Linggo ng umaga. Boses ni ate Gemma na naman ang gumising sa akin habang kinukuha ang mga sabit-sabit at kalat-kalat na damit niya sa kwarto. Paano, tanghali na raw eh ako nalang ang nakahilata pa. Nang tumayo ako, kita ko sa wall clock naming na mag-aalas siyete palang ng umaga. Binati ako ng lakas ng radyong binuksan ni Mama na siya palang dahilan kung bakit nadadamay na naman ang mga jokes ni DJ Pew sa panaginip ko kasama ng matapang na amoy ng pandesal sa sala. Isabay pang kumakalembang na naman ang mga pinggan at kaldero sa kusina. Doon palang, alam ko nang si ate Jene ang nakilos. Napakaingay gumalaw. Dinig rin namin ang pagpapaikot ni ate Gemma ng mga labahin sa washing machine. Weekends kasi ang day-off niya kaya 'yon lang rin ang panahon para sa labada.
"Ma, alis na ako po ako. Pa!"
Pahabol nalang rin na paalam ni ate Jade kina Mama bago pumasok sa trabaho ang inabutan ko paglabas ng kuwarto. Sumigaw nalang rin pabalik ng pagpapaingat si Mama sa kaniya. At nang makita naman ako ni Papa na nagkakape sa sala. Ilang ulit siyang umubo at kinlaro ang lalamunan ng dalawang beses bago ako inutusan na agad bumili ng mantika at suka sa pack sa labas. Muli ay tinapa ang ulam. At bilang bunso, wala naman akong magawa kundi kunin ang inaabot na barya sa akin. Hindi ko rin naman pwedeng dabugan si Papa. Aba, hindi pa rin burado sa memorya ko ang paghahabol niya sa akin ng alpombra at ang sakit ng latay no'n sa puwitan ko ilang taon bago ako magdalaga.
Pumunta akong kusina para madaling magmumog bago lumabas ng bahay. Nakisiksik ako kay ate Jene na naghuhugas ng pinggan. Akala ko nga eh maiirita na naman sa akin dahil harang ako. Pero hindi nagsalita. 'Yon pala, dahil may ipapasabay siya. Bilhan ko raw ng napkin. Napabusangot ako. Nilakihan na naman ako ng mata. Isasabay ko lang naman raw eh ayaw ko pa.
Nang papalabas naman ng kusina, tinawag ako ni ate Gemma para naman sa bente. Para raw sa dalawang sachet ng powdered soap. Hindi na bago. Sunud-sunod na utos. 'Di bale na kaysa naman sa magpabalik-balik ako sa tindahan. Bumukas naman 'yung pintuan ng banyo at sa pagkakataong 'yon, boses naman ni kuya Angelo ang tumawag sa pangalan ko. Oo nga pala, may pasok siya ngayon. Bilihan ko naman raw siya ng shampoo dahil ubos na ang nasa banyo. Kumuha raw ako ng bente sa drawer niya at nagpahabol pa na sa akin na raw ang sukli. Doon naman ako napangiti. Bilang bunso eh literal na duty ko na yata sa bahay ang maging runner. At sa lahat ng tagautos sa bahay, si kuya Angelo na ang paborito ko. Galante kasi kahit na sa simpleng dos o limang pisong pasobra tuwing mag-uutos.
"Sibuyas, sibuyas, sibuyas, sibuyas, sibuyas..."
Natawa ako nang makasabay ko sa paglalakad si Kalbo, isa sa mga batang miyembro ng larong chinese garter tuwing hapon sa labas.
"Boo!"
Ginulat ko siya at hindi ko naman akalaing ang malambot na bata eh mapapahiyaw. Saktong nasa harap na kami ng tindahan kaya bilang pasensya kahit na natatawa, pinauna kong pabilhin. Kaso mas lalo akong napahalakhak nang imbes na sibuyas ay bawang ang sinabi niyang bibilihin. Kung hindi ko pa kinorrect, malamang na bawang ang naiuwi niya. Inilingan ko nalang nang ako ang sisihin kung bakit raw nagkamali siya.
"Ano sa 'yo, Eme?"
"Limampisong mantika at suka sa pack, kuya Gino,"
"Sapak? Masakit 'yon," Nagbiro na naman siya na tinawanan ko nalang.
Pag-uwi sa bahay, panibagong utos na naman sa kaitas-taasan ang naiatas sa bunso. Magsaing raw ako. Kung susumahin, tuwing Linggo talaga ang pinakabusy'ng araw sa bahay. Ang pinakamaingay rin. Halos lahat kasi ay nandito. Si ate Jade lang nga at si kuya Angelo ang wala dahil sa trabaho. Kaya naman apat na takal na ng bigas ang balak ko sanang isaing. Kaso nang matanaw ako ni ate Gemma, sinabihan niya akong tatlo lang raw. Tinanong ko nga kung bakit, si kuya Angelo naman pasigaw na sumagot galing sa banyo; hindi raw siya magbabaon na. Free na raw 'yon sa kanila.
