Chereads / One Bite To Another / Chapter 15 - BLEED

Chapter 15 - BLEED

Ilang beses pa nga ba akong masusurpresa sa mga kayang gawin ni Mino at kung bakit siya ang ginamit bilang mata ng aming Dyosa? Maraming mga bampira sa mundong ito na kayang-kaya makihalubilo sa mga nilalang na nandirito ngunit bakit sa isang tao pa na malalagay sa panganib napiling umanib ng Dyosa? Ilan na ba ang katanungan na namutawi sa aking isip simula nang dumating ang lalaki na ito sa aking mundo? Ilang beses na ba halos masira ang aking pag-iisip sa mga katanungan na ito na patuloy pang nadaragdagan imbis na nasasagot.

"Ma...mahal na Dyosa?", naginginig kong banggit sa Dyosang nagbibigay sa amin ng buhay. Hindi pa din talaga ako makapaniwala na kaharap ko siya ngayon. Nang magwagi ang aking Inang reyna sa turnamento ay isa pa lamang akong musmos ngunit ngayon ay muli ko siyang nasilayan. "Vreihya, hayaan mo na ako ang magprotekta sa kaniya. Ipinapangako ko na hindi ko papabayaan ang iyong kapareha". Sadyang malumanay na tila musika sa aking pandinig ang kaniyang napakagandang tinig. Sa boses pa lamang niya ay makakaramdam ka ng kapangyarihan na kaniyang taglay.

"Nais kong malaman kung bakit ganito na lamang ang iyong pagtatangi sa kaniya mahal na Dyosa ng buwan", bahagya kong iniyuko ang aking ulo upang magbigay galang sa kaniya habang ramdam ko ang panginginig ng aking katawan. "Sa tamang panahon Vreihya ay kapwa ninyo malalaman ang katotohanan", malumanay nitong turan sa akin at muli na naman akong niragasa ng katanungan at pagtataka. Katotohanan? Anong katotohanan?

"Gawin mo ang lahat upang manatili siya dito Vreihya", agad akong nag-angat ng tingin sa nakakasilaw na liwanag ng Dyosa. "Ngunit nangako kayo sa kaniya na ibabalik mo siya sa kaniyang mundo aking Dyosa", nagtataka kong tanong dahil tila ata hindi magkaugnay ang kaniyang pinangako at ang kaniya ngayong pinag-uutos sa akin. "Gusto kong ihanda mo siya sa lahat ng kaniyang malalaman at ang pangako ko sa kaniya ay ako na ang bahalang tumupad", marahan at ma-awtoridad nitong pahayag sa akin na siyang lalong nagpalito sa akin. Ihanda sa malalaman na ano? Tila yata sa aking pagtatanong ay mas lalo lamang akong naguguluhan imbis na makatanaw ako ng kalinawan. Ano ba ang inililihim mo sa akin mahal na Dyosa? Sino nga ba si Mino para sa iyo? Isang simpleng mortal nga lang ba ang taong inilayo namin sa kanilang mundo?

Akma pa sana akong magtatanong ngunit nasaksihan ng aking mata kung paano tila sinisipsip ang liwanag upang bumuo muli ng isang pigura at unti-unti itong humina tsaka ko nakita ang katawan ni Mino habang pumapasok sa kaniyang dibdib ang asul at puting liwanag. Nang magmulat siya ng kaniyang mata ay tsaka ko nakita ang nanlilisik nitong pagtitig sa akin. Akma na sana akong magsasalita ngunit nakarinig ako ng isang malakas na pagtama sa lupa. Agad akong nagtapon ng paningin at nakita ang hari ng Berbantes na tumilapon dahil sa pwersa ng aking minamanipulang mga bulaklak na may dambuhalang mga baging. Ang iba pa sa kaniyang mga kasama ay pilit na umiiwas sa asidong binubuga ng aking mga bulaklak.

