Chereads / Avenue Of Escape / Chapter 7 - Six

Chapter 7 - Six

Disclaimer: This story contains violence, strong language, family issues, abuse, suicide ideations and other mature content. If you are under 18 and/or going through something, please drop this book.

QUESHA

"May kotse!" Sigaw ni Kaylen.

"Tulong!" Kumaway-kaway pa siya sa papalapit na sasakyan.

Makikisigaw din sana ako nang makita ko ang kotse. Kinabahan ako bigla nang makilala ang may-ari non. Agad ko siyang hinila papunta sa gilid ng kalsada, papasok sa madilim kakayuhan.

"Bakit, Quesha?" tanong ni Kaylen sa gitna ng pagtakbo namin.

"Si Lucas iyon." Siguradong sagot ko.

"Paano mo nasabi?" Tumigil siya sa pagtakbo kaya't napatigil din ako. Naiinis ko siyang nilingon.

"Tumakbo ka na lang!" Hindi ko na napigilan ang sarili kong magtaas ng boses. Binitiwan ko na lang ang kamay niya at nagpatuloy sa pagtakbo.

Kahit na hindi sigurado kung saan pupunta ay hindi ako huminto. Bukod sa yapak ni Kaylen at tanging ingay ng mga tuyong dahon sa lupa at mabilis na pintig ng puso ko lamang ang naririnig ko ng mga sandaling iyon.

Patuloy lang kami sa pagtakbo hanggang sa mapagod. Huminto ako at lumapit sa isang puno para sana magpahinga. Nang lingunin ko si Kaylen ay hindi ko siya nakita, bagkus ay ang malaking pigura ni Lucas ang gumulat sa akin.

Muli akong pumihit para tumakbo ngunit agad niyang nahila ang buhok ko. Gusto kong magpumiglas ngunit hindi na nag-abala pa ng may inibulong siya sa 'kin.

"Pinatulog ko na 'yung mahal mong kaibigan. Sigurado kang iiwan mo siya mag-isa sa kamay ko?"

Gusto kong punitin ang bibig niya dahil naiinis ako sa malaking ngiting nakapaskil do'n. Napaka hayop talaga. Binitiwan niya rin naman ako at naunang naglakad sa akin. Lalo akong nakaramdam ng galit.

Malakas ang loob niyang hayaan lang ako dahil alam niyang hindi ako makakaalis kung hindi ko kasama si Kaylen. Bwisit!

Nakalabas na kami ng kakayuhan ngunit hindi ko pa rin nakikita si Kaylen. Pakiramdam ko ay nilinlang lang ako ni Lucas nang buksan niya ang kotse. Doon ay nakita ko ang walang malay na si Kaylen.

"Pasok." Base sa mga ugat na bakat sa kaniyang leeg ay masasabi kong nagpipigil siya ng galit.

Agad akong tumalima at tumabi sa kaibigan ko. May bahid ng dugo ang gilid ng labi niya. Sigurado akong si Lucas ang dahilan no'n dahil siya lang naman ang demonyo dito. Hindi na 'ko muling umimik pa. Akmang lilingon ako sa gawi ni Lucas nang makaramdam ako ng malakas na suntok sa sikmura bago magdilim ang paningin ko.

Nang magising ako ay nasa loob na kami ng kwarto. Nakatali ang parehong kamay at paa. Nang ilibot ko ang paningin ko ay nakita ko sa kabilang dulo si Kaylen. Nakatali rin ang kamay at paa, nakahiga sa sahig. May bakas pa ng dugo ang damit niya.

Sinusubukan kong kalagan ang pagkakatali sa'kin ng bumukas ang pinto. Iniluwa noon ang hayop na si Lucas. May hawak siyang bag na inilagay niya sa tabi niya nang lumapit siya sa'kin.

"Ayaw naman talaga kayong saktan ni Papa, e. Pero dahil naging makulit kayong bata, ay parurusahan ko kayo. Pero kung maipapangako niyong magpapakabait na kayo ay ito na ang una at huling beses na masasaktan kayo."

Gusto kong sumuka sa mukha niya. Ayun na naman ang mapagpanggap niyang ngiti, akala mo'y isang anghel.

Tinungo niya ang pwesto ni Kaylen saka sinipa sipa. Nang magising ay pahila niya itong itinabi sa akin.

"Para hindi na kayo umulit," nakangising sabi niya at naglabas ng martilyo sa dala niyang bag.

Napahiyaw ako ng ipukpok niya sa daliri ng mga paa ko ang martilyo. Halos murahin ko siya gamit ang lahat ng masasamang salita na naisip ko. Naririnig ko na rin ang paghiyaw at pagmamakaawa ni Kaylen.

"Tama na po. Tama na. Ayaw ko na!" Imbis na maawa ay tumawa pa siya.

Akala ko ay tapos na si Lucas nang bitawan niya ang martilyo pero may inilabas siyang pliers sa bag saka muling pumwesto sa harap ni Kaylen. Napapikit ako ng humiyaw ang huli dahil sa ginawang pagbunot ng nauna sa kuko niya gamit ang pliers.

