SQ: Paglisan ng Pangakong Kay Sarap PakingganALVIR's POV"Mayroon bang transportasyon na papunta sa Sopranoa?" pagtatanong ni Cinroeslia sa isang lalaki."Sopranoa? Sa bahagi ng Altstimme ba ang iyong tinutukoy?" tumango naman si Cinroeslia. "Mayroon. "Agad hinila ng lalaki ang kalesa atsaka ito binuksan. Agad naman kaming pumasok sa loob atsaka umupo at matapos no'n ay isinara na niya ang pinto. Maya-maya pa'y nagsimula ng umandar ang kalesa."Teka, teka, para tayong matutumba!" sigaw ni Magnus."Ano ka ba, hindi 'yon mangyayari. Ganyan talaga ang mararamdaman mo kasi papalipad pa lang ang kalesa." ewan ko ba. Kung minsan parang hindi talaga lalaki 'tong si Magnus.---Matapos ang ilang oras ay naramdaman ko na ang pagtigil ng galaw ng kalesa. Binuksan ko ang pinto nito atsaka lumabas."Waa..." rinig kong sambit ni Magnus. "Nakakamangha rito!""Hmm, maganda talaga rito." nakangising sambit ni Cinroeslia kaya napatingin ako sa kanya."Nakapunta ka na rito?""Oo naman." ngumiti naman ako atsaka tumango at muling pinagmasdan ang paligid.Kapayapaan ang nananaig sa bayang ito. Ang tahimik at maayos na pago-organisa ng mga tahanan ang mas lalo pang nagpapaganda rito. Bukod doon ay malayo pa lang ay nakikita ko na ang kalmadong ingay ng mga mortal na nakatira sa bayan na ito."Tara na!" tumango naman ako atsaka naglakad papasok sa loob ng bayan.Habang naglalakad kami, may iilang mga mortal ang napapatingin sa amin. Siguro ay iniisip nila kung sino kami at naninibago sila sa hitsura namin."Saan tayo tutuloy?" tanong ni Magnus habang naglalakad."Maghahanap na lamang tayo ng paupahang-bahay na pansamantala nating tutuluya--- ah!""Cinroeslia!" buti na lamang ay naalalayan ko siya bago pa siya tuluyang matumba. "Ayos ka lang ba?""P-pasensya na!" sabay kaming napatingin sa babaeng nagsalita."Hindi ko na uulitin pa ang nangyari, pangako! Patawad talaga!""Teka---" nagulat ako ng bigla itong lumuhod. Napatingin naman ako kay Cinroeslia na kasalukuyang naglalakad patungo sa babae."Tumayo ka, hija." inalalayan niyang tumayo ang babae. "Hindi naman gano'n kalaki ang kasalanang nagawa mo para luhuran kami.""S-salamat po..." yumuko naman ito at maya-maya pa'y muling tumingin sa amin. "Sigurado akong hindi kayo taga-rito sa bayan. May matutuluyan na ba kayo? Kung wala pa, nais niyo bang tumuloy sa tahanan namin?""Oo nama---""Naku, nakakahiya naman."Baliw ka talaga, Magnus."H-ha? Ano pong nakakahiya? Ako nga po ang dapat mahiya sa nagawa ko." sambit nito."Bakit pa kasi ayaw umu-oo ni Cinroeslia? Ayaw niya ba ng libre?" bulong ni Magnus sa'kin."Hindi kasi siya mapag-samantala.""Ako rin naman.""Sige."Katahimikan ang nanaig sa pagitan namin ni Magnus ngunit ramdam ko ang nanlilisik niyang tingin.---"Pasensya na kayo sa aming tahanan, hindi gano'n kalaki." sambit ng babae. Umupo naman ako sa upuang naroroon sa sala."Naku ayos lang. Buti ka pa nga mayroong tahanan e.""Oy, ano bang pangalan mo?" biglaang tanong ni Magnus kaya nabatukan ko siya. "Aray ko naman, Alvir! Para saan 'yon?""Ayusin mo nga ng pagtatanong!""A-ah, Talulla ang pangalan ko." sagot ng babae sa tanong ni Magnus."Talulla, nasaan ang mga magulang mo? Ikaw lang bang mag-isa ang nakatira rito?" tanong naman ni Cinroeslia."Kasama ko si Ama." sagot nito atsaka ngumiti ngunit agad ding naglaho."Ah, may nais ba kayong