasuot ito ng pang-maharlikang kasuotan habang tila may tangan ito sa kaniyang bisig. Hindi ko maitatanggi ang kakisigan nito at awtoridad kahit pa nakatalikod ito.
Payapa ang paligid habang sinimulan na niyang igalaw ang kaniyang mga braso na tila ba may hinehele. Ilang sandali pa ay humarap ang lalaki na kilala ko na kung sino kahit pa nakatalikod ito. Agad na nanlaki ang aking mga mata dahil sa nakita ko kung ano ang sinasapo niya sa kaniyang bisig.
Agad na nangatal ang aking mga kamay habang tinititigan ko ang maliit nitong katawan na balot ng lilang balabal habang habang payapa itong natutulog sa bisig ni Mino. Hindi ko mapigilan na mapahanga sa taglay nitong kagandahan kahit sa murang edad. Bahagyang namumula ang mumuti nitong labi habang mahahaba ang kaniyang pilik mata.
Kasing puti ng nyebe ang balat nito habang nagsisimula ng umawit si Mino gamit ang kaniyang nakakahumaling na boses. Tila mas lalo akong nasamento dahil sa pamilyar na awit na aking naririnig mula sa kaniya. Kasalukuyan niyang kinakanta ang awitin na kinanta niya sa akin nang nasa nagyeyelo kaming tahanan. Ang awitin na talaga namang bumabagay sa kaniyang magandang tinig.
Hindi ko alam kung bakit tila hinaplos ang aking puso dahil sa aking nakikita. Walang mapagsidlan ang saya sa mga mata ni Mino habang nakatitig sa sanggol na buong tamis niyang inaawitan. Muling nagwala ang aking puso sa aking nakikita.
Bakit ka ganito Mino? Bakit mo pinagwawala nang ganito ang aking puso? Bakit tila nararamdaman ko ang pagkahulog ng aking buong pagkatao sa tuwing nakikita ko ang ganitong bersyon ng iyong sarili. Bakit tila nagmamarka nang husto sa aking dibdib ang iyong pagkatao?
Mas lalo na akong napaluha nang magbukas ng kaniyang mga mata ang sanggol. Tila binuhusan ako ng isang malamig na tubig dahil sa mga mata nito. Masayang-masaya ang mga mata nitong nakatitig kay Mino habang ang mumunti nitong mga kamay ay pilit na inaabot ang mukha ng lalaking may hawak sa kaniya.
Ang kaniyang mga mata... napakaganda ng mga ito na hindi ko maipaliwanag kung bakit nagwala nang husto ang aking dibdib. Ang kaliwa ay kulay asul habang kulay pula naman ang kabila. Nangangatal ako nang husto sa hindi ko malaman na dahilan.
"Maipapangako ko sa'yo na masisilayan at mahahawakan mo ang bata kapag ginusto mong mabuhay at maging aking mga mata," rinig kong muling kataga ng Dyosa na siyang nagpakalma sa aking nagwawalang sistema. Muling nagliwanag ang imahe ngunit si Mino na ang nakarehistro dito habang nasa kailaliman pa din siya ng tubig.
"Who's that child?" tila kabadong pahayag ni Mino. "Malalaman mo kapag pumayag ka na maging aking mga mata at manatili dito," marahang pahayag ng Dyosa. Ngunit agad akong natigilan dahil hindi ito ang kasunduan na sinabi sa akin ni Mino.
"If I cooperate then she will let me go and bring me back to my world". Ang mga katagang ito ang sinasabi sa akin ni Mino na kanilang napagkasunduan kaya siya pumayag at sumusunod sa Dyosa ngunit iba ang aking nakikita at naririnig. Bakit kailangan niya sa aking magsinungaling? Bakit Mino? Bakit!
