ALVIR's POV
Napakalawak sa loob ng palasyo ng El Forandringsrytme. Tahimik din dito at maraming kabalyero ang nakatayo sa mga pwesto na itinalaga sa kanila.
"Ito pa lang ang harapan ng palasyo. Marami ka pang makikita sa loob. Kaya tara na!"
Nagtungo kami sa main door ng palasyo. At kagaya ng gate kanina, napakalaki rin ng pinto nito.
"Woah!" nakakamangha ang loob ng palasyo. Napakalawak, napakalaki, napakaayos, napakalinis at napakakintab.
"Dito tayo, lalaki." napatingin naman ako kay Cinroeslia na nakaharap sa isang bagay.
"Ano 'yan?" tanong ko habang nakatingin sa maliit na jar na naglalabas ng usok.
"Isa itong vazett-draiochta. Kapag tinapat mo ang palad mo sa usok na inilalabas nito, mapupuntahan mo ang nais mong puntahan." paliwanag nito.
Tinapat naming dalawa ang kamay namin sa usok na inilalabas nito. At sa isang iglap, biglang nagbago ang paligid.
Napatingin ako sa paligid.
"Ito ang opisina ni Maestro." sambit ni Cinroeslia. "Aalis na ako. Hihintayin kita sa harapan ng palasyo." tumango na lamang ako bilang pagtugon.
Muli niyang itinapat ang palad niya sa vazett-draiochta atsaka siya biglang naglaho.
Muli kong inilibot ang paningin ko sa kabuuan ng opisino ng maestrong sinasabi ni Cinroeslia kanina habang hinihintay ang pagdating nito.
"Hmm..." agad akong napatingin sa direksyon kung saan narinig ko ang isang tinig.
"Marahil ay ikaw si Alvir. Nagagalak akong makilala ka." sambit ng isang matangkad at sa tingin ko'y nasa 30-35 ang tanda na lalaki. "Ako si Sylvius Reviour, ang namamahala sa El Forandringsrytme."
"Nagagalak din akong makilala ka." sambit ko rito. Ngumiti naman ito atsaka nagtungo sa upuan na nasa likod ng lamesa ng opisina niya.
"Maupo ka." agad naman akong umupo sa upuan na nasa tapat at malapit sa harapan ng lamesa niya.
"Bakit mo ako pinatawag?" tanong ko rito.
"Nais kitang pasalamatan sa pagkakahuli mo sa salarin na pumapatay ng mga mortal tuwing sasapit ang gabi." sambit nito.
"Walang anuman po. Maliit lang naman na bagay 'yon."
"Hindi iyon basta maliit lamang, hijo." pagtatama nito. "Halos ilang buwan ding sumailalim sa takot ang mga mamamayan ng Vrede dahil hindi pa rin nahuhuli ang salarin. Kaya laking pasasalamat namin na sa wakas ay nahuli na ang tunay na may sala."
"Gano'n ba." kaya naman pala. Napapaisip ako kung ano ang motibo ng salarin. Bakit niya naisip na gawin ang mga karumal-dumal na bagay na 'yon?
"Kung gano'n ay nasaan na ang salarin?" pagtatanong ko.
"Kasalukuyan siyang nasa kulungan." sagot nito kaya isang tango na lamang ang ipinang-tugon ko.
"At bilang pasasalamat, nais kang bigyan ng gantimpala ng El Forandringsrytme at ng prinsesa." nakita kong may inilagay siya na lalagyan na gawa sa tela sa ibabaw ng kanyang lamesa.
Kunot-noo ko naman itong kinuha atsaka binuksan.
"Naglalaman 'yan ng isang daang kristal at limangpu'ng diyamante."
A-ano? Nagbibiro ba siya?
Napakakintab ng mga ito at nang akin itong hawakan ay masasabi kong napakabigat ng mga ito!
