LILY
Ramdam ko ang hangin, sobrang lakas na nito na halos hindi ko maidilat ang mga mata. Patagal ng patagal ay sumasakit ang hampas nito sa aking balat. Nakita ko ang ulap, lumilipad ba ako…hindi, nahuhulog ako.
Matatakot ba ako. Paano kapag panaginip pala ang lahat ng ito.
Nahagip ng mata ko ang isang helicopter sa ere. May lalaking nakadungaw. Nanlalabo ang paningin ko pero narinig ko ang tawag niya. Ngunit nabibingi ako sa lakas ng hangin kaya hindi malinaw kung ano ang sinisigaw niya.
Mabilis akong nahulog. Biglang bumilis ang ikot ng oras at humampas ang katawan ko sa tubig.
Manhid ang katawan ko at paralisado. Kaya wala akong nagawa ng lumubog ako sa ilalim ng dagat. Nakita ko ang mga bula ng hininga ko.
Ito na ang katapusan ko.
Nagising ako. Madilim ang paligid. Umaalog ang bangka dahil sa alon. Teka, bangka?
"Sino ka?" garalgal kong tanong sa lalaki. Naka suot ito ng cap at nakajacket. Hindi ito sumagot ngunit inabutan ako ng tubig. Inilabas ko ang kamay mula sa kumot. Sa kaniya ba to?
Ininom ko Ang tubig.
"Salamat" ibinigay ko sa kaniya ang plastik na bote. Tinanggap niya ito ngunit itinapon sa dagat. "HEY" saway ko. Hindi ba siya concerned sa dagat? Nakita ko ang lambat niya. Mangingisda pa man din siya.
Tumitig ang lalaki kaya tumahimik ako. Humigpit ang hawak sa mainit na kumot.
Tahimik kami habang lulan ng bangka. Hanggang sa marating namin ang dalampasigan ng isang isla. Malaki at maliwanag ang buwan. Wala akong nakitang tao sa paligid. Bumaba ang lalaki kaya sumunod ako. Tahimik niyang kinuha ang lambat at pangsagwan at umalis. Tinignan ko ang paligid, walang akong magawa kundi ay sumunod kahit hindi ko siya kilala.
Sana ay hindi niya ako saktan. Ayaw ko pang mamatay.
Mayamaya ay narating namin ang isang maliit na kubo. Tipikal na bahay ng isang mangingisda. Pumasok ang lalaki pero naiwan ako sa labas. Papasok din ba ako?