"ANO bang sinasabi mo?" ang umiiyak kong sambit.
"Iyong totoo," aniyang tumawa pa ng mahina saka ako tinitigan. "Look at me," ilang sandali nang umiwas ako ng tingin sa asawa ko ay iyon ang narinig kong sinabi niya.
Kahit ayoko ay kusa akong napasunod sa kaniya. Ganoon naman palagi si Daniel. Mayroon siyang sariling paraan kung papaano niya akong pahihinuhurin at hindi niya kailangang magtaas ng boses o maging awtorisado ang tono ng kaniyang pananalita para gawin iyon.
"Kapag wala na ako magmahal kang muli, ituloy mo parin ang buhay mo," mabilis akong nakaramdam ng matinding palalamig sa buo kong katawan dahil sa sinabing iyon ni Daniel.
Magkakasunod akong napailing. "No, alam mong hindi ko magagawa iyan. Alam mo kung gaano kita kamahal at kapag ginawa ko iyon alam mo rin na kahit may ibang tao sa tabi ko ikaw parin ang hahanapin ko, ikaw parin ang makikita ko," umiiyak kong giit.
Hindi ako makapaniwala na sa kaniya ko pa mismo narinig ang mga salitang iyon pero sa kabilang banda ay nauunawaan ko parin kung bakit.
"Pero kailangan mong gawin iyon," sagot ni Daniel sa nanghihina at nagpapaunawa na tono.
"A-Alam mo ba kung ano ang sinasabi mo?" puno ng hinanakit kong tanong saka tuluyang napahikbi.
"Para sa iyo ang sinasabi ko, Ara," giit niya.
"Kahit na, pero ayoko, ayoko parin!"
Noon ko nakita ang matinding awa na gumuhit sa mga mata ng asawa ko. Awa iyon para sa akin. Ngayon ay lubusan ko nang nauunawaan kung ano ang ibig niyang sabihin sa tanong niya sa akin kanina. Kung bakit hanggang ngayon ay nandito parin siya?
Napaiyak ako ng todo sa reyalisasyon na iyon at hindi ko na nagawang pigilan pa.
"Ako nalang ba ang pumipigil sa iyo? Ako nalang ba ang dahilan ng lahat ng paghihirap mo? Kaya ka kumakapit at pinipilit mong magising sa bawat umaga? Kasi hindi ko matanggap na mawawala ka na? Kasi ayaw kitang pakawalan?" iyon ang magkakasunod kong tanong sa tonong na punong-puno ng guilt.
"Tanggapin mo na sweetheart, bumitiw ka na," sa nakikiusap na tono ay iyon ang sa halip ang narinig kong tugon mula sa asawa ko.
Lalong lumakas ang pag-iyak ko dahil sa sinabi niyang iyon.
Pag-iyak na sa kalaunan ay nauwi narin sa palahaw.
Kasasabi ko lang kanina, kahit mahirap gagawin ko, kung iyon ang gusto ni Daniel at lalong higit kung iyon ang magpapasaya ng husto sa kaniya.
Pero kaya ko ba?
Kaya ko bang bitiwan siya kung ang kapalit naman noon ay ang tuluyan nang pagkamatay ng kalahati ng puso kong tiyak na madadala niya?
Alam ko iyon, sigurado ako. At kahit gusto niyang magmahal akong muli, alam ko na kahit kailan hindi ko magagawang alisin siya sa puso ko. Dahil katulad narin ng naipangako ko na, sa kaniya lamang ako magpapakasal. At gagawin ko iyon, kahit ang kapalit ay ang pagtanda ko nang mag-isa.
Alam kong hindi ko na makakayang ibigay ang sarili ko sa iba. Alam ko lahat iyon dahil ganoon kalalim ang pagmamahal na mayroon ako para sa aking asawa.
Kaya naman ang lahat ng ibinigay ko sa kaniya ay natitiyak kong hindi ko na makakaya pang ibigay sa iba.
"Paano na ako kapag nawala ka?" tanong kong ginagap ang kamay niya.
Hindi siya sumagot. Nanatili lang siyang nakatitig sa akin habang nasa mga mata rin niya ang nagbabadyang mga luha.
"Hindi madali ang gusto mong mangyari, kasi mahal kita, mahal na mahal kita at ayokong maiwan. Gusto ko kasama kita palagi Daniel, alam mo ba iyon ah?"
At noon pa lamang tuluyang naging malinaw sa akin ang lahat. Na kailangan ko nang pakawalan ang lalaking pinakamamahal ko.
Sa tono ng pananalita ko, para bang may magagawa pa ako.
Oo, umaasa ako na sa pagmamakaawa kong iyon ay madudugtungan pa ang buhay niya. Kasi takot na takot akong mawala siya. Hindi ko talaga kaya. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kasakit ang nararamdaman ko nang mga sandaling iyon pero talagang masakit. Sa paraan na para ng gusto kong sumigaw ng sumigaw dahil sa magkakahalong galit, hinanakit at maraming katanungan na walang sagot.