"Itigil mo iyan Vreihya! Kaguluhan ang mangyayari kapag napatay mo sila", seryosong pahayag ni Mino sa akin at hindi ko alam kung bakit ngunit sa aking kumpas ay tumigil sa paggalaw ang aking mababangis na mga halaman. Agad akong tinapunan ng nagtatakang tingin ni Ina at Tiyo at tila nagtatanong sila kung bakit ako tumigil. Hinihingal na napatitig sa akin ang mga reyna at hari na akala mo kung sino kung manggulo. Sa aking hudyat ay muling umuga ang lupa at dahan-dahang bumalik sa lupa ang aking mga halaman. Hindi ko maiwasan na mainis dahil nasira ang ilang parte ng aking hardin.

Akma na sana akong magsasalita ngunit biglang humakbang papalapit si Mino sa tabi ng aking Inang reyna at agad na din akong sumunod upang tumabi sa kaniya. Agad akong namangha sa kung paano siya tumindig na tila kaisa siya sa amin na mga maharlika. Hindi ko siya nakikitaan ng takot ngunit hinihiling ko na sana ay hindi lamang siya nagpapanggap.

"Iharap ninyo sa akin ang gusto niyong iharap! Papatunayan ko na ako ang karapat-dapat para sa prinsesa!", agad na nanlaki ang aking mga mata dahil sa bigat ng mga kataga na kaniyang binitawan. Hindi ko alam pero hinampas ako ng libo-libong kaba. Hindi niya kakayanin at mapapahamak lamang siya. Isa pa, batid ko na wala siyang pag-ibig para sa akin at ganoon din ako sa kaniya. Paano niya patutunayan na siya ang karapat-dapat kung walang pag-ibig para sa akin upang tunay siyang lumaban. Hindi ko alam pero napangisi ako ng mapait dahil sa sumaging muli sa aking isip ang dahilan ng lahat.

Sinusunod nga lamang pala niya ang nais ng Dyosa upang makabalik siya sa mundo. Nasabi na nga pala niya sa akin kanina na handa siyang magtiis at gawin ang kahit ano para lamang malayo na sa akin at sa mundong ito. Hindi pag-ibig ang dahilan ng kaniyang pakikipaglaban ngunit para lamang makabalik sa kaniyang mundo. Hindi ko alam ngunit tila kinurot ang aking puso pero agad din akong umiling dahil bakit kailangan makaramdam ako ng kirot? Nais ko din naman na matapos na ang lahat ng ito hindi ba?

Tumindig na nang matuwid ang mga hari at reyna na tila ba hindi sila nahirapan sa pakikipagtunggali kanina at kapwa sila nagbato ng ngisi at malalamig na titig sa amin. "Nangangako kami na kung magwawagi ang lalaki na iyan sa duwelo ay hindi na namin guguluhin ang inyong kaharian at nasasakupan", madiin na turan ni reyna Marayca habang madiin ang paninitg kay Mino na tila ba minamaliit niya ito.

"Hindi ako papayag na tanging salita lamang ang aming panghahawakan. Manunumpa kayo sa Dyosa ng buwan", madiin na turan ni Ina at agad akong napatingin sa kaniya dahil napakaganda ng ideya na iyon ni Ina. Sa aming mundo ang pagsumpa sa Dyosa ng Buwan ay mabigat at may kalakip na parusang kamatayan kapag hindi ito tinupad. Hindi nakaligtas sa akin ang ginawa na pagngisi ni Tiyo sa tinuran ng aking Ina at sigurado ako na tuwang-tuwa na naman siya sa kanyang kakambal.

Sa tinuran ni Ina ay nakita ko kung paano tila natigilan ang aming mga kaharap. Sinasabi ko na nga ba na kung hindi pa ipag-utos ni Ina na manunumpa sila sa Dyosa ay may balak sila na hindi tumupad. Napakabigat ng isang pangako sa aming mundo lalo na kung ang pangako na ito ay mamamagitan sa mga kaharian. "Baka nakakalimutan ninyo na hawak namin ang mga taga-baryo. Hindi kami papayag na kailangan pang mangako sa Dyosa dahil kung hindi kayo papayag sa aming mga salita ay hindi niyo na sila makikitang muli", punong-puno ng kayabangan ang turan ni Haring Arthur. Sinasabi ko na nga ba at lilinlangin lamang nila kami at muli na namang ipananakot ang kanilang mga dinukot na aming nasasakupan. Humahaba na talaga ang usapan na ito! Akma na sana akong magsasalita ngunit lahat kami ay nagtapon ng tingin kay Tiyo na bigla na lamang tumawa nang malakas at nakapangloloko. Agad na umawang ang aking bibig dahil nagawa niya pang tumawa sa pagkakataon na ito. Nakita ko din ang mahinang hampas sa kaniya ni Ina na tila ba pinatitigil siya sa walang lugar niya na pagtawa.

