"Mga mamamayan din ang mga bumubuo ng gobyerno at sila ang higit na nakapag-aral. Ngunit tulad po ng ibang tao, nagkakamali kaya hindi dapat maging bingi sa kuro-kuro ng iba."
"Masyadong malalim, pare! Di ko maintindihan ibig sabihin ng linya na 'to!", sabi ni Arc habang litong-lito siya sa pagre-review para sa kanilang Periodical Test kinabukasan.
"Makinig ka muna kasi, Arc. Remember, mas gusto ko na nagre-review mag-isa pero inistorbo mo ako. Kaya please lang, makinig ka muna.", sagot ni SC, na siyang napilitan na tulungan mag-review si Arc dahil mas marunong siya sa History.
"Teka, teka. Maiba lang ako, paano ka ba kasi nage-enjoy sa history? Sobrang jologs naman nito. Tinutulugan ko nga lang si Sir Dumas, eh.", pabirong sabi ni Arc.
"Try mo din kasi intindihin. Ang lalim kaya ng history natin. Lalo na 'tong mga novel na 'to. Sobrang ganda kaya ng pagkaka-sulat ni Rizal ng Noli pati El Fili. Bigyan mo din kasi ng chance, kesa puro ka laro ng SNES mo.", pangaral ni SC na halatang naiirita na sa kanyang kaibigan.
"Eto na nga, TAY! Eto na, mag-aaral na po. Huwag niyo po ako paluin ng sinturon!", pabalang na sagot ni Arc.
Pinatay ni Arc ang kanyang Super Nintendo Entertainment System, kinuha ang kanyang libro, at nakinig sa turo ng kanyang matalik na kaibigan. Nag-aral sila buong magdamag sa bahay ni Arc. Sino nga namang hindi? Malaking kwarto't box TV, madaming snacks(Piattos, Tomi, Cheese Ring, Stik-O, Clover Bits, etc.), at puno ng Eraserheads na poster. Bukod pa doon ay pinakain pa sila ng hapunang Sinigang ng nanay ni Arc. Pwedeng pumasa na kapatid ni Arc si SC dahil sa sobrang close nila.
Ang dalawang binatilyong ito ay matalik na magkaibigan simula pa noong grade one sila. Madami silang pinagdaanang masasaya't malulungkot na karanasan, at napaka-daming panunukso. Bakit? Simulan natin kay Simon Chris na sobrang payat, tipikal na barber's cut ang gupit, nakasalamin, at sobrang mahiyain sa hindi niya kaibigan. Hindi siya pangit, pero madami siyang pagdiskitahan dahil sa kanyang katawan. Si Juan Marco naman ay katamtaman ang laki ng katawan, mayaman, at maayos naman ng itsura ng mukha. 'Yon nga lang, sobrang itim ng balat dahil Aita ang kanyang ina.
"Tang ina, p're! Na-gets ko din! Henyo ka talaga!", sigaw ni Arc sa tuwa dahil naintindihan niya din ang tinuturo ni SC.
"Sabi ko naman sa'yo, konting tiyaga lang mas ma-iintindihan mo din 'yang mga linya na 'yan. Hindi gagawa ng palpak na narrative si Rizal, no. Oh ano, mas trip mo na ba history ngayon?", tanong ni SC na mukhang natuwa sa resulta ng pagre-review nilang magkaibigan.
"Gago ka ba? Sabi ko na-gets ko na, hindi ko sinabing na-enjoy ko. Hahaha! Tara na matulog na muna tayo, maaga pa tayo bukas para sa exam.", sagot ni Arc na halatang inaantok na.
"Grabe ka, Arc. Hindi mo naman ako kailangang murahin ng dalawang magkasunod na beses. Oh, sige na. Matulog na tayo. Nga pala, tignan mo 'to.", patahimik na sagot ni SC bago niya patayin ang ilaw.
