Naguguluhan ako ngunit hindi ko magawang magsalita ng kahit anong nilalaman ng aking isipan sa mga sandaling iyon.
"Kay tagal kong hininay ang pagkakataong ito, Ilrian. Kay tagal kong nag-isa at nangulila sa init ng yakap mo!" ang hagulgol ni Jiro habang nakadiin ang kalahating bahagi ng mukha niya sa aking dibdib. Awang-awa ako sa kanya't di ko napansin na tumulo na lang ang aking luha. Pakiramdam ko'y dala ng aking dibdib ang dahilan ng dalamhati niyang iyon at kulang pa sa salita upang maipaalam niya ang matinding sakit at pag-iisa ang dinadala niya.
"Hindi ko man alam ang lahat pero gusto kong malaman mo Jiro... Mahal na mahal kita at kung ano man yang dinadala mo'y kalimutan mo na sana dahil nandito na ako. " ang bulong ko sa sarili.
Matagal na nag-iiyak si Jiro sa aking tabi. Pati hita niya'y nabasa na ng kanyang luha. Namaga't namula ang gilid ng kanyang mga mata. Nakakaawa. Ang tanging nagawa ko na lang ay ang lambingin siya't pangitiin. Gusto kong ibsan ang anumang sakit na itinatago pala niya sa kanyang dibdib ngunit hindi ko alam kung paano ko sisimulan.
"Kain na tayo. Malamig na yung binili ko." ang lambing ko sa kanya't pinunasan ng aking mga kamay ang magkabila niyang pisngi. Lubos na kaligayahan na ang nasa mga mata ni Jiro matapos niyang ibuhos ang kanyang mga luha kanina. Dahil sa nangyari, kakaibang Jiro na ang aking nakita. Ang tunay na siya, nakakangiti ng hindi nahihiya kahit magkasalubong ang mga mata namin. Nagagawa na niyang makipagbalikan ng titig sa akin kahit hindi kami parehong lasing. Doon ko lubos na nakita na tila aklat na nagbukas na sa akin ng tuluyan si Jiro.
Kahit nasa dalawang bowl ng styro ang aming pagkain ay pinagtulungan naming ubusin ang bawat isa. Sa iisang kutsara lang at sinusubuan ko na lang siya. Siya naman, sinusuklian ang aking pag-aalaga ng pagpapainom niya sa akin ng softdrink at pilit niyang gusto niya ay siya ang gagawa't pinagbawalan akong hawakan ang isang bote pa na binili ko kanina.
Sa mga sandaling iyon, habang nagpapalitan kami ng aming mga titigan, doon ko na rin nalaman sa kanya na pareho kaming ayaw nang matigil pa ang bawat sandaling nilalasap namin.
Nang kami'y matapos ay napagkasunduan naming lumakad muna sa beach at magpahangin muli. Nagshorts lang si Jiro dahil gusto naman daw niya magpasunod ng balat ng kaunti. Hindi kami nag-usap, ang galaw lang ng aming mga kamay, ang aming mga palitan ng ngitian at tinginan ay sapat na.
Nang maupo kami saglit sa ilalim ng puno kung saan kami huling nagkaalitan nang una kaming pumunta kami sa lugar na iyon...
"Retardo..." ang sabi ni Jiro't pinahinto niya ang buong kapaligiran. Nanatili lang akong nakatitig sa kabihasnan ng karagatan. Bumangon si Jiro't tumingala sa kalangitan.
"Ianus...." ang boses muli ng matandang kanyang tinatawag na...
"Periti!! Naalala na niya!! Naaalala na ni Ilrian ang pangalan naming dalawa!!" ang masiglang wika ni Jiro sa matanda.
"Ianus.... kung hindi ka makikinig sa akin ay pagsisisihan mo ang iyong mga nagawa bandang huli..." ang mariing sagot ng matandang nagkacrack na ang boses sa gigil.
