Disclaimer: This story contains violence, strong language, family issues, abuse, suicide ideations and other mature content. If you are under 18 and/or going through something, please drop this book.
QUESHA
"Ayokong sumama." Malakas na pagkakasabi ko. Alam kong lahat sila ay nakatutok sa direksiyon ko ngunit wala akong pakialam. Ayaw ko at hindi ako sasama.
"Ano bang pinagsasabi mo? Huwag kang maarte!"
Sa tonong iyon ni mama ay alam kong galit na naman siya pero hindi tulad noon ay hindi ako nagpatinag.
"Basta ayaw ko." Matigas na pagkakasabi ko.
"Pasensiya ka na, Lucas. Lumaking sutil ang batang iyan."Tila nahihiyang singit ni Alex na siyang ikinatawa ko. Nakakadiri ang pagkukunwari niyang nahihiya siya.
Hiya? Sa pagkakatanda ko ay wala naman silang gan'on ng mama ko.
"Ako na ang bahala, saglit lang." nakangiting hingi ng paumanhin ni mama saka ako hinila paakyat ng kwarto ko. Itinulak niya 'ko papasok ng kwarto.
"Putang ina mo! Ano bang inaarte arte mo ha? Huwag mo 'kong ipapahiya kay Lucas, bwisit kang bata ka!" Dinuro duro niya ako at paulit ulit na sinampal. Nag-init ang mukha ko. Pakiramdam ko ay umakyat ang lahat ng galit ko sa ulo ko.
"Putang ina ko? Sino ba ang nanay ko? Hindi ba't ikaw? Pasensiya ka na, ma, kung napahiya kita sa Lucas na iyon. Hindi ko kasi alam na meron ka pa palang hiya sa katawan."
Sinubukan kong alalahanin na nanay ko siya. Na dapat ko siyang respetuhin kahit hindi siya naging mabuting ina. Pero wala akong makapa.
Sa hindi ko na mabilang kung ilang beses, isang malakas na sampal ang natanggap ko. Masakit ang pisngi ko ngunit sa tingin ko ay mas masakit pa rin ang katotohanang walang pagmamahal at pagpapahalaga sa akin ang tunay kong ina.
"Wala kang utang na loob para sumagot sa'kin ng ganyan! Ako pa rin ang ina mo, Quesha. Ako ang nagpakahirap sa pagpapalaki ko sa'yo at para matustusan ang pangangailangan mo. Wala kang karapatang bastusin ako," panunumbat niya sa'kin.
"Dahil wala naman akong utang na loob sa'yo. Oo nga't ikaw ang nanay ko, pero hindi ibig sabihin no'n ay may karapatan kang diktahan at kontrolin ako. Kung ano mang ginawa mo para sa akin ay hindi ko utang na loob sa'yo dahil obligasiyon mo iyon bilang magulang ko."
"Kung alam ko lang na lalaki kang ganyan ay ipinalaglag na lang sana kita. E 'di sana ay mas maayos ang buhay ko ngayon." Gitil na sigaw niya habang dinuduro ako.
"Sana nga ay ipinalaglag mo na lang ako nang sa gan'on ay hindi ko naranasan ang lahat ng ito! Sana hindi mo na lang ako binuhay kung ganito lang din naman ang magiging buhay ko. Ikaw ang nagdala sa akin sa mundong ito. Kung iniiisip mo'ng sana ay hindi mo na lang ako naging anak, sana sumagi din sa isip mo na hindi ko naman ginustong mabuhay.
Hindi ko hinangad na magkaroon ng marangyang buhay tulad ng iba, ma, pagmamahal mo lang naman ang hinihingi ko. Anak mo 'ko pero bakit kailangan ko pang manglimos ng pagmamahal mo? Bakit parang gano'n lang kadali para sa'yong mawala ako?"
Tulad ng mga luha ko ay hindi ko na rin napigil ang sariling maglabas ng sama ng loob matagal na panahon ko ring kinimkim at isinuksok sa pinaka ilalim ng isip at puso ko, sa pag-asang magbabago din si mama at ang sitwasiyon ko.
Kahit na may pagkakataon akong tumakbo palayo ay pinili kong manatili dahil umaasa akong darating ang panahon na mamumulat si mama mula sa pagkabulag niya. Hindi ako umalis dahil ang gusto ko, kasama ko siya sa pag-alis sa impyernong 'to. Umaasa akong mas mananaig ang pagmamahal niya sa aking anak niya kesa kay Alex.
