Chereads / Tailing Taiga Rosseau (BXB) / Chapter 9 - Kabanata 8 (Pagbawi)

Chapter 9 - Kabanata 8 (Pagbawi)

Kabanata 8

Pagbawi

Araw ng Miyerkules. Nasa kalagitnaan kami ng linggo ngayon at sobrang busy namin dahil na rin sa midterm exams sa mga subjects namin. Abala ako sa pagtapos ng mga plates at pagre-review para sa exam. Minsan nga napupuyat pa ako para lang makapag-aral. Hindi naman ako katulad ni Taiga na kahit hindi mag-review, nakakapasa sa exam. I'm not a genius. Sipag lang ang puhunan ko.

Speaking of the devil. Matapos ang sagutan namin sa kotse noong gabi ng Sabado, hindi ko pa siya nakakausap. Nag-aral lang ako nang mabuti noong Linggo para sa pagsusulit namin noong Lunes. Ayoko na rin kasi gaanong isipin yung sinabi niya.

Ano raw? Ako? Heartbreaker? Sa paanong paraan? Dahil ba sa nasasaktan ko na si Christiana sa pagpupumilit ko kay Taiga na i-date siya? Kung iyon ang dahilan, hahayaan ko na siya. Kung si Phoemela talaga ang gusto niya, ehdi si Phoemela ang pormahan niya. Sabagay, nitong mga nakaraang araw, si Phoemela ang kasama niya.

Hindi nga siya sumabay sa akin sa pagpasok at pag-uwi noong Lunes. Sumabay lang siya noong Martes pauwi nang mag-gym kami pero hindi naman siya nagsasalita. Tahimik lang kaming dalawa. Tila walang gustong maunang magsalita. Siguro asar pa rin siya sa akin dahil sa sagutan namin. Hayaan ko muna siyang magpalamig ng ulo.

'Yun ang pinakamabigat na dahilan na naiisip ko kung bakit inis sa akin si Taiga. Kaibigan niya ako kaya dapat matuto akong lumugar. Maaari akong magbigay ng suggestion sa kanya, pero siya pa rin ang magdedesisyon. Hindi ko pwedeng ipilit. Hindi ko pwedeng ipilit sa kanya na si Christiana na lang ang magustuhan niya.

Pumasok pa nga sa isip ko na baka seryoso nga si Taiga sa sinabi niya na mahal niya raw ako noong nagvideo call kami pero agad ko naman itong tinanggal sa isip ko. Imposible iyon. Hindi iyong mangyayari.

Tapos na ang pagsusulit namin sa huling subject namin. Hindi namin kaklase dito si Christiana. Nagligpit na ako ng gamit at nilapitan si Taiga na katabi si Phoemela.

"Tara, bro! Uwi na tayo." Aya ko sa kanya.

Napatingin si Taiga sa akin at lumingon kay Phoemela sa kanan niya.

"Aalis kami ni Phoemela ee. May puntahan daw kami." Tipid niyang sagot.

Nalungkot ako sa sinabi niya. Balak ko pa namang magkaayos na kami ngayon. Ilang araw na ang nakakalipas at ganito pa rin kami sa isa't isa. Miss ko na ang bestfriend ko. Hindi ko na yata kaya na magtagal pa ng isang linggo na ganito kami.

"Ganoon ba? Sige una na ako. Bye, Bro! Bye Phoemela! Ingat kayo!" pagpapaalam ko sa kanila. Nagpaalam sa akin si Phoemela at bumeso.

Tumalikod na ako sa kanila at maglalakad na sana nang hawakan ni Taiga ang balikat ko. Nakatayo na pala siya para pigilan ako sandali sa pag-alis.

"Sabay ako bukas. Diretso tayo gym, right?"

Tipid na tango at ngiti lang ang iginawad ko sa kanya at tumalikod na muli ako.

"Ingat, bro!" pagpapaalam niya sa akin. Itinaas ko lang ang kanang kamay ko at dumiretso na palabas ng classroom.