Maging ang mga taga-ibang kaharian ay kunot-noong nakatingin sa kaniya. Ano ba ang pumasok sa isip ni Tiyo at nagawa pa niyang tumawa? Minsan talaga ay hindi ko na siya naiintindihan.

"Sila ba ang tinutukoy ninyo?", nakapanlolokong usal ni Tiyo sabay turo sa taas at kapwa kami nagsiangat ng paningin at agad na nanlaki ang aking mata sa aking nasilayan. Lumilipad si Silvestre at tangan niya sa kaniyang mga paa ay isang malaking kulungan kung nasaan ang mga nawawala naming mga nasasakupan na taga-baryo. Agad akong napangisi dahil kaya pala bigla na lamang nawala si Silvestre ay dahil hinanap na nito ang mga taga-baryo.

Sa pagbaba ng aking paningin ay nasilayan ko kung paano nagsi-igting ang mga panga ng aming mga kaharap. Hindi ko mapigilan na mapangisi dahil wala na silang ipapanakot pa sa amin. "Sa susunod ay galingan naman ninyo sa pagtatago", puno ng kayabangan ang tinuran ni Tiyo at sabay-sabay na nagkulay pula ang mga mata ng mga hari at reyna na tila ba gusto na nila kaming sakmalin. Pambihira ka talaga Tiyo. Sa aking pagkakaunawa ay pinauwi lamang ako dito ni Tiyo upang palabasin sa kanilang mga lungga ang aming mga kaaway upang mas madali niyang mahanap ang mga taga-baryo.

"Manunumpa kayo sa Dyosa sa ayaw niyo o sa hindi upang makuha ninyo ang gusto ninyong duwelo", ma-awtoridad na turan ni Ina dahil dapat na namin samantalahin ang kanilang sinabi upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari. Natatakot man ako para sa buhay ni Mino ngunit kumakapit ako sa pangako ng Dyosa na hindi niya hahayaan na may mangyari sa kaniya. Punong-puno ng galit ang kanilang paninitig sa amin dahil kung kanina ay kami ang tila dehado sila naman ngayon ang walang pamimilian kundi ang sumunod sa kondisyon ng aking Ina. Agad na humakbang si reyna Marayca at agad na tumingala habang umuusal ng mga kataga."Ako si Reyna Marayca ng Nordalez".

Agad na ding sumunod sa kaniya at tumingla sa kalangitan ang kaniya pang mga kasama upang magsambit na din ng mga kataga.

"Ako si Reyna Elena ng Salizte".

"Ako si Haring Ozyrus mula sa kaharian ng Berbantes".

"Ako ang hari ng Calixtas na si Haring Arthur".

"Ako si Haring Zakarias ang namumuno sa Les Padas".

"Kami ay nangangako na hindi na guguluhin ang kaharian ng Zecillion at ang kanilang mga nasasakupan!", sabay-sabay nilang usal at hindi nagtagal ay dumilim ang kalangitan na tila bigla na lamang naging gabi. Agad akong humanga ng biglang lumitaw sa kalangitan ang napakalaking bilog na buwan. Sabay-sabay na bumuka ang mga bibig ng mga nangangako at naglabas ito ng liwanag na siyang gumuhit sa kalangitan. Sa mundong ito ay malalaman talaga kapag may mga bampirang mangangako dahil bigla na lamang gumagabi at lumalabas ang Dyosa upang dinggin ang kanilang mga pangako. Nakasisilaw ang liwanag na mula sa kanila. Unti-unting humihina ang liwanag at kasabay nito ay ang unti-unting pagliwanag ng paligid dahil dapit-hapon pa lamang sa mundong ito at unti-unting nawala ang Dyosa.