Sa pinakamadilim na parte ng buhay ko, siya ang nagsilbing munting ilaw na nagbibigay liwanag at pag-asa sa'kin pero hindi ko inaasahang siya rin ang papatay ng ilaw na 'yun.
Ni hindi ko naramdamang meron akong ina. Sapat na 'yung matustusan niya lang ang pag-aaral at pang-araw araw na pangangailangan ko ngunit walang pagmamahal. Ni wala nga siyang pakialam sa kung anumang gawin ko basta't hindi siya mapapahiya sa harap ng asawa niya. Obligasiyon lang ang tingin niya sa akin at hindi isang anak.
Siguro kaya gano'n ay dahil sa hindi naman niya talaga ako gustong maging anak. O mas tamang sabihin, hindi niya gustong magka-anak. Aksidente lang ang pagkakabuo sa'kin kasama ang naging customer niya sa bar.
"Putang ina, ang dami mong drama! Sa ayaw at gusto mo ay sasama ka kay Lucas! Dapat pagbalik ko dito ay nakaayos na ang gamit mo, Quesha. Malilintikan ka sa'kin." pagbabanta niya bago ako iniwang mag-isa. Wala lang talaga ako sa kanya. Lalong nagbatis ang luha pero hindi na 'ko nag-abala pang punasan iyon.
Hindi ko maiwasang maawa para sa sarili ko. 'Tang inang buhay 'to. Bakit ba kasi nabuhay pa ako?
Masama ang loob akong nagpalit ng damit. Pagkatapos ay itinaktak ko ang laman ng bag ko at saka pinuno ng mga damit ko iyon. Tama lang din sigurong umalis na 'ko sa impyernong 'to.
Siguro nga ay dapat akong sumama kay Lucas, sa tunay kong ama. Baka sakaling mas maging maayos ang buhay ko sa puder niya. Baka sakaling magkaroon ako ng pamilyang kakalinga sa akin na hindi ko natagpuan sa apat na sulok ng bahay na'to.
"Aalis na po ba tayo?"
Naabutan ko sina Lucas at Alex sa baba na nagtatawanan at nagkukwentuhan na tila matagal nang magkaibigan. Ni hindi nila napansin ang pagbaba ko. Wala doon si mama, siguro ay nasa kusina o kung saan mang lupalop ng mundo.
"Sige, kung gusto mo na." Mabilis na sagot ni Lucas at agad din tumayo.
"Oh, hindi ka ba muna kakain, Lucas?" Sambit ni mama na lumabas mula sa kusina at may dalang pagkain. Umiling naman ang kausap bago tumugon.
"Hindi na, baka magbago pa isip nitong anak mo. Mahirap na."
"Sabagay. O siya, sige. Mag-iingat kayo at ikaw, Quesha. Magpakabait ka doon, ha?"
Hindi ko siya pinansin at itinuon sa sahig ang paningin ko. Wala akong pakialam kung magmukhang bastos, tutal ay pare-pareho naman silang walang respeto sa kapwa.
"Sige, mauna na kami," huling paalam ni Lucas saka naunang lumabas ng bahay. Nakasunod lang ako sa kanya sa paglalakad.
Sa paglalakad ay nakatitig ako sa pigura niya. Hindi pa rin tinatanggap ng sistema kong siya ang tatay ko. Hindi ko rin alam kung paano makitungo sa kanya, o ano ang dapat na itawag sa kanya.
Ang mga liwanag na lang ng nadadaanan naming bahay ang nagsilbi naming ilaw sa paglalakad. Wala naman kasing sindi ang mga ilaw sa mga nakakabit sa poste.
Nang makarating na kami kung nasaan ang kotse niya ay saka ko naalala si Kaylen.Pumasok na siya ngunit nanatili akong nakatayo sa tapat ng pinto nito. Inilibot ko ang paningin ko. Maraming tao at maingay kahit gabi na.
May mga magbabarkadang nagtatawanan, 'yung iba naman ay naglalandian pero karamihan ay mga tsismosa na sa direksiyon namin nakatingin. Marahil ay iniisip nila kung sino ang kasama ko at kung bakit kasama ko siya.
"Anong problema, Quesha?" Nakadungaw ang ulo niya sa bintana.
"Pwede po ba nating isama si Kaylen? Kaibigan ko po siya, papa." Pabulong at halos hangin na lang ang makakarinig sa pagbigkas ko ng "papa".
Hindi pa rin ako umaalis sa pwesto ko at mahigpit ang kapit sa strap ng bag.
Kumunot ang noo niya, animo'y nag-iisip.
"Kaylen? Sa akin ay okay lang naman din, pero paano ang mga magulang niya?"