"Bakit parang.. Pakiramdam ko ay hindi ko ito matatanggap?" bigla kong pagtatanong sa aking sarili.
"Hijo, tanggapin mo na ang mga 'yan sapagkat iyan ay nararapat lamang na mapasaiyo."
"Pero---"
"Tanggapin mo na." palihim akong napabuntong-hininga atsaka ito hinawakan.
"Maraming salamat dito." ano naman ang gagawin ko sa mga 'to?
Siguro naman ay wala na kaming pag-uusapan pa kaya tumayo na ako at nagtungo malapit sa vanzett-draiochta.
"Saglit hijo." nagsalita ito bago ko maitapat ang kamay ko sa usok. "May nais pa akong sabihin."
Humarap naman ako rito atsaka hinintay ang nais niyang sabihin. Nakita kong tumayo siya at naglakad papalapit sa akin.
"Nais kong sabihin na..." tumigil ito sa harapan ko. "...pormal kitang inaanyayahan na sumali sa El Forandringsrytme."
"Huh?!" teka nga sandali. Ang maestro o ang namamahala ng El Forandringsrytme ay pormal akong iniimbitahan na maging kasapi ng organisasyon nila? Pero bakit?
"Mayroon ka na bang desisyon?"
"Anong ibig mong sabihin? Bakit mo naman ako iniimbitahan?" ngumiti naman ito.
"Nais kong ipagpatuloy mo pa ang pagtulong sa iyong kapwa." simoy ng hangin ang aking naramdaman matapos niyang sabihin ang huling kataga ng kanyang sinabi. Ang naglalakihang kurtina ng kanyang opisina ay sumasabay sa simoy ng hangin, gayon din ang mga balahibo ko sa aking braso.
"Nais ko..." sambit ko. "...pero, hindi ako tulad ng ibang mga mortal na may kakayahan. Isa lang akong normal na mortal. At ayokong mapunta sa dibisyon ng mga Vojska."
Narinig ko ang mahina at maikling pagtawa niya.
"Ayos lang naman kung wala kang kakayahan, hijo. Maraming mortal ang kasapi ng organisasyon na ito na walang kakayahan."
"At halos lahat sila ay nasa dibisyon ng Vojska, hindi ba?"
"Halos. Ngunit may mga normal na mortal ang nasa dibisyon ng Vselennaya." sagot nito.
"Hijo, makinig ka sa akin. Hindi mahalaga kung may kakayahan ka o wala. Ang mahalaga ay ang determinasyon mo sa nais mong makamtan."
---
"Isa itong kamangha-mangha!" rinig kong wika ni Cinroeslia habang naglalakad kami. "Napakaraming diyamante at kristal! Hindi ko aakalaing napakalaki magpa-gantimpala ni Maestro!"
"Anong kamangha-mangha diyan? E hindi ko nga alam kung ano ang gagawin ko riyan."
"Nasisiraan ka na ba ng ulo? Napakalaking halaga nito sa Garmoniya! Kung ganito karami ang yaman mo, sapat ng makabili ka ng napakalaking bahay!"
"Ano?!" agad akong napatingin sa kanya.
"'Yung totoo? Saang lupalop ba ng mundo ka nanggling?" ramdam ko ang pagka-sarkastiko niya. "Ganito kasi 'yon, para makabili ka ng isang bagay dito sa Garmoniya, kailangan mo ng ipapalit dito. At naririto ang mga pwede mong ipalit depende sa presyo ng binili mong produkto. Maaaring pilak, ginto, kristal o diyamante."
"Ang pilak ang pinaka-maliit ang halaga sa apat. Sumunod ang ginto. Ang kristal at diyamante ay halos walang pinag-kaiba. Kaya naman napaka-swerte mo dahil biniyayaan ka ng ganyang kayamanan."
"Ah." gano'n pala 'yon? Buti na lang tinanggap ko hehehe.
"Ano pang sinabi sa'yo ni Maestro?" muling pagtatanong niya.