Pinagbutihan ko na lang nang husto ang pag-aaral sa gabing iyon. Ayaw ko lang mabakante ang utak ko at isipin ko pa kung saan nagpunta sila Taiga at Phoemela. Nakakalungkot lang na kaya niyang tiisin na hindi kami okay. Wala ba kaming pinagsamahan? Salamat na lang sa lahat kung ganoon.

Kinabukasan, pinagbuti ko ang pagsagot sa pagsusulit. Natagalan lang ako sa pagsagot sa essay pero tingin ko naman ay papasa ako.

Napaunat ako ng kamay nang makatapos ako ng exam. Tumayo na ako dala ang gamit at ipinasa sa propesor ko ang papel at blue book. Lumingon ako sa upuan ni Taiga. Wala na pala siya sa upuan niya. Nag-alphabetical order kasi sa seating arrangement ang propesor namin at pinaghiwa-hiwalay ang mga upuan. Partida set A at set B na nga ang exam.

Pagkalabas ko, nakasandal sa dingding si Taiga habang nakahalukipkip. Bumaling ang tingin niya sa akin nang maramdaman niya ang presensya ko.

"Tara, bro! Kain tayo? May klase pa tayo mamaya 'di ba? 'Di ko pa tapos plates ko. Due na pala 'yun this week." Anyaya niya sa akin.

"Sige. Saan tayo kakain? May alam ka?" tanong ko.

"Parang gusto kong mag-bulalo. Nakaka-drain mga exams. Masarap daw sa Digong's Super Bulalo."

"Saan naman 'yun? Malapit lang? Magdadala ba akong kotse?" tanong ko habang naglalakad na kami palayo sa classroom.

"Dyan lang naman 'yun sa J.P Rizal. Kaso mas safe na mag-commute na lang tayo. Baka mahirapan ka mag-park. Lunch time pa naman. Maraming tao."

Tumango ako sa kanya. Nag-usap pa kami ng kaunti sa plates na hindi niya pa natatapos. Tinapos ko na iyon noong Linggo pa para makapag-focus ako sa exam namin ngayong linggo.

"Taiga, wait!" sigaw ng isang babae. Napalingon kaming magkaibigan sa pinanggagalingan ng boses. Si Phoemela.

"Oh, Phoemela! Bakit?" tanong ni Taiga.

"Sabay na tayong mag-lunch! Saan kayo?"

"Dyan lang sa Digong's." tipid na sagot niya.

"My God! Tamang-tama! Nagke-crave akong kumain ngayon ng bulalo. Sabi na nga ba bagay na bagay talaga tayo! Kanina ko pa iniisip kumain niyon. Stressing kasi ang midterms!" masiglang sabi ni Phoemela.

Napalingon pa sa akin si Taiga na para bang nagtatanong kung payag akong sumama si Phoemela. Tumango ako sa kanya. Wala rin naman akong magagawa. Kabastusan kung magsinungaling pa kami ni Taiga para lang gumawa ng paraan nang sa gayon ay hindi namin makasama si Phoemela.

Magkasabay na naglalakad si Phoemela at Taiga sa harap ko. Naka-abri siete pa nga ang kamay ni Phoemela sa kaibigan ko. Ilang sandali pa, nakasakay na rin kami ng jeep papuntang Digong's.

Napapagitnaan namin ni Taiga si Phoemela pero nakasandal ang katawan niya sa dibdib ni Taiga. Napapatingin na nga ang ilang pasahero sa kanila. PDA na masyado. Hindi ko na lang sila tinitingnan at pinakikialamanan. Baka magkainisan pa kami ni Taiga tulad ng nangyari noong pinakialamanan ko kung sino ang mas bagay na i-date niya.

Nakarating na rin kami sa Digong's Super Bulalo. Nakakuha na kami ng upuan na pang-apatan at nakaorder na. Nasa harapan ko ang mga kasama ko. Naglaro na lang ako ng games sa cellphone ko at paminsan-minsan ay napapatingin sa dalawang taong nasa harap kong naglalandian. Bumubulong si Phoemela kay Taiga at hindi ko marinig kung ano'ng pinag-uusapan nila. Basta ang naririnig ko lang ay ang tila may landing pagtawa ni Phoemela na pumapalo pa ang kamay sa katawan ni Taiga.

