Chereads / Polaris / Chapter 2 - Ikalawang Kabanata: Ulinig ng mga Bubuyog

Chapter 2 - Ikalawang Kabanata: Ulinig ng mga Bubuyog

Apat na araw na hindi namin ginalaw 'yong pera. Pero hindi rin naman sinurrender sa lost and found o pulis. Halata namang para sa amin dahil may pangalan ni Mama. Hindi nga lang namin alam kung kanino galing. O mas tamang sabihing hindi nila alam kung kanino nanggaling. Dahil may malinaw akong ideya kung kanino. Kanino pa nga ba? Isang tao lang naman ang nakita ko sa harap ng bahay no'ng araw na makuha ang kahon.

Hinalungkat ko ang kahon na naglalaman ng mga naiwang damit at ilang gamit ni ate. Doon, nakita ko ang picture niya. Mas lalo lang akong naging sigurado kung kanino 'yon galing. Dahil do'n sa kulay pulang rosas. Nung araw na umalis kasi si ate, may naiwan siyang rosas. Ngayon, hindi ko na alam kung naiwan ba niya 'yon o sadyang iniwan. Kasi nakapuwesto 'yong rosas na 'yon sa harap ng picture niya na 'to na noon ay naka-frame pa. Hindi ko nga lang alam kung bakit ang rosas sa pagkakataong ito ay kulay pula. Puti kasi yung iniwan niya.

Sa ikalimang araw, dumating si Nanay Teling. Hindi namin siya kaanu-ano. Sadyang iyon na ang nakasanayang tawag sa kaniya dito. Siya ang may-ari ng bahay na inuupahan namin. Katapusan na rin kasi ng buwan. Ibig sabihin, panahon na rin para sa pagbabayad ng upa. Wala si Mama nung dumating siya. Nagulat na nga lang kaming magkakapatid dahil biglang bumukas 'yung pintuan ng bahay. Hindi man lamang namin napansing may nakapasok na pala sa bakuran gawa ng napakalakas ng volume ng TV at kaming tatlo ay pare-parehas na tutok sa panananghalian habang nanood. Pero napatayo agad si ate Jade nang pumasok si Nanay Tel. Napalingon nalang kami ni Kuya Angelo sa kanila. Naglilibot na naman ang mata ni Nanay sa buong bahay. Ibinaling lang ang tingin kay ate Jade nang tanungin na siya nito ng dahilan ng pagpaparito.

"Nasaan ang Mama mo, Jade?" Mahinahon naman ang pagtatanong ni Nanay.

"'Nay naman, sana po sa susunod, 'wag naman po sana kayong basta-bastang pumasok,"

"Ang batang ito, para namang hindi ko pamamahay ito. Tinaguan na naman ba ako ng Mama ninyo?" Sa pagkakataong 'yon, tatlo na yata kami nina ate Jade at kuya Angelo na hindi nagustuhan ang tono ng pananalita niya. Bagaman may pahiwatig ng pagbibiro, lamang ang disgusto.

"Sasabihan nalang po namin si Mama na puntahan kayo kapag umuwi na. Nasa trabaho pa kasi siya, 'nay," Sa tono ni ate Jade, halata naman nang pinipilit nalang niyang gumalang.

"Ay, 'sus! Ang usapan ay ika-beynte-siyete ng buwan ang bayad niya. Alam ba ninyong tatlong buwan na kayong walang bayad sa upa?" Nagsimula siyang mag-ikot na naman ng mata sa loob ng bahay hanggang sa dumapo iyon sa maliit na washing machine sa kusina, "Ayon, kukunin ko nalang muna ang washing machine ninyo,"

Nang magsimulang magmartsa papuntang kusina si Nanay, wala kaming nagawa kundi mapasunod nalang din agad-agad sa kaniya. Kinakausap pa rin ni ate Jade si Nanay pero mukhang ayaw paawat. Halos mapatalon ako sa gulat nang sa kalagitnaan ng namumuong tensyon ay nilingon ako ni Nanay at inutusan. Tawagin ko raw ang ilan sa mga tambay sa labas dahil ipapabuhat nalang raw niya sa kanila. Hindi ko alam kung susunod ba ako o mananatiling nakatayo. Tiningnan ko si ate Jade pero panay pa rin ang pagkausap niya sa matanda. Tinapunan na naman ako ni Nanay ng tingin at nakaramdam na ako ng talim.

"Eme, hindi mo ba kako ako nadinig, hija?"