Bakit si Daniel pa?
Bakit ang asawa ko?
Alam ko anim na buwan narin mula nang ma-diagnosed ng doktor ang sakit niya pero hanggang ngayon ang mga katanungang iyon ang patuloy na hinahanapan ko ng kasagutan.
"H-Hindi rin madali sa akin ang iwan ka. Ayoko, pero wala akong magagawa," noon na nga umagos ang mga luha ng aking pinakamamahal. "Alam mo ba na ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko? At kung maniniwala ka lang, alam kong hindi pa ito ang huli nating pagkikita."
Nang hindi ako magsalita at nanatiling umiiyak lamang ay muling kumibot ang mga labi ng asawa ko.
"Hindi magtatagal alam ko magkakasama ulit tayo, hihintayin kita doon sa lugar kung saan alam ko hindi na tayo magkakahiwalay kahit na kailan," si Daniel sa kabila ng pag-iyak ay nagawa parin nitong ngumiti.
"D-Daniel," ang napasigok kong sambit. Habang unti-unti alam ko sa kalooban ko at nararamdaman ko na ang lahat ng sinasabing iyon ng asawa ko ay nakakatulong upang kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko at maging malinaw sa akin ang lahat.
"Siguro sa ngayon kailangan ko lang munang mauna. Baka hindi pa tapos ang misyon mo, may isang importanteng bagay ka pang kailangang gawin. Pero sweetheart kahit gaano pa iyan katagal, kaya kitang hintayin basta ang gusto ko lang ay maging maayos ka sa pag-alis ko, iyon lang," sa nakikiusap at halos pabulong na tono, iyon ang isinatinig ng asawa ko.
Sa pagkakataon na iyon alam kong wala na akong magagawa pa kundi ang tanggapin na lamang ang lahat. Siguro nga pagod na pagod narin si Daniel at gusto narin niyang magpahinga kaya minabuti nitong kausapin nalang ako ng masinsinan. Para makatiyak ito na magiging okay ako oras na sumapit o dumating ang araw na kinatatakutan ko.
"Salamat at minahal mo ako ng higit pa sa kayang ibigay sa akin ng kahit na sino. Pero sana sa pag-alis mo dalhin mo narin ang kalahati ng puso ko, para alam ko kung saan kita pupuntahan kasi iyon ang magtuturo sa akin ng daan," ang makahulugan kong winika sa kabila ng tila patalim na gumuguhit sa aking dibdib nang mga sandaling iyon.
Ngumiti ang asawa ko dahil sa sinabi kong iyon habang nangingislap ang mga mata niya akong inabot at hinalikan sa noo.
"One last hug, p-please?" ang muli ay makahulugan kong pakiusap saka ako nahiga na sa tabi niya at niyakap ng mahigpit ang namayat na niyang katawan na ginantihan rin naman niya ng mahigpit ring yakap.
"I love you, sweetheart," bulong sa akin ng asawa ko.
"I love you so much, more than anything and anyone in my life," sagot kong muling impit na napaiyak.
"Tumahan ka na, sige ka mamamaga ang mga mata mo paggising mo bukas," biro pa niya saka sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.
Natawa narin ako doon kahit kung tutuusin hindi naman nakakatawa ang sinabi niya. Pagkatapos ay kinuha ko ang pagkakataon at isiniksik ng husto ang sarili ko sa tagiliran niya. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata bago ako nagbuka ng bibig para magsalita.
"A-Alam ko pagod ka na, magpahinga ka na, mahal na mahal kita, palagi mong tatandaan iyan," sa kabila ng tila bigik na nakabara sa lalamunan ko ay pinilit ko parin na sambitin ang mga salitang iyon na alam kong matagal nang gustong marinig mula sa akin ng asawa ko, dahil katulad nga ng sinabi ko, pagod na siya at gusto na niyang magpahinga.
Nang maramdaman ko ang mainit na likidong pumatak sa noo ko kasunod ng mainit na labing dumampi rin doon ay lalo akong napaiyak.
"Simula bukas kailangan ko na maging matapang ka, tatagan mo ang loob mo, lalo na kung pagkagising mo ay nakapikit parin ang mga mata ko," pagpapatuloy na habilin ni Daniel.
Hindi ako nagdilat ng mata pero nagpatuloy ako sa tahimik na pag-iyak.
"Hanggang sa muli nating pagkikita, sweetheart, Ara, mahal ko," si Daniel na muli kong naramdaman na hinalikan ako sa noo.
Noon ako nagdilat ng paningin saka ko sinalubong ang maiitim niyang mga mata. Bigla ay parang nakita ko ang lahat ng sinabi niya, na muli kaming magkikita at kahit kailan ay hindi na magkakahiwalay pa.
"Hanggang sa muli, mahal ko," sagot ko bago ko itinaas ang aking ulo saka siya siniil ng isang mainit na halik, sa pinakahuling pagkakataon.