"Wala na po siyang magulang at pinagbubuhatan siya ng kamay ng mga taong kumupkop sa kanya. Hindi po ba natin pwedeng gawan ng paraan? Mabait naman po si Kaylen, e." Wala akong maisip na paraan kung paano siya kukumbinsihing isama ang kaibigan ko.
Kung sakaling hindi naman siya papayag ay hindi na lang ako sasama sa kanya. Tutal ay nasa loob siya ng kotse, tatakbo ako pabalik sa masikip na kalye namin at magtatago. Alam kong mahihirapan siyang habulin o hanapin ako dahil hindi niya kabisado ang lugar na ito.
Iniatras ko na ang isa kong paa, handang talikuran ang maaring magandang buhay na naghihintay para sa 'kin sa puder niya.
Lumuwag ang pagkakahawak ko sa strap ng bag ko nang lumabas siya sa kotse.
"Sige, puntahan natin siya at kausapin ang mga taong kumupkop sa kanya. Pero kung hindi talaga natin makukumbinsi ay aalis tayo, sa ayaw mo man o gusto."
Tumango ako bilang sagot.
Gusto kong magtatatalon sa tuwa pero pinigil ko ang sarili ko. Ako naman ang nauna sa paglalakad dahil ako ang nakakaalam kung nasaan ang bahay ni Kaylen. Habang nasa daan ay panay ang dasal kong pumayag ang tiyahin niyang sumama siya sa amin.
Huminto ako sa tapat ng isang bahay na gawa sa plywoods at yero. Mula sa labas ay dinig ang pagsigaw ng matandang babae at pagmamakaawa ng isang bata. Sinasaktan na naman nila si Kaylen.
Mga walang awa.
"Tao po!" Biglang tumahimik nang sumigaw ako. "May tao po ba dito?"Muling tanong ko ng walang sumagot matapos ang ilang sandali.
Si Kaylen lang naman ang tao sa loob ng bahay na iyan, ang iba ay mga hayop na nagpapanggap na tao.
"Putang ina, anong kailangan niyo sa dis oras na ng gabi?" Nakapamewang na sambit ng medyo may edad at matabang ale. Nanlalaki pa ang mata nito na animo'y naninindak.
"Si Kaylen." Hindi na ako nag-abala pang gumalang.
"Oh? Anong kailangan niyo sa walang silbing bata na 'to?" Nakaramdam ako ng inis sa tinuran niya. Kung tawagin niyang walang silbi ang kaibigan ko'y parang hindi sila nakikinabang sa pinagpapaguran nitong pera.
"Isasama namin siya. Wala naman pala siyang silbi sa inyo." Tinawanan lang ako ng kaharap ko.
"Ano, 'yun lang 'yun? Aba, kung gusto niyong kunin si Kaylen, kailangang may kapalit."
Hindi ko siya maintindihan kung ano ba ang gusto niya. Anong gusto niyang ipalit kay Kaylen? Napabuntong hininga ako sa inis. Gusto ko siyang murahin kung hindi ko lang kasama ang tatay ko. Bakit ba ayaw nilang pakawalan si Kaylen gayong hindi naman nila maalagaan ng maayos ang kaibigan ko?
"Magkano?" Napalingon ako kay Lucas- o Papa. Naglabas siya ng pera mula sa wallet. Kahit may kadiliman ay pansin ang kapal ng wallet na iyon. "Pwede na ba ang limang libo?" ani niya na inaabot ang pera sa kausap.
Nakita kong tila kumislap ang mukha ni Aling Benilda habang nakatingin sa pera. Napaismid naman ako. Muntik ko ng makalimutang mukhang pera nga pala sila. Malamang, iyon ang hinihingi niya kapalit.
"Masiyadong maliit." Nagpapakipot na umismid ito. Nakita ko ang pag-iling ni Lucas habang bumubunot ng pera mula sa wallet.
"Sampung libo. Kung ayaw mo pa ring tanggapin ay babalik kami dito kasama ng pulis."
Walang paglagyan ang galak ko nang sa huli ay pumayag si Aling Benilda na ipaubaya sa amin si Kaylen at tanggapin ang pera.
Hindi ko alam kung mukhang pera lang talaga siya o natakot siyang makulong. Siguro ay pareho. Anuman ay wala akong paki. Ang mahalaga ay makakasama ko si Kayle.
Hindi rin naging ganoon katagal ang pagiimpake ni Kaylen dahil tinulungan ko siya at kakaunti lang din naman ang gamit niya. Nang makarating sa kotse ni Lucas ay pareho kaming pumwesto sa upuan sa likod, yakap yakap namin pareho ang bag.