Tuwing titingin ako sa kanila at nahuhuli ako ni Taiga na nakatingin, agad kong inililihis ang tingin ko.

Dumating na ang order namin. Itinabi ko muna ang cellphone ko at pumikit. Nagdasal muna ako bago lantakan ang pagkain. Nakakagutom ang amoy ng bulalo. Akala ko kanina mawawalan ako ng ganang kumain dahil sa mga kaharap ko.

Pagdilat ko, ipinatong ni Taiga sa harap ko ang mas maliit na serving ng bowl na naglalaman ng sabaw at laman ng bulalo. Hindi rin naman nagpatalo si Phoemela at sinandukan niya si Taiga ng bulalo mula sa malaking bowl ng bulalo.

Nagpasalamat ako kay Taiga at tahimik na lang na kumain. Anyway, hindi rin naman ako makasabay sa kwentuhan nilang dalawa. Dapat pala hindi na lang ako sumama. Out of place ako sa kanilang dalawa. Hindi naman kami close ni Phoemela. Kinakausap din naman niya ako pero puro tango at ngiti lang ang sinasagot ko sa kanya. Siguro she's trying to win me because I'm the bestfriend of the man she likes.

Tumingin ako sa dalawang nasa harap ko bago hinigop ang sabaw mula sa kutsara. Pinunasan pa ni Phoemela ang labi ni Taiga at ang nakakagulat sa ginawa niya, agad niyang isinubo ang daliri niyang pumahid sa gilid ng labi ni Taiga. Muntikan na akong mabulunan. Napabaling na lang ako sa gilid ko at nagulat nang may umupo sa bakanteng upuan sa kanan ko.

"Theo, nandito ka rin pala!" hindi makapaniwalang bulalas ni Leo.

"Oh, musta?"

"Saks lang. Masakit ulo dahil sa exam. I'm with my classmates sa isa kong subject. We're eating dyan sa kabilang eatery. Kanina pa dapat kita lalapitan pero hindi pa kasi ako tapos kumain." Pagpapaliwanag niya.

"Leonidas? Ikaw na ba 'yan?!" hindi makapaniwalang wika ni Phoemela.

Kumunot ang noo ni Leo at napalingon ng tingin kay Phoemela.

"P-Phoemela? Ikaw na 'ba yan? Ang tagal na noong huling kita ko sa'yo aa!" ngiting sabi ni Leo. Bumaling siya sa akin. "Theo, si Phoemela, kababata ko ito, kapitbahay namin dati. Lumipat na kami ng bahay kaya nawalan kami ng communication dalawa." Paliwanag niya.

"Oo nga ee. My gosh! Dito lang pala tayo sa UP magkikitang muli. I miss you so much na, Leonidas. Let's catch up soon?!" anyaya ni Phoemela.

"Sure, pahingi ng number mo. Text kita kapag free ako."

Ibinigay ni Leo ang cellphone niya kay Phoemela. Nag-type naman si Phoemela sa cellphone ni Leo. Napadako ang mata ko kay Taiga na walang reaksyon. Nang makita kong nakatingin siya sa akin, napaayos ako ng upo at umiwas ng tingin.

"Ikumusta mo ako sa mga parents mo, Phoemela. Dalaw ako sa inyo next time." Sabi ni Leo na nakapagbigay ng matamis na ngiti kay Phoemela.

Tapos na akong kumain kaya naman inayos ko na ang pinagkainan ko sa isang tabi.

"Bye the way, Theo." Napabaling ang atensyon sa akin ni Leo. Inilapit niya ang upuan niya sa tabi ko at ipinatong niya ang kanang siko niya sa mesa habang ang kaliwang kamay ay nasa upuan ko. Para bang nakakulong ang katawan ko sa kanya.

"Yung favor ko sa'yo about sa case study ko? Naaalala mo? I need to do it na kasi by next week. Pahingi na rin ako ng number mo in case na need kitang hanapin sa UP para sa study ko." Paliwanag niya.