Puro dugo na rin ang pwesto namin. Hindi naman ako magkandaugaga nang sa akin siya tumingin. Pilit kong isiniksik ang sarili ko sa pader. Sinubukan ko siyang tadyakan sa mukha ngunit dahil sa nakataling lubid ay hindi ako nagtagumpay.

Nang mahawakan niya ang paa ko'y pilit ko iyong hinila ngunit dahil sa ginawa niyang paghampas sa binti ko gamit ang pliers ay tila naubusan ako ng lakas. Tanging pag sigaw at iyak na lamang ang nagawa ko nang isa isa niyang bunutin ang mga kuko ko.

Umaasa na sa hiyaw kong iyon ay milagrong may taong makarinig at tulungan kami.

"Siguro naman ay magtatanda na kayo."

Parang wala lang sa kanya ang ginawa niya. Kaswal lang siyang tumayo at umalis ng kwartong iyon. Isang bagay lang ang nasisiguro ko, hindi siya tao kung hindi isang demonyo.

Tuyong-tuyo na ang lalamunan ko. Ilang araw na ang lumipas at tanging laway ko lang ang nagsilbing inumin at pamatid uhaw ko. Labis ang gutom na nararamdaman ko, at sigurado akong gano'n din si Kaylen.

Sobra na ang panghihina ng katawan ko. Matapos nang ginawa sa amin ni Lucas ay hindi niya kami kinalagan. Bumabalik siya rito sa kwarto hindi upang bigyan kami ng anumang makakain o maiinom kundi para halayin.

Nang lingunin ko ang pwesto ni Kaylen ay patagilid siyang nakahiga, nakatalikod sa direksiyon ko. Kinabahan ako bigla nang mapansing parang hindi na siya humihinga.

"Kaylen? Kaylen."

Hirap man ay gumapang ako papunta sa kanya. Inayos ko ang paghiga niya at tinitigan ang dibdib niya.

Tinitingnan kung umaangat-baba iyon. "Kaylen, huwag kang ganyan. Huy, gumising ka. Tatakas pa tayo, Kaylen. Huwag ka namang ganyan."

Ilang beses kong tinapik ang pisngi niya, umaasang magigising siya ngunit wala. Nagbatis ang mga mata ko, pakiramdam ko ay may kung anong nakaharang sa lalamunan ko.

Nagsimula na ring manikip ang dibdib ko. Ayaw tanggapin ng utak ko ang pangyayari. Hindi pwede. Hindi siya pwedeng mamatay.

Itinapat ko ang daliri ko sa ilong niya.

Tuluyan akong napahagulhol nang matapos ang ilang minuto ay wala akong naramdamang hangin. Wala na si Kaylen. Wala na'kong kakampi.

"Quesha. Quesha, gising."

Nang magmulat ako ng mata ay bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni Kaylen. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko.

Ang akala ko ay patay na siya. Paano?

"Quesha, nananaginip ka. Kanina ka pa umiiyak at sumisigaw. Ano bang napanaginipan mo?" Nag-aalalang sambit niya. Naluha naman ako sa nalaman ko.

Panaginip lang pala. Akala ko ay totoong wala na siya. Buti naman ay buhay siya.

"Namatay ka sa panaginip ko. Iniwan mo na raw ako," umiiyak pa ring sagot ko. Gusto ko siyang yakapin, ngunit dahil pareho kaming nakatali ay hindi ko magawa.

"Huwag kang mag-alala, Quesha. Hindi kita iiwan, pangako."

Biglang bumukas ang pinto at iniluwa no'n si Lucas.

"Siguro naman ay natuto ka na?" Tanong niya sa'kin.

Hindi ko siya inimik at takot na tumingin sa kanya. Agad na gumapang ang takot sa katawan ko nang lumapit siya ulit sa'kin. Akala ko ay sasaktan niya kami ulit, 'yun pala ay tatanggalin niya ang pagkakatali sa akin ng lubid.

"Tumayo ka na diyan. Aalis ako, may ililibing ko lang 'tong katawan na 'to pero huwag ka nang magtangkang tumakas kung ayaw mong maulit ang ginawa ko sa inyo ng kaibigan mo."

Doon ko lang napansin na may hawak siyang parang sako, hindi ko nakikita ang loob pero nakasisiguro akong tao 'iyon.

"Maglinis ka diyan para may pakinabang ka." Pagkatapos din iyon ay lumabas na siya.

Nagkatinginan lang kami ni Kaylen. Ibig sabihin no'n ay hindi lang kaming dalawa ang bihag niya.

Napakademonyo talaga.

Walong araw na ang lumipas pagkatapos ng pangyayaring iyon. Natutuyo na at pagaling na ang mga sugat namin ngunit sariwa pa rin sa isip namin iyon.