Lumingot si Arc sa pinaroroonan ni SC para lamang makita ang gitnang daliri na nakatutok sa kanya. Sila'y nagtawanan hanggang sa makatulog.
Itim at puti, ang anino ng ating kasaysayan. Kung hindi malikhain ang iyong pag-iisip ay mahihirapan kang pinturahan ng kulay ang ating kasaysayan. Subukan mong isipin. Nakikita mo bang may kulay ang mga makasaysayang pangyayari? Hindi? Pareho tayo, mahal kong mambabasa.
Parehong itim at puting pakiramdam ang meron dahil sa pressure ng exam. Akala mo ay ito na ang pinaka-mabigat na mararamdaman mo, pero hindi. Ang matalik na magkaibigan ay nagising trenta minutos bago magsimula ang periodical exam.
"Oh no! Oh no! Oh no! Hurry up, SC! Hindi tayo makakapag-take ng exam pag na-late tayo! Alam mo naman si Sir Dumas, kahit tropa 'yun sobrang higpit noon sa attendance!". Hirap na mag-butones si Arc ng uniform habang papunta sa pintuan palabas ng kanilang bahay.
"Kumalma ka lang, Arc. Hindi naman demonyo 'yun si Sir para hindi tayo pag-examin. Ako na kakausap sa kanya pagpasok. Madali naman 'yun kausap.". Mukhang hindi nababahala si SC sa oras. Tutal eh medyo close sila ng kanyang guro sa Araling Panlipunan na si Sir Dumas.
Speaking of, si Sir Danilo Dumas ay nagtuturo sa kanilang eskwelahan sa nakalipas na isang dekada. Kahit siya'y na sa mid-30's pa lamang, mas madami pa siyang alam sa kasaysayan kesa sa mas matatandang guro. Sobrang hilig niya ang mga nobela na isinulat ng ating mga bayani. Siya ang naging tulay upang mapa-mahal si SC sa kasaysayan at mga sulat ng ating kahapon. Hindi lang iyon, alam niya din makisama sa kanyang mga estudyante. Mayroon siyang computer na may bagong Windows '95, may sarili siyang koleksyon ng Nintendo Cartridges, at iniidolo niya ang Eraserheads at Rivermaya.
"Oh, good thing you made it. Muntik na kayo ma-late ha.", sabi ni Danilo na mukhang dismayado sa dalawang binatilyo.
"Sir, sorry po. Nag-review po kasi kami magdamag, mukhang bumawi po ng tulog katawan namin. Upo na po kami para makapag-start na po yung class sa exam.", paliwanag ni SC. Alam niyang hindi marunong sumagot ng rason si Arc pagdating sa ganitong mga bagay.
"It's alright, SC. Sige na, alphabetically arranged dapat ha? Buendia, dun sa likod ni Baldunado sa first column. Ikaw naman Macaiba, doon ka sa third column, sa pang-apat na upuan."
Naupo na nga ang dalawang magkaibigan sa kanilang na-assign na upuan. Parehong gumaan ang loob dahil umabot sila, pero kinakabahan dahil magsisimula na ang pagsusulit.
Six Fifty-Nine ng umaga.
Isang minuto bago magsimula ang pagsusulit. Ramdam mo yung kaba sa paligid; rinig ang bawat tibok ng puso ng mga mag-aaral habang umiikot ang ikatlong kamay ng orasan.
"Psst! Buendia!", tawag ni Ticia, ang babae sa harap ni SC.
"B-bakit, Baldonado?", bulong ni SC, na ngayo'y doble na ang kaba dahil may kumausap sa kanyang hindi niya ka-close.
"Pa-kopya ako ha? Hindi kasi ako nakapag-review.", sabi ni Ticia na parang wala lang. Kinindatan niya si SC bago lumingon pabalik sa kanyang upuan.