"See how evil this world is? Even my freedom ay kailangan ng kondisyon at pagpapahirap!", mapait niyang turan na tila ba sinusumpa niya ang mundo ito. "I will do everything to go back Vreihya! Kahit ang pagtiisan ka at ang mundo na ito ay gagawin ko upang makauwi!". Tila punyal ang kaniyang mga kataga na binanggit sa akin. Pagtiisan? Ako na isang maharlika at halos kabaliwan ng mga lalaki sa mundong ito ay pagtitiisan lamang ng isang mortal? Talagang minamaliit niya ako nang husto.
Mas higit akong naguluhan dahil sa bumalik sa aking ala-ala ang kataga niyang iyon na nagpamukha sa akin na kaya lamang siya nakikisama sa akin at nanatili ay upang makauwi. Nanliit ako nang husto sa kaniyang pahayag ngunit iba ang kanilang napagkasunduan at tila gulong-gulo na ang aking isip kung bakit iba ang kaniyang sinabi sa akin.
"Gawin mo ang lahat upang manatili siya dito Vreihya", agad akong nag-angat ng tingin sa nakakasilaw na liwanag ng Dyosa. "Ngunit nangako kayo sa kaniya na ibabalik mo siya sa kaniyang mundo aking Dyosa", nagtataka kong tanong dahil tila ata hindi magkaugnay ang kaniyang pinangako at ang kaniya ngayong pinag-uutos sa akin. "Gusto kong ihanda mo siya sa lahat ng kaniyang malalaman at ang pangako ko sa kaniya ay ako na ang bahalang tumupad", marahan at ma-awtoridad nitong pahayag sa akin na siyang lalong nagpalito sa akin.
Tila hindi na kinakaya ng aking utak kung bakit magkasalungat ang mga sinabi ng Dyosa at ni Mino sa akin sa aking nakikita at naririnig ngayon. Bakit kailangan nila akong lituhin nang ganito. Habang iniisip ko pala na pinagtitiisan lamang ako ni Mino na pakisamahan para makauwi at ginagawa niya lahat ng ito para makabalik siya ay iba pala ang tunay na dahilan.
Isang sanggol ang dahilan kung bakit niya ito ginagawa lahat. Ang kaniyang pagtitiis ay para sa isang sanggol na kaniyang tangan at inaawitan. Isang bata na hindi ko kilala ngunit iba ang epekto sa akin. All this time his actions are really genuine from the start dahil hindi ang pansariling kagustuhan na makauwi ang dahilan.
"Humihina na ang aking kapagyarihan dahil malapit na kong mapalitan kaya naman kailangan kita upang magsilbing aking mga mata sa mundong ito. Ikaw ang aking magiging daan upang pagmasdan ang lahat," agad na pahayag ng Dyosa na naalala kong nabanggit sa akin ni Mino.
Ilang segundo na tumahimik ang paligid na para bang nag-iisip pa si Mino habang nakamulat lamang ang kaniyang mga mata. "Fine! You have a deal," agad na pahayag ni Mino. "Salamat Mino," agad na masayang pahayag ng Dyosa na siyang lalo kong pinagtataka.
Ilang minuto pa ay muling pumikit si Mino at nagsimula na itong umubo na tila ba nahihirapan na siyang huminga sa ilalim. Ito na ang pagkakataon na lumangoy siya paakyat at hilahin ako hindi ba? Nasa ganoon akong pag-iisip at hinihintay na lumangoy siya pataas ngunit agad akong kinabahan dahil hindi ito ang kaniyang ginagawa.
Anong nangyayari? Bakit hindi siya tumataas? Unti-unti kong narinig ang paghina ng tibok ng kaniyang puso kasabay ng tila pagkawala ng malay. "By the way he is drowning in real time," prente lamang na pahayag ni Circa at agad akong tumayo at tumakbo sa direksyon ng imahe.
"Damn Mino! Hindi ka pa maaaring mamatay! Marami ka pang ipapaliwanag sa akin!" malakas kong sigaw sabay lumandag ako para pasukin ang usok tsaka ko naramdaman ang pagyakap sa akin ng tubig sa malalim na ilog.