"Nais niya akong imbitahan upang maging kasapi ng El Forandringsrytme."
"Talaga?!" tiningnan ko siya at napakunot naman ako ng aking noo ng makita ko ang napakalaking ngiti sa labi niya.
"O---"
"Pumayag ka?"
"Sinabi kong pag-iisipan ko pa."
"Naku-naku, sumali ka na! Wala ng mas sasaya pa sa paglilibot ng kabuuan ng Garmoniya! Iba't-ibang kaalaman ang iyong matutunan at maraming sikreto ang iyong malalaman! Kaya huwag ka ng magdalawang-isip na sumali!" masiglang sambit nito.
"Pero kasi, wala akong kakayahan at wala akong alam sa pakikipaglaban. At wala rin akong alam sa mundong ito." hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang mundong ginagalawan ko.
"Ano ka ba naman, Alvir." biglang siyang humarap sa akin kaya napatigil naman ako sa paglalakad. "Hindi hadlang ang pagkakaroon ng walang kakayahan at hindi marunong makipaglaban. Kaya kitang turuan kung paano lumaban. May mga guro rin ang El Forandringsrytme kung saan tinuturuan nila ang mga bagong kasapi ng El Forandringsrytme kung paano makipag-laban."
Napatingin ako sa kalangitan. Madilim na at nakikita ko na ang buwan at ang mga bituin. Unti-unti na ring nagbubukas ang mga parol sa bawat kanto.
"At kung wala ka mang alam sa mundong ito, sabay nating tuklasin ang bawat nakaraan at sikretong nakakubli rito."
Kumikinang ang mga bituin sa kalangitan kasabay ng muling paghangin. Napatingin ako sa kanya. Kasalukuyan siyang nakatingala sa kalangitan.
"Hmm... Hm-hmm... hm-hm-hmm..." ang mga bituin ay nagre-reflect sa mga mata niya. Kay ganda.
"Alam mo ba kung anong klaseng awitin iyon?" tanong nito matapos na humarap sa akin.
"Hindi e, ngunit ano nga ba?"
Tila ba naging malabo ang mga pangyayaring nagaganap sa kanyang likuran nang ipinakita niya ang kanyang ngiting nakakamangha.
"Ny Ethmassaolo." sagot niya. "Iyon ang pangalan ng awiting 'yon. Sayang nga lang at hindi ko kayang awitin ng maayos ang himno..."
Hindi ko alam kung bakit sa kabila ng tinig na maririnig mula sa kanya ay tila hindi ito dumadaan sa aking mga tenga.
Tanging kanyang ngiti at napakaganda niyang mata ang aking nasisilayan.
"Oy, tara na--- ay teka, saan ka pala tutuloy ngayon?"
"H-huh?--- ah, oo nga. Hindi ko alam." napakamot naman ako ng ulo.
"Tutal marami ka namang diyamante at kristal, siguro ay maaari ka ng mag-renta sa mga paupahang-bahay."
"Kina Mang Fredrick kaya?"
"Hindi siya papayag."
"Bakit naman?" grabe naman 'tong si Mang Fredrick. May pang-bayad na nga ako, ayaw pa akong tanggapin.
"Ang paupahang-bahay na pagmamay-ari niya ay para lamang sa mga kasapi ng El Forandringsrytme. Doon tumutuloy ang mga kasapi ng El Forandringsrytme na walang matutuluyan. Libre silang tumutuloy doon dahil sagot na ng El Forandringsrytme ang mga gastusin."
"Gano'n ba."
"Dapat kasi pumayag ka na sa imbitasyon ni Maestro!" sambit nito atsaka ako hinila.
---
"Siya si Georgette. Siya ang tagapangasiwa sa dibisyon ng Vselennaya." rinig kong sambit ni Cinroeslia.