"Nay, hindi naman po yata pupwede kasing ganito. Mamayang hapon ay uuwi na rin naman si Mama. Baka po at least isang buwan ay mabayaran na mamaya,"

Sasagutin na naman sanang muli ni Nanay si ate Jade pero biglang lumabas ng kwarto si ate Gemma. Tuloy, apat kaming nalipat doon ang atensyon. Mukhang nagising siya sa papalakas nang usapan dito. Kakatulog palang pa naman niya ngayong umaga galing sa trabahong panggabi. Nang lumapit siya, silang dalawa naman ang nag-usap. Sa pagkakataong ito, hindi gaya ni ate Jade, ni hindi magawang mag-po at mag-opo ni ate Gemma. Mukha na tuloy aatakihin sa puso iyong matanda.

"Aba! Kung susumahin ang tatlong buwan eh sapat na ngang gawin ninyong collateral ang washing machine na 'yan,"

"Wala naman sa napag-usapan, 'Nay, ang pagcocollateral. Isa pa, si Mama dapat ang magbigay ng permiso sa ganito. Hindi naman naming puwedeng hayaan nalang ito dahil lang sa wala si mama," Ang taas ng boses ni ate Gemma at mas mariing pakinggan. Pati ako ay naiintimidate yata.

"Kung ayaw ninyong magbigay ng collateral, magbayad kayo ng upa,"

"Magbabayad naman kami. Darating din naman mamaya si Mama. Bakit hindi niyo 'yon maintindihan?" Halong pagkayamot at numinipis na pasensya ang nasa tono ni ate Gemma.

"Aba't. Ganyang tono at pananalita ba ang itinuturo sa 'yo niyang si Lourdes? Kung makapagsali—"

Inambahan ni Nanay Teling si ate Gemma ng hawak niyang pamaypay. Nagitla ako dahil inakala kong magiging malakas ang pagpalo nito sa ulo ni ate Gemma gamit ang pamaypay. Ngunit bago pa man lumatay iyon kay ate Gemma ay mabilis ngunit marahang itinulak ni ate Jade paatras si ate Gemma dahilan upang tanging hangin ang kalagtaan ng pamaypay. Eksaheradong lumingon si Nanay Teling kay ate Jade. Napalingon rin kaming magkakapatid kay ate Jade. At wala na sa ekspresyon niya ang kaninang pasensyang ipinapakita kay Nanay Teling. Sa kabila niyon, kalmado pa rin siyang nagsalita.

"Angelo, kunin mo 'yung box sa itaas na drawer sa kwarto," Seryosong binalingan ni ate Jade si Kuya Angelo nang magwika.

"Huh?" Makupad ang naging reaksyon ni kuya roon. Hindi ko siya masisisi. Ganoon rin ako kasama ni ate Gemma. Alam naman kasi naming magkakapatid kung ano ang tinutukoy niya. Iyon ay 'yong puting box nung isang araw na naglalaman ng libu-libo. Kabilin-bilinan ni Mama na 'wag raw 'yong galawin kaya hindi rin namin alam ang gagawin nang sabihin 'yon ni ate Jade. Lalo pa't siya ang kaninang nakikiusap sa may-ari ng bahay. Sa totoo lang, ang ganitong utos ay mas aasahan ko pa kay ate Gemma kaysa kay ate Jade na puno ng kontrol, pasensya at pang-intindi sa isang dekada na niyang pagiging panganay.

"Narinig mo 'ko," Pagdidiin ni ate Jade nang makalipas ang ilang segundong hindi pa rin naimik si kuya Angelo ngunit agad na rin naman itong tumalikod at nagtungo sa kung nasaan ang pakay.

Nang makaalis si kuya ay nagboses na naman si nanay. Na kesyo ang bata-bata pa raw ni ate Gemma ay ganoon na kung magsalita. Mukhang nagpanting ang tenga ni ate Gemma nang mabanggit ni Nanay na iyon raw ang pagpapalaki ng magulang namin sa kaniya. Kunot na naman ang noo. Saktong bumalik si kuya Angelo bago pa magratatat na naman si ate Gemma. Pagbalik ni kuya Angelo, binuksan agad 'yon ni ate Jade at kumuha ng siyam na libo sapat para sa tatlong buwang upa. Inabot niya iyon kay Nanay Tel na sinundan agad ng sarkastikong pamumuna.

"Mayaman naman pala eh," Mula ulo hanggang paa ang tinging inilatay ni Nanay Teling sa aming magkakapatid.

"Sana naman sa susunod ay matuto naman kayong kumatok. Kahit naman kayo ang may-ari ay respeto naman sana sa amin bilang nagbabayad ng upa," Ang naging sagot ni ate Gemma.

