Chereads / The Hidden Paradise / Chapter 2 - Wild Rose

Chapter 2 - Wild Rose

Sabik na hinintay ni Reden ang paglingon ng magandang babae sa kanyang kinaroroonan. Alam na alam na niya ang hitsura ng babae. Hindi niya malilimutan ang napakaganda nitong mukha na tinernuhan ng makinis at maputing kutis. Ang mukhang tila hinubog ng isang magaling na iskultor; magmula sa may kakapalang kilay na tila iginuhit; sa mga matang nagmumungay at napapalibutan ng makapal at malalantik na pilik; pababa sa matangos at napakagandang hugis ng ilong hanggang sa manipis at mapupulang labi. Nakapako na sa kanyang isipan ang itim na itim, tuwid at malambot nitong buhok na isinasayaw ng mahinang ihip ng hangin. Kabisado niya na rin ang tila naaamoy niyang bango ng babae. Kakaibang bango na kahit nahahaluan ng mababango ring halimuyak ng mga bulaklak ay malalaman mo parin ang pagkakaiba. Bigla ay nagbago ang eksena sa kanyang panaginip hinahabol niya ang papalayong sasakyan. Mabilis ang pag-agos ng kanyang mga luha at lalo niyang binilisan ang pagtakbo. Hindi niya namalayan ang may kalakihang sanga ng kahoy na nakaharang sa daan at maging ang pagbagsak niya sa lupa. Ramdam niya ang sakit ng kanyang tuhod at ang pag-agos ng pulang likido sa kanyang noo ngunit wala ito sa sakit na nararamdaman niya sa pag-iwan ng kaisa-isang taong nagmamahal ang nagmamalasakit sa kanya.

"Elisa!"

Mabilis ang pagmulat na iyon ni Reden. Parang kahapon lamang ang mga naganap at sariwa parin sa kanya ang alala ni Elisa. Si Elisa ang laging nariyan para sa kanya tuwing sinasaktan siya ng kanyang sariling Ina. Hinilot-hilot niya ng kanyang daliri ang kanyang noo. Hanggang ngayon ay dinadalaw parin siya ng mga alala ni Elisa.

Ginigitlaan ng mumunting butil ng pawis ang makinis na noo ni Kylie. Naghihina siyang sumandal sa head board ng di kalambutang higaan. Ramdam na ramdam niya ang pagpasok ng sariwang hangin mula sa nakabukas na bintana. Ngunit hindi 'yon nakabawas sa alinsangang nararamdaman niya. Mabilis niyang hinagilap ang wrist watch na ipinatong niya kanina sa mesa. Alas-kwatro y' medya na ng madaling araw. Hindi na n'ya sinubukan pang muling matulog dahil hindi na siya nakaramdam pa ng antok. Bumangon siya sa higaan upang ayusin ang kanyang mga kakailanganin. Balak niyang pumunta sa Villa Aceres ngayong umaga. Buo na ang kanyang desisyon, kinuha niya ang kanyang toiletry set at damit na kanyang susuotin.

Sakto Alas-sais ng bumaba siya sa sala upang magpaalam sa kahit na sinong taong naroon. Ngunit laking gulat n'ya ng makita sina si Isay at Obet na tila inaabangan s'ya. Pawang nakabihis ang mga ito.

"Ate Kylie, aalis na ba tayo?" tanong ni Isay na kumikislap na naman ang mga mata.

"Teka, anong tayo? Saan tayo pupunta?" nakangiti niyang tanong.

"Ate Kylie, inutusan kami ni Inay na samahan ka pagpuntang Villa Aceres." Nakangiting sagot ni Obet sa kanyang pagtataka. Matagal siyang hindi nagsalita. Tumitig sa dalawang bata at tila nag-iisip. Pag-aalala ang lumarawan sa mukha ng dalawang bata. Pag-aalala na baka hindi siya pumayag na isama sila.

"Eh di kung ganuon.. Tara na!" pambibitin ni Kylie habang nauuna nang lumakad. "Mahuling lumabas ng pinto, maiiwan!"

"Yehey!" sabay na wika ng mga bata habang nag-uunahang lumabas ng pinto.

Sabay-sabay silang nakarating sa Nissan Navara na nakaparada sa gilid ng malaking puno ng mangga.

"Hindi pa tayo nagpapaalam kay Aling Perina." biglang naalala ni Kylie nang makasakay na silang lahat sa sasakyan.

"Wala na si Inay. Alas sinco palang ay dumaan na 'yong dyip na sumusundo sa mga trabahador." Si Isay habang masayang nakaupo sa front passenger seat.

