Disclaimer: This story contains violence, strong language, family issues, abuse, suicide ideations and other mature content. If you are under 18 and/or going through something, please drop this book.
QUESHA
Nahihirapan na 'kong bumalik sa pagtulog. Naisip kong maligo para mapreskuhan, baka sakaling dalawin ulit ng antok.
Nilingon ko sandali si Kaylen. Mahimbing na siyang natutulog. Sa takot na magising siya ay pinigil ko ang mga hikbi ko at dahan-dahang tumayo at nagtungo sa banyo.
Binuksan ko ang shower at naupo sa sahig. Hinayaan ko lang na umagos ang tubig sa namamanhid ko nang katawan. Tumitig ako sa tubig na umaagos mula shower, iniisip kung bakit naging ganito ang kinahinatnan naming magkaibigan.
Ang gusto lang naman namin ay makatakas sa mapang-abusong kamay ng sarili naming mga magulang. Pero hindi namin lubos akalain na ganito ang kahihinatnan naming pareho.
Minsan, iniisip ko kung may nagawa ba kaming pagkakamali para danasin ang lahat ng ito. O kung hinahanap man lang ba kami ng magulang namin? Marahil ay hindi.
Ang nagbibigay na lang ng kapanatagan ng loob ko ay si Kaylen. Ayos na sa akin 'yung hindi siya ginagalaw o sinasaktan ni Lucas.
Kahit ako na lang ang maghirap, huwag lang siya. Siya na lang ang itinuturing kong pamilya. Siya na lang ang dahilan ko para ipagpatuloy ang buhay ko.
Dahil sa kanya ay hindi ako nawawalan ng pag-asa na makakaalis rin kami sa impyernong ito. Na balang araw ay mararanasan rin namin ang normal na pamumuhay. Walang nanakit o nang-aabuso.
'Yung hindi namin kailangang mamuhay sa takot. 'Yung buhay na gugustuhin naming magpuyat dahil sa saya kaysa matulog at humiling na huwag nang magising pa.
Nang magsawa sa tubig ay tumayo na ako at nagbihis. Paglabas ko ng banyo ay wala na roon si Kaylen. Kinakabahan akong lumabas ng pinto sa takot na baka may ginawa na naman sa kanya si Lucas.
Pagbaba ko ng hagdan ay nakita ko siya na nakahiga sa mahabang sofa, natutulog. May mga nagkalat pang bote sa katabing mesa habang nakabukas ang telebisyon. May kung anong pumasok sa isip ko dahil alam kong lasing siya.
Makakatakas na kami.
Dali-dali akong naghanap ng pwedeng panali. Nang may makita ay nakangiti at buong pag-iingat ko iyong itinali sa paa at kamay niya. Marahil dahil sa kalasingan kaya't hindi siya gaanong nakaramdam.
Nang masigurong mahigpit ay iniwan ko siya roon at nagtungo sa kusina. Mag-iinit ako ng tubig. Sinadya kong malakas ang apoy upang mas mabilis ang pagkulo.
Habang hinihintay na kumulo iyon ay bumalik ako sala dala ang isang kutsilyo at ginising ang hayop na si Lucas.
"Pakawalan mo 'kong puta ka! Alisin mo 'tong tali!" Halata sa mukha niya ang pagkagulat at pagkalito.
Napangisi ako nang makitang may gumuhit na takot sa mukha niya. Pakiramdam ko ay malakas ako.
Mapang-asar na ngiti ang ibinigay ko sa kanya.
"Galit ka naman agad, Lucas. Makikipaglaro lang naman ako sa'yo."
Hinawakan ko siya sa buhok at inaayos ng upo ang katawan niya sa sofa.
"Huwag kang malikot!"
Sinaksak ko siya sa buto ng binti niya, pareho kung saan niya ako hinampas ng pliers. Hindi ko inintindi ang pagpalahaw niya, naupo ako sa harap ng mga paa niya.
"Pen pen de sarapen, de kustilyo de almasen..." nakangiting kanta ko habang sinasaksak ang daliri niya sa paa.
May kung anong saya ang naibibigay sa akin ang mga palahaw niya. Nang magsawa ay binalikan ko ang tubig na pinakuluan ko. Nang makitang kumukulo na iyon ay binitbit ko ang takore, walang pakialam sa init ng hawakan.
Wala pa man akong ibang ginagawa ay labis na ang pagmamakaawa ni Lucas na tinawanan ko lang.
Ganyan nga Lucas. Malalaman mo ngayon kung ano ang pakiramdam namin ni Kaylen sa kamay mo.
Ibinuhos ko ang laman ng takore sa maselang bahagi ng katawan niya. Halos maglabasan ang ugat niya sa leeg sa kasisigaw.