"Marami ka pang bigas na kakainin,"
Usapang bigas... mukhang ang agang manermon ni Papa. Mabilis namang iniscan ng mata ko habang nagsasaing kung sinong sinasabihan niya. Kaso hindi na pala kailangan. Mataas ang boses naman na kasing sumagot si ate Jene.
"Nag-aral pa ako kung ganito lang din!"
Napatayo si Papa sa upuan niya. Kaso pinigilan na ni Mama na sundan si ate Jene na halos pabagsak isara ang pinto ng kwarto. "Umayos-ayos ka ng pananalita mo, Jenevieve! Kung ayaw mo sa batas ko dito, umalis ka sa poder ko,"
Ang kaninang may kaingayan na bahay dahil sa salitan ng litanya naming magkakapatid, bigla na namang nabalot ng katahimikan. Pagkaganito talagang angry mode na naman si Papa, halos wala na namang ingay na maririnig. Ang pagbuhos lang ng tabo sa banyo at ang ikot ng washing machine ang dinig sa paligid.
"Gayahin mo si Angelo! Natutong mag-isa. Tumayo ka sa sarili mong paa,"
Nilingon ko si ate Gemma at walang boses na tinanong kung anong pinagbabangayan nila. Naggesture naman siya at nagmouth ng 'college'. Doon palang, matic na. Hindi na kailangan ng masyado pang eksplenasyon. At sa totoo lang, naisip ko agad na walang kuwenta ang ginagawa ni ate Jene'ng pagpersuade kay Papa. Hindi siya papapasukin ng kolehiyo nun. Magmula sa panganay hanggang kay kuya Angelo, walang pinagcollege si Papa. Siya pa kaya? Kaya nga pagkatapos ng high school, kahit pinilit ni Mama na pagkolehiyohin si ate Jade, tumigil rin si ate Jade pagkatapos ng halos kalahating taon. Si ate Gemma naman ay dumiretso na ng trabaho matapos ang apat na taon sa mataas na paaralan. Si kuya Angelo naman, gawa nang history na, hindi na kinausap si Papa. 'Yon din ang dahilan kung ba't tuloy siya nagtatrabaho sa weekends at pumapasok ng weekdays. So far, nasusurvive niya ang college ngayong mag-aanim na buwan na.
"Sabi ko sa inyo, hanggang hayskul lang kayo. Kung gusto niyong magcollege, hindi ko kayo susustentuhan,"
Bata palang kami, sinasabi na niya 'yan. Tama ba naman iyon? Ang isang magulang na walang kagustuhang pag-aralin ng kolehiyo ang kaniyang mga anak. Napabuntong-hininga nalang ako. Kahit gaano ko pa naiintindihan ang kagustuhan ni ate Jene na magcollege, malabo talaga. Siguradong may takip na namang unan sa mukha mamayang gabi bago matulog si ate Jene.
Nagpalamig muna ako ng ilang oras bago mamaalam para umalis ng bahay. Hindi ko rin kinalimutang kunin ang cellphone ko bago umalis. Ni hindi ko man lang kasi 'to nahawakan sa bahay gawa nang ayokong si Mama naman ang bulyawan ako't puro cellphone na naman raw. Siguradong mas mahabang sermon iyon kumpara kay Papa.
Nagbukas ako ng social media account pagdating sa meeting place ng theatre club para sa practice nang araw na 'yon. Kaso naman, wala pang kahit isa sa kanila! Mas nakakawala pa ng gana dahil pati sa group conversation namin, 'yong message ko pa kagabi pa rin ang nandoon na hinayaan lang ng lahat. Hay naku talaga. Tuloy, nang magmessage ulit ako, kulang nalang i-capitalize ko ang bawat letra para kumpirmahing naiinis na ang club president nila.
Pagkababa ko ng cellphone, inikot ko ang tingin sa paligid ng simbahang pinagtatambayan ko. At sa hindi malamang pagkakataon, nahagip ng mata ko ang isang pamilyar na pigura. Hinabol ko 'yon ng tingin. Ang kaso, dahil sa katatapos lang na misa, mabilis na natabunan ng mga tao at ilang nagtitinda ng mga cotton candy at mais ang tinitingnan ko. Napatayo agad ako para habulin 'yon. Sa oras na 'to, hindi puwedeng magkamali ako. Anim na buwan palang ang nakakalipas nang huli ko siyang makita. Matagal para sa taong nakasanayan mong araw-araw makasalubong pero napakaigsi para sa taong walong taon nang hindi nagpakita.
Mahabang buhok at puting loose shirt... Sigurado akong si ate 'yon.
Nakalabas na ako ng gate ng simbahan. Mas umingay dahil sa dumaming bilang ng mga nagtitinda na dinagdagan pa ng mga traysikel pamasadang panay ang hatak ng pasahero. Pero sa huli, natanaw ko ulit ang hinahanap ko. Si ate nga. Sa kabilang kalsada kung nasaan ang terminal naman ng bus, nakatayo siya habang akap-akap ang isang shoulder bag. Napakunot ang noo ko nang sa puwesto niyang 'yon ay may lumapit sa kaniyang lalaki. Matangkad at gaya niya ay malinis tingnan sa suot nitong puting tee shirt na may design namang gitara at pinares sa isang itim na pantalon. Mukhang dalawa o tatlong taon lang ang pagitan nila nung lalaking may kakulutan ang buhok na mukhang natural na may halong brown ang kulay. Hindi pamilyar sa akin ang mukha. Pero mukhang close sila ni ate. Nakipagtawanan kasi siya do'n nang abutan siya ng ice cream paglapit nito sa kaniya.
