Chereads / Avenue Of Escape / Chapter 3 - Two

Chapter 3 - Two

Disclaimer: This story contains violence, strong language, family issues, abuse, suicide ideations and other mature content. If you are under 18 and/or going through something, please drop this book.

QUESHA

Nagkalat sa salas ang mga bote ng alak at upos ng sigarilyo. May mga balat pa ng tsitsirya. Sa mahabang sofa ay parang haring nakaupo habang nakapikit doon ang isang lalaking may kalakihan ang pangangatawan. Ang kamay ay nakasampay sa sandalan ng sofa habang may hawak na bote ng alak.

Ang mga braso ay siksik at halata mong matigas. Sa tingin pa lamang ay alam mo nang kaya nitong hawakan sa leeg paitaas at ihagis na lang basta pero kung mukha niya ang pagbabasehan mo'y iisipin mong siya 'yung tipo ng tao na hindi kayang manakit ng kapwa maski langaw.

Maganda sana ang pangangatawan kung hindi lang malaki ang tiyan dahil sa halos araw-araw na paglaklak niya ng alak. Si Tiyo Alex, amain ko. Nakilala siya ni mama sa dati niyang pinagta-trabahuhan na club at sumama sa kanya sa pag-aakalang magiging maayos ang buhay namin.

Pero heto, imbis na makaahon at makaalis na siya sa pagbebenta ng aliw ay mas lalo pa siyang nalubog dahil batugan pala ang pinakamamahal niya.

Akala ko rin ay magkakaroon na ako ng taong pwede kong tawaging 'ama'. Pero akala ko lang 'yun. Wala rin akong alam tungkol sa tunay kong ama dahil sa tuwing tinatanong ko si mama ay puro mura at sermon lang ang inaabot ko.

Tama si Monica, anak ako ng pokpok, hostess o kung ano mang tawag ng mga tao sa trabahong iyon ni mama. Sa ngayon ay sa isang spa nagtatrabaho si mama bilang masahista, pero may ibang serbisyo pa siyang ibinibigay depende sa ibabayad ng customer, ayon sa usap-usapan ng mga tsismosa dito. Oo, nalaman ko iyon dahil sa mga tsismosa naming kapitbahay pero hindi ko nga lang sigurado kung totoo.

Sinubukan kong huwag gumawa ng ingay sa pagpasok. Isinara ko nang tahimik at dahan-dahan ang pinto. Hindi rin ako gumawa ng kahit anong ingay hanggang sa pag-akyat ng hagdan ngunit halos manigas ako sa takot nang tawagin niya 'ko.

Lalong bumigat ang paghinga ko. Akala ko ay natutulog siya.

"Lumapit ka, bilisan mo." Bakas sa tono niya ang inis.

Napahawak ako ng mahigpit sa strap ng bag ko habang mabagal na lumapit sa kanya. Tiningnan niya lang ako habang nakakunot ang noo.

"Ano pa bang hinihintay mo? Alam mo naman na kung anong gagawin." naiinip na sigaw niya. Dahil sa takot ay napaatras ako.

"Pagod po ako." Nangangatog ang mga tuhod ko at garalgal ang boses kong sumagot sa kanya. Napalunok ako ng tiningnan niya 'ko ng masama.

"Ano ngayon kung pagod ka? Pagod din naman ako, a? Nakakapagod kaya umupo dito maghapon. Gusto mong patayin na lang kita para makapag pahinga ka na?"

Sa takot ay naging mabilis ang naging pag-iling ko habang nagsisimula ng tumulo ang mga luha ko.

"Tangina! Dami pang sinasabi. Hubad na!"

Ibinaba niya ang hawak na bote sa sahig at nagsimulang magtanggal ng saplot.

Sa takot ko ay sinunod ko na lang ang utos niya. Para siyang hayop na sabik na sabik. Basta niya na lang akong hinalay sa sahig.

Naiinis ako sa sarili ko. Nagagawa kong ipagtanggol ang iba pero kapag para sa sarili ko na ay hindi ko magawa.

Nanatili akong nakapikit habang siya ay patuloy lang sa kamunduhan niya. Gustuhin ko mang sumigaw ay hindi ko na ginagawa. Wala rin namang makikinig, walang may gustong makinig. Hindi na rin ako nanlaban pa dahil alam kong wala akong laban sa lakas niya.