kainin? Magluluto ako ng putaheng nais ninyo.""Nais ko ng---""Hindi na. Katatapos lang naming kumain.""Ha?!" napangiwi naman ako habang nakatitig kay Magnus.Pumayag si Cinroeslia na dito muna tumuloy pansamantala ng marining niya ang dahilan ni Talulla: nais niyang gawin ito bilang hinging-patawad niya sa kanyang nagawa kay Cinroeslia.Nagpaalam muna kami kay Talulla na lalabas muna kaming tatlo at agad naman siyang tumango. Ngayon ay kasalukuyan kaming naglalakad papunta sa kung saan mang lugar na mapupukaw ng atensyon namin."Diba dati ka ng nakarating dito? Kilala mo ba siya?" pagtatanong ko kay Cinroeslia habang naglalakad."Si Talulla? Hindi ko siya napansin dito at ngayon ko lang siya nakita." sagot naman niya.Hindi na kami muling nag-usap at ipinagpatuloy na lamang ang paglalakad. Habang naglalakad kami, napansin ko na puro tindahan ang nakikita ko. Hindi naman siya gano'n kalaking tindahan. Yung mga tipikal na tindahan na makikita sa kanto, parang gano'n."Ah! Nagugutom na ako!" sambit ni Magnus."Tara, kumain muna tayo roon sa karinderya!" agad namang tumakbo si Cinroeslia patungo sa karinderyang sinasabi niya. Akala ko naman ay tatakbo rin si Magnus ngunit mas pinili niyang maglakad na lang.Napatingin naman ako sa kanya."Mga matang puno ng pagsisisi." kumunot naman ang noo ko."Ha?"Anong ibig niyang sabihin? Mata? Kanino?"Ah! Gutom na ako! Bahala ka diyan, Alvir! Ang mahuli mukhang pwet ng kabayo!" sambit nito atsaka tumakbo ng sobrang bilis."Hoy!"---"Ito ang pinaka-masarap na putahe sa restawran! Tiyak na malalasahan ninyo ang detalyadong pagkakaluto nito!" sambit ng owner ng restawran na siyang kinakainan namin ngayon. At ito pa, siya rin ang nag-hain ng pagkaing in-order namin sa lamesa."Hmm!" ngumiti naman si Cinroeslia ng higupin niya ang sabaw ng putaheng inihanda ng may-ari. "Ang sarap nga, Manong!""Oo nga 'no, kaya pala ang mahal." biglang sambit ni Magnus atsaka kumain pa ng kumain.Baliw talaga."Naiintindihan ko ang iyong sinabi. Ngunit hindi naman tataas ang presyo ng isang produkto para lang sa wala, hindi ba? At isa pa, mataas man ang presyo niyan ngunit sulit naman.""Opo, Manong." sambit ni Magnus atsaka ngumiti...Syempre ng peke kasi baliw siya.Matapos naming kumain ay muli kaming naglakad pabalik sa bahay ni Talulla. Binilhan na rin namin siya at ang kanyang ama ng putaheng kinain namin sa restawran kanina."Ah! Lumayas ka rito! Lumayas ka!" sabay kaming napatigil ng bigla kaming makarinig ng malakas na sigaw."Teka saan 'yon nanggaling?" tanong naman ni Magnus."Doon." sagot ko atsaka itinuro ang direksyon.Naglakad kami patungo roon at agad ding kaming tumigil ng makarating na. Nakita kong napakaraming mortal ang nagkukumpulan, mukhang may pinapanood."Perwisyo ka! Perwisyo ka!" nakisiksik kami upang makita namin ang nangyayari."Hala." nakita ko ang isang matandang lalaki na tinutulak ng isang matandang babae. Maliban doon ay pinapalo-palo niya rin ito gamit ang kanyang kamay."Bakit ba lagi ka na lang nanggugulo?! Dapat sa'yo ay itali!" sigaw pa nito.Napansin ko na umiiwas ang lalaki sa bawat palo ng babae. Ngunit ang nakapagtataka ay nakangiti ito. Saan siya natutuwa?"Anong meron?" pagtatanong ni Cinroeslia sa katabi niyang lalaki na nanonood din."Ang matandang 'yan ay perwisyo talaga. Nananahimik ang bawat pamilya sa loob