Chereads / Tailing Taiga Rosseau (BXB) / Chapter 11 - Kabanata 10 (Lasing)

Chapter 11 - Kabanata 10 (Lasing)

Kabanata 10

Lasing

Ang pait na lasa ng San Mig Light na wala ng lamig ay hindi ko pinansin. Tuloy-tuloy lamang itong gumuhit sa aking lalamunan. Masaya pa ring naglalaro ang mga nasa table namin ngunit nagpaalam ako na pupuntang comfort room. Susundan ko si Taiga. Kailangan kong magpaliwanag sa kanya.

Nakainom ako pero hindi pa naman ako lasing. Hilo lang ng kaunti ngunit diretso ko pa ring tinungo ang comfort room. Nagtanong pa ako sa mga katulong na nandoon kung saan matatagpuan ang comfort room. Tinuro naman nila ito malapit sa kusina.

Hawak ko ang door handle ngunit naka-lock ito. Isinandal ko ang likod ko sa pader at mariing pumikit

Shit! Hindi ako puwedeng malasing. Magmamaneho pa ako para makauwi.

Agad akong tumayo nang tuwid nang bumukas ang pinto. Gulat ang nakita ko sa mukha ni Taiga nang makita niya ako.

"T-Taiga..." bulong ko. Tumingin ako sa kanyang mga mata bago muling nagpatuloy. "H-Hindi ko g-gusto si Phoemela..." pagtanggi ko.

Tila umikot ang mundo ko nang biglang hilahin ni Taiga ang kamay ko. Isinara niya agad ang pinto at isinandal niya ako rito. Nasa ulo ko ang magkabilang kamay niya na para bang ikinukulong niya ako para hindi makatakas sa kanya.

Lumapit ang mukha niya sa akin. Sa pag-aakalang hahalikan niya ako, iniwas ko ang mukha ko pakanan.

"Then sino ang gusto mo?" bulong niya sa tenga ko.

Napapikit ako nang mariin nang maramdaman ko ang mainit niyang hininga sa leeg ko. Tumayo ang balahibo ko sa katawan at nabalot ito ng init. Mabilis ang paghinga ko sa ginagawa ni Taiga at sa maaaring makahuli sa amin kapag may kumatok.

"W-Wala..." tipid kong sagot sa kanya.

"Talaga?" mapang-akit niyang sagot sa akin kaya napatingin ako sa kanyang mga matang nanghihinoptismo. Idinikit niyang lalo ang katawan niya at idiniin ako sa pinto.

Tumingin ako sa kanyang mga labi na para bang naaakit akong halikan siya. Nahuli niya akong nakatingin sa kanyang labi pero pinanindigan ko ang pagtitig sa kanyang mga labi. Nadedemonyo na naman ako ng sistema ng alak. Unti-unting lumapit ang kanyang mukha sa akin kaya pumikit ako.

Dumaan ang ilang segundo pero walang labing lumapat sa akin.

"This is your punishment from kissing someone other than me..." bulong niya sa tenga ko kaya napadilat ako ng mga mata. "No kiss for tonight, baby." dagdag niya.

Itinulak ko ang katawan ni Taiga nang magulat ako sa katok mula sa labas ng pinto.

"Theo! Nandyan ka ba?" tawag sa akin sa labas. Kilala ko ang boses na ito.

Mabilis na binuksan ni Taiga ang pinto at hindi ko siya napigilan. Magtatago pa sana ako sa loob ng comfort room para hindi ako makita ng kumatok pero huli na ang lahat. Nakita na niya ako at wala rin naman akong takas kapag pumasok siya sa loob. Saang parte ng CR ako magtatago?

Dire-diretsong umalis si Taiga at iniwan ako sa nakangising si Steffi. Hindi ako makatingin sa kanya at dama ko ang pagpula ng mukha ko. Nahihiya ako sa nasaksihan at maaaring isipin ni Steffi.

"I-It's not w-what you think it is!" pagtanggi ko sa kung anomang iniisip ni Steffi.

"Wala akong sinasabi! Don't be defensive, Theo. Just like what I said to you, I support the two of you. Yes! May development na ang TheoTai!" kinikilig niyang sabi.

"Bahala ka dyan, balik na ako doon!" aniya ko sa kanya sabay walk-out.

Iniwanan ko na doon ang tumatawa lang na si Steffi. Pagkabalik ko, tinatanong ng isang kaibigan ni Phoemela si Christiana.

"Theo, Taiga, Phoemela. Fuck, Marry and Kill?!" tanong ng kaibigan ni Phoemela.