Ang dahilan kung bakit halos ayaw ko ng umuwi. Sa tuwing wala si mama ay hinahalay niya 'ko. Sinubukan ko nang magsumbong noon kay mama pero hindi siya naniniwala at halos patayin pa 'ko sa bugbog kesyo ginusto ko rin naman daw.

"Anong ibig sabihin nito?!"

Napadilat ako nang marinig ang matinis ngunit galit na boses.

Si mama.

Dali-daling umalis sa pagkakapatong sa'kin si Alex. Wala siyang sinabi at patay malisya. Kaswal lang siyang nagsuot ng damit, dinampot ang bote ng alak at lumabas ng bahay.

Dinaanan niya lang si mama na nasa pintuan lang.

Si mama naman ay sinundan pa ng tingin si Alex hanggang sa mawala ito sa paningin namin. Marami siyang hawak na hindi ko mawari kung ano. Nakalugay pa ang mahaba at maalon niyang buhok.

May munting pag-asang sumibol sa dibdib ko.

Hindi ako pinaniniwalaan ni mama kapag nagsusumbong ako. Siguro namang ngayon na nakita na niya ang panghahalay sa 'kin ng asawa niya ay maniniwala na siya sa'kin.

Paniniwalaan na ako ni mama.

"Mama, sabi ko po sa inyo, totoong ginagahasa ako ni Tiyo Alex. Mama, maniwala kayo sa'kin." halos pumiyok na ako sa pagsasalita habag patuloy na umiiyak ngunit wala siyang naging tugon. Ibinagsak niya na lang basta sa sahig ang hawak at lumapit sa kinaroroonan ko.

Buong akala ko ay paniniwalaan na ako ni mama pero lumapit lang siya sa akin at binigyan ako ng sampal. Tila umikot ang paningin ko sa lakas n'on.

Na sa hubad kong katawan ang paningin niya at mababakasan ng galit ngunit hindi para sa hayop niyang asawa, kundi para sa akin.

"Ano bang pinagsasabi mo, Quesha? Siguro ay nilalandi mo ang Tiyo Alex mo! At ngayong nahuli kita ay mag-iimbento ka ng kwento? Malandi kang bata ka!" Gitil na sigaw niya sa akin.

Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko.

Kung ibang tao siguro iyon ay nagwala na sa galit dahil nasaktan o inaabuso ang anak nila. Baka nga napatay na nila kung sino man ang taong iyon. Pero bakit ang sarili kong ina ay hindi? Imbis na ipagtanggol ay ako pa ang nasisi.

Napatitig ako sa babaeng nasa harap ko. Mula nang isilang at magkamalay ako ay siya na ang kasama ko pero pakiramdam ko ay hindi ko siya kilala.

Nanay ko ba talaga siya?

Gusto kong sumagot. Gusto kong sabihin at ipilit na totoo ang sinasabi ko pero parang may bumara sa lalamunan ko kaya't hindi ako makapagsalita. Sumikip ang dibdib ko at nahihirapan na akong huminga.

Hindi pa siya nakuntento at sinampal ako ulit gamit ang likod ng palad niya. Ilang suntok pa ang inabot ko bago niya ako tinigilan.

"Ayusin mo ang sarili mo, Quesha. Ayoko ng maulit pa 'to kung hindi ay palalayasin kita!"

Naiyak na lamang ako sa labis na sama ng loob. Ano pa nga bang aasahan ko?

Nanginginig ang mga kamay kong dinampot ang mga damit ko at bag ko sa sahig.

Hindi ko alam kung bakit nagbubulag-bulagan siya gayong kitang kita naman kung ano ang totoo. Ni hindi man lang niya inaway si Alex o ipagtanggol man lang ako.

Lalong nawala ang tiwala ko sa ibang tao, pati sa sarili ko. Naisip kong magsumbong sa pulis o sa kung kanino pwedeng humingi ng tulong pero nanaig ang takot kong baka mahusgahan lang rin ako.

Baka tulad ni mama ay isipin nilang ginusto ko rin naman 'to dahil malandi ako.

Sarili ko ngang ina ay hindi ako pinaniwalaan, ibang tao pa kaya?

Sa mga ganitong sitwasyon, minsan ay hindi ko maiwasang isipin at ikumpara sino ba ang mas kaawa-awa sa amin ni Kaylen? Siya na wala ng magulang at pinagbubuhatan ng kamay ng mga taong kumupkop sa kanya, o ako na may magulang pa pero parang wala rin naman?