Inabot niya ang cellphone niya sa akin kaya hindi na ako nag-aksaya ng oras at inilagay ang number ko. Pagkatapos kong ibalik, nagulat ako nang mag-vibrate ang cellphone ko. Kinuha ko ito sa bulsa ko.

"That's my number. Save it and I'll call you tonight after kong ma-finalize yung case study ko." Nakangiting sabi ni Leo. Tumango na lang ako sa kanya at tipid na ngumiti.

"Let's go!" anyaya ni Taiga na agad na tumayo sa kinauupuan.

"Aalis na? Hindi pa tayo bayad, bro!" pagpapaalala ko.

"Binayaran ko na. You are too engross with your chitchat that's why you did not notice me paying our bill." Sabi niya.

Tumayo na rin si Phoemela mula sa pagkakaupo at kumawit muli ng kamay sa braso ni Taiga.

"Don't be rude na, babe! I told you that Leo is just a childhood friend. Huwag ka nang magselos sa kanya, please! You already know that I really like you!"

Masamang nakatingin sa amin ni Leo si Taiga. Tumalikod na rin siya at naglakad kasama si Phoemela. Napatingin naman ako sa katabi ko na nakangiti lang na para bang tuwang-tuwa pa sa mga nangyayari.

"Why are you smiling?" tanong ko kay Leo.

"Wala lang. I'm just amused! This is interesting!"

Tumayo na rin siya sa pagkakaupo. Nagpaalam siya sa mga kaklase niya at sumabay siya sa amin nila Taiga pasakay sa jeep. Magkatabi kaming dalawa samantalang nasa harapan namin sina Phoemela at Taiga.

Natatawa na lang ako sa mga kwento ni Leo na walang kakuwenta-kwenta. Ang dami niyang baong kwento. Pinaalalahanan niya muli ako sa maitutulong ko sa case study niya. Nang nasa College of Architecture na kami, nagulat ako nang bumaba rin siya.

"Bakit dito ka bumaba? Sa kabila pa ang College of Business Administration. Malapit sa Sunken Garden." Kuryoso kong tanong kay Leo.

"Hatid na kita. I mean, hatid ko na kayo. Mamaya pa kasi klase ko. You know, nagpapatay lang ng oras." Simpleng sagot niya.

Nagkibit balikat na lang ako sa sinabi niya. Nagpaalam na rin kami sa kanya dahil magsisimula na ang klase namin. Pumasok na kami sa classroom at umupo. Ilang sandali pa, dumating na rin ang propesor namin at pinapatapos ang plates na dapat naming ipasa ngayong linggo.

Tulad nga ng sinabi ni Taiga kahapon, sumabay siya sa akin sa pagpunta sa gym. Naglalakad kami sa corridor nang makasalubong namin si Christiana.

"Hi, Theo! Hello, Taiga!" pagbati niya.

Tumango lang si Taiga sa kanya. Nagpaalam na rin ako sa kanya agad matapos kong bumati. Sa susunod ko na lang kausapin si Christiana na mukhang hindi ko siya matutulungan sa kaibigan ko. Baka magkainisan na naman kami kapag ipinilit ko pa.

Pinatunog ko na ang kotse ko nang may biglang dumating. Hingal na hingal si Phoemela na nasa harap namin ni Taiga. Huminga muna siya nang malalim bago nagsalita.

"Theo, pwede bang makisabay? Please..." pakiusap niya.

Kumunot ang noo ko sa pakiusap niya. Talaga lang? Ganito niya talaga kagusto ang kaibigan ko para lang kapalan niya ang mukha niyang makisabay sa amin sa pag-uwi?

"Saan ba ang way mo?" tanong ko.

"Pa-Marikina ako, ee." Sagot niya. "Don't worry mag-aambag ako para sa gas! Gusto ko lang talagang makasama pa si Taiga. Please, Theo..." alok at pakiusap niyang muli.

Out of way ang sinabi niyang lugar. Pa-EDSA kami ni Taiga at hindi lalabas ng Quezon City. Kahit mag-ambag siya, hindi ko naman papatulan ang alok niya. Ang traffic ngayon dahil rush hour. Marikina pa ang uwi niya. Kung sana automatic ang kotse ko, kaso naka-manual at masakit sa paa kapag traffic.