"Periti... " ang sagot na lang ni Jiro sa tonong napagalitan.
"Bumalik ka rito ngayon din..."
"B-Bakit?!?"
"Nasa paligid mo lang ang isang malakas na pwersa ng mga taga Simulacrum."
"P-Pero... "
"Jiro? Sino kausap mo diyan?" ang tanong ko sa kanya dahil di tumalab sa akin ang ginawa niyang pagpapatigil ng buong panahon. Napalingon sa akin si Jiro't nagulat na makitang di na gumana sa akin ang ginawa niya. Lalapit na sana siya sana sa akin nang biglang mag higanteng itim na kamay ang biglang pumunit sa kalawakan at hahablutin na sana siya ngunit agad tumalon sa akin si Jiro't sinalo ko siya ng aking yakap at sa isang iglap ay mabilis na imikot ang aming paligid na parang napupunit ang buong mundo. Idiniin ako ni Jiro sa aking kinauupuan at doon kami lumusot.
Tila nasa gitna kami ng malaking ipo-ipo na may iba't-ibang kulay na hangin. May nakakakilabot na ingay ang umuugong sa buong paligid.
Malakas man ang hangin sa bilis ng aming pagtungo sa isang lugar na hindi ko alam ay banayad itong humahaplos sa aming mga katawan. Nanlaki lang ang aking mga mata sa lahat ng aking mga nakikita.
Balot ng aking bisig si Jiro at ganoon din siya sa aking baywang ngunit nakatingala siya sa kung saan kami patungo. Ilang minuto lang ang lumipas at unti-unting tila nadurog na parang abo ang aming mga saplot at may nagmaterialize na kasuotan sa aming mga katawan. Ang tunic at gatuhod na sandalyang suot naming dalawa na nakita ko sa aking panaginip kagabi.
Ang buhok ni Jiro'y nagkulay abo hanggang sa ito'y maging kulay puti na parang niyebe. Nang tignan ko ang mga mata niya'y nagliliwanag ito na parang may mga bituin sa kanyang mga mata. Nakapanghihindik kung tutuusin ngunit hindi ako nabigla ng makita si Jiro sa kanyang anyo.
Nakaramdam ako ng basa't medyo malagkit sa likuran ni Jiro. Nang tignan ko'y napakaraming dugo na pala ang lumalabas sa likuran ni Jiro.
"Jiro, ang likod mo." ang kinakabahan kong sabi sa kanya ngunit hindi niya ako pinansin. Halos magdikit lang ang kanyang mga kilay sa pag-inda marahil ng matinding sakit na kanyang nararamdaman.
Sa isang iglap, bila kaming iniluwa ng higanteng ipo-ipo't tumilapon kami sa himpapawid sa ibabaw ng malawak na karagatang kulay itim at sa di kalayuan ay nakita ko ang isang dalampasigan na may tila niyebe rin sa puting buhangin. Itaas ng dalampasigan ay may isang pamilyar na palasyo ngunit tila may mga bahaging nagiba na ito at ang pamilyar na ning-ning na pinakakawalan nito sa buong paligid na puno ng kadiliman ay halos mapukaw na.
Mabilis kaming bumagsak sa ilalim ng tubig. Nang matauhan ako'y nakita kong palubog sa kailaliman si Jiro't di gumagalaw. Ang liwanag na nagmumula sa kanyang damit ay unti-untiang nilalamon ng madilim na dagat. Kinaripas ko siyang abutin at hinanap ang liwanag na nangagaling sa palasyo sa ibabaw ng tubig upang gawing gabay kung saan ako tutungo ng langoy upang makaahon.
Hapung-hapo akong lumangoy sa dalampasigan at kahit wala na'y nagawa kong humugot ng lakas sa takot na makitang hindi humihinga si Jiro. Nanginginig ako sa takot na makita si Jiro sa kanyang lagay. Sinubukan ko siyang bigyan ng CPR. Nagmamadali ako sa pagboba ng kanyang dibdib at pagbuga sa kanyang bibig ng paulit-ulit. Sa unang pagkakataon ay nataranta ako't di ko alam ang aking gagawin.