Napabuntong hininga na lang ako. Siguro ay pareho lang dahil pareho lang naman kaming hindi maayos ang kalagayan at walang gustong tumulong.

Bakit ba kasi ganito ang buhay namin? Hindi ba pwedeng mamuhay na lang kami katulad ng ibang bata na ang tanging problema lang ay kung papayagan ba sila ng magulang nilang maglaro sa labas? At bakit kung sino pa 'yung inaasahan mong p-protekta sa'yo ay siya mismong nananakit sa'yo?

Pumasok ako sa kwarto at nagpalit ng damit. Gusto kong magmukmok pero mas pinili kong aralin ang mga leksiyon namin kanina. Ginawa ko na rin ang mga gawaing bahay na ibinigay ng teacher namin.

Kailangan kong mag-aral nang mabuti para makaalis na 'ko sa impyernong 'to at hindi matulad sa akin ang magiging anak ko. Ito na lang ang magagawa ko para sa sarili ko, ang mag-aral at bigyan ng mas maayos na buhay ang sarili ko.

Kinabukasan ay ganoon pa rin. Masama ang loob kong nag-asikaso ng sarili at nagpuslit ng pagkain sa kusina. Hindi ko na naabutan si mama sa kusina. Hindi ko alam kung tulog pa o baka maagang pumasok sa trabaho niya. Anuman sa dalawa ay wala na rin akong paki.

Kumuha ako ng pera sa shoulder bag ni mama na nakapatong sa sofa. Sakto lang sana ang kukunin kong pera para sa araw na 'to pero dahil dala na rin ng sama ng loob sa kanya ay sobra ang kinuha ko. Gagastusin ko na lang 'to kasama ni Kaylen kesa maubos at ipambili ng alak ng hayop na si Alex.

Bagsak ang mga balikat kong nilakad ang daan papuntang school. Hindi na kailangang mamasahe dahil nasa loob lang din ng barangay namin ang paaralan.

Wala na akong gana sa lahat ng bagay pero hindi naman ako pwedeng sumuko dahil gusto ko pang matupad ang mga pangarap ko at isa pa ay umaasa din sa akin si Kaylen. Hindi ko siya pwedeng pabayaan. Siya na lang ang nagmamahal at naniniwala sa'kin.

Mga mapanuri at mapanghusgang tingin na naman ang ipinupukol sa akin ng mga kaeskwela ko pero gaya ng dati ay hindi ko na lang pinagtuunan ng pansin iyon at tumuloy sa classroom namin. Wala naman akong mapapala, masasayang lang ang oras at lakas ko sa kanila.

'Yun lang naman ang kaya nila, ang manghusga. Hindi ko sila masisisi, mas madali nga naman kasi ang manghusga kesa sa umunawa.

Agad akong umupo sa pwesto ko nang makapasok sa room, sa pinakadulo iyon, sa likuran, malapit sa bintana at hinintay na dumating ang teacher namin. Kahit na hirap ay nakinig at pinilit kong inintindi ang leksiyon.

Hanggang sa nagkaroon ng recitation para sa last subject namin. Mula sa unahan ay isa isang tatayo. Pagkatapos ng isa ay susunod namang tatayo ang katabing estudyante nang nauna upang sumagot. Gano'n ang sistema hanggang sa umabot ito sa pinakalikod na hilera ng mga armchair.

Halos lahat sila ay nakalingon sa gawi ko nang ako na lang ang hindi pa tumatayo upang sagutin ang tanong; ano ang pangarap mo?

"Quesha, maari bang tumayo ka at ibahagi sa amin ang iyong pangarap?" mapagpasensiyang ngumiti si Ms. Ging sa akin kaya't tumayo ako. Tumikhim muna bago sumagot.

Hindi tulad ng mga kaklase kong nangangarap maging pulis, guro o doktor, hindi ako sigurado kung ano ba talaga ang gusto kong tahaking landas kung sakaling makatapos ako ng pag-aaral.

Ang gusto ko lang ay makapagtapos ng pag-aaral. Ang gusto ko lang ay makaalis na sa bahay na tinitirhan ko, ang makaalis sa impyernong buhay ko.

"Hindi ko pa po alam kung ano ang gusto kong maging trabaho, pero gusto kong maging isang mabuting ina."