"Dapat lang sa'yo, hayop ka! Wala kang kwentang ama! Kulang pa nga iyan,e. Kung pwede lang kitang paulit ulit na patayin sa paghihirap at buhayin ulit ay gagawin ko, maibalik ko lang sa'yo lahat ng hirap na naranasan namin."
"Ama? Tanga! Hindi ako ang tatay mo. Sinabi lang 'yun ng nanay mong mukhang pera para mapapayag kang sumama sa'kin. Ibinenta ka niya!"
Pakiramdam ko ay umakyat lahat ng dugo ko sa ulo ko dahil sa narinig ko. Ang kaninang tuwa na nararamdama ko ay napalitan ng galit.
Gigil kong ibinato sa mukha niya ang hawak ko. May parte ng mukha niya ang halos matuklap ng tamaan at matalsikan ng mainit na tubig. May kaginhawaang naibigay sa akin ng tanawing iyon.
"Quesha, anong ginagawa mo?"
Biglang sumulpot si Kaylen, hindi ko alam kung saan galing. Nagtaka ako nang makitang duguan na naman ang damit niya dahil sa mga sugat niyang parang hindi naman gumagaling gayong pinaliguan at inayos ko na siya kanina.
Gayunpaman ay hindi ko na iyon pinagtuunan pa ng pansin.
"Gusto ko lang iparamdam sa kanya ang sakit at hirap na naranasan natin, Kaylen. Bago tayo umalis ay ipapalasap ko sa demonyong 'to ang impyerno. "
Dinampot kong muli ang kutsilyo. Nang tapunan ko ng tingin si Lucas ay nakatingin siya sa'kin na parang nababaliw na ako.
"Si-sinong kausap mo? Hahahahahaha. Nababaliw ka na nga. Sabagay nagsasalita ka madalas mag-isa tapos kagabi, kayakap mo yung unan sa sahig."
Nagpanting ang tenga ko dahil sa tinuran niya. Inundayan ko siya ng saksak. Walang paki kung saan iyon tumama, basta makita ko lang na nahihirapan siya.
"Sinong tao ang hindi tatakasan ng bait dahil sa mga kahayupan mo? Wala kang kwenta. Wala kang konsensya. Imbis na magmakaawa ka at humingi ng tawad ay nagagawa mo pang magsalita ng kung anu-ano. Papatayin kita ngayon rin, Lucas. Makakaalis na kami sa impyernong 'to habang ikaw ay mauuna na sa kabilang buhay. Makakatakas na kami ni Kaylen."
"Hindi ba't nauna na iyong kaibigan mo sa kabilang buhay? Namatay na siya hindi ba? Inilibing ko pa nga roon sa likod ng bahay, e. Hahahaha. Nababaliw ka na." Nang-uuyam niyang tugon kahit na hirap na siya sa pagsasalita at may dugo nang lumalabas sa bibig niya.
"Hindi totoo 'yan, buhay pa siya!" Nilingon ko si Kaylen ngunit wala na siya roon sa pwesto niya kanina. Sinuyod ko ang buong bahay ngunit wala akong Kaylen na nakita.
Hindi. Hindi ito pwede, buhay pa siya!
Muli kong inikot ang bahay. Nang madaanan ko ulit ang sala ay patawa tawa roon si Lucas kahit na mababakas na sa kanya ang paghihirap.
"Hayop ka talaga! Kinuha mo na ang pagkabata namin, pati ang buhay ng kaibigan ko'y kinuha mo pa!"
Sa labis na galit ay pinagsasaksak ko siyang muli. Patuloy ang pagluha ng mata ko sa sobrang sakit at lungkot na nararamdaman ko.
Mukha naman niya ang pinuntirya kong saksakin hanggang sa halos hindi na siya makikilala. Nanghihina akong umupo sa sahig at doon umiyak nang umiyak.
Matapos ang ilang sandali ay hinanap ko ang mga susi. Halos gapangin ko na lang papunta sa likod nang bahay dahil sa panghihina. Tila pati ang ganang mabuhay ay nawala sa'kin.
Hindi rin ako nahirapang hanapin ang pinaglibingan ni Kaylen dahil may parte ng lupa roon na nakaumbok at malambot pa. Inumpisahan ko iyong hukayin gamit ang palang naroon lang rin mismo.
Ilang oras din ang itinagal ko sa paghuhukay bago ko nakita ang bangkay ni Kaylen.
Nag-uunahan na naman ang mga luha ko.
Umiiyak ko iyong niyakap.
"Kaylen."
Paulit ulit na tawag ko sa kanya. Umaasang may dumating na milagro at sumagot siya. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay wala pa rin.