Si Lucas-si Papa ay nasa unahan at sinimulan nang paandarin ang kotse. Napatitig ako sa repleksyon niya sa salamin. Siguro ay wala namang masama kung magtitiwala ulit ako. Tatay ko naman siya.
"May problema ba, Quesha?" Untag niya nang mapansin ako. Nginitian ko siya nang matamis bago sumagot.
"Wala po, gusto ko lang magpasalamat."
"Salamat din po, Tito Lucas. Pangako, magpapakabait po ako sa inyo." Singit ni Kaylen na kanina pa mukhang masaya. Ngiti lang din ang sinagot sa amin ni Papa bago itinuon ang atensyon sa pagmamaneho.
Sa daan ay hindi kami magkandatuto ni Kaylen sa mga tanawing nadadaanan namin. Kahit gabi na ay kita pa rin ang ganda ng mga tanawin dahil sa makukulay na ilaw. Minsan lang kami makakita ng ganito dahil kung hindi kalakal, mga taong asal hayop ang lagi naming nakikita.
Ilang oras na ang tinagal ng biyahe at unti unti na akong napapapikit sa antok ngunit pinilit kong maging mulat. Maya-maya'y naramdaman ko ang pagsandal ni Kaylen sa balikat ko. Nang silipin ko'y nakapikit na siya kaya't nagpalamon na lang rin ako sa antok.
"Quesha, Kaylen."
Nagising ako nang may tumapik sa pisngi ko. Pagmulat ko'y napaatras ako dahil sobrang lapit ng mukha sa akin ni Papa. May kung ano sa paraan ng pagtitig niya sa akin ngunit hindi ko mawari kung ano.
"Nandito na tayo." wika niya kaya't napatingin ako sa paligid. Kahit madilim ay kita kong nasa loob kami ng malawak na bakuran. Sa gitna ay isang bahay na sakto ang laki. Nang tanawin ko ang paligid ay napansin kong walang ibang bahay na nakatayo roon na labis kong pinagtakhan. Ganito siguro trip ng mga may pera ngayon, 'yung malayo sa ibang tao.
Inuyog ko si Kaylen na tulog mantika. Nang magising siya ay sabay kaming bumaba at sumunod kay Papa sa pagpasok sa bahay. Nang buksan ni Papa ang ilaw ay mas nakita namin ang kabahayan. Namangha kaming pareho ni Kaylen sa ganda niyon.
"Ang ganda po ng bahay niyo." Masiglang sambit ni Kaylen habang manghang inililibot ang paningin.
Ang bahay na ito ay dalawang palapag. Mahaba at malambot na sofa ang bubungad sa pagpasok. Sa tapat no'n ay isang telebisyon. Mayroon ring mga magagandang paintings na nakasabit sa dingding. Meron pang mga vase na halatang mamahalin.
Iginaya niya kami paakyat ng hagdan at pumasok sa isang silid. Puti ang kulay ng dingding, may malaking kama sa gitna na sa tingin ko ay kasiya ang apat na tao. Sa kaliwang bahagi noon ay may isa pang pintuan, marahil ay para sa banyo.
Hindi naman iyon kalakihan pero kung sa dati naming bahay ito ikukumpara ay sampung beses na mas maganda ito.
"Ito ang magiging kwarto niyo." Nakangiting sabi ni sa amin ni Papa na ginantihan ko rin namin ng ngiti at pasasalamat.
"Ang ganda naman ng bahay mo Tito Lucas, kaya lang mukhang malayo dahil sa tagal ng biyahe at saka parang nag-iisa lang 'tong bahay mo sa lugar na 'to" Sambit ni Kaylen habang parang bata na tumatalon talon sa kama.
Hindi ko alam na napansin din pala ni Kaylen iyon dahil pupungas pungas pa siya sa paglalakad papasok dito.
"Bukas na tayo mag-usap. Alam kong pagod na kayo kaya matulog na tayo." Wika niya bago isara ang pinto ng kwarto namin.
Walang kahit anong nakasabit sa kwarto na ito, hindi tulad sa salas. Wala ring masiyadong gamit bukod sa kama, aparador at malaking salamin na nakasabit sa dingding.
Nagkatinginan kami ni Kaylen, inaalam kung pareho ba kami ng nasa isip. Nagugutom na ako. Hindi man lang kami inalok kumain o kahit tubig man lang ni Papa. Pero nag-kibit balikat na lang ako. Sobrang pagod niya na siguro kaya ganoon.
