Maaring wirdong pakinggan at taliwas sa nakararami... pero buong buhay niya, wala akong alam sa kaniya. Paano ba naman kasi, bata palang ako ay hindi ko na siya kasama sa iisang bubong. At kahit pa noong nandito naman siya sa amin, madalas na siyang wala. Madalas mapagalitan at madalas na tahimik dahil doon. Anim na taon palang ako at wala gaanong alam sa kung anumang nangyayari noon sa away-pamilya. Pero sa natatandaan ko, lumayas siya. Hindi na lang isang simpleng lakwatsa... Gaya ng nakasanayan ay nabulyawan siya ni Papa. Hindi ko na matandaan, eh. Pero 'yon ang unang beses, ang unang beses na napagbuhatan niya siya ng kamay. Huminto siya noon sa pagsagot kay Papa. Tumahimik siya. At natatandaan kong masamang titig lang ang naging tugon niya. Saka siya pumasok sa kwarto at lumabas nang may dala nang bag. Wala siyang sinabi. Sinisigaw-sigawan ulit siya ni Papa pero dire-diretso lang siyang lumabas.
Wala na kaming naging balita sa kaniya. Wala ring nagbabanggit ng pangalan niya sa loob ng bahay mula noon—lalo kapag nasa bahay si Papa. Pero paminsan-minsan, tuwing malalasing si Papa, siya mismo ay nakapagbabanggit sa kaniya. Sa katunayan, sa kaniya ko na nga lang yata nabuo ang imahe ng lumayas kong ate. Sutil—iyon lang ang madalas na deskripsyon niya sa kaniya. Ewan ko rin. Lumaki na akong sanay na wala ang presensya ng ate. Kaya wala na rin sa akin anuman ang sabihin ni Papa sa kaniya.
Minsan na nga akong napaisip, nasaan na kaya siya? Ni hindi namin alam kung buhay pa ba siya. Kahit si Mama ay hindi niya kinontact magmula nang umalis siya. Noong una, akala ko nga ay ayos lang 'yon kay Mama. Pero hindi kalaunan, nagigising na ako nang gabi na inaayos pa niya ang damitan ng ate. Walang imik pero bakas naman sa mata ang emosyon.
Labing-apat na taon na ako nang makita ko siya. Dahil sa sampung taong pagitan namin, malamang ay dalawampu't apat na siya noon. Pauwi ako no'n galing sa eskuwelahan. Dahil gabi na at sigurado akong masesermunan na naman ako, sa likod ng bahay ko binalak dumaan. Kaso may nakatayong babae sa harap. Pagkatapos, sa harap ng bakod ng bahay ay may isang kahon. Pero nasa nakatayong babae ang buong atensiyon ko. Noong una, hindi ko siya mamukhaan. Walong taon na ang nagdaan. At kung hindi nga dahil sa mga tagong litrato sa mga lumang photo album sa bahay, malamang ay burado na sa memorya ko ang mukha niya. Bigla siyang lumingon sa direksyon ko, nakita akong nakatayo at halata namang sinusuri ang mukha niya. Mukha siyang nagulat at nang makita ang reaksyong 'yon ay ako na ang unang nagboses.
"Ate?" Bilang panganay sa aming anim, lahat kaming nakababata ay nakasanayan nang siya lang ang tinatawag nang walang kasunod na pangalan. Si ate Jade naman kasing sumunod sa kaniya ang tumatawag no'n sa kaniya. Ginaya nalang namin.
Pero imbes na sagutin, tumalikod siya at mabilis na naglakad palayo. Natuliro ako nang ilang segundo kung susundan ko ba o ano. Ilang taon na nga ba, 'di ba? Kaso bago ko pa ihakbang ang paa ko ay nagbukas naman ang pintuan ng bakod. Lumabas si ate Gemma. At napalitan agad ng pagkataranta ang isip ko. Nakapameywang na naman kasi at mataas ang kilay. Sigurado nang may sermon. Kaya inunahan ko na ng palusot.