"Simulan na ang paligsahan!", madiin na turan ni Ina na ramdam kong kanina pa din nais matapos ang lahat ng ito. Hindi ko mabatid kong kinakabahan ba si Mino dahil maging ang tibok ng kaniyang puso ay ikinubli na din ng epekto ng aking dugo sa kaniya. Hindi maalis sa aking isip na paano kung bigla na lamang mawala ang epekto ng aking dugo sa kaniya at lumabas muli ang kaniyang samyo ay ano na lamang ang mangyayari sa kaniya?

Ilang minuto pa ay nasa loob na kami ng isang malaki at malawak na silid kung saan kakasya ang daan-daan na mga manonood. Pinapalibutan ng pataas na mga upuan ang malawak na lupain sa ibaba kung saan magaganap ang mga labanan. Nasa magkakabilang sulok ang mga hari at reyna habang ako, si Tiyo at si Ina ay nakaupo sa aming mga trono na nasa mataas na posisyon upang mas makita namin ang lahat. Ramdam na ramdam ang mabigat na atmospera sa loob ng pagdadausan ng tila isang tornamento. Hindi ko maiwasan na mag-alala para sa mortal kahit pa hindi siya papabayaan ng mahal na Dyosa ngunit ang kaniyang katawan ay paniguradong hindi sanay sa ganitong uri ng laban.

Ilang minuto pa ay pumasok na mula sa isang pintuan ang tagapangasiwa ng laban at tumnidig siya sa kalagitnaan at isa-isang yumuko sa mga hari at reyna na naririto. "Isang pagbati sa mga minamahal at iginagalang na mga reyna at hari ng iba't-ibang kaharian. Masasaksihan natin ngayon ang isang pribadong tornamento upang makuha ang kamay ng pinakamamahal na prinsesa Vreihya Amely Zecillion!", malakas na usal ng tagapangasiwa na tanda na magsisimula na ang laban na lalong nagpapatindi ng aking kaba. "Tinatawagan ang kapareha ng mahal na prinsesa!", mabilis nitong usal sabay turo sa pintuan na kaniyang pinaglabasan kanina at muli ko na naman nasilayan ang kakisigan ng mortal. Mas lalong napaawang ang aking labi nang makita ko siya na walang pang-itaas na kasuotan. Damn! Why is he displaying that gorgeous body? Agad na tumikhim si Tiyo at bahagyang tumingin sa akin na tila ba sinusuway ako na huwag tumitig ng todo. Agad ko naman siyang tinaasan ng kilay dahil hindi naman ako nakatitig ah!

"Gaya ng nakasanayang tuntunin sa mga tornamento ang unang mawawalan ng malay o ng buhay ay siyang talo!", malakas na pahayag ng tagapangasiwa.

"Ang unang katunggali ay walang iba kundi ang prinsipe ng kaharian ng Salizte!", agad na napaawang ang aking bibig sa pagsambit ng tagapangasiwa. Bakit kailangan na ang prinsipeng iyan pa ang dapat na mauna. Hindi ko na nagugustuhan kaagad ang labanan na ito. "Prinsipe Calix!", ang kaniyang pagtawag ay siyang hudyat kay Ina upang tumayo at gumawa ng portal na may tamang laki upang makalabas ang isang nilalang. Agad na nag-init ang aking dugo nang masilayan ko sa portal ang prinsipe na prenteng nakatayo at tila naghihintay. Dahan-dahan niyang tinawid ang portal na tubig at sa kaniyang paglabas ay tumigil sa pagkumpas si Ina at nawala ang portal.

Nang maglakbay kami noon upang magtago ay hindi ginamit ni Ina ang kaniyang portal upang mabilis kaming makapunta sa aming pupuntahan dahil ayaw niyang subukan na magpadaan ng isang mortal doon dahil baka hindi kayanin ng katawan ni Mino ang puwersa kaya napilitan kaming maglakbay. Agad na tumaas ang aking kilay sa pagsalubong ng titig sa akin ng prinsipe kasabay ng kaniyang mapanlokong ngiti. "Ito na ba ang iyong kapareha Vreihya?", mayabang nitong tanong sa akin habang lumipat na ang kaniyang paninitig kay Mino na hindi na gumagalaw sa kaniyang kinatatayuan.