"Magandang umaga hijo, maupo ka muna." kasakukuyan kaming nasa opisina ng tagapangasiwa ng Vselennaya. Napansin kong napakaraming papel sa lamesa nito ngunit napakaayos ng loob ng opisina niya.
"Nais mong sumali sa dibisyon ng Vselennaya?" agad naman akong tumango bilang pagtugon sa tanong niya. "At bakit naman?"
Hindi ko alam na may interrogation pala na magaganap.
"Maliban sa inimbitahan ako ni Maestro Sylvius, nais ko ring libutin ang kabuuan ng Garmoniya. Marami akong nais na malaman pa sa nasyong ito." tumango naman siya at ngumiti.
"Lagdaan mo ito." may iniharap siyang papel sa akin. Teka, isa nga bang papel ito? Sapagkat wala itong kulay. Transparent ito ngunit nababasa ko pa rin ang mga sulat.
"Nasaan ang panulat?" tanong ko. Ngunit imbis na panulat ang ibigay niya, isang maliit na kutsilyo ang iniabot niya sa akin.
"Walang panulat sapagkat sarili mong dugo ang iyong gagamitin upang lagdaan iyan."
"Huh?!" hindi ko maiwasang magulat.
"Oo dugo talaga ang iyong gagamitin diyan, lalaki. Kaya lagdaan mo na!" kunot-noo ko namang kinuha ang kutsilyo atsaka sinugatan ang palad ko.
"Ipatak mo lang sa kahit saang parte ng kontrata ang iyong dugo." rinig kong sambit ni Georgette kaya agad kong ginawa. Nang mapatakan ko ito, biglang naglaho ang sugat sa palad ko.
Ang dugo ko naman na ipinatak ko sa kontrata ay bigla ring naglaho.
"Ngayong isa ka ng ganap na manlalakbay, naririto ang iyong tsapa." agad ko namang iniabot ang insignia na hawak niya atsaka ko tiningnan.
Eh? Nakalagay dito ang logo ng El Forandringsrytme at sa baba nito ay nakasulat ang pangalan ko.
"Lagi mong isusuot ang iyong tsapa kahit saang lugar ka man magpunta." tumango naman ako.
---
"Nakikita mo ba ang tsapa ko, lalaki? Parehas na tayo! Hahaha!" hindi ko alam kung bakit tuwang-tuwa siya.
"Bakit kailangang gamitan ng dugo kung pwede namang tinta na lang? Yung simpleng lagda lang sana." pagtatanong ko.
"Alam mo ba kung bakit nakalagay ang pangalan mo sa tsapa'ng 'yan?" umiling naman ako. "Dahil iyon sa dugo na inilagay mo sa kontrata."
"Ang kontratang nilagdaan mo ay hindi lang basta-basta kontrata. Meron itong kakaibang mahika kaya napaka-sagrado nito. Sa oras na pinatakan mo ito ng dugo, kusa itong gagawa ng tsapa na para sa iyo."
"Kaya naman pala." bakit pakiramdam ko ay ang mga bagay na sinasabi niya ay napaka-imposible? Pakiramdam ko pati ay ngayon ko lang narinig ang mga pinagsasasabi niya.
"Oo nga pala, alam mo ba kung saan makikita ang kulungan dito sa Vrede?" muli kong tanong kay Cinroeslia.
"Ang kulungan ay nasa loob ng palasyo ng El Forandringsrytme. Bakit mo natanong?"
"Nais kong magtungo roon. Nais kong kausapin ang salaring muntik ng pumaslang sa akin."
"Huh? Pero sige, sasamahan kita patungo roon."
Nagtungo kami sa ibang daanan upang makapasok sa loob ng palasyo. Ang sabi sa akin ni Cinroeslia ay may sariling gate ang mga kasapi ng El Forandringsrytme kung saan malaya silang nakakapasok.