Sa isang iglap, may lumapag na limang lalaki at dalawang babaeng nakapalibot sa amin. Natukoy ko lang ang kanilang kasarian dahil sa hubog ng kanilang mga katawan ngunit dahil wa wala silang saplot at wala silang ari ay di ko pa rin masasabing tama ako sa aking akala. Lahat sila'y nanginginag lang ang mga katawan at ang pinagkaiba lamang nilang lahat ay ang mga nasa kanilang ulo na parang korona.
Ang isa sa limang lalaki ay may koronang apoy, ang isa nama'y yelong nagkorteng korona, ang isa'y umuusok na tanso, at ang isa'y may koronang hinubog mula sa lupa't maraming bitak. Ang natitirang dalawang lalaki'y may koronang itim na may maliliit na butil na kumikinang na tulad ng sa kalawakan at ang huli' may koronang tila kidlat na bumalot sa tuktok ng kanyang ulo't gumagalaw ito na tulad ng mga kidlat na makikita mo sa kalangitan at may nalilikha rin itong ng dumadaloy na kuyernte.
Ang dalawang babae naman na biglang lumuhod at inakay si Jiro, ang isa'y may koronang ginto at ang isa'y may koronang pilak.
Binuhat ng isa sa kanila si Jiro at ang isa nama'y hinaplos ang duguang sugat na tagtaktak na ang pagtulo ng dugo sa puting buhanginan kung saan ko kanina ihiniga si Jiro. Agad nawala ang sugat niya at nakita ko ang biglang pag-angat ng dibdib ni Jiro pananda na maayos na ang kalagayan niya ngunit wala pa rin siyang malay.
"Sandali!... Ako na ang magdadala sa kanya..." ang pakiusap ko sa kanila. Hindi sila nagsasalita matapos silang tumingin lahat sa akin. Alam kong tinignan nila ako kahit wala silang mga mukha dahil sa aktong hinarap nila ang mukha nila sa akin. Tumango ang may bitbit kay Jiro't marahang inilipat sa aking mga nakaabang na bisig. Para siyang gulay, nasasaktan ako sa aking nakikita.
Tumango sa akin ang lalaking nakakoronang may tulad ng kalangitan ng gabing madilim at lumapit.
Lumutang sila sa sahid at mabagal na tumungo sa palasyo't doon ko na lang naunawaan na pinasusunod nila ako.
Para akong tangang tingin ng tingin sa buong paligid. Napakapamilyar ng lugar sa aking pakiramdam ngunit ngayon ko lang lahat na kita ang mga iyon. Ang mga puting punong walang dahon, ang mga talahib na tila kristal ngunit malambot kung tapakan.
Nang makapasok kami sa palasyo'y nagdaan kami sa mismong corridor kung saan ko nakitang hinahabol ko si Jiro ngunit tila dinaanan ng lindol ang lugar dahil bumagsak na ang ilang haligi at may malalaking crack na ang pader di tulad sa aking nakita. Mapusyaw na rin ang liwanag na nilalabas ng mga granite na ito. Napaisip na lang ako kung anong nangyari sa lugar na iyon.
Sa dulo ng corridor ay may dalawang malaking pintuang nasa gitna ang bukasan. Nang tumabi ang mga ito'y nakita ko sa ibaba ng dalawang malaking tronong nasa tuktok ng mataas na hagdan ang isang matanda na naka maskara ang itaas na bahagi ng mukha. Nakasuot siya ng puting robe at simpleng simple lang ang disenyo. Walang palamuti o kahit ano.
Mukhang inaasahan niya ang aming pagpasok. Sa pagkumpas ng kanyang kamay ay agad na lumutang si jirong tila nakahiga sa isang invisible na kama't pumagitna siya sa buong throne room sa mismong beam ng liwanag na pumapasok sa isang malaking butas sa nasirang kisame dahil kung wala iyon marahil madilim ang buong silid.