Hindi ko mailarawan ang sakit na nararamdaman ko. Hindi lang ako basta nawalan ng kaibigan, nawalan rin ako ng dahilan para mabuhay pa.
Anong silbi nitong buhay ko kung wala na ang taong pinahahalagahan at nagbigay halaga sa 'kin? Wala na akong kaibigan at kapatid. Wala na akong kakampi. Wala na si Kaylen.
Napakislot ako nang may humawak sa braso ko. Akala ko ay buhay pa at nakatakas si Luccas ngunit nagulat ako nang mapagtanto kung sino iyon.
Si Kaylen.
Maayos at maaliwalas ang itsura niya. Wala sa sariling niyakap ko siya. Wala na akong paki kung gawa lamang ng isip ko ang imaheng iyon.
"Ang daya mo, Kaylen. Ang sabi mo hindi ka aalis. Pero bakit mo 'ko iniwan?" Nanunumbat na tanong ko.
"Patawarin mo sana ako, Quesha. Patawad kung naging mahina ako. Pero, Quesha. Kailangan mong magpatuloy kahit wala ako. Tatagan mo ang loob mo. Malakas ka kaya alam kong kakayanin mo 'yun."
"Hindi. Hindi ko kaya. Patay ka na, iniwan mo na ako! Paano ako magpapatuloy kung wala ka na? Sasama na lang ako sa'yo. Mas maigi pang mamatay na lang rin ako."
Kumalas sa pagkakayakap si Kaylen at hinarap ako.
"Hindi pwede, Quesha. Ipagpatuloy mo ang buhay mo para sa sa ating dalawa, lalo na sa'yo. Ikaw na ang bahalang tumupad sa mga pangarap natin. Hindi ka pwedeng magpabihag sa kung ano man ang nangyari ngayon, Quesha.
Matuto tayong magpatawad para makalaya tayo sa sakit at galit. Pero kung ayaw mo, okay lang din naman. Ang mahalaga ay huwag mong hayaan ang galit na kainin ka. Huwag mong itigil ang pagiging mabuti dahil lang hindi naging mabuti ang mundo sa'yo. Alam kong hindi magiging madali ang mag-umpisa muli pero 'yun lang naman ang pwede mong gawin. Kailangan nating umusad." Nagpapaintindi niyang wika.
Tila may mahika ang mga salita at haplos niya. Hindi man masyadong naiintindihan ng isip ko ay tinanggap iyon ng puso ko.
"Matapang ka, Quesha. Nagpapasalamat ako sa Diyos na nakilala kita. Hindi man madali ang mga pinagdaanan nating pareho, nagawa ko namang lagpasan ang lahat nang iyon dahil sa'yo. Mahal kita." Labis ang tuwang naramdaman ko nang marinig ang mga salitang iyon mula sa kaniya dahil ganoon rin ang nararamdaman ko.
Sa kanya ako kumukuha ng lakas. Sa kanya rin ako kumukuha ng tapang at lakas ng loob.
"Huwag ka masiyadong malungkot sa pagkawala ko, a? Isipin mo na lang mas maayos na ako. Masaya na ako sa piling ng Diyos. Wala nang mananakit sa akin do'n. Malaya na ako sa wakas. At alam kong darating ang araw na ikaw naman ang makakalaya, Quesha."
Nakangiti niyang wika ngunit iyak lang ang naging sagot ko.
"Aalis na ako."
Hindi na nga ako matigil sa pagtahan ay lalo pa akong napaluha dahil sa mga katagang iyon. "Pero huwag mong iisipin na iniwan kita. Lagi akong mananatili sa'yo, basta huwag mo lang akong kalilimutan. Kasama mo 'ko sa lahat ng bagay hanggat nananatili ako sa'yong ala-ala," naramdaman ko ang paghalik niya sa noo ko.
"Paalam, mama kong maganda."
Pumikit ako at humiling na sana sa pagdilat ko ay naroon pa rin siya ngunit wala na. Umalis na siya.
Nanghihina man ay tumayo na ako. Inilibing ko ulit ng maayos ang katawan ni Kaylen kasama ang lahat ng mapapait naming karanasan.
Magliliwanag na nang matapos ako. Mas nakikita ko na nang mas maayos ang kapaligiran. Mahangin ngunit hindi malamig.
Ipinapangako kong babalik ako rito upang bigyan siya ng maayos na libing.
Tama siya.
Dapat akong magpatuloy.
Muli ay napaluha ako, pero sa pagkakataong ito ay dahil iyon sa galak. Tumingala ako at ngumiti sa kalangitan, iniisip na mula roon ay nakatingin din sa akin ang kaibigan ko at nakangiti sa'kin.
Inilahad ko ang mga kamay ko pataas at saka umusal.
"Malaya na tayo.."