"Huwag ka nang sumabay. Out of way. At isa pa, dadaan kaming gym ngayon, gagabihin kami masyado kapag inihatid ka pa namin." Tanggi ni Taiga.

Nabigla si Phoemela sa sinabi ni Taiga. Bakas sa mukha niya ang panghihinayang. Ilang sandali pa, bigla na lang lumiwanag ang mukha niya bago nagsalita.

"Sige na nga, hindi ko na ipipilit pa. Text mo ko, Taiga, kapag nakauwi ka na. Call na lang kita later para sure. Sige na, bye! Ingat kayo!" pagpapaalam pa niya.

Nagulat ako nang biglang humalik sa pisngi ni Taiga si Phoemela. Hindi siya nahirapang halikan ang kaibigan ko dahil may katangkaran din si Phoemela at nakasuot pa siya ng high heels shoes.

Nagpaalam na rin ako kay Phoemela at tahimik na pumasok sa kotse. Binuksan ko ang makina. Pumasok na rin si Taiga kaya sinimulan ko nang paandarin ito. Tahimik lang kami sa biyahe noong una. Nang malapit na sa gym, nagkatanungan kami sa workout program na gagawin namin.

Legs at abs day ako samantalang siya ay mag-cardio at abs. Maganda naman kasi ang lower body niya. Samantalang sa akin, chicken feet pa. Kailangang humabol ng legs ko.

Magsisimula pa lang ako sa barbell squat nang biglang nagpakita si Leo sa amin.

"Theo, dude! Nandito pala kayo."

"Oo, kanina pa. Patapos na kami. Ikaw? Ngayon ka lang?" tanong ko.

"Until 7 pm kasi huling klase ko. Buti hindi masyadong traffic kaya hindi ako mapagsasarhan ng gym." Paliwanag niya. "Mag-barbell squat ka?" tanong niya.

"Oo. Need humabol ng legs ko ee. Chicken feet na." simpleng sagot ko. Natawa na lang kami pareho. Sporty ang body type ni Leo kaya proportioned ang katawan niya. Sana all!

"Mukhang naghahabol ka nga aa. Bigat nitong plates na nilagay mo ee." Ngumiti na lang ako sa kanya.

Pumuwesto na ako sa barbell para makapagsimula. Nagulat ako nang pumunta sa likuran ko si Leo.

"Spot-an na kita. Alalay lang, baka magka-injury ka." Aniya na nakapagpatango na lang sa akin.

Nakapatong sa balikat ko ang barbell samantalang hawak ko naman ang bakal sa magkabilang gilid ng balikat ko. Dama ko sa likuran si Leo. Magkadikit ang aming katawan. Nagsimula na akong mag-squat at sa pagbaba ng katawan ko ay siya ring pagbaba ng katawan ni Leo. Natapos ko ang isang set na hingal na hingal.

Ang bigat ng binuhat ko at ang hirap talaga ng squat. Sana hindi ako magsisi after mag-work out. Baka hindi ko na maihakbang ang mga paa ko.

"Penitensya ba? Kaya mo 'yan, ginusto mo 'yan ee. No pain, no gain." Asar sa'kin ni Leo na nagpangisi na lang sa akin.

Uminom ako ng tubig at nagpahinga lang sandali. Pupuwesto na sana ako muli sa barbell squat nang unahan ako ni Taiga doon. Nagsimula na siyang magbarbell squat.

"Akala ko hindi ka mag-legs?" tanong ko sa kanya.

"Need kong i-maintain." Simpleng sagot ni Taiga habang nag-squat siya. Natapos niya ang isang set nang walang spot. Buti pa siya samantalang ako, hirap na hirap.

Gumilid si Taiga sa machine at hinayaan akong pumuwesto. Agad sanang pupunta sa likod ko si Leo nang pigilan siya ni Taiga.

"Ako na mag-spot sa kanya. Hindi ka ba mag-work out?" tanong ni Taiga.