"Dito ang kulungan. Pumasok ka na sa loob. Hihintayin na lang kita rito." tumango na lamang ako atsaka nagtungo sa loob. Nang makapasok ako roon, nakita ko ang isang kabalyero na nagbabantay. Mukhang siya ang receptionist.
"Sino ka at sino ang iyong pakay?" dinig kong tanong niya. Lumapit naman ako sa kanya.
"Nais kong makita ang babae. Yung pumapatay ng mortal tuwing gabi." sagot ko. "At isa akong manlalakbay." tumango naman ito.
"Sumunod ka sa'kin." napatingin ako sa isang kabalyero na hindi ko namalayang nasa gilid ko pala. Tahimik naman akong sumunod sa kanya.
Dinala niya ako sa isang area kung saan maraming lamesa at upuan. Parang gano'n ang hitsura sa cafeteria.
"Humanap ka ng pwesto sapagkat tatawagin ko muna ang hinahanap mo." tumango naman ako atsaka humanap ng pwesto. Walang ibang naririto kundi ako lamang.
Ilang minuto ang lumipas ay muling bumalik ang lalaki.
"Mayroon lamang kayong dalawampung minuto upang mag-usap." sambit ng kabalyero atsaka naglakad paalis. Ang babae naman ay kasalukuyang nakaupo sa harapan ko.
"Ano ang iyong nais?" matigas na tanong nito. Ang mga kamay niya ay naka-posas. Ang gulo-gulo rin ng buhok niya.
"Bakit ka pumapatay?" ang mga katagang iyon ang unang lumabas sa bibig ko.
"Wala kang pakialam." sagot nito. Tumingin ako sa kanya ngunit nag-iwas siya ng tingin sa akin.
"Ano ba talaga ang pakay mo?!"
"Bakit ka pumapatay.. tuwing gabi?" muli kong pagtatanong.
"Wala ka bang tenga?! Diba sabi ko wala kang pakialam!" nakita ko ang unti-unting pagpatak ng mga luha sa mga mata niya.
Pinanood ko lamang siya. Umiiyak siya ngunit hindi ko siya naririnig na humihikbi.
"Wala akong ginagawang.. masama..." rinig kong sambit niya. "...nais ko lang na ako naman ang maipagmalaki nina Ama at Ina! Anong masama roon?!" sa oras na ito, sumigaw siya.
Pinunasan niya ang pisngi niya atsaka tumingin sa akin.
"Wala kang kakayahan, hindi ba?" gulat ang naramdaman ko dahil sa tanong niya. Dahan-dahan naman akong tumango.
"Kung gayon ay parehas tayo." muli niyang pagsasalita. "Ang pamilya ko at ang angkan ko ay may kakayahan kung saan namamana at pinapasa nila ito sa bawat henerasyon kaya gano'n na lamang ang gulat ng aking mga magulang ng malaman nilang wala akong kakayahan."
"Nag-iisa lamang akong anak at bilang anak, nagsasawa na akong marinig kung paano nila hilingin na sana ay mayroon din akong kakayahan tulad ng ibang mga mortal na kasing-edad ko." muling pumatak ang luha niya ngunit agad din niya itong pinunasan.
"Kaya naman nagtungo ako sa isang espiritu. Humiling ako sa kanya na bigyan ako ng kanyang kapangyarihan. Tumugon naman siya at pumayag ngunit kapalit ng aking nais ay kailangan kong pumatay ng isang libong mortal."
"A-ano?!"
"Noong una ay ayaw ko. Ngunit sa huli ay wala akong nagawa. Sinunod ko ang nais niya ng sa gayon ay makita naman nila ang halaga ko at para maipagmalaki naman nila ako."
Nasisiraan na siya ng utak?!
Pero merong parte ng sarili ko ang naiintindihan siya. Hindi madali ang pinagdaanan niya. Bago pa man siya pumatay ay biktima na siya ng lungkot kaya naman ginawa niya ang sa tingin niyang magpapasaya sa kanya pero sa huli, mas lalo lang siyang nalugmok sa kalungkutan.