"Ah, 'yon ba 'yong dyip na naghatid sa kanila kahapon?"

Tumango ito "lahat ng mga taong nakasakay doon ay mga magsasaka."

"Matagal ba bago makarating sa Villa Aceres?" tanong ni Kylie habang mabilis na pinaharurot ang sasakyan.

"Sa bilis ng sasakyan mo Ate Kylie siguro ay mga labinlimang minuto lang." sabat naman ni Obet na mabilis na kinalkula ang layo ng hacienda.

Tinahak nila ang medyo makipot na daan. Sa tingin ni Kylie ay hindi magkakasya ang dalawang sasakyan na magsasalubong. Kaya inisip niya na iba ang daan ng mga sasakyan na palabas sa lupain ng mga Aceres. Marami na siyang nakikitang mga puno sa paligid. Nangangahulugang nasa pribado ng daan ang tinatahak nila. Nasa sentro na sila ng malawak na lupain. Sa una lang nagkaroon ng nakakalitong likuan. Ngunit pagkatapos noon ay diretcho na ang daan na kanilang tinahak. Hininto nila ang sasakyan sa tabi ng isang puno. Hindi na kasi puwedeng ipasok pa ang sasakyan.

Lilinga-linga si Kylie habang bumababa ng sasakyan. "Pagkatapos, saan tayo pupunta? tanong niya sa dalawang bata.

"Pasens'ya ka na Ate Kylie. Sa likod kasi tayo ng manggahan dumaan. Kasi 'pag sa harap tayo siguradong matatagalan tayo dahil naroon pa ang mga magsasaka. Naku, sigurado pagkakaguluhan ka at aabutin tayo ng siyam-siyam sa pagpapakilala." Saka siya tinignan ni Isay ng mga ngiti sa labi. Tumango-tango naman si Obet bilang pagsang-ayon.

Tinignan niya ang kanyang sarili. Naka puting long sleeves siya. Ibinuhol niya ang laylayan ng damit sa may bandang tiyan niya. Dalawang botones lamang nito ang nakasara. Magkagayon man ay hindi siya nag-aalala dahil mayroon siyang pangloob na itim na body hugging sando. Nakasuot siya ng fitted jeans na mayroong malaking buckled belt. At ang kanyang paboritong boots naman na malaki at malapad ang takong ngunit hindi mabigat ang kanyang suot sa paa. Ang puting panyo naman ang ipinang-tali niya sa kanyang tuwid na buhok upang hindi magulo ng mahina lang namang ihip ng hangin.

Nakataas ang kilay na ngumiti siya sa dalawa "Kayo talaga. Tara na nga pumasok na tayo." Bitbit niya ang may kabigatan niyang camera at ang kanyang notepad at laptop. Tumawid sila sa isang curved metal bridge, kaya pala may tulay dahil mayroong maliit at mababaw na pond na pinaka division ng kagubatan at hardin.

Isang tila Tropical Garden ang kanyang nabungaran. Puros berde ang kanyang nakikita. Kung hindi lamang sumisingit ang sikat ng araw sa pagitan ng mga dahon ay magmimistula itong masukal. Magkagayon man ay napakalinis. Tanging ang mga dahon lang na nalaglag mula sa mga puno ang makikita. Matapos suyurin ng paningin ang munting kagubatang iyon ay nagpatuloy sila sa paglakad.

Isang mahabang pader naman ang kanilang nabungaran nang makalabas sila sa gubat at tuluyang makita ang liwanag. Pagkamangha na naman ang lumarawan sa mukha ni Kylie nang mabungaran ang kapaligiran pagkatapos ng kagubatan. Isang mahabang helera ng white at purple Bongainvillea ang kanyang nakita. Nagmistula itong mahaba at mataas na pader dahil sa pondasyon nito. Nagmukha rin itong background ng magagandang red at pink Star Clusters na nakatanim sa baba at unahan nito. Nang lumingon si Kylie sa kanyang kaliwa ay nakita naman niya ang iba't-ibang uri ng mga bulaklak na nakalatag sa malawak na lupain. Mga Begonias Geraniums at Scarlet Plumes ang ilan sa mga ito. Natatanaw niya rin mula sa malayo ang iba't-ibang kulay ng Campanillas, maging ang matatas na Salvia sa di kalayuan. Naroon ang ilan sa mga bulaklak na hindi niya akalaing tutubo sa lupain ng Cordillera.

"Ang ganda..." humahangang pahayag ni Kylie.

Nagkatinginan at pawang nakangiti ang dalawang bata sa kanyang likuran. "Sabi ko na kuya obet magugustuhan talaga ni ate Kylie ang Hardin ng Pag-ibig."