Binalot ng saglit na katahimikan ang silid bago napuno ng mapanglait na tawanan.

"Gusto mong maging ina? O, gusto mong maging katulad ng nanay mong pokpok?" nang-uuyam na sagot ni Monica, na sa kasamaang palad ay classmate ko, na sinundan ng nakakarinding tawanan.

Naikuyom ko ang palad ko pero nanatili akong tahimik at sa teacher lang ang paningin ko.

"Class, quiet! Monica, watch your words. Gusto mo bang dalhin sa Guidance Office at bigyan ng punishment?"

Ang malambing niyang boses ay naging mataray kaya't tumahimik ang lahat.

"Quesha, maari mo bang ipaliwanag ang kung bakit iyon ang pangarap mo? Iniidolo mo ba ang kabutihan ng iyong ina?" muling tanong niya, ngunit sa malumanay na paraan na sinagot ko ng sunod sunod na iling.

Bago lang sa school na 'to si Ms. Ging kaya siguro ay wala siyang alam. Hindi tulad ng ibang teachers na matagal ng nagtuturo sa school na 'to, na halos buong buhay ko yata ay kabisado na, na kasama rin sa mga nanghuhusga sa 'kin dahil sa trabaho ng nanay ko.

"Ayaw kong maging katulad ng mama ko, kaya gusto kong maging mabuting ina. Aaalagan at bibigyan ko ng maayos na buhay ang magiging anak ko."

'Yun lang at umupo na ulit ako. Tila naintindihan naman iyon ng guro kaya't nagpatuloy siya sa leksiyon.

Ilang oras ang lumipas nang matapos ang klase namin para sa araw na iyon. Nagmamadali pa akong ayusin ang gamit ko nang tawagin ako ni Ma'am Ging. Kaming dalawa na lang ang naroon sa room.

"Quesha, ayos lang ba ang lagay mo? Saan mo nakuha ang pasa iyan?"

Napatingin ako sa kanang braso ko. Hindi ko napansin na nagkapasa pala iyon.

"Sinasaktan ka ba sa inyo?"

Ang boses niya ay tila nanghahalina, nang-aakit na magtiwala at magsabi ako sa kanya ng totoo.

May kung anong naging epekto ang tanong na iyon sa dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko lalo na nang makita kong may pag-aalala sa mga mata niya.

"Wala po ito, Ms. Ging. Nadulas po kasi ako at itong braso ko ang naipit kaya nagkapasa," hindi ko alam kung kapani-paniwala ba iyong palusot ko. "Salamat po sa pag-aalala, pero ayos lang naman po ako sa bahay namin." dagdag ko.

Ito ang unang beses na may taong nagpakita sa akin ng pag-aalala bukod kay Kaylen. Marami kasi ang walang pakialam at madalas pa akong kutyain dahil sa anak ako ng babaeng nagbebenta ng aliw.

Gusto kong magtiwala at magsabi sa kanya ng totoo. Gusto kong humiling ng tulong ngunit mas nanaig ang takot kong baka sa huli ay katulad lang din siya ng iba at husgahan ako.

Nakita ko ang pagbuntong hininga niya. May iniabot siya sa aking maliit na papel kung saan nakasulat ang pangalan at may mga numero pa.

"Hindi kita mapipilit kung ayaw mong magsabi ng totoo. Pero sana magtiwala ka sa'kin. Nandiyan sa card ang numero ko, tumawag ka kung kailangan mo. Huwag kang matakot na magsumbong o humingi ng tulong sa akin, Quesha. Hindi mo kailangang mamuhay sa takot."

Hindi ko alam ang dapat kong sabihin. Napayakap na lang ako sa kanya. "Salamat po, Ms. Ging."

Ngiti na lamang ang itinugon niya na agad kong sinuklian bago tuluyang umalis. Isinuksok ko sa bulsa ng bag ko ang ibinigay niyang papel at lumabas ng school.

Kinawayan ko si Kaylen nang makita ko ulit siya sa parke. Patakbo ko siyang tinungo na parang iyon ang una naming pagkikita pagkatapos ng mahabang panahon.

Natuwa naman ako nang makitang suot niya ang ibinigay kong hairclip. Hindi kagaya noong nakaraan ay mas maayos ang buhok niya kahit na marungis pa rin naman ang damit niya.