ng kanilang bahay tapos magugulat na lang, nasa loob na ng bahay! Ewan ko ba diyan." sagot ng lalaki."Naku dapat ay ipagamot na 'yan.""Nakakaawa siya. Nasaan na ba ang pamilya niyan? Nakikita kong palaboy-laboy 'yan."Rinig kong bulungan ng nasa paligid ko."Hindi dapat niya ginaganyan ang matanda." sambit ko dahil kumpara sa babae, mukhang mas matanda ang lalaki kaysa sa kanya."Sang-ayon ako." sambit ni Magnus. "Ano, handa ka na bang turuan ng leksyon ang babae?""Oo.""HAAAA!""Teka!" napatigil naman kami sa pagtangkang tumakbo ng mabilis."Oh?" tanong ko kay Cinroeslia."Tingnan mo." muli kong ibinalik ang paningin ko sa matandang lalaki.Teka, ngayon ay hindi na lang matandang babae at lalaki ang naroroon. May isa pang babae na kasalukuyang kinakausap ng matandang babae."Talulla..."---Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Cinroeslia bago niya tuluyang pihitin ang busol ng pinto."Sigurado ka bang papasok na tayo ngayon sa loob?" pagtatanong naman ni Magnus. Kasalukuyan pa rin kaming nasa harapan ng pinto ng bahay ni Talulla. Pinag-iisipan pa rin namin kung dapat pa ba kaming tumuloy sa loob at doon muna pansamantalang manirahan.Hindi man niya sabihin, alam namin na may malaki siyang kinakaharap na problema."Siguro ay---" biglang bumukas ang pinto."Anong ginagawa niyo riyan?" bungad na tanong ni Talulla. "Pumasok na kayo rito sa loob. Mukhang malapit ng magtakip-silim."Nagkatinginan naman kaming tatlo atsaka napag-desisyunan na tumuloy na lamang sa loob."A-ah, nagdala nga pala kami ng pagkain para sa iyo at sa iyong ama." sambit ni Cinroeslia atsaka inilahad kay Talulla ang hawak niyang pagkain."Talaga?!" ngumiti ito ng napakalaki. "Maraming salamat! Maraming salamat talaga!""Hehe... ayos lang."Umupo muna kami atsaka hindi na nagsalita. Wala sa paningin namin si Talulla ngayon at mukhang nagtungo yata sa kusina."Ilang araw ba ang itatagal natin dito sa Sopranoa?" biglaang tanong ni Magnus."Bukas ay lilisan na tayo rito para mapuntahan natin ang iba pang lugar." sagot naman ni Cinroeslia.Saan namang lugar ang sunod naming pupuntahan?"Ama!"Gulat ang naramdaman ko ng marinig ko ang biglaang pagsigaw ni Talulla. Agad naman kaming nagtungo sa direksyon kung saan nagmula ang sigaw."Dito 'yon." sambit ko atsaka binuksan ng kaunti ang pinto ng isang kwarto."Ama, huwag ninyong itapon ang pagkain." nakita ko ang isang matandang lalaki na kalahating nakahiga at kalahating nakaupo sa kama, habang si Talulla naman ay pinapakain siya.Pilit niyang pinapakain ang matanda ngunit ayaw nitong kumain. Sa halip ay tumatawa ito at tila may sinasabi ngunit hindi marinig.Napatingin naman ako kay Cinroeslia ng bigla niyang itulak ng malaki ang pinto, dahilan upang makita kami ni Talulla."K-kayo pala.. May nais ba kayo?" gulantang na tanong niya sa amin."Bakit hindi ka muna magpahinga? Kami na muna ang bahala sa iyong ama." mas lalong dumoble ang gulat sa hitsura niya ngunit agad niya ring iniwas ang tingin niya."H-hindi na. Kaya ko na ito at isa pa'y ilang taon na kaming magkasama---" napatigil siya ng biglang tabigin ng kanyang ama ang hawak niyang mangkok na may lamang pagkain. Mabuti na lamang talaga ay mahigpit ang pagkakahawak niya sa mangkok kaya hindi natapon ang laman."Ako na muna. Ikuha mo muna ng tubig ang iyong ama baka siya'y nauuhaw." sambit