Tumango si Obet at nilingon si Kylie na sinusuyod parin ng tingin ang napakagandang kapaligiran. "Oo nga ate Kylie, napakaganda talaga kahit na wala pasa kalahati ng tunay na kagandahan ng hardin ang 'yong nakikita."

"Kung ganoon mas maganda pa ang makikita natin sa bandang 'yon?' nagniningning ang mga matang itinuro ni Kylie ang parte ng hardin na marami na naman puno at halaman.

"Kung pwede lang sana tayong pumunta roon," pambibitin ni Isay na agad namang dinugtungan ni Obet. "Mga piling tauhan lang ng hacienda ang nakakapasok diyan. Syempre isa na sa mga 'yon si Inay." pagmamalaki pa nito.

"Ibig sabihin nakapasok na kayo sa parteng 'yon ng hardin? Sa hardin na malapit sa Villa?"

"Oo, pero ilang beses lang. Dahil hindi rin naman ganoon kadalas magpunta si Inay sa Villa, kapag kailangan lang s'ya" paliwang ni Isay habang pinagunahan na muli ang paglalakad. "Makikita mo rin naman 'yon ate Kylie kapag nakausap mo na ang may-ari."

"Saka ate Kylie marami pa namang ibang bahagi ng hardin na magaganda rin naman." agaw ni Obet sa pagbibidahan nila ni Isay.

Ngunit mukhang hindi magpapatalo si Isay kaya muli na namang humirit. "Dali ate Kylie may ipapakita ako sa'yong mgandang lugar, tiyak na magugustuhan mo." At nagmamadali na itong nauna sa paglalakad. Hindi marahil napansin ni Isay ang may kalakihang sanga na nakaharang sa daan, huli na para iwasan pa. Agad siyang bumagsak sa lupa at dumire-derecho sa hindi kalalimang bangin.

"Isay!" Nabigla ang dalawa ngunit mabilis na humanap ng daan para makababa ng bangin. Labis na pag-aalala ang sumungaw sa mga mukha nila nang saglit ay hindi pa gumagalaw si Isay. Nagulat na lang sila nang sumigaw ito. "Ang tanga naman ng kahoy nakaharang sa daan."

Malakas na tumawa si Obet dahil sa pagtatakip ng kapatid sa pagkapahiya nito.

"Isay, ayos ka lang ba? May masakit ba sa'yo?" nagaalala parin si Kylie.

Mabilis namang umupo si Isay mula sa pagkakadapa. Tsaka lang nila nakita na maluha-luha ito dahil sa sakit na nararamdaman. May malaking sugat ito sa kanang tuhod at siko marahil dahil sa tagilid na pagkakabagsak nito at sa pag-iwas na huwag tumama ang mukha nito sa lupa. Mabilis din ang pag-agos ng pulang dugo sa kanan niyang tuhod.

Nabigla si Kylie sa nakita, si Obet naman ay tumigil sa pagtawa. Walang ibang maisip si Kylie kundi hugutin mula sa kanyang buhok ang puting panyong nakatali roon. Mabilis niyang ibenenda sa bukas na sugat ang panyo.

"Umuwi na tayo kailangang magamot ang sugat mo." nagalalalang wika ni Kylie habang tinutulungan tumayo is Isay. "Kaya mo bang maglakad?"

"Hindi ko yata kaya ate, parang nanghihina ang tuhod ko at ang sakit ng katawan ko."

"Doon muna tayo sa swing." turo ni Obet sa duyan sa di kalayuan "para makaupo si Isay." Agad nga silang nagtungo sa malapit na duyan. Inalalayan nila si Isay dahil hindi nito kayang lumakad.

"Alalayan nalang kaya natin si Isay hanggang sa makarating tayo sa sasakayan mo Ate Kylie?" Suhestyon ni Obet.

"Hindi pwede kuya nakalimutan mo na bang may tulay at hindi tayo magkakasya, maari tayong mahulog sa pond. Humingi nalang tayo ng tulong." ngumiwi si Isay, tanda na nasasaktan ito. "Aray ang hapdi."

"Masama ito, nalagyan ng alikabok at dumi ang sugat mo. Baka ma-impeksyon kapag hindi malinis agad." tumayo si Klie, nag-iisip kung ano ang dapat gawin. "Malayo ba dito ang Villa?"

Nag-isip ang dalawa, si Obet ang sumagot "Hindi, di-diretchohin mo lang 'yang daan matatatanaw mo na ang bahay."