Leo just shrug his shoulder and smiled wickedly to Taiga. Pumunta sa likuran ko si Taiga at siya na ang nag-spot sa akin. Naramdaman ko ang init ng katawan niya. Amoy ko pa ang pabangong gamit niya na sumusuot sa ilong ko. Kinabahan ako sa presensya niya sa likuran ko. Hindi ko na lang siya inintindi at sinimulan na ang pag-squat.

Sa bawat pagbaba ng katawan ko para mag-squat ay siya ring paggaya ni Taiga sa ginagawa ko habang inaalalayan ako sa bigat ng binubuhat ko. Dikit-na dikit ang katawan niya sa aking likuran. Binibigkas ko na lang ang bilang ng nagagawa kong squat para mabaling sa iba ang atensyon ko. May nararamdaman akong matigas na bagay sa pang-upo ko.

Hingal na hingal ako pagkatapos ng pangalawang set ko. Agad namang tumalikod sa akin si Taiga pagkatapos ko. Samantala, nakangisi sa akin si Leo habang nakatingin.

"I'm right with what I've thought." Simpleng sagot niya. Kumunot ang noo ko dahil hindi ko naintindihan ang sinabi niya. Umiling lang siya sa akin bago nagsalita.

"Oh, paano ba yan, Theo? Mag-work out na ako para makatapos na. I'll call you later about my case study." Pagpapaalam at pagpapaalala niya.

Tumango ako sa kanya at ngumiti. Tinapos na namin ni Taiga ang work out session namin. Hindi na nga siya umalis sa tabi ko at palagi akong ina-assist. Nagpaalam na rin kami kay Leo bago umalis sa gym.

"May load ka, Theo? Pa-text naman ako? Wala akong load ee. Text ko lang groupmate ko sa report." Paalam ni Taiga habang nagmamaneho ako papunta sa kanilang bahay.

Iniabot ko sa kanya ang cellphone ko at nag-swipe sa pattern para mabuksan ito. Nag-text naman siya agad sa kagrupo niya habang nagmamaneho ako. Nang matapos siya, iniabot niya sa akin ang cellphone at nagpasalamat. Nakarating na kami sa kanilang bahay kaya agad na rin siyang nagtanggal ng seatbelt.

"Thanks, bro! Alis tayo bukas after class." Anyaya niya. Tumingin ako sa kanya kaya pinagpatuloy niya ang pagsasalita. "May utang ka sa akin 'di ba? 'Yung mas pinili mong makasama sa dinner si Leo at saka noong pumayag ako sa double date kina Christiana. It's payback time, baby." Paliwanag niya sabay nakangisi.

"Oo na! Pag sa libre talaga hindi ka nakakalimot. Doon ba tayo sa bagong bukas na restaurant malapit dito?"

"Ako nang bahala. Huwag ka na lang mang-Indian. Baka kapag nag-aya si Leo, siya na naman ang piliin mo." He said while he pouts at me. Binato ko siya ng tissue para mawala ang atensyon ko sa labi niya. Ang cute niya kapag naka-pout.

"Oo na puta! Ang drama mo, bro!"

Tumawa siya sa akin at bumaba na ng kotse . Nagpaalam siya sa akin at nagsimula na rin akong mag-drive. Nakauwi na rin ako at ginawa ang mga dapat gawin.

Nagreview na lang ako para sa huling subject na may exam kami para bukas. Inilapag ko na lang ang cellphone ko malapit sa bedside table. Anyway, magba-vibrate naman ang cellphone ko kapag may text or tawag.

Nakatulog ako sa pagrereview at pag-aantay sa tawag ni Leo.

"Low bat ka ba? Bakit hindi kita ma-contact kagabi? Tinatawagan kita para pagbuksan ako ng pinto. 11 pm na ako nakauwi." Tanong ni mama habang nagbe-breakfast kami sa dining table.

"Po? Hindi naman po ako low bat. Past 12 na rin po ako nakatulog sa kaka-review para sa exam. Check ko po cellphone ko." Sagot ko.

Binuksan ko ang cellphone ko. Wala naman akong tawag at text na natatanggap kung kanino man. Pagtingin ko sa notification bar, napasampal na lang ako sa noo ko.

"Naka-airplane mode po pala ako, ma." Sagot ko habang nag-aalangan sa pagngiti.