ni Cinroeslia. Mabigat ang buntong-hininga na pinakawalan ni Talulla atsaka siya naglakad paalis ng kwarto.Umupo sa gilid ng kama si Cinroeslia atsaka itinapat ang kutsara sa harap ng bibig ng matandang lalaki."Kumain na po kayo." ngunit imbis na ibuka niya ang kanyang bibig, tumawa lamang ito.Ngunit may nararamdaman akong kakaiba sa tawa niya... para bang, pagod na pagod na siya."Nais ko siyang..." muli kaming napatingin ng magsalita ito. "...makita."Muli na naman itong tumawa atsaka tinabig ang kutsara na hawak ni Cinroeslia. Tatayo sana ito ngunit agad naming pinigilan at pin-wersa siyang humiga. Buti na nga lamang ay humiga ito."Gusto ko makita... Gusto ko hagkan..." sambit pa nito atsaka muling tumawa.Nagkatinginan naman kaming dalawa ni Magnus atsaka parehong tumingin kay Cinroeslia."Dala ko na ang tubig." sambit ni Talulla ng siya'y dumating. "Kung maaari ay doon muna kayo sa sala. Ako na ang bahala kay Ama.""Sige." agad naman kaming lumabas ng kwarto at nagtungo sa sala.Katahimikan ang nanaig sa pagitan naming tatlo ng kami ay makarating doon. Tahimik kaming nakaupo at pawang pare-pareho na may iniisip."Ano kayang nangyari sa kanya?" pagtatanong ko."Hindi ko nga rin alam e." sagot naman ni Cinroeslia. Hindi ko naman alam na gano'n pala ang ama ni Talulla. Sigurado akong nahihirapan na rin siya sa sitwasyon niya ngayon."Kung ano man ang dahilan kung bakit nagka-gano'n ang matandang lalaki, siguradong napakasaklap para sa kanya ng nangyari." napatingin naman ako kay Magnus. Napaka-seryoso nito."Anong ibig mong sabihin?" tanong naman ni Cinroeslia rito."Malay mo diba?"---Wala na ang araw. Tanging mga bituin at ang buwan ang makikita sa kalangitan.Kasalukuyan kaming nasa sala at nakaupo ng bigla naming makita si Talulla na tila galing sa kusina."Pupunta muna ako sa palengke. Bibili ako ng makakain natin." pagpapaalam nito."Oy kayong dalawa..." napatingin naman kami ni Magnus kay Cinroeslia. "...samahan niyo siya.""Ha? Naku, hindi na kailangan. Kaya ko namang umalis ng mag-isa.""Ano ka ba, madilim na at hindi ligtas sa babaeng tulad mo ang lumabas ng ganitong oras. Kaya magpasama ka na sa kanila. Ako na muna ang magbabantay ng iyong tahanan habang wala ka." wala ng nagawa pa si Talulla kundi ang pumayag.Naglakad na kami paalis sa bahay at dumeretso sa direksyon patungo sa palengke.Habang naglalakad kami, napansin ko na marami pang mga mortal ang nasa labas. At hindi lang 'yon, ang iba sa kanila ay nakatitig sa'min atsaka may binubulong."Diba siya 'yong anak ng baliw na nakatira roon sa may kanto?""Oo nga. Sino naman ang mga kasama niya?"Napatingin naman ako kay Talulla. Napansin ko na medyo tumungo siya.Sigurado ako na napakahirap para sa kanya ng ganitong sitwasyon. Kumpara sa'min, mas bata siya. Paano ito nagagawa ng mga mortal na nakatira rin sa bayan kung saan siya nakatira? At sa mismong katulad pa niya.Matapos naming makabili ng mga sangkap sa lulutuin ni Talulla, kaagad din kaming bumalik sa bahay niya.Pagkabukas namin ng pinto, nadatnan namin si Cinroeslia na nakaupo katabi ang ama ni Talulla. At gano'n pa rin ito.. tawa ng tawa."Gusto ko siya makita..." paulit-ulit niyang sambit."Ama, doon muna kayo sa inyong silid." inalalayan ni Talulla ito papunta sa kwarto nito."Oh? Anong meron?""Sinubukan ko siyang tanungin kung sino ang