"Napakatabil ng dila ng batang ito. Ubusin mo muna ang gatas mo sa labi. Oh siya, sa inyo na 'yang washing machine ninyo. Kung hindi pa kayo tatakutin ay hindi kayo magbabayad," Tumalikod na si Nanay pero narinig pa rin naman namin ang pahabol niyang bulong. "Bulok naman na nga iyan, nagsasayang ng kuryente,"

Hinawakan na ni ate Jade si ate Gemma bago pa ito sumagot na namang uli. Saka lang ako nakahinga nang maluwag noong nakalabas na ng gate si Nanay Tel. Si ate Jade naman ay napagsabihan na naman si ate Gemma. 'Wag nga raw sagutin si Nanay Tel nang ganoon kasi gaya ng kanina.

"Ano? Dahil mas bata ako, ako na naman mali, gano'n?" Naiiritang sagot ni ate Gemma.

Kalmado naman kung sumagot si ate Jade. Na oo raw. Na sana nga ay inisip ni ate Gemma ang kalalabasan ng nangyari. Hindi raw dapat niya sinagot ang matanda. Sa totoo lang, sa pagitan ni Nanay Tel at ate Gemmas, hindi ko alam kung sinong tama. Tatlong buwang walang kabayaran at sapilitan at ora-mismong panghihingi ng garantiya, sino nga bang tama at mali sa sitwasyong 'yon?

PAGDATING ng hapon ni Mama, nabungangaan naman niyang pareho si ate Jade at ate Gemma. Bakit raw ginalaw iyong pera. Si ate Gemma na naman ang nagrason at kumuha ng responsibilidad ng paggalaw sa pera. Ayaw raw niya iyong trato kanina ni Nanay Tel. Kunsimido man si Mama, wala na rin naman ngang magagawa. Pero kung masama na ang pangyayaring 'yon, kinabukasan ay may isasama pa pala 'yon.

Hindi namin alam kung paano pero ang bilis kumalat sa mga tao sa labas. Totoo nga ang sabi ni Mama, may tenga ang lupa at may pakpak ang balita. Halos lahat yata ng kapit-bahay, binibigyan na naman kami ng ibang klase ng tingin. 'Yung alam mong may laman. 'Yung alam mong nangingilatis at may sinasabi. Nang pumunta ako sa tindahan ay sinisingil rin ako sa haba ng listahan ng utang do'n. Limpak naman raw kasi ang pera namin. Naalala ko kahapon, buong box at ang pagbukas non ang nakita ni Nanay Tel. Sa pagsisiksikan ba naman ng mga kulay asul na papel doon at sa ilang buwang sunud-sunod naming utang sa kung saan-saan, hindi nga imposibleng isipin ng mga kapit-bahay na hindi lang 'yon galing sa kakarampot na suweldo ni ate Jade bilang saleslady o ni ate Gemma bilang panggabing cashier sa 7/11 sa lumang palengke sa labasan. Hindi rin aabot ng ganoong bilang ng libo ang kahit pa anim na buwang pagiging truck driver ni Papa o ang weekly'ng pagtitinda ni Mama sa Angel's burger.

Si Papa na hindi alam ang tungkol sa perang 'yon, nang umuwi siya sa ikapito ng Linggo, bagaman ay panay ang nakasanayan na naming pag-ubo niya ay galit agad na kinumpronta si Mama. Pati siya ay napag-uusapan raw ng mga tambay sa kanto. Mapapasabak pa nga raw ng suntukan dahil napagbiruang galing raw 'yon sa maiiksing pananamit at araw-araw na pagkatingkad ng damit ni ate Jene. Tuloy, pati si ate Jene, nabulyawan ni Papa. Hindi lumabas ng kwarto namin si ate Jene. Tahimik niyang pinakinggan sa pagitan ng mga dingding ang paninermon ni Papa tungkol sa pananamit at pag-aayos niya na ang ipinupunto ay ang maaring pagiging kaladkarin na maya't maya ay susundan ng pagklaro ng lalamunan at ilang ulit na pag-ubo.

Naging tahimik lamang nang marinig ko ang padyak ni Papa palabas ng bahay. Gawain niya iyon, ang magsigarilyo sa labas upang magpalamig raw ng ulo. Pumasok ako ng kwarto pagkatapos hugasan ang mga pinggan at nang makaalis si ate Gemma na isa ring nag-asikaso para sa trabaho nang mabigat ang loob dahil sa pangatlong pagkakataon, napagsabihan ang ginawa niyang pagsagot kay Nanay Tel nung isang araw. Hindi lamang daw siya ang mapapahiya kundi pati sina Mama. Ang mga magulang ang nasa likod ng bawat liko at kanan ng aming raw mga paa.

Inabutan ko si ate Jene sa kabilang side ng papag na tinatakpan ng unan ang mukha niya. Hindi ko naman kailangang magtanong pa kung bakit. Basta, siya ang maglaba ng basang unan na iyon. Nahiga ako at pinakiramdaman ang gabi. Napakatahimik... Napakatahimik pero nakapabigat.