Masyadong sunod-sunod ang mga nagaganap at di pa rin ako makapaniwala para makapagreact pa sa mga sumunod na mangyayari. Ang tanging laman na lang ng aking isipan sa mga sandaling iyon ay ang mabuting kalagayan ni Jiro at ang makita siyang gising at nakangiti sa akin.
Lumapit sa akin ang matanda at lumuhod sa aking paanan.
"Magpahinga ka muna, Ilrian." ang pagbati niya sa akin. Nang marinig ko ang kanyang tinig ay agad akong napabuntong hininga't nagsimulang magalit.
"Sino ka?!?! Anong nangyayari?!! Nasaan ako!?! Bakit ganito ang suot ko?! Anong nangyari sa akin?!! Bakit mo ko tinatawag na Ilrian at anong nangyari kay Jiro?!! Ano yung malaking kamay na muntik nang humablot sa kanya kanina?!?!!!" ang sigaw kong umalingawngaw sa buong throne room matapos tumuro kung saan kami nanggaling kanina. Nang lingunin ko ang aking likuran ay nakita kong nakalhod din ng may paggalang ang pitong nilalang na sumalubong sa akin kanina.
Isang katahimikan ang nag-iral sa buong paligid. Hindi ako nakarinig ng kasagutan sa kanilang lahat. Inis na inis akong lumapit sa tabi ni Jiro't pinagmasdan na lang ang kahabag-habag niyang kalagayan. Nang lumipas ang init ng aking ulo matapos ang ilang saglit.
"Ako na magbabantay kay, Jiro. Iwanan niyo na lang kami dito." ang malalim kong utos sa kanila't agad naman silang nagsialisan sa silid.
Makaplipas ang ilang saglit ay nangalay ako't naisipan kong umupo sa sahig sa tabi ni Jiro. Walang tigil ko siyang pinagmasdan habang hinahaplos ang kanyang pisngi hanggang sa ako'y dapuan ng antok na nakapatong ang aking mukha sa kanyang dibdib.
Ang nakaraan...
Si Jiro'y likas na mahiyain, mahinhin, at laging walang imik mula nang siya'y mabuhay. Wala pa siyang gaanong alam noon, walang gaanong karanasan at hindi pa alam gamitin ang kakayahan.
Sa likuran ng puting palasyo'y may malawak na hardin na puno ng iba't-ibang uri ng halamang may mga kakaibang bulaklak na naggagandahan at punong may mga kakaiba ang korte na natural na sa paglago nito. Lahat ng mga ito'y dating matatagpuan sa buong Lucerna.
Sa gitna ng hardin ay may roong malaking pond sa gitna at kulay asul ang tubig na narito. Malinis at puro. sa gilid nito, doon ay tahimik na nakaupo si Ianus, nilalaro ng kanyang daliri ang mga talukap ng bulaklak na nahulog sa ibabaw ng pond.
Habang siya'y libang sa kanyang ginagawa'y lumapit si padre Alexis, ang nakaputing matandang lalaki na may suot na maskara sa buong itaas na bahagi ng kanyang mukha. Ang lalaking tinatawag ni Ianus na Periti o elder sa salitang ingles.
"Ianus, ipapakilala ko sa iyo ang bago mong bantay at siya na rin ang magtuturo sa iyo kung paano mo tutuklasin ang taglay mong kapangyarihan." ang wika nito sa kanya nang makalapit kay Jiro. Mahinhing nilingon niya ang matanda at tinitigan lang ng kanyang napakainosenteng mga titig na sinabayan naman ng kanyang matipid na pagngiti. Tumango si Jiro't tumayo. Inabot ng matanda ang kanyang kamay sa kanya't naglakad sila palabas ng hardin papasok sa loob ng palasyong nagniningning at pinaliligiran ng kulay asul na kalangitan.