Dahil sa hindi makalakad si Kaylen ay ako na ang gumagawa ng mga gawaing bahay at nagluluto. Sa tuwing uuwi si Lucas ay ako rin ang pinagdidiskitahan niya at ginagamit.

Gusto ko nang sumuko. Gusto kong mawala na lang bigla para matapos na 'tong paghihirap namin.

"Quesha, gusto mo ikaw naman ang kantahan ko?" Tanong ni Kaylen pagkatapos ay patagilid na yumakap sa akin dahil nakatihaya ako.

"Sige, si mama naman ang kantahan mo."

Sinuklay niya ang buhok ko bago magsimulang kumanta, ginagaya ang palagi kong ginagawa.

"Tulog na, mahal ko. Hayaan na muna natin ang mundong ito. 'Lika na, tulog na tayo. Tulog na, mahal ko. 'Wag kang lumuha, malambot ang iyong kama. Saka na mam'roblema."

Wala pa sa kalahati ang kanta niya niya ngunit tinablan na 'ko ng antok. Marahil ay dahil na rin sa pagod. Palalim na ang tulog ko nang bigla ay may naramdaman akong dumagan sa akin. May kung anong nakatakip sa mukha ko kaya't nahihirapan akong huminga.

Sinubukan kong alisin kung ano man 'yun ngunit hindi ako nagtagumpay at tanging impit na sigaw lang ang kaya ko. Patuloy ako sa pagkampay ng kamay ko nang may matamaan ako. Hinawakan ko iyon. Braso.

"Pangako, Quesha. Pagkatapos nito, wala nang mananakit sa 'yo."

Tila naubusan ako ng lakas ng marinig ang boses ni Kaylen. Hindi ko alam ang dahilan niya kung bakit niya ginagawa ito. Ni hindi sumagi sa isip ko na kaya niyang gumawa ng mga bagay tulad nito. Hindi na lang ako lumaban pa. Marahil ay mas mabuti nang mamatay ako sa kamay niya.

Tanging pintig na lang ng puso ko ang naririnig ko at namamanhid na rin ang buo kong katawan dahil sa kawalan ng hangin. Handa na 'kong mamatay nang mawala ang unan na nakatakip sa mukha ko.

Habol hininga akong napaupo. Nakita kong umupo din sa sahig sa Kaylen at doon umiyak nang umiyak.

"Sorry, Quesha. Sorry. Patawarin mo 'ko. Hindi ko alam ang ginagawa ko."

Paulit-ulit na ang sinasabi niya habang ako ay nananatiling nakatitig sa kanya. Nahihirapan akong i-proseso ang nangyari.

"Bakit?" Sa pagkalito ay iyon na lang ang naitanong ko.

"Bakit, Kaylen?" Pasigaw na ulit ko.

"Patawarin mo 'ko Quesha. Pero hindi ko na kayang makita ang paulit-ulit mong pagdurusa. Naisip ko, hindi na tayo makakatakas pa dito. Ang tanging paraan lang para makalaya tayo sa impyernong 'to ay kamatayan. Kaya..."

Hindi na niya natapos ang sinasabi niya dahil sa pag-iyak.

"Bakit hindi mo itinuloy?"

"Hindi ko kaya." Sagot niya sabay ng sunod-sunod na iling at pagitan ng mga hikbi. "Sorry," dagdag niya.

Naiintindihan ko kung anong iniisip niya, at kung ako ang tatanungin ay mas mabuti na ngang ganoon.

Lumapit ako sa kanya at hinaplos ang likod niya. "Tahan na, hindi ako galit."

"Putangina, bakit ang ingay dito?" Nagulat man sa biglang pagpasok ni Lucas ay nanatili kami sa pwesto namin. Nakahawak lang ako sa likod ni Kaylen habang siya ay patuloy sa pag-iyak.

"Anong ginagawa mo diyan? Bakit ang ingay ingay mo?"

"Wala po."

"Wala? Bakit ang ingay mo? Tangina makarinig pa 'ko ng ingay diyan patatahimikin kita habang buhay." Umismid pa siya bago tuluyang lumabas.

Tumayo na 'ko at inalalayan sa pagtayo ang hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak na si Kaylen. Buti na lang ay hindi siya pinagalitan kanina ni Lucas.

"Bakit hindi ka galit?"

"Kasi, naiintindihan ka. Saka, kahit naman magalit ako sa'yo, sa huli ay patatawarin pa rin kita. Mahal kita. Ikaw na lang ang meron ako, Kaylen. Ikaw na lang ang pamilya ko. Kaya kahit anong gawin mo sa akin ay hindi ako magagalit."

"Mahal din kita. Ikaw lang din ang meron ako pero sana mapatawad mo 'ko kapag dumating ang araw na kailangan na kitang iwan."

Makahulugan ang sinambit niyang salita at hindi ko maintindihan.

"Anong ibig mong sabihin?" Kunot ang noong tanong ko ngunit nagsimula na siyang matulog.

Napabuga na lamang ako ng hangin bago tumabi sa kama at sinubukang matulog ulit.