"Pupunta ako, hihingi ako ng tulong at kukuha ako ng panglinis sa sugat ni Isay. Obet dito ka lang, samahan mo muna si Isay." determinado niyang sabi sabay ang mabilis na hakbang patungo sa deretchong daan.

Tinahak niya ang daan. Kagaya nang naunang tropical garden ay ganoon din ito ngunit mukang mas malawak at mas maraming puno at halaman. Sa wakas ay narating narin niya ang liwanag sa dulo niyon. At kagaya nang una ay kakaibang paghanga na naman ang kanyang naramdaman. Mas magandang kapaligiran ang kanyang nabungaran ngunit wala siyang panahon upang purihin ito. Natatanaw na niya mula sa di kalayuan ang villa.

Napahinto sa paglalakad si Kylie, hindi niya napigilan ang sarili na hindi tignan ang nadaanan niyang mga rosas. Halos lahat na yata ng alam niyang uri ng rosas ay naroon. Iba't-ibang varieties at kulay, pink, white, red, yellow at maging multi-colored roses ay mayroon din, kumbinasyon ng dalawa o higit pang kulay. Ang lahat yata ng nakikita ng kanyang mga mata ay puro rosas. May isang malaking arching cane pa na napupuluputan ng iba't-ibang vine roses. Mayroon ding maliit na shed na may isang puting mesa at dalawang upuan. Para bang ginawa para sa dalawang nagmamahalan na gustong magkaroon ng romantikong lugar habang nag-uusap. Napakaganda, parang lupain ng mga rosas.

Hindi napigilan ni Kylie ang sarili nang maakit at lumapit sa isang pulang-pulang rosas na umagaw ng kanyang pansin. Kakaiba ito, nag-iisa lamang ito sa grupo ng mga rosas na naroroon. Hindi niya napigilan ang sarili na umupo upang mas makita ito ng mabuti at maamoy ang halimuyak nito.

Isang malakas at tila galit na boses ang nagpahinto sa kanyang ginagawa. "Anong ginagawa mo rito? Wala pa kong natatandaang tauhan na inutusan ko para pumunta sa pribadong lugar ng hardin ko." malakas at matigas ang pagkakabigkas nito sa bawat salita. Parang papatay ng tao. Ngunit magkaganon man ay hindi parin nakaligtas sa pandinig niya ang mgandang boses nito na tila mas masarap pakinggan kung magiging malambing ang tono. Huminga muna s'ya nang malalim bago nagdesisyon na lingunin ang nagmamay-ari ng hardin at ng magandang boses.

Dahan-dahan siyang lumingon. Ngingiti na sana siya dahil sa nakitang paghanga at pagkabigla sa mukha ng lalaki. Nasa mukha nito ang pagkabigla na para ba nakakita ng multo. Bigla niya tuloy naisip kung ano na ang kanyang hitsura. Na-conscious siya bigla dahil sa nakalugay at magulo yata niyang buhok. May mga butil din ng pawis sa kanyang noo dahil sa pagmamadali na makarating sa hacienda. Bago pa man siya makapag-isip ay namalayan na lamang niya ang kanyang sarili na nakakulong sa mga bisig ng binata.

"Elisa. Ikaw nga ba talaga? Hindi ba ko nananaginip lang?"

Gusto sana niyang magsalita at magtanong ngunit tila walang lumalabas na boses sa kanyang bibig. Mahigpit na mahigpit ang pagkakayakap nito na parang anumang sandali ay maaari syang mawala. Ramdam din niya ang mainit nitong hininga malapit sa puno ng kanyang tenga. Nagdala ito ng kilabot sa buo nyiang pagkatao. Bakit kay lakas ng epekto sa kanya ng lalaking ito.

"Hindi na kita hahayaang mawala pa." Ramdam na ramdam niya ang init ng katawan nito. At ang tila kuryenteng dumadaloy sa buo niyang katawan. Unti-unti na siyang natatangay ng kakaibang sensasyon.

Mahigpit parin ang pagkakayakap nito sa kanya na para bang ayaw siyang pakawalan. Para parin siyang wala sa kanyang sarili. Naramdaman na lamang niya na lumuwag ang pagkakayakap nito sa kanya. Magkalapit na magkalapit sila na parang wala ng hangin ang makakadaan sa pagitan nilang dalawa. Ang magaganda nitong mata ay sa kanya lang nakatingin na parang siya lang ang nakikita, sinusuri ang bawat detalye ng kanyang mukha. Hanggang sa ang mga labi nito ay unti-unting bumababa sa kanyang mga labi.

Saka niya naalala ang dahilan ng patungo niya dito. Malakas niya itong itinulak dahilan para maglayo ang kanilang mga katawan "A-ang mga bata."