nais niyang makita pero paulit-ulit lang ang sinasabi niya. Hindi niya sinasagot ang tanong ko." sagot ni Cinroeslia. Hindi na kami umimik pa.Maya-maya pa'y nagsimula na kaming kumain. Tahimik lamang kami at walang ni-isa ang nagtangkang magsalita. Hanggang sa tuluyan na kaming natapos."Kailangan na pala nating matulog ng maaga dahil maaga ang alis natin bukas." sambit ko habang inaayos ang kama na tutulugan ko. Kasama ko si Magnus sa kwartong tutulugan ko habang si Cinroeslia naman ay nasa kwarto ni Talulla.Lumapit ako sa bintana ng kwarto atsaka ito binuksan. Lamig ng simoy ng hangin ang bumungad sa akin ng sandaling ito'y aking magbuksan. Dumungaw ako rito at in-obserbahan ang kapaligiran."Si Talulla ba 'yon?" napatingin naman ako kay Magnus na nasa tabi ko na pala. Agad ko namang tiningnan ang sinasabi niya.At tama siya, nakita ko si Talulla na kasalukuyang nasa labas ng kanyang bahay at nakaupo sa isang upuan. Mag-isa lamang siya at nakatulala sa kalangitan."Puntahan natin." sambit ko. Tumango naman siya bilang pagtugon kaya agad naglakad palabas ng kwarto. Habang naglalakad kami, nadatnan namin si Cinroeslia na kasalukuyang isinasara ang pinto ng kwartong tutulugan niya. Mukhang bagong labas siya mula sa loob."Saan kayo patutungo?" tanong nito."Sa labas. Nais naming puntahan si Talulla." sagot ni Magnus."Samahan ko na kayo." sabay kaming tatlo na nagtungo sa labas ng bahay. At ng makarating kami sa labas, marahan kaming naglakad patungo sa lugar kung nasaan nakaupo si Talulla."Kay lamig ng simoy ng hangin, hindi ba?" nakangiting tanong ni Cinroeslia atsaka umupo sa tabi ni Talulla. Gulantang na napatingin naman sa kanya si Talulla ngunit agad ding ngumiti at muling tumingin sa kalangitan."Oo nga. At maliban doon ay napakaganda rin ng kalangitan." pagtugon ni Talulla.Matapos niyang sabihin ang mga katagang 'yon, wala ng nagtangkang magsalita pa. Tanging ingay na lamang ng mga kuliglig ang aming naririnig, pati na rin ang pagaspas ng mga sanga ng puno dahil sa hangin.Napatingin ako sa kalangitan. Gano'n pa rin ito... hindi kumukupas ang kagandahan ilang dekada man ang lumipas."Naalala ko noon... noong bata pa lamang ako." sambit ni Talulla. Napatingin kami sa kanya. Kasalukuyan pa rin siyang nakatitig sa kalangitan. "Napakasaya namin noon."Ngumiti siya."Oo, mahirap lamang kami. Hindi namin kayang bumili ng kahit anong bagay na yari sa pilak, ginto o diyamante man.. ngunit nangako si Ama sa amin na itataguyod niya kami kahit sa simple ngunit marangal na paraan.""Naaalala ko noon, napadaan ako sa silid nina Ina at Ama at hindi ko sinasadyang narinig ang kanilang pag-uusap. Ngunit ng marinig ko 'yon, wala akong pinagsisisihan." dagdag niya. "'Hindi ko man kayang bumili ng mamahaling gamit para sa inyo ngunit nangangako ako na aking iaalay ang aking buong pagmamahal at buhay para lang sa inyo.' Iyan ang sinaad ni Ama habang kausap si Ina.""Kitang-kita ko kung paano ngumiti si Ina atsaka niyakap si Ama. Habang si Ama naman ay nakangiti habang dinaramdam ang init ni Ina sa kanyang mga bisig." ngumiti siya... Pero may halong kapaitan."Natulog ako..." sambit niya. "Ngunit hindi ko inaasahan na sa paggising ko, biglang nagbago ang lahat.""Malapit ng magtakip-silim ng dumating ako sa bahay galing sa paaralan na dati kong pinapasukan. Nakangiti akong sinalubong ni Ama kaya kaagad ko siyang hinagkan." nakita ko kung paano'ng unti-unting naglaho ang ngiti sa labi niya. "Ngunit may kulang... 