Walang pag-aalinlangang sumagot si Christiana. "Fuck Theo. Marry Taiga and kill Phoemela!"

Sigawan ang bumalot sa buong paligid sa walang pag-aalinlangang sagot ni Christiana. Nang mawala ang kantsawan ng lahat dahil sa sagot ni Christiana, sumabat sa pagsasalita si Phoemela.

"Well, kung ako rin naman ang tatanungin ng ganoon, I will answer to kill Christiana then fuck and marry Taiga!"

"As if naman ikaw ang tinanong, bida-bida talaga!" pagtataray ni Christiana.

"Girls, tama na 'yang parinigan, baka kung saan pa mapunta 'yan." pagpagitna ni Leo.

Buti pa si Leo naiisipang pumagitna sa dalawa na anomang oras ay magkakasakitan na. Samantalang yung pinag-aawayan ay parang wala lang sa kanya ang mga nangyayari.

Tumapat kay Taiga ang bote sa unang pag-ikot at natapat naman kay Leo ang pangalawang pag-ikot.

"Truth!" hindi na agad inantay ni Taiga ang pagtatanong ni Leo kung truth ba o dare.

"Ang boring, truth talaga pre?!" pagkukumpirma ni Leo. Tumango lang si Taiga sa kanya.

"Well, sino sa mga nasa table na ito ang minahal, mahal o mamahalin mo?" tanong ni Leo.

Laglag ang panga ko sa tanong ni Leo. Nahagip ng mata ko ang mga mata ni Taiga. Hindi ko mabasa ang emosyong bumabalot sa kanyang mga mata. Naputol ang pagtititigan namin sa sigawan ng mga nasa table namin.

"Phoemela! Phoemela! Phoemela!" pag-cheer ng mga kaibigan ni Phoemela sa kanya.

"Guys, ano ba! Nakakahiya kay Taiga! More!" kinikilig na natatawa si Phoemela.

Nagulat kaming lahat at napawi ang sigawan at tawanan nang walang pag-aalinlangang ininom ni Taiga ang shot ng tequila at sinipsip ang lemon. Ayaw ba niyang sagutin ang tanong ni Leo? Pagkakataon na niya iyon para makuha si Phoemela.

"Ayaw mo pang sabihin pangalan ko, babe! Ikaw talaga! Tara, sayaw na nga lang tayo doon!" anyaya ni Phoemela nang makabawi siya sa pagkakabigla sa ginawa ni Taiga.

Pumailanlang sa paligid ang musika na nakapagpaindak sa lahat. Dumating na ang DJ na kinuha pa ni Leo mula sa isang sikat na bar sa Quezon City. Party mode na ang paligid. Mula sa makukulay na ilaw, nakaiindak na tugtugin, at maging sa pagbaha ng alak. Lahat ay para bang magpapakalasing na parang wala ng bukas.

Hinila ako ni Steffi sa dancefloor samantalang iniwan namin si Christiana na patuloy lang sa pag-inom ng alak. Hindi ko alam kung nasaan sila Leo at Taiga.

"Kita ko titigan niyo kanina ha! Nakakakilig!" sigaw ni Steffi sa tenga ko para marinig ko ang sinasabi niya.

"Kung ano-anong iniisip mo sa nakikita mo! Assuming ka masyado kaya ka nasasaktan!" tukso ko sa kanya na kanya lang tinawanan.

Nagsayawan lang kaming dalawa ni Steffi. Magaling siyang sumayaw kaya naman sinabayan ko na rin siya. Buti na lang marami-rami na rin akong naiinom kaya hindi na ako nahihiya sa pagsasayaw. Hindi ko na inaalala ang paligid. Ang ritmo ng sayaw at paggalaw ng aking katawan ang iniintindi ko.

Lalong dumami ang tao sa dancefloor. Siksikan na kami dito pero wala namang umaangal. Sayaw kung sayaw lang. Sabagay, hindi naman ito ang unang beses na nag-party ako. Noong nag-18 na ako, pumupunta na kami ni Taiga sa mga party na ino-organize ng mga kakilala namin.

Patuloy lang kami sa pagsasayaw nang maramdaman kong may sumasayaw sa likod ko. Hindi ko sana ito papansinin kung hindi lang dumikit ang pang-ibabang katawan niya sa akin at para bang nakayakap na siya habang sumasayaw sa akin.

Tumingin ako sa likod at si Leo pala ang sumasayaw sa aking likuran. Hinila ko siya sa harapan ko para makipagsayaw siya sa amin ni Steffi. Tawa lang kami ng tawa sa aming pagsasayaw. Kumuha pa nga ako ng shot glass sa dumaang waiter. Nasa gitna kami ng dancefloor nang makaramdam ako ng hilo. Nagpaalam ako kila Leo at Steffi na nakikipagsayaw na sa iba.