Binalewala ni SC ang nangyare. Sinabi niya kay Ticia na i-tuon ang pansin sa pagsusulit bago nag-focus sa paparating na papeles. Kung tutuusin, hindi siya kinakabahan dahil isa siya sa pinaka-magaling sa kasaysayan. Kaya niyang i-memorize kahit ang mga kumplikadong detalye ng mga pangyayare noong panahon ng kastila hanggang sa pinaka-bagong ganap sa ating kasaysayan.
Seven O' Clock ng umaga. Tumunog na ang bell at pinamigay na ang mga papeles. Madaming tinatagong emosyon ang hindi mapigilang lumabas. Mula sa pinakamasayang ngiti dahil lahat ng inaral ay andoon sa exam, hanggang sa pinakamalungkot na titig dahil walang naaral. Katahimikan ang nanaig sa buong isang oras na 'yun.
Patapos na si SC makalipas lamang ang kalahating oras. Sisimulan na sana niya ang sanaysay na parte ng exam ng...
"Buendia. Huy, Buendia!", bulong ni Ticia.
Pinilit niyang hindi pansinin, ngunit masyadong makulit ang dalagita.
"Bakit? Ano ba 'yun? Nag-eexam tayo, oh!". Pinipilit na itago ni SC ang inis, ngunit hindi ito napigilan sa tono ng kanyang boses.
"Sabi ko pa-kopya, di ba? Napaka-damot mo naman!"
"Wala naman ako sinabing payag ako. H'wag ka muna magulo, please. Kailangan ko na tapusin 'to. Isa pang bulong mo magsasalita ako dito."
"Letche! Kala mo kung sinong magaling! Bahala ka diyan.". Tumigil na si Ticia sa pangungulit at tumalikod na kay SC.
Bumalik na ang ating binatilyo sa pagsagot ng kanyang pagsusulit upang matapos na siya.
Sanaysay.
Ang pinaka-mahirap na uri ng exam para sa ibang estudyante, pamigay naman para sa iba. Andoon na si SC sa huling pagsubok. Pwede na niyang ipasa ang papel pagka-tapos. Isang tanong lang, pero ito ang natatanging tanong na inaasahan niya.
"Kung ikaw si Rizal, paano mo tatapusin ang El Filibusterismo? Isulat ang buod sa pamamagitan ng isang sanaysay"
"Paano nga ba?", tanong ni SC sa sarili.
Sinagutan niya ang sanaysay gamit ang lahat ng ideya niya sa loob ng bente minutos.
"Sisimulan ko ang katapusan ng nobela sa pagligtas ni Simoun kay Basilio sa pagkaka-kulong. Pa-planuhin ni Simoun ang paghihimagsik na kanyang gagawin sa gaganaping piging upang ipagdiwang ang pag-iisang dibdib ni Paulita Gomez at Juanito Pelaez. Sa gamit ng lamparang may laman na dinamita, kanyang sisimulan ang himagsikan sa pagpapasabog ng bahay na gaganapan ng nasabing piging. Lahat ng detalye para sa kanyang plano ay ibinigay niya kay Basilio.
Sa halip na sabihin ni Basilio ang plano kay Isagani, itinago niya ito sa binata't dumiretso sa piging na dala-dala ang lampara. Si Simoun ay nanunuod mula sa malayo, nag-aabang ng resultang kanyang inaasam. Pagka-bigay ng lampara sa bagong kasal, umalis na si Basilio't tinipon ang kanyang mga kababayan na nais ding gumanti sa mga prayle, at sa gobernador heneral. Isa... Dalawa... Tatlo... Apat...
Bago pa man ang panlimang bilang ay narinig ni Basilio sa kanyang likuran ang malakas na pagsabog. Ang tawanan na rinig hanggang labas ng bahay ay napalitan ng sigawan at iyakan. Umangat ang usok na kitang-kita kahit sa kalagitnaan ng gabi. Ito ang naging hudyat ni Simoun upang malaman na matagumpay ang unang hakbang sa kanyang paghihimagsik. Napangiti ang mang-aalahas at pumunta sa lugar ng pagsabog.