'nasaan si Ina?' Iyon kaagad ang unang pumasok sa isipan ko."Muli siyang ngumiti atsaka bumuntong-hininga."Tinanong ko si Ama ngunit ang sagot niya ay may pinuntahan ito at agad ding babalik." dagdag pa niya. Tiningnan ko ang mga mata niya at napansin ko na tila nagtu-tubig ito o namamasa."Umupo ako sa sahig habang nakaharap sa labas ng pinto ng aming bahay na nakabukas. Doon ay ilang oras, ilang araw, ilang buwan at ilang taon akong naghintay sa kanyang pagdating. Ngunit tumuntong na ako sa ganitong edad ay hindi ko pa rin nasisilayan ang kanyang mukha."Napatingin naman sa akin si Cinroeslia at kitang-kita sa mga mata niya ang awa at lungkot dahil sa kwento ni Talulla."Ngunit sa kabila ng nangyari, hindi ko nakitang lumuha si Ama. Lagi siyang nakangiti. Ang kanyang mga ngiti ay punong-puno ng pag-asa." pagpapatuloy niya. "Hanggang sa dumaan ang mga araw, nakita ko kung paano nagbago si Ama. Ang kanyang mga ngiti at tawa ay hindi na tulad ng dati. At ang kanyang mga sinasambit ay paulit-ulit---tila nangungulila.""Wala akong sapat na yaman para ipagamot siya." unti-unting pumatak ang mga luha mula sa mga mata niya ngunit nananatili pa ring nakatuon ang kanyang paningin sa kalangitan.Mapait siyang ngumiti."Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako na balang araw ay masisilayan ko si Ina sa tabi namin ni Ama... kailan kaya magaganap ang pangyayaring iyon?"---Hindi pa sumisikat ang araw ng magising ako. Nang makatayo ako mula sa pagkakahiga ay naabutan ko si Magnus na inaayos ang kanyang mga gamit. Tumayo naman na ako atsaka nag-ayos ng sarili. Matapos no'n ay inayos ko na rin ang mga gamit ko.Pareho kaming nagtungo ni Magnus sa sala matapos naming maayos ang aming mga gamit. Doon ay nadatnan namin sina Cinroeslia at Talulla na nag-uusap."Mayroon ka bang larawan o gamit ng iyong ina?" rinig kong tanong ni Cinroeslia kay Talulla. May kinuha naman sa kanyang bulsa si Talulla."Ito ang kwintas na ibinigay sa akin ni Ina. Dati niya itong sinusuot noong siya'y dalaga pa." sambit niya atsaka ipinakita ang kwintas kay Cinroeslia. "Bakit mo naitanong?""Nais mo bang ipahula kung nasaan ang iyong ina?" nakita ko kung paanong unti-unting nanlaki ang mga mata ni Talulla."Nais ko... ngunit wala akong ya---""Sagot na namin ang kabayaran." pagputol ni Cinroeslia. Napatungo naman si Talulla."Hindi niyo ito kailangang gawin. Masasayang lamang ang iyong yaman.""Ano ka ba, hindi ano." sambit ni Cinroeslia rito. Tumingala naman si Talulla atsaka siya tiningnan. "Nais ko na bago kami tuluyang umalis ay malaman mo kung nasaan ang iyong ina."Pumayag naman si Talulla.Ngayon ay kasalukuyan kaming papunta sa isang bahay kung saan naroroon ang manghuhula na kilala ni Talulla. Dala-dala namin ang aming gamit papunta roon."Dito 'yon." napansin namin na bukas ang pinto at tila wini-welcome niya ang mga costumer niya kaya naman pumasok na kami sa loob.Nang ako'y makarating sa loob, napansin ko kaagad ang mga palamuti ng bahay. Magaganda ito at ang iba ay puno ng halaman at bulaklak."Kayo ba ay magpapahula?" isang babae na sa tingin ko'y nasa mid 40s ang tanda ang biglang tumambad sa amin."Oo." sagot naman ni Cinroeslia."Kung