"Ate naman! May practice kami sa theatre club,"
"Theatre club practice? Hoy, Emeraldine! Naghighschool rin ako, 'no. Lokohin mong lelang mo. Ano 'to? Two weeks na walang palyang araw, puro theatre club na practice lang?"
"Tingnan mo, ate, may nag-iwan ng box oh!"
Binago ko nalang ang topic at itinuro sa kaniya 'yong kulay puting box sa mismong bakuran. Yung kahong nakita kong nasa harapan ng bakod at nasa harapan ng umalis. Nung yumuko naman siya para kunin, saka ako tumakbo papasok. Hinabol pa niya ako ng sigaw ng, 'hindi pa tayo tapos, bata ka, ha!' pero hinayaan ko na. Grabe talaga. Daig pa niya si ate Jade na tumatayong panganay sa amin ngayon bilang siya ang pangalawa sa magkakapatid. Wala namang dahilan para dumaan sa likod-bahay. If I know, talagang inaabangan niya akong umuwi.
"Ayan na si Eme oh. Siya ang panggabi, eh," Pagpasok ko ng bahay, nabanggit agad ni ate Jene ang pangalan ko sa pagsagot kay kuya Angelo.
Gaya ng nakasanayang senaryo tuwing hapon, naghihintay na naman sa akin ang mga pinggan sa lababo. Mukha ngang puno na naman ng argumento nila, eh, kung hindi lang ako dumating. Dahil ayon sa schedule ng bahay, ako ang tagahugas ng pinggan sa gabi. Umoo nalang ako at pumasok muna sa kwarto na ang kahati ko ay si ate Jene. Nilapag ko ang bag ko sa ibabaw ng drawer at nagsimulang magbihis nang pumasok ulit sa isip ko ang nadatnan ko kanina.
Ang laki ng ipinagbago ni ate. Mahaba na ang dating hanggang balikat na buhok niya. Dalagang manamit at mukha naman siyang middle class sa hitsura. Mas naging litaw ang ganda niya sa pagiging morena. Balingkinitan ang katawan at halata sa tindig na may confidence na sa sarili. Sasabihin ko kaya kina Mama? Pero sa nakaraang walong taon, wala namang kahit isa sa kanilang nagbanggit sa kaniya. Ni walang nagbukas ng usapan tungkol sa bigla niyang paglayas. Hanggang ngayon, ang tanging alam ko sa gabing umalis siya ay limitado sa natatandaan ng bata kong memorya.
"MAAA!"
Halos lahat yata kami sa bahay eh mapapatalon sa gulat sa lakas ng tili ni ate Gemma mula sa labas. Hindi malaman kung anong problema sa buhay eh. Si Mama naman na noon ay nagluluto sa kusina, biglang nataranta at dali-daling napatakbo sa likod-bahay kung nasaan si ate Jene nang may dala pang sandok. Kami naman ni ate Jene ay napasunod rin para malaman kung ano bang itinitili niya.
"Ano?! Ano?! Ano ba, Jenevieve?!"
"Para ka namang natanggalan ng matres, ate Gemma," Pang-aasar na komento ni ate Jene.
"Ma..."
Pero pare-parehas kaming natahimik nang malaman ang dahilan ng pagsigaw ni ate Gemma. Nakaupo siya sa lupa nang hindi nakasayad ang puwitan habang parehas na nakasapo sa magkabilang pisngi ang dalawang kamay at nakatitig sa nakabukas na puting kahon sa harap niya. Sa lagay ay mukha ngang naibagsak niya. Hindi ko siya masisisi. Kahit ako yata, nawalan ng salitang kayang isatitik. Paanong hindi? Malinaw naman kung anong laman noon—limpak-limpak ng libo, nakasalansan at nakapangalan kay Mama. Sa gitna noon ay isang buhay, totoo at mahabang piraso ng isang kulay pulang rosas.
-