"Huwag mo muna ngayon painitin ang ulo ko Calix!", pambabara ko sa prinsipe na sa kayabangan ata pinaglihi ngunit nginisian niya lamang ang aking pahayag. " Hindi hamak na mas makisig at mas magandang lalaki naman ako kaysa sa kaniya!", mayabang ulit niyang tugon. Meet Calix, isa sa mga prinsipe na nagtangkang makuha ang aking puso but I rejected him badly. Agad akong umiling sa kaniyang tinuran dahil mas higit na makisig si Mino at mas doble ang kaniyang kagwapuhan kaysa sa prinsipe ng nyebe.

"Ikaw ba ang prinsipe ng kadaldalan?", agad na nanlaki ang aking mga mata sa malamig na turan ni Mino. Agad na tumalas ang paninitig sa kaniya ni Calix na alam kung nakaramdam ng pagkapikon sa tinuran ni Mino. Kakaiba ka talaga Mino, saan ka nakakakuha ng ganiyang uri ng katapangan? You really amaze me. "Mas gusto mo pala sa lalaking kasing talas ng iyong dila mahal na prinsesa", naiiling na turan ni Calix na tila ba biro lamang ang nangyayari para sa kaniya.

"Huwag ng patagalin pa ito!", agad na tumindig si Tiyo kasabay ng kaniyang ma-awtoridad na pagkakasambit. Hindi ko pinahalata na tila kinakabahan ako sa maaaring mangyari ngunit inilabas na ng tagapangasiwa ang kaniyang tambuli tsaka ito hinipan. Umalingawngaw sa malawak na silid ang tunog nito na hudyat na umpisahan na ang duwelo. Unti-unti kong naramdaman ang pagbaba ng temperatura sa paligid kasabay ng paglabas ng isang matalim na punyal na yelo mula sa kamay ni Calix. Entrante! Mag-iingat ka Mino!

Agad na lumundag si Calix at umangat sa ere habang patungo siya sa kinatatayuan ni Mino na siyang prente lamang na nakatingin. Kasabay ng paglapag ni Calix ay ang paghataw niya ng kaniyang punyal ngunit agad akong nagulat sa mabilis na pag-ilag ni Mino ngunit muli siyang hinataw ni Calix na mabilis din niyang naiwasan na tila sanay na sanay siya sa pakikipagdigmaan ngunit agad akong nabigla ng ikumpas ni Calix ang kaniyang kamay kasabay ng pagkakaroon ng yelo sa sahig na inaapakan ni Mino at agad siyang nawalan ng balanse. Sinamantala ito ni Calix upang umatakeng muli at itarak kay Mino ang kaniyang punyal ngunit dalawang kamay ni Mino ang nakasalo upang hindi ito tuluyan na maitarak sa kaniya.

Hirap na hirap si Mino sa pagpigil at agad naman akong tumayo ngunit naramdaman ko ang pagpigil sa akin ni Tiyo. "Hindi ka dapat makialam Vreihya!", malamig nitong saad. Mas lalo akong kinabahan dahil papalapit nang papalapit ang punyal kay Mino ngunit biglaan siyang nakatayo at pinatid ng prinsipeng punong-puno ng panggigigil. Napangisi lamang si Calix habang siya ay nakasalampak sa lupa at bigla siya naglabas ng matatalas na yelo na siyang sunod-sunod niyang itinira kay Mino. Agad na inilayo ni Mino ang kaniyang sarili habang mabilis na umiiwas sa mga nagliliparang matatalas na yelo. Alam ko na nagkakaganyan siya sa tulong Dyosa ngunit baka hindi na matagalan ng kaniyang katawan ang ganitong labanan.

Agad na nanlaki ang aking mata ng naganap na ang aking kinatatakutan. Agad na napainda si Mino nang mamali siya ng hakbang at tumarak sa kaniyang braso ang punyal na mabilis na itinapon sa kaniya ni Calix.

Damn! He is bleeding!