gayon ay sumunod kayo sa akin." agad naming sinundan ang babae. Pumasok kami sa isang silid."Ano ang inyong ipapahula?" napansin ko na puno ng kandila ang silid na ito. May mga libro rin na maayos ang pagkaka-salansan."Maaari mo bang ipaalam sa amin kung nasaan ang lokasyon ng kanyang ina?" pagtatanong ni Cinroeslia rito. "Ito ang kwintas na dati niyang pagma-may-ari." dagdag pa niya atsaka inilapag ang kwintas sa harapan ng babae.Kinuha ng babae ang kwintas atsaka ito tiningnan."Bigyan niyo ako ng dalawang minuto upang subukang hanapin ang kanyang lokasyon." tumango na lamang kami atsaka umupo sa upuang nasa gilid, hindi kalayuan ngunit hindi rin gano'n kalapitan sa babaeTahimik kong pinanood ang ginagawa ng babae. Nakita ko na nagsindi siya ng mga kandila. Ipinikit niya ang kanyang mga mata atsaka may sinasabi ngunit siya lang ang tanging nakakarinig.Napatingin naman ako kay Cinroeslia."Wala ba kayong pinagkaiba?" pagtatanong ko rito."Anong ibig mong sabihin?""Yung mangkukulam at ang manghuhula?" paglilinaw ko."Ah... Ang pagkakapareho namin ay parehas kaming may ginagamit na engkantasyon at ritwal tuwing may isinasagawa kami. Ang pinagkaiba naman ay ang manghuhula ay kaya niyang hanapin o hulaan kung nasaan ang isang bagay, mortal o ang kapalaran ng isang mortal, samantalang ang mangkukulam naman ay kaya niyang magbigay ng sumpa sa isang mortal o malaman kung anong klaseng sumpa ang mayroon sa isang mortal.""Ah gano'n pala.""Kaya rin ng mga mangkukulam na gumawa ng gayuma pero hindi ko 'yon ginagawa." dagdag pa niya. Napatango na lamang ako atsaka muling tumingin sa babae. Napansin ko na nagkakaroon ng liwanag sa bolang kristal na nakalagay sa lamesa na nasa harapan niya.At ilang minuto ang lumipas, bigla niyang iminulat ang mga mata niya.Napatayo naman kaming lahat atsaka lumapit sa kanya."Ano ang iyong nakita?" tanong ni Cinroeslia."Ang iyong ina ay nasa isang lugar na hindi ko mawari ang kapaligiran." sambit niya habang nakatitig sa bolang kristal. "Tanging mga puno lamang ang aking nakikita at wala ng iba pa."Tumingin sa amin si Talulla. Hinawakan naman ni Cinroeslia ang balikat niya.Matapos naming magbayad ay agad na rin kaming umalis. Ngayon ay kasalukuyan kaming naglalakad papaalis sa bayan ng Sopranoa. Sinabi ni Talulla na ihahatid niya kami sa labas ng bayan."Huwag kang mag-alala." sambit ni Cinroeslia rito. "Sigurado akong nasa mabuting kalagayan ang iyong ina.""Sana nga.""Ano bang pangalan ng iyong ina?" biglang tanong ni Magnus. Tumingin naman sa kanya si Talulla ngunit agad ding umiwas."Lilia." sagot ni Talulla. "'yon ang pangalan ng aking ina."Napatigil kami sa paglalakad ng makarating na kami sa aming destinasyon---ang labasan ng bayan ng Sopranoa."Bago kayo tuluyang umalis, may nais sana akong hilingin.""Ano naman 'yon?" pagtatanong ni Cinroeslia."Kung sakaling makita niyo si Ina... Maaari bang ibigay niyo ang sulat na ito sa kanya?" inabot naman ni Cinroeslia ang sulat."Iyan ang sulat ni Ama para kay Ina. At isinulat niya 'yan bago pa siya tuluyang magkasakit." tiningnan ko ang sobre na mukhang napaglumaan na."Makakarating ang sulat na ito sa kanya." nakangiting sambit ni Cinroeslia.Tuluyan na kaming nagpaalam kay Talulla. At kasabay ng pagpapaalam namin sa kanya, tuluyan na rin kaming lumisan sa bayan ng Sopranoa.