February 14, 2021
Habang ang araw ay malayang sumisikat sa kahapunan at kahit ang daming batang naglalaro sa kapaligiran, nakatulala lang na nakaupo si Rommel sa isang parke. Siya ay medyo matangkad, sakto lang ang pangangatawan, maganda ang pagkakaayos ng buhok, malinis manamit at kagalang-galang kung tumindig. May isang batang lumapit sa kanya dahil kanina pa ito nakapansin na tulala ang binatang nakatingin sa lupa.
"Kuya, baka matunaw yung lupa. Kanina mo pa kasi tinititigan."
Napatingala si Rommel para makita kung sino yung nagsalita. Isang batang pawis dahil sa maghapong paglalaro. Tumingin ulit siya sa lupa.
"Mahilig ka ba sa matatamis? Mga candy o kahit anong sweets."
Nagtaka ang bata kung bakit ito natanong ng binata.
"Ganyan ba ang epekto sayo ng valentines kuya? Pero oo naman! Bakit, bibigyan mo ba ako ng chocolate?"
Napatawa ito ng kaunti ngunit makikita mo ang lungkot sa mga mata niya.
"Baka nga. Pero kasi wala akong chocolate na bitbit ngayon eh kaya di kita mabibigyan."
"Tsss. Akala ko naman bibigyan mo ako. Umasa ako kuya, ang sakit. Chos lang hahaha."
"Napatanong lang ako kasi naalala ko yung caramel. Kailan kaya ako makakahanap ng tatapat sa caramel na yun?"
"Gusto mo bang bumili ako kuya? Mas masarap yung caramel candy diyan sa kanto oh"
"Hindi, wag na. Bumalik ka na sa paglalaro mo, hinihintay ka na ng mga kaibigan mo oh."
"Hehehe sige po kuya, wag niyo na pong titigan yung lupa."
Pagkatapos niyang sabihin ito ay bumalik na ang bata sa pakikipaglaro sa mga kaibigan niya habang naiwang nakatulala si Rommel sa kanyang upuan habang inaalala ang kanyang nakaraan.
"Naaalala ko pa. June 15,2017, ang huwebes na bumago sa takbo ng buhay ko."