"Sa bahagi ng Shiansach." napatingin naman ako sa kanya. "Makikita mo roon ang isang lumang kastilyo na halos hindi na makilala dahil gumuho ito matagal na taon na ang nakalilipas. Napapaligiran ito ng mga malalaking puno na walang dahon."
"Ano naman ang mayroon doon?"
"Magtungo ka roon at tawagin mo ang espiritu na naroroon at kausapin mo siya. Humiling ka sa kanya ng kapangyarihan at tiyak na makukuha mo ito matapos mong gawin ang kapalit na hinihingi niya."
"A-ano? Doon ka ba humiling? Kung oo, ayoko! Ayokong kumitil ng buhay para lang sa ikaliligaya ko."
"Bakit hindi mo subukan? Malay mo iba ang hingin niyang kapalit." nakita kong ngumisi ito.
---
"O ano naman ang pinag-usapan niyo?" bungad na tanong ni Cinroeslia sa akin matapos kong manggaling sa loob ng kulungan. Kasalukuyan kaming patungo sa training area ng palasyo.
"Mga bagay na hindi naman gano'n ka-importante." sagot ko. Tumango naman siya.
"Ano bang meron sa mga espiritu?" bigla kong pagtatanong. Hindi ko pa rin alam kung ano ang mga ito at ano ang pagkakapareho at pagkakaiba nila sa mga mortal.
"Ang mga espiritu ang nagsisilbing gabay ng bawat nasyon at ang pumo-protekta sa mga espisipikong bagay na nakatalaga sa kanila. Ang kanilang kakayahan ay halos kasing-lakas ng mga kakayahan ng mga diyos." sagot nito.
"Maraming espiritu ang nagkakalat sa Garmoniya. Hindi sila nakikita ng mga mortal maliban na lamang kung kusang magpapakita ang mga espiritu sa kanila."
"E paano sila makikita?" muli kong pagtatanong.
"Kailangan mong puntahan ang lugar kung saan sila naninirahan at tawagin mo ang kanilang pangalan, siguradong magpapakita sila. Tulad ni Seduire. May gubat siyang pino-protektahan kaya naman doon siya naninirahan. Kailangan mo lamang tawagin ang pangalan niya at tiyak na magpapakita siya."
"Ah gano'n pala 'yon."
"At isa pa, ang mga espiritu ay hindi mortal. At kung magtutungo ka sa kanilang teritoryo at may nais kang kuhanin na bagay na nasa teritoryo nila, kailangan mong magbigay ng alay bilang kapalit ng kinuha mo dahil kung hindi mo iyon gagawin, paniguradong may masamang mangyayari sa iyo."
Kaya siguro ako pinuntirya ni Seduire noon. Ang engot ko talaga. Sa sobrang ignorante ko, muntik na akong mamatay.
"Dito ang lugar kung saan nage-ensayo ang mga kasapi ng El Forandringsrytme. Kausapin mo lamang si Ginoong Dante. Siya ang nagsisilbing guro sa lugar na ito." tumango naman ako. Nakita ko siyang naglakad na papaalis kaya naman nagtungo na ako sa area kung saan nagsasanay sila.
Outdoor ang area'ng ito kaya naman kuntodo tagaktak ang pawis ng mga nage-ensayo.
"Ano ang iyong pangalan, hijo?" rinig kong tanong ng isang matandang lalaki. Mukhang nasa 50s ang tanda nito at mukhang siya si Ginoong Dante.
"Ako po si Alvir, bagong kasapi ng El Forandringsrytme na nasa dibisyon ng Vselennaya." tumango naman ito.
"Kung gayon ay humanap ka ng pwesto at gayahin mo ang ginagawa ng iyong mga kapwa-estudyante." tumango naman ako at nagtungo sa pinakadulo ng area para hindi nila ako makita.