"Uy, Eme. Ikaw palang nandito?"
Nagitla ako nang biglang may tumapik sa braso ko. Nilingon ko ang kaklase kong posturang-postura sa suot nitong skinny jeans at crop-top. Katabi niya ang isa pa naming kaklaseng lalaki na mukhang kadarating lang rin. Awtomatiko tuloy na napataas ang kilay ko.
"Aber naman. Alas otso ang usapan, mag-aalas nuebe na oh!"
Nagbigay naman silang dalawa ng sari-sarili nilang excuse. Wala naman na akong magawa kundi tanggapin. Dahil hindi ko alam kung ano sa mga iyon ang tama at mali, ang tunay at hindi. Ibinalik ko ulit ang tingin sa kung saan ko nakita ang ate pero wala na siya doon. Napakamot ako ng ulo. Gusto ko tuloy mainis sa mga kaklase ko. Inikot ko pa ang tingin ko pero wala na siya. Napabuga nalang ako ng hangin. At least, nalaman kong buhay talaga siya at hindi lang ako namamalik-mata nung makita siya sa harap ng likod-bahay namin six months ago. Pero sino naman kaya 'yung lalaking kasama niya?
ALAS DOS na ng hapon natapos ang practice ng theatre club. Sa totoo lang, gusto ko pa sanang ipagpatuloy dahil sa quality ng resulta. Kaso ang dami nang nagrereklamo. Kesyo gutom na sila at hindi sila puwedeng magskip ng pagkain o pagagalitan na sila ng mga magulang nila. Majority wins. Kahit if I know, ang iba dito, sa computer shop lang rin naman talaga ang bagsak.
Umuwi akong may bitbit na dalawang yelo. Tirik na tirik ang araw at uhaw na uhaw ako. Pagpasok ng buhay, dumiretso agad ako sa pagkuha ng pitsel at kutsilyo para magtipak ng yelo. Napakaraming maliliit na tipak ang kumalat sa lababo. Kumuha ako ng kaunti para ilagay sa isang mataas at babasaging baso. Sa tindi ng init, ni hindi pa dumidikit ang yelo sa paglalagyan nito, mabilis nang natutunaw at bumabalik sa dati nitong pagkatubig ang maliliit na tipak. Kumuha pa ulit ako ng ilang tipak at gaya ng wirdo kong nakasanayan, kinagat ko ito at nagsimulang nguyain. Gaya nung nasa palad ko, nasa labi ko palang ay natutunaw na ang yelo. Napakabilis mawala dahil sa init...
Nang makasalubong ko naman si ate Gemma nung papasok na ako ng sala, napangiwi ako nang makita siyang naka-long sleeves. Sa disenyo at istilo palang ay wala nang dudang isa iyon sa mga nahalungkat ni Mama sa isa sa mga baul niya. Kulay asul at wala naman ngang mantsa. Plantsadong-plantsado ang kuwelyo nitong asul na bumagay sa kulay itim niyang slacks.
"Ate, ano ba 'yang suot mo. Ako ang naiinitan sa 'yo, eh,"
"Ano ka ba, may interview 'yan sa trabaho ngayon. Kailangang naka-formal 'yan siya," Si Mama ang sumagot sa akin. Nasa sala at sa dami ng nakakalat na damit katabi ng isang bukas na box, malamang, isa sa mga hinalungkat niya 'yong long sleeves.
"Interview? Aalis ka na sa trabaho mo sa 7/11?" Tanong ko pagkalapag ng pitsel sa mesa habang sinusundan siya ng tinging nagpapaikot-ikot.
"May factory'ng nirefer si Shane, 'yong classmate ko dati," Sagot ni ate Gemma.
"Buti 'di kailangang college-level," Nabanggit ko bigla na agad kong dinugtungan. "Wala na ba siyang puwedeng masuot na kulay puti man lang po, Ma?"
Bahagya namang inilayo ni Mama ang tingin kay ate Gemma upang tingnan ang kabuuan nito. "Aba, bakit? Napakapropesyunal naman ngang tingnan ng ate mo sa longsleeves ko!"
Nagkibit-balikat ako. "Para lang pong mas tama ang puti,"
"May backer naman na siya," Si ate Jene ang sumingit ng sagot.
Nagkibit-balikat nalang ako. Nasa ganoon kaming sitwasyon nang magbukas naman ang pinto sa kusina, galing sa likod-bahay. Pumasok si Papa... na may hawak na isang puting kahong may kulay pulang isang pirasong rosas sa ibabaw. Nang makita namin 'yon nila Mama, pare-pareho yatang ekspresyon ang naguhit sa mga mukha namin.
"Ma, ano 'to? Ano 'tong pera na 'to at nakapangalan sa 'yo?"
-