Dumaan ako sa halos dagat na mga tao. Sa tantiya ko, nasa 50 kaming naririto o higit pa. Papunta na sana ako sa table namin nang may humigit sa kamay ko at kinaladkad ako. Kung hindi ko lang nakita ang mukha ni Taiga na nakakunot ang noo sa akin, sasapakin ko sana ang kumaladkad sa akin.

Dinala niya ako sa loob ng bahay at pinaupo niya ako sa isang sofa. Walang tao sa loob at rinig namin ang malakas na hiyawan ng mga tao kasabay ng saliw ng musika. Napahawak ako sa ulo ko. Grabe, lasing na ako. Paano ako magda-drive nito?

"You're drunk!" pagbasag ni Taiga sa amin.

Tumabi siya sa akin sa pagkakaupo at naramdaman ko ang kanang tuhod niya sa kaliwang tuhod ko. May dumaloy na kuryente at init na bumalot sa aking katawan. Iniling ko ang ulo ko para mawala ito.

Sumandal ako sa sofa nang nakapikit samantalang naramdaman ko naman ang pag-akbay sa akin ni Taiga.

"Are you okay?" tanong niya sa akin.

"Yeah." tipid kong sagot sa kanya at may pagtango pa.

"Where is Phoemela?" tanong ko sa kanya.

"Mind yourself first, you are really drunk! How can we go home when you are like that?" sagot niya.

Dumilat ako at nakita kong nakatitig siya sa akin. "Hindi ako lasing! Nakainom lang pero kaya ko pa. And besides, hindi ka dapat nandito. Doon ka na kay Phoemela! Bagay kayo!" pagtataboy ko sa kanya.

Gumuhit ang ngisi sa kanyang mga mukha bago nagsalita. "Even though I want to hear your jealous remarks, I want you sober when you say it."

"Hindi nga ako lasing!" pagpupumilit ko sa kanya sabay hawi ng mukha niya. Naaalibadbaran ako sa mukha niya.

"Rest for a while. Mamaya na tayo bumiyahe pauwi kapag hindi ka na lasing. Ayokong makitulog tayo rito. Mabuti na lang hindi ako nagpakalasing, kung hindi saan na tayo pupulutin nito." wika niya.

Hindi na ako nakipagtalo pa dahil umiikot na talaga ang paningin ko. Hindi naman ako nasusuka pero nakakahilo lang talaga lalo na kapag gumagalaw ako.

Damn! Ilang beses ko bang sasabihin sa sarili ko na hindi na ako iinom ng alak pero ilang beses ko ring nakikita ang sarili kong binabali ang sinasabi ko? Ang hirap iwasan ng alak.

Dumaan ang ilang minutong katahimikan nang makarinig ako ng mga taong paparating.

"T-Teyga, b-beybi!" lasing na sabi ng boses babae, si Phoemela. "N-Nendito k-ka lang pela! S-Shot pa t-tayo! Party p-party!" sigaw pa niya.

Dumilat ako at nakita kong akay ni Steffi si Phoemela. Samantala, buhat naman ni Leo ang pinsan nitong si Christiana na lasing na rin at wala ng malay. Napaayos ako ng upo.

Itinabi ni Steffi si Phoemela kay Taiga. Yumakap naman agad si Phoemela kay Taiga at kung ano-ano na ang sinasabi. Kung gaano niya raw kagusto si Taiga, na puwede daw ba siya nitong maging boyfriend, at kung puwede daw ba silang mag-sex. Parang nayanig ang mundo ko sa mga lumalabas sa bibig ni Phoemela.

"Theo, are you okay?" tanong ni Leo.

"Yeah! Pahinga lang then uwi na. Medyo hilo pa, kaya nagpapababa lang ng tama." sagot ko sa kanya.

"As much as I would like the two of you to stay here, pero puno na rin lahat ng mga kwarto. Pati nga 'yang sofa na iyan, may nakapangalan na." natatawang sabi ni Leo.

Ngumiti lang ako sa kanya at ipinagpatuloy naman niya ang pagsasalita. "By the way Taiga, can you do me a favor?"

Tumango lang si Taiga na para bang hinihintay ang pagsasalita ni Leo.