"Simula sa umpisa!" rinig kong sigaw ni Ginoong Dante.
"Haa!" sigaw ng mga estudyante niya atsaka..
...uh, sumayaw?
Pero teka, hindi ito normal na sayaw. Sa bawat pag-padyak ng kanilang mga paa sa semento ay napaka-bigat. Kasabay ng pag-padyak nila ay iba't-ibang klase ng suntok ang ginagawa nila. At habang ginagawa nila ito ay sumisigaw sila.
Drum na lang ang kulang.
"Ayoko na!" napatingin naman ako sa lalaki na nasa gilid ko. Nakita ko kung paano siya napaluhod habang humihinga ng mabigat.
Hindi ko na lamang siya pinansin atsaka sinimulang gayahin ang ginagawa ng mga estudyante. Noong una ay nalilito ako dahil napakabilis ng galaw nila pero kalaunan ay nasanay ako. Pero ang kasanayang iyon ay hindi pa sapat. Para sa akin ay mabagal pa ang pag-galaw ko.
Hanggang sa binigyan kami ni Ginoong Dante ng sandaling minuto upang magpahinga. Pero hindi ko sinayang ang oras na 'yon. Sinayaw ko ng sinayaw ang mga step na nakita ko.
"Woah! Ang bilis ng iyong mga galaw!" napatigil naman ako atsaka napatingin sa lalaking nagsalita.
Teka siya 'yung lalaki kanina ah.
Umupo naman ako at humarap sa kanya.
"Alvir ang pangalan ko." pagpapakilala ko rito. Malaki naman itong ngumiti kaya napangiwi ako ng wala sa oras.
"Magnus ang pangalan ko! Nagagalak akong makilala ka, kaibigan!"
"Nagagalak din ako pero hindi tayo magkaibigan."
"Anong hindi?" nagulat ako ng bigla niyang hawakan ang mga kamay ko. "Ang pagkakaibigan ay nagsisimula sa pag-uusap! At alam kong doon din naman tayo hahantong kaya huwag na nating patagalin pa!"
"Sige, sabi mo e." nakangiwi kong hinigit ang mga kamay ko mula sa pagkakahawak niya.
"Base sa tsapa mo, isa kang manlalakbay! Ibig sabihin ay parehas tayo!"
"Talaga?" tumango naman ito at pinakita ang tsapa niya. Tulad ng sa'kin ay nakalagay din dito ang pangalan niya. "Paano mo nalaman na pareho tayong manlalakbay?"
"Dahil parehas tayo ng kulay." ha? "Tingnan mo, ang kulay ng tsapa ng mga kasapi sa dibisyon ng Vselennaya ay kayumanggi na may kahalong berde."
"Ah, okay." gano'n pala 'yon.
"Okay?" napakamot naman ako ng ulo dahil sa tanong niya.
"Hindi ka ba pamilyar sa mga gano'ng salita?" pagtatanong ko rito. Kasi ako pamilyar ako.
"Hindi e. Wala ngang ganyang salita rito sa Garmoniya."
"Ano?!" teka nagbibiro ba siya? E paano ko nalaman yung mga gano'ng salita?!
Hays. Ang dami ko pa palang kailangang malaman tungkol sa sarili ko. At mukhang tama lang talaga na sumali ako sa El Forandringsrytme, baka makatulong ang paglalakbay ko para muli akong makaalala.
Muli na kaming bumalik sa page-ensayo at akala ko'y bagong technique na ang ituturo ni Ginoong Dante ngunit hindi pala. Pinasayaw niya muli kami ng mga step na kanina pa namin sinasayaw.
"Ulit-ulitin ninyo ang ganyang mga galaw upang masanay ang inyong katawan kapag kayo'y magsisimula ng makipag-laban!" malakas na sabi ni Ginoong Dante sa amin kaya mas lalo kong pinag-igihan.
Mukhang nakakapagod ang araw na 'to.