"Kaya pala. Next time, anak, check mo kung naka-airplane mode ka ba o hindi. Buti na lang pumunta ako sa kwarto mo kagabi para tingnan ka kung nandito ka. Papatayin mo ako sa pag-aalala." Paliwanag ni mama. Tumango na lang ako at ngumiti sa kanyang sinabi.

Nagkuwentuhan pa kaming magkakapamilya habang nag-aalmusal. Close talaga kami sa isa't isa.

Tulad nang nakagawian, sabay kami pumasok ni Taiga at sinundo ko pa siya. Nagtanungan lang kami ng mga nireview namin para sa exam. Dumaan ang buong maghapon at sa isang karinderya sa labas na lang kami nag-lunch. Tinatapos pa kasi ni Taiga ang plates niya samantalang sa akin ay ipapasa na lang.

Magaling din gumuhit si Taiga. Detalyadong-detalyado ang kanyang mga guhit. Natapos ang klase namin ng buong hapon. Alas singko na ng hapon at hindi ko namalayan ang oras. Agad na nag-aya si Taiga sa pupuntahan namin.

"Saan ta'yo?" tanong ko sa kanya.

"Sa Mang Larry's Isawan. Masarap doon, bro! Kumakain ka naman siguro ng mga isaw 'di ba?" tanong niya.

"Syempre, hindi naman ako maselan at rich kid masyado." Pagdadahilan ko.

"Napadaan kami dati ni papa sa Mang Larry's Isawan. Mura na, masarap pa."

Itinuro niya sa akin ang daan kaya mabilis lang kaming nakarating doon. Malapit lang pala ito sa College of Architecture.

Umorder na agad kami ni Taiga ng kakainin naming bituka ng manok at pork barbeque. Umorder pa kami ng Mango Graham Shake para sa panulak.

"Ako na." sabi ni Taiga nang iaabot ko na sana ang bayad.

"Akala ko ako ang manlilibre?" tanong ko.

"Binibiro lang kita. Kapag ako ang kasama mo, hindi ka maglalabas ng pera." Pagyayabang niya.

"Wow naman, bro! Bukas ayain kita sa mall aa. Libre naman pala lagi. Bakit ngayon mo lang sinabi, ehdi sana dati pa kita inaaya kung saan." Sagot ko habang tumatawa.

Umupo na kami sa pabilog na table habang inaantay ang order namin.

"Ikaw lang ee. Ayaw lumabas ng bahay tuwing Saturday and Sunday."

"Ayoko kasing gumastos. Pero ngayong nalaman kong libre naman pala palagi, baka magbago na isip ko."

"Kuripot." Sagot niya sa akin at kinurot pa ang ilong ko.

Hinawi ko ang kanyang kamay at nagkatawanan kaming dalawa. Tumayo siya para kunin ang order namin. Nilabas ko naman ang cellphone ko para tingnan kung may notification. Nag-silent pala ako ng phone kanina para hindi makaistorbo sa exam.

Leo:

Theo, where are you? Kagabi pa kita tinatawagan pero nakapatay ang phone mo.

Oo nga pala. Nakalimutan ko siyang replyan kaninang umaga sa mga text niya kagabi dahil sa pagmamadali ko sa pagpasok. Pagdating naman ng UP, nagsimula na agad ang exam kaya nawalan ako ng oras. Nawala pa sa isip ko na magreply sa kanya sa sobrang busy kanina.

Ako:

Sorry. Naka airplane mode pala cp ko kagabi, hindi ko namalayan. Sobrang busy pa kanina sa exam saka sa plates. Dito kami ni Taiga sa Mang Larry's Isawan. Sorry ulet. Bawi na lang ako next time.

Binaba ko na ang cellphone ko nang dumating na si Taiga. Tawa kami nang tawa habang kumakain ng mga inorder namin. Napagkukuwentuhan namin yung mga nakakatawang nangyari sa amin noong High School.

"Gusto mong bumawi 'di ba?! Tara sama ka! Birthday ko today, dude!" masayang sabi ni Leo habang nakaakbay sa akin.