"Dito ka muna kina Nanay Celia. Susunduin nalang kita mamayang hapon,"Inilapag ni Marites ang isang pack bag sa pintuan katabi ng dalawang taong gulang na anak.
"Sa'n ka po ba pupunta?" Halata sa mukha na ayaw magpaiwan ng bata. Ibinaba nito ang tingin sa dalawang bilaong nasa likuran ng ina. "Maglalako ka po ulit ng mani at turon?"
Napansin ni Marites na napalingon ang kapitbahay na si Celia sa sinabi ng anak. Tuloy ay alanganin siyang natawa at hinimas sa ulo ang anak. "Behave ka lang dito. Babalik naman ako mamayang hapon, dyusmiyo kang bata ka oh-oh," Nangingiting anito.
Hindi na namilit pa ang bata bagkus ay hinayaan nalang nito ang ina na tumalikod dala ang dalawang bilao ng mani at turon. Nang mawala sa paningin ay pumasok na siya sa bahay na pansamantalang tutuluyan sa araw na iyon. Kapitbahay nila si Nanay Celia, isang matandang dalaga na walang ibang pampalipas-oras maliban sa mga halaman nito sa veranda. Inabutan niya ito sa kusina. Matapos magmano sa matanda ay naupo ito sa hapagkainan.
"Nanay, ano pong niluluto ninyo?"
"Sinigang, hija. Mahilig ka ba rito?"
Magiliw na tumayo sa upuan ang batang babae at tumabi sa matanda. Iyon ang unang beses niyang makapasok sa bahay na iyon at unang beses ring makausap ang matanda dahil bago lamang sila sa barangay ngunit naging sunud-sunod ang mga tanong niya. Mula sa sinigang ay umabot sa paligid ng bahay ang kaniyang kuryosidad.
"Mahal po ba 'yang ref? Magkano naman po ang bili ninyo?"
Hindi na napigilan ng matanda ang humagalpak ng tawa, bagay na ikinakunot ng noo ng nagtanong. Nangingiting napailing-iling ang matanda sa kadaldalan ng bata na puno ng kuryosidad. Kung ipagpatuloy nito ang ganitong likas na ugali hanggang sa paglaki ay iisa lamang ang pumasok sa isip niya.
"Mabubuhay sa mundo ang batang ito,"