"Pakihatid mo naman si Phoemela sa kanila. Nangako kasi ako sa mommy niya na hindi siya mag-stay dito kapalit ng pagpayag niya na umattend sa birthday party ko si Phoemela. Uuwi rin si Phoemela dapat. Actually, tumawag na ang mommy niya sa akin kanina lang at pinapauwi na siya. Nagagalit na. Bigyan na lang kita ng pang-taxi kung okay lang sa'yo?" alok ni Leo kay Taiga.

"No need for you to do that. Ako na ang bahala kay Phoemela. Saan ba sila?"

"Mamaya na lang natin siya ihatid pauwi, isabay natin siya pauwi kapag okay na ako." alok ko kay Taiga.

"Huwag na, pahinga ka muna dito. Babalikan kita, mabilis lang ito. Saan nga ulit sila, Leo?" pagtanggi niya sa alok ko.

"Dyan lang sila sa Horizon Land Residences. Unit 1104." sagot ni Leo.

Agad namang umalis si Leo at dinala sa taas ang pinsang si Christiana. Inakay na rin ni Taiga si Phoemela paalis at pinaalalahanan akong muli ni Taiga na magpahinga.

Rinig ko pa sa labas ang pagbibiro ng mga kaibigan ni Phoemela kay Taiga.

"Ayyy, iuuwi na!"

"Mukhang magkakadiligan!"

"May uumagahin!"

Umupo sa tabi ko si Steffi bago nagsalita. "Pahinga ka lang dito, Theo ha! Babalikan ka ni Taiga, nangako siya. Huwag kang makinig sa sinasabi nila, magtiwala ka kay Taiga."

Tumango lang ako kay Steffi at nagpaalam na rin siya sa akin na magpapahinga na sa taas. Pumailanlang sa paligid ang kantang Careless Whisper.

Hindi ko alam kung ano'ng nangyari pero sari-saring imahe ang pumasok sa isipan ko. Sina Taiga at Phoemela. Nasa elevator, naghahalikan. Lumabas at pumasok sa isang condo unit. Patuloy ang paghahalikan. Magkapatong ang katawan at walang humpay sa paghahalikan. Hubad na ang parehong katawan at sabay sa musika na naririnig ko ang paggalaw ng kanilang mga katawan.

Ano bang mayroon sa kantang Careless Whisper at nabahiran na ito ng ibang mensahe sa isipan ko?

Nang hindi ko na makayanan ang mga maruruming naiisip ko, agad akong tumayo palabas at nagdesisyong sundan sila Taiga. Pinaandar ko ang makina ng kotse at binuksan ang GPS para hanapin ang condo nila Phoemela.

Mabilis ang pintig ng puso ko habang nagmamaneho. Kinakabahan ako sa puwedeng mangyari kila Taiga at Phoemela. Paano kung pumayag si Taiga sa alok ni Phoemela na mag-sex sila? Lalaki pa rin si Taiga at puwede siyang bumigay sa mga pang-aakit ni Phoemela. Maganda at sexy si Phoemela kaya puwedeng hindi siya matanggihan ni Taiga.

Mas lalo kong binilisan ang pagmamaneho. Wala pang sampung minuto at nakarating na ako sa pupuntahan ko. Ngayong nandito na ako, saka ako natauhan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin.

Nag-hazard lang ako sa gilid ng kalsada. Kahit na bumaba ako at subukang pumasok, haharangin din ako ng mga guwardiya sa higpit ba naman ng seguridad sa mga condo. Napatulala na lang ako sa kawalang pag-asa.

Paulit-ulit na umaandar sa utak ko ang mga eksenang naisip ko kanina.

Bakit ang tagal ni Taiga? Akala ko ba ihahatid lang? Tatlumpung minuto na ang nakalilipas at hindi pa rin siya nakakalabas ng building. Tatlumpung minuto ba ang kakaining oras sa pagpanik at pagbaba ng unit? O baka naman nangyari na ang mga naiisip ko?

Akala ko ba babalikan niya ako agad? Paghihintayin ba niya ako nang ganito katagal para lang kay Phoemela? Mas matagal naman ang pinagsamahan naming dalawa kaysa sa kanila ni Phoemela. Pitong taon mahigit! Itatapon ba niya iyon para lang sa isang babaeng kailan niya lang nakilala?

Sabagay wala naman akong magagawa kung mangyari nga iyon. Ano ba itong naiisip at ginagawa ko? Ano'ng pumasok sa isipan ko at ginagawa ko itong mga bagay na ito? Really, Theo? Kailan ka pa gumawa ng isang bagay na pwede mong ikapahamak? Nagmaneho ng kotse kahit lasing ka pa para lang makasigurong walang mangyayari kila Taiga at Phoemela? What the hell is wrong with you!