Sa loob ng mahabang corridor, papuntang throne room na may nakatayong binatang lalaki na mas matangkad kay Ianus. Matipuno ang kanyang pangangatawan at bakas sa kanyang tikas na marami na siyang pinagdaanang pakikidigma. Sa likod niya'y may nakasabit na malaking espadang makintab at iyon lang ang armas niya sa kanyang katawan. Nang marinig niya ang kaluskos ng papalapit na paglalakad nila Ianus at Periti sa kanyang kinaroroonan ay nilingon niya sila. Doon unang nagkatinginan agad ng mata sa mata si Ilrian at Ianus, di naalis ito kahit nagkalapit na sila't pinakilala ni Periti ang isa't-isa. Sa mga sinabi ng matanda kay Ilrian ay ito na lang ang naintindihan niya.
"... Aalagaan mo't babantayan si prinsipe Ianus. Hindi titigil ang kapatid niyang si prinsesa Neomenia na makuha ang taglay niyang lakas. Kung mangyari man iyon ay magkakaroon ng kapangyarihan si Neomenia na pagharian ang Lucerna't Simulacrum. Hindi magdadalawang isip na patayin niya ang kapatid niya makuha lang ang natitirang piraso ng apat na kapangyarihang pagmamay-ari ng yumaong magulang nilang dalawa." ang mariing utos ni Periti kay Ilrian. Napatingin lang si Ilrian sa kanya't napalunok sa pailalim na titig sa kanya ni Periti dahil sa kanyang pakikipagtitigan kay Ianus. Agad na sinunggaban ni Ilrian ng akbay si Ianus at humalakhak ng pilit.
"Ako pa? Ano naman kayang gawin ni Neomenia?" ang di niya siguradong sagot sa matanda.
"Kung ipagkaloob sa kanya ng mga Tenebrarum ang titulong Deus Tenebris ay wala kang magiging laban sa kanya dahil ang buong Simulacrum ay mapapasakamay na niya."
"Hangga't di niya nakukuha ang Lucerna at nandito kami, tanda. Wala yan." ang pagmamayabang ni Ilrian.
Mula sa mga oras na iyon ay hindi na nagwalay ang dalawa. Bagama't tahimik si Ianus ay sadyang makulit at maboka naman itong si Ilrian kaya't nagawa niyang pagaangin ang loob ni Ianus sa kanya.
Madalas nilang naging tambayan ang hardin at ang dalampasigan dahil sa kinahiligan ni Ianus ang panoorin at pakinggan ang lagaslas ng tubig sa lupa.
Hangga't di sila namamalagi sa mundo, hindi sila tumatanda. Kaya't ilang milenya ang nagdaan ay walang nagbago sa kanila maliban ang sa pagiging malapit ng bawat isa. Dahil sa mga nagsubok na kunin si Ianus ng mga alagad ng kanyang kapatid na si Neomenia, hindi naiwasang magpakita ng lakas si Ilrian kay Ianus. Doon, nagsimulang mahulog ang damdamin ni Ianus kay Ilrian sa patindi ng patinding paghanga niya dito.
Isang araw habang naglalakbay sila upang tulungan ni Ilrian si Ianus na tuklasin na ang kanyang lakas sa isang uri ng mundo na puro buhangin lang ang buong paligid at walang nabubuhay na kahit anong organismo.
"Dito muna tayo. Pasensiya, mainit eh." ang sabi ni Ilrian sa kanya habang si Ianus nama'y hapun-hapong naupo sa buhanginan at basang-basa ng pawis at humihingal.
"Pwede, pahinga muna tayo? Saglit lang? Ang layo na ng nilakad natin. Kahit saan naman yata dito pwede na tayo magensayo. Bakit lumayo pa tayo?" ang naiirita nang tanong ni Ianus.