Inabutan ko siya ulit ng pagkain at tubig. Pagkatapos ay nilinisan ko siya gamit ang panyo at alcohol.

"Alam mo, bagay kang maging isang nanay. Maalaga ka kasi saka maalalahanin. Sigurado akong kapag naging nanay ka na, magiging mabuti kang ina. Suwerte ng magiging anak mo. Sana ikaw na lang ang nanay ko, Quesha."

Napatitig ako kay Kaylen dahil sa tinuran niya. Sana nga, maging mabuti ina ako kapag dumating na ang panahong iyon. Gagawin ko ang lahat para hindi maranasan ng magiging anak ko ang lahat ng naranasan ko.

"Ayaw kitang maging anak. Ayaw ko ng anak na mabaho." dinaan ko na lang sa biro dahil baka mauwi kami sa iyakan.

"Ang sama mo!" Nakanguso na namang sabi niya.

"Biro lang. Tara na."

Ginabi na naman kami sa pangangalakal. Maliit lang ang kita ni Kaylen ngayon dahil wala kami masiyadong nahanap na kalakal o kahit anong pwedeng ibenta. Siguro ay may ibang mangangalakal ang naunang makakuha ng mga iyon.

Buti na lang ay hindi ko ginastos ang baong kinupit ko kanina at iyon ang ibinigay ko sa kanya. Nang makaliko na si Kaylen sa eskinita nila ay mabagal kong tinahak ulit ang daan pauwi sa amin.

Sana nakauwi na si mama.

Kahit na alam kong wala siyang paki sa akin ay ganoon na lamang ang tuwa ko nang madatnan si mama sa salas kasama ang asawa niya. Tuwang-tuwa sila habang nagbibilang ng pera.

Hindi ko kilala ang isa pang lalaking naroon. Magandang lalaki siya at mas bata ang itsura kung ikukumpara kay Alex.

Halata rin sa pananamit at tindig niya na may kaya siya sa buhay. Hindi maganda ang paraan ng pagtingin ko sa kanya ngunit maganda ang naging ngiti nito sa akin ng mapansin ako.

"Siya na ba si Quesha? Ang gandang bata." Malalim at magandang ring pakinggan ang boses niya.

"Ah, oo! Siya nga."

Lumapit sa akin si mama at hinila ako papunta sa harap ng bisita. Alanganin akong ngumiti sa bisita upang hindi magmukhang bastos.

"Quesha, siya si Lucas, ang papa mo."

Nagulat ako sa narinig at napatitig sa lalaki. Parang nagulat din siyang tumingin kay mama ngunit sumenyas ito ng kung ano na tila naintindihan din naman niya.

Ano naman kaya ang ibig sabihin no'n?

Ibinaling niya ulit sa akin ang paningin at ngumiti. May kung ano sa ngiting iyon ngunit hindi ko mawari kung ano.

"Ang papa ko?" Tanong ko habang nakatitig sa kaharap kong estranghero.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala. Ni sa panaginip o imahinasiyon ay hindi ko inaasahang darating ang araw na 'to.

"Oo, siya nga. Kauuwi niya lang galing ibang bansa. Gusto ko raw niya makita kaya nagpunta siya dito."

Hindi ko alam ang isasagot ko. Hindi ko rin alam kung ano ba ang nararamdaman ko ngayong nakita ko ang tunay kong ama. Hindi ako galit, hindi rin ako masaya.

Nanatili lang akong nakatayo sa harap nila at hindi na kumibo ng magsalita ulit si Lucas.

"Pwede ba kitang yakapin? Na-miss kita." nakabukas ang mga kamay niya, tila naghihintay. Nag-aalangan man ay lumapit ako upang pagbigyan siya.

Mahigpit ang yakap na iginawad niya sa akin. Naramdaman kong dumampi ang palad niya sa pang-upo ko ngunit umakyat din iyon sa bewang ko. Mahigpit at tila puno ng pananabik ang yakap na iyon pero iba ang naramdaman ko kaya't bumitiw din ako kaagad.

"Ayusin mo na ang gamit, Quesha. Mamaya maya ay aalis na rin kayo." Agad akong napalingon kay mama nang sabihin niya 'yon.

"Po?" Tanong ko kahit narinig ko naman ng malinaw ang sinabi niya.

"Sasama ka na sa Papa Lucas mo, kaya't ayusin mo na ang gamit mo."