Pagkaraan ng ilang sandali, nakita ko si Taiga na papara na sana ng taxi ngunit nakuha ko agad ang atensyon niya nang tatlong beses ko siyang binusinahan sa sobrang inis ko sa mga nangyayari.

Bakit ang tagal niyang bumalik! Akala ko ba mabilis lang! Binilisan na ba nila ni Phoemela ang pagse-sex sa lagay na ito? Bakit ang tagal pa rin?!

Pumasok si Taiga sa kotse ko. Madiin kong hinawakan ang manibela nang mapansin kong iba na ang suot niyang damit. Para bang nagdidilim ang paningin ko sa nakikita kong suot niyang damit ngayon. Para bang nakumpirma ng suot niyang damit na tama nga ang mga naiisip ko kanina.

"Are you okay now, Theo? Kanina ka pa ba naghihintay?" tanong niya pero hindi ko siya sinagot.

Diretso lang ang pagmamaneho ko at hindi ko siya tinapunan ng tingin. Kahit ano'ng mangyari Theo, huwag na huwag kang titingin sa kanya at baka maaksidente pa kayo. Hindi mo makokontrol ang emosyon mo kapag tumingin ka sa kanya. Mariin lang na nakatikom ang bibig ko base na rin sa pagkakatagis ng mga panga ko.

Ang tatlumpung minuto na biyahe sana mula Marikina patungo sa bahay nila Taiga ay biniyahe ko lamang ng labing limang minuto. Inihinto ko kaagad ang kotse ko sa gilid ng kalsada sa tapat ng bahay nila. Patay na ang ilaw sa bahay nila na tanda na tulog na ang papa niya.

"Ang tagal mong lumabas ng condo ha! Thirty minutes, Taiga! Thirty minutes mahigit!" sigaw ko sa kanya.

"Hindi mo ako kinakausap pagkapasok ko ng kotse at iyan lang na walang kwentang bagay ang sasabihin mo sa akin ngayon?!" sigaw niya rin sa akin. "Kanina ka pa pala roon, hindi ba ang sabi ko sa'yo babalikan kita at magpahinga ka lang? You're not yet sober!"

"Kung hindi pa kita sinundan agad, hindi ko malalaman kung ano'ng pinaggagagawa ninyong dalawa ni Phoemela!" sigaw ko rin pabalik sa kanya nang may nanlilisik na mata na nakatingin sa kanya. Galit na galit ako at hindi ko na maproseso kung bakit. Hindi ko na rin ma-filter ang lumalabas sa bibig ko. Basta, galit ako!

"Nag-iisip ka ba, Theo? Bakit ka nag-drive nang lasing? Hindi ko kakayanin kung may mangyaring masama sa'yo!" singhal niya sa akin na nakapagpahinto sa akin.

Mariin lang akong nakatingin sa kanya at ganoon din siya sa akin. "Teka nga! Now that you are sober, are you jealous, Theo?" tanong niya sa akin.

"Bakit naman ako magseselos kay Phoemela?" agad kong sagot sa kanya.

Ngisi ang natanggap kong reaksyon sa kanya. "Yeah, bakit ka nga naman magseselos kay Phoemela. I thought ang isasagot mo sa akin ay bakit naman kita pagseselosan para kay Pheomela. Eh hindi ba gusto mo nga daw siya sabi ni Steffi..."

Hinawakan niya ang kanang pisngi ko at iniharap niya ako sa kanya. Tumitig siya sa akin bago nagsalita muli.

"Tell me, Theo. Sino ba sa amin ni Phoemela ang totoo mong gusto?" tanong niya sa akin.

Nablangko ako sa tanong niya. Hindi ko alam ang isasagot ko. Malaking parte ng utak ko ang nagsasabing sabihin ang pangalan ni Taiga pero pinigilan ito ng maliit na parte ng utak ko. Magkaibigan kami! Hanggang doon lang iyon. Hindi ko siya puwedeng magustuhan. Hindi maaari!

Nang wala siyang nakuhang sagot sa akin maliban sa pagtitig ko sa mata niyang puno ng emosyon, dinugtungan niya ang sinasabi niya sa akin.

"Kasi ako Theo, gustong gusto kita. High School pa lang tayo, mahal na kita. Lasing na lasing na ako sa pagmamahal sa'yo. Itataya ko pati pagkakaibigan natin para lang sabihin at iparamdam sa'yo ang nararamdaman ko. Hindi ko na kaya, Theo. God knows I really tried my best not to fall in love with you but I fail, Theo!" puno ng emosyon niyang sabi habang kumikinang na ang mga mata niya sa pagbadya ng pagtulo ng kanyang mga luha.