"Wala lang. Pinagtitripan lang kita. Ngiti ka nga diyan, nakasimangot ka nanaman eh." ang lambing ni Ilrian sa kanya bagama't di pa rin sila't parehong tinatago ng bawat isa ang kanilang tunay na nararamdaman.
Lalong kumunot ang mukha ni Ianus sa inis at paulit-ulit na sinuntok ang sahig gamit ang kanyang mga palad. Hindi na niya sinagot si Ilrian.
"Anong ginagawa mo?"
"Wala!"
"Eh bakit mo ginaganyan yung buhangin?"
"Eh gusto ko eh? Di ba gusto mo kong mapagod?" ang nangigigil na sagot ni Ianus sa kanya't walang tigil ap rin sa kanyang ginagawa. Tumawa ng malakas si Ilrian at nilapitan sila upang guluhin ang buhok ni Ianus.
"Tama na nga yan. Eto, para sa unang trick na ituturo ko sa iyo." ang sabi ni Ilrian at inakay na tumayo si Ianus. Agad bumangon si Ianus at inosenteng nagmasid sa isang kamay ni Ilrian na nakataas ang bukas na palad. Ilang saglit na sinuri ni Ianus ang palad ni Ilrian na nagsisimula nang hindi mapigilan ang sariling bumulwak muli sa katatawa.
"Anong meron? Wala naman ako makita eh!" ang pikon na sabi ni Ianus ngunit patuloy pa rin na nakatitig sa kamay ni Ilrian kahit inip na sa paghihintay na may makita.
Mabilis na ihinampas ni Ilrian ang kamay niya sa noo ni Ianus. Napaupo si Ianus muli sa buhanginan. Mabilis siyang bumangon at nagmartsa palayong dinadabog ang kanyang paa sa buhanginan. Tumatawa lang si Ilrian sa ginagawa ni Ianus. Si Ianus naman, makatapos ng ilang hakbang sa kapapadyak ay lumubog ng lumubog ang mga paa sa buhangin. Nang mahirapan siyang ianga't ang isa niyang lumubog na paa't nadapa. Bago bumaon ang mukha niya sa buhangin at isang malakas na sigaw ang kanyang nabitawan na lalong tinawanan ng si Ilrian at napahawak na sa kanyang tiyan.
Nagmadaling bumangon si Ianus at umubo ng umubog dahil sa nakain niyang buhangin. Nang makaluhod ito't napansin ni Ilrian na hindi tumitigil sa pag-ubo si Ianus ay tila binuhusan siya ng malamig na tubig at kinaripas ng takbong nilapitan si Ianus.
Aalalayan na sana ni Ilrian si Ianus ngunit itinaboy lang ni Ianus ang kanyang aktong aakay na kamay ni Ilrian sa kanya.
"Hindi na nakakatuwa. Uuwi na ako." ang nasamid na sabi ni Ianus kay Ilrian. Inakbayan ni Ilrian si Ianus at agad na itinapat ang kanayng bukas na palad malapit sa bibig ni Ianus. Tinaboy muli ni Ianus ang kanyang kamay.
"Ano ba? Niloloko mo lang ako eh. Pasalamat ka di ko pa alam gamitin ito..." at natigil si Ianus sa kanyang mga sasabihin nang biglang..
"Aquam puram." ang sabi ni Ilrian at namuo't umagos ang tubig mula sa kanyang palad na agad naman niyang ipinainom kay Ianus.
Nang makainom si Ianus ay napatitig siya kay Ilrian. Tumigil ang oras na tila nagusap ang kanilang mga mata habang ang mga labi ni Ianus ay nanatiling sumisipsip sa palad na ni Ilrian na tumigil na ang paglabas ng tubig. Agad na yumuko si Ilrian kay Ianus upang maglapat ang kanilang mga labi. Nagpalitan sila ng mainit na halikan na matagal na nilang kinikimkim. Mahigpit na niyakap ni Ilrian si Ianus. Napahiga silang dalawa sa buhangin at nasa tuktok na ni Ianus si Ilrian.