Pagka-dating niya doon, inabutan niya pang may hininga ang Gobernador Heneral. Inangat ni Simoun ang ulo nito upang makita siya ng maayos. Dinikta niya ang kanyang plano sa Heneral habang ito'y naghihinalo. Ibinunyag niya sa Heneral ang kanyang tunay na pangalan, ngumiti, at iniwan na ang mga tao doon habang tuluyan na nilamon ng apoy ang buong bahay.
Dito magtatapos ang kwento ng El Filibusterismo. Sa huling mga eksenang ito ay lalo sigurong mag-aalab ang pusong makabayan ng mga pilipino noong panahon ng himagsikan. Kung ito siguro ang nabasa ng mga katipunero, mas lalong lalakas ang kanilang pwersa upang mawakasan nag pananakop ng mga kastila."
Tapos na. Tapos na siya, sa wakas! Tinignan ulit ni SC ang kanyang mga sagot at ipinasa na kay Sir Dumas. "Ayos na 'to. Papasa naman siguro ako nito.", bulong niya sa sarili.
"Grabe! Na-mindblock ako doon! Parang wala akong naalala sa mga ni-review natin.", Sabi ni Arc kay SC habang papunta sila sa canteen.
"Sabi ko naman kasi sa'yo, makinig ka sa'kin. Ayan tuloy. Papasa ka ba?", pabalang na tanong ni SC.
"Pfft! Ako pa ba? Kahit manghula ako papasa ako. Nakita mo na ba akong bumagsak? Hindi, di ba? Hahahaha!", payabang na sagot ni Arc.
Nakarating na ang dalawang binatilyo sa canteen, kung saan nagkita sila ng isa pa nilang kaibigang si Viktor, o "V-Three" kung tawagin ng kanyang mga kaibigan. Si V-Three ang pinaka-matanda sa magkakaibigan. Brusko siya, tipikal na pinoy ang itsura, at medyo sunog ang balat. Ito ay dahil sa kanyang pagpa-part time bilang kargador sa pier ng Tondo. Kinailangan niyang magtrabaho dahil mahirap ang kanyang pamilya. Hindi lang siya puro laki ng katawan, matalino din siya kaya't may scholarship siya sa eskwelahan. Lagi niyang pinagtatanggol ang dalawa, at hindi niya pinapabayaan ang kanyang mga kaibigan.
Um-order ang tatlong magkakaibigan ng Champorado, kasama ng napaka-murang Nutribun. Bumili din sila ng inumin na tinimplang juice gamit ang brand na Sunny. Paupo na sana sila nang...
"Hoy, Buendia!", sigaw ng isang lalaki sa likod nila. "Buendia! Putang ina ka tinatawag kita!"
Napalingon ang magkakaibigan at napa-buntong hininga.
"Pare, ayan na naman siya. Ano na naman ginawa mo?", nerbyosong tanong ni Arc kay SC.
"Wala naman. Nag-exam lang tayo, tapos umalis ako ng room pagka-tapos. Kinita ka namin ni Arc, then eto na tayo. 'Yun lang naman, nothing out of the ordinary, V-three.", kalmadong sagot ni SC.
Bago maka-tayo si SC, hinila siya ng lalaki at hinawakan sa kwelyo. Tinitigan siya nito diretso sa mata.
"Ikaw, napaka-yabang mo. Nanghihingi lang ng tulong si Ticia, hindi mo pa magawa?!"
"Sabi ko sa kanya, mag-focus siya sa exam. Talagang hindi siya makaka-sagot kung sa ibang bagay siya naka-focus, Damien.", sagot ni SC na kakaiba ang pagiging kalmado.
"Sumasagot ka pang jologs ka! Magpa-kopya ka 'pag may nanghingi ng tulong. Hindi lang dapat ikaw nakikinabang!", sigaw ni Damien. Pinagtitinginan na sila ng mga tao sa canteen.