Basta ko na lang inihagis ang bag ko sa higaan saka ibinagsak ang katawan ko sa malambot na kama. May alikabok pa, halatang hindi napapalitan pero sanay naman ako sa ganoon. Isinubsob ko ang mukha ko sa kama habang nadapa at nakalahad ang mga kamay, sinusulit ang lambot nito.
Maya-maya'y may narinig akong bagay na tila hinagis o nahulog na sinundan ng paglubog ng kama. Nang lingunin ko'y tatawa tawa si Kaylen na ginaya ang ginawa ko. Tumayo ako at kumuha ng unan.
Nakangising inihampas ko iyon sa kanya. "Hoy, maligo ka muna. Baka dumikit ang amoy mo sa sapin ng higaan at punda!" Biro ko sa kanya.
"Aray naman, Quesha!" Reklamo niya habang iniilagan ang mga hampas ko. "Hindi ko alam kung mabait ka ba o may sapi kang babae ka."
"Pareho!" Tatawa tawang sagot ko habang patuloy sa paghampas sa kanya. Nakita ko siyang dumampot din ng unan at nilabanan ang hampas ko.
Tawa kami nang tawa habang hinahampas ang isa't-isa. Natumba ako nang matamaan ni Kaylen, sapul sa mukha pero dali-dali ring tumayo at sinugod ulit siya.
Maya-maya ay pareho na ulit kaming nakahiga sa kama, hinahabol ang hininga at parehong pawisan. Hindi namin alam kung anong oras na dahil walang orasan sa silid na 'to.
"Quesha, salamat ulit, ha?" Dumapa ako at humarap sa kanya. "Salamat sa?"
"Sa pagsama sa'kin dito," dumapa din siya at humarap sa'kin nang may matamis na ngiti.
"Syempre. Hindi kita pwedeng iwan. Mahal kita kahit mabaho ka." Sinamahan ko ulit ng biro ang naging tugon ko. Baka magdrama na namin kami dito.
"Ayan ka na naman, e!" Nakanguso na namang wika niya. Natawa na lamang ako sa reaksiyon niya. Sa aming dalawa ay siya ang medyo isip-bata.
Inaya ko na siyang maglinis ng katawan. Tiningnan muna namin kung may tubig at sabon ba sa banyo, nang makitang meron ay pinauna ko na siya. Habang nasa banyo siya ay inayos ko ang higaan. Pinakialaman ko ang cabinet na naroon at kumuha ng sapin at pundang pamalit.
Nang matapos si Kaylen ay ako naman ang sumunod. Pakanta kanta pa 'ko habang naliligo. Iba ang sayang nararamdaman ko ngayon at sana ay magtuloy tuloy na.
Naabutan ko si Kaylen na nakahiga sa kama. Malinis at maayos na din ang itsura niya. Suot niya pa rin ang hairclip na bigay ko kahit basa pa ang buhok.
"Quesha, kantahan mo 'ko." Yumakap siya sa akin nang humiga din ako sa tabi niya. Maaliwalas ang ngiti niya at naglalambing ang boses.
"Anong kanta naman?" tanong ko habang nag-iisip na rin kung ano ang magandang kantahin.
"Kahit ano po, mama. Basta 'yung nakakaantok." Natawa ako nang tawagin niya 'kong mama. May pitik din minsan 'tong si Kaylen.
"Hindi mo nga ako mama."
"Eh basta! Gusto ko ikaw ang mama ko."
"Ayaw ko nga ng anak na mabaho."
"Mabango na 'ko. Naligo ako kanina, 'di ba?"
"Ayaw ko pa rin."
"Basta, ikaw ang mama ko." Natawa na lang ako ulit sa kakulitan niya.
"Kantahan mo na po ako, mama kong maganda." Ilang segundo rin ang lumipas bago ako nagka ideya kung ano ang kakantahin ko.
"Tulog na, mahal ko. Hayaan na muna natin ang mundong ito. 'Lika na, tulog na tayo. Tulog na, mahal ko.'Wag kang lumuha, malambot ang iyong kama. Saka na mam'roblema..." hinawi ko ang mga buhok sa mukha niya habang nanatili siyang nakayakap sa akin.
"Ang ganda ng boses ng mama ko." Hindi ko alam kung talagang pinupuri niya ako o nang-uuto lang siya. Tinapik ko ang noo niya. "Aray! Salbahe ka!" Asik niya na tinawanan ko lang.
Ipinagpatuloy ko ang pagkanta hanggang sa makatulog siya. Ang sarap tingnan ng mukha niyang payapa habang natutulog.
Sana laging ganito.