"Hoy, animal! Tigilan mo na si SC, wala naman siyang ginagawa sa'yo. Sabihan mo 'yung kaibigan mo na mag-aral next time!", pagtatanggol ni V-three sa payat na si SC.
"Tarantado ka bang kargador ka?! Wag ka mangi-alam!"
"Alam mo, Damien, if you're going to punch me, gawin mo na ngayon.", giit ni SC na halos pabulong.
"Damien, tama na 'yan. Sinabihan ko na si Ticia. Bitawan mo na si Buendia't wala naman siyang ginagawa sa'yo. Besides, practice game na natin in fifteen minutes.". May nagsalitang lalaki mula sa pinto ng canteen.
"Napaka-killjoy mo, Abulencia.", pailing na sagot ni Damien na namumula pa din. Nilingon niya si SC ng huling beses.
"Tuko, may araw ka sa'kin. Di pa tayo tapos.". Lumabas na si Damien matapos bigyan ng huling babala ang kawawang binatilyo.
"SC, sorry ha? Ako na bahala kay Damien.", sabi ng lalaki na nagtanggol sa kanya.
"Bayaan mo na 'yun. Kulang lang siguro sa attention. Thank you, Dolf.", sabi ni SC sa mahinang tono.
Ang dalawang lalaki sa canteen as sina Damien at Rudolf. Pareho silang parte ng varsity ng kanilang paaralan.
Si Damien ay galing sa may kayang pamilya, 'yun nga lang eh medyo kulang sa pansin. Maganda ang pangagatawan nito't may itsura. May lahing indyano kaya matangos ang ilong at bilugan ang mata. Mahal siya ng magulang niya, spoiled pa nga, pero hindi ko alam kung bakit kulang pa din siya sa pansin.
Si Rudolf naman ang Team Captain ng kanilang pangkat. Mayaman ang kanyang pamilya, kaya naman halatang alaga siya. Maganda ang pangangatawan, maputi, matangos ang ilong, at may gwapitong bigote. Isa siya sa kinikilalang kaibigan ni SC dahil malapit ang tiyuhin nito sa tatay ni Dolf. 'Pag may pagkakataon ay ipinagtatanggol ni Dolf si SC sa mga nanunukso sa kanya.
"Alam mo Simon, dapat lumalaban ka din eh. Bakit hinahayaan mo na ganyanin ka?", nanggigigil na tanong ni V-three sa kanyang kaibigan.
"Bayaan mo na 'yun. Wala akong oras pumatol sa mga ganung tao.", sagot ni SC na hindi 'man lang pinawisan sa nangyari.
"Ang sabihin mo, baka kasi tumalsik ka pag sinapak ka. Hahaha!", paasar na singit ni Arc habang palabas sila ng canteen.
"Gago ka din talaga, no? Palibhasa 'di ka makikita ni Dam-onyo 'pag sinapak ka. Kasing dilim mo kasi 'yung gabi!", paasar na sagot ni V-three kay Arc.
"Aba, tarantado ka! Halika dito, hoy!", sigaw ni Arc habang hinahabol ang kaibigan.
Tinititigan lang sila ni SC habang nagkukulitan sa oval ng eskwelahan. Masaya naman ang ating binatilyo kahit na may mga taong nangungutya sa kanya. Masaya siyang malaman na may mga kaibigan siyang malalapitan. Mga kaibigang totoo, mga kaibigang laging andyan para sa kanya. Habang patuloy silang naglilibot ay bigla na lamang napahinto si SC. Tila ba nanigas ang kanyang buong katawan.
"SIMON CHRIS! Hoy! Ano na?", sigaw ni V-three nang makita ang kanyang kaibigan na na-tulala.
"H-ha?"
"Huy, ano 'tol nakakita ka ba ng multo?". Biglang binatukan ni Arc ang kaibigan. "Ah, kaya naman pala. Uyyy! Tama na tingin, baka malusaw!", pang-aasar ni Arc sa kaibigan.
"Eto na, maglalakad na. Tara, balik na tayo sa classroom para sa susunod na exam.", sagot ni SC habang naka-ngiti.
Teka, teka. Nagtataka ka ba sa nakita ni SC? Tsaka ko na iku-kwento. Magpahinga ka muna sa pagbabasa. Ano? Ayaw mo? Gusto mo i-tuloy ko? Napaka-tsismosa mo, ha. Ok, sige. Eto na nga eh, 'wag mo ko titigan ng ganyan.
Oh, balik na tayo sa kwento.
Nakita ni SC ang kanyang crush simula pa noong emelentarya, si Clang. Aba, lalo ka atang napa-focus sa binabasa mo.
Si Mary Claire ay galing sa pamilya na tumutulong sa kanyang eskwelahan. Punong guro ang kanyang tatay, financial adviser naman ng ekswelahan ang kanyang nanay. Magandang dalagita si Clang. Medyo maputi, mahaba ang pilik-mata, natural ang kilay, maliit ang ilong, medyo singkit ang mata, at medyo mapayat. Matalino rin, at aktibo sa mga aktibidad sa eskwelahan.
Matagal nang hinahangaan ni SC si Clang, ngunit hindi nito magawang kausapin ang dalagita. Lingid sa kaalaman ni SC ay napansin siya ng kanyang hinahangaan. Matagal na rin nitong nahahalata na may gusto sa kanya ang ating binatilyo. Ang kaso eh walang nakakaalam kung gusto rin ba siya nito. Ma-sikreto kasi si Clang, mas gusto niyang naka-tuon ang pansin niya sa mga gawain sa ekswela dahil ayaw niyang ipahiya ang kanyang mga magulang.
Lumipas ang mga oras sa loob ng eskwelahan na na-puno ng kaba't katahimikan. Ikaw ba? Naranasan mo din ba ito noong nag-aaral ka pa? Ako kasi hindi, masipag kasi ako. Hahaha! Joke lang! Hindi nga ako nagre-review. Oh, mga bata! Mag-aral kayo, 'wag niyo kami gayahin!
Balik tayo sa kwento. Lumabas na ang mga bata sa eskwelahan. Nilakad lang ni SC mula doon hanggang sa bahay nila, tutal eh napaka-lapit lang naman nito. Nakita niya agad ang kanyang tiyo sa pinto ng bahay nila na nag-yoyosi.
"Papa-Tiyo! Ano ba naman 'yan. Sabi ko naman sa'yo bawasan mo na paghi-hits.", pangaral ni SC sa kanyang tiyo.
"Isa lang naman, MonChi. Namo-mroblema na kasi ako sa negosyo. Ang gulo din kasi kausap ng mama mo.", pa-depensang sagot ng tiyo.
"Sabi ko naman kasi sayo, 'wag mo na asahan 'yon. May asawa na ngang Intsik, eh. Mayaman na 'yun di na niya tayo kailangan.", kalmadong sagot ni SC kahit kita ang galit sa kanyang mukha.
"Oh, namumula ka na naman d'yan. Maiba tayo, kamusta eksamin mo?", segway ng tiyo ni SC.
"Ayos naman, Papa-Tiyo. Malakas kutob ko na papasa naman ako.", kumpyansang sagot ni SC na ngayo'y naka-ngiti na.
"Mabuti naman. Oh, sige na. May naka-handang hotdog at nutribun doon sa kusina. Kumain ka muna.", utos ng tiyo kay SC na halatang gutom na. Doon ay pumasok na si SC upang kumain ng meryienda.
Ang tiyo ni SC, si Macario, ang tumayong magulang ng binatilyo simula noong iniwan siya ng kanyang nanay upang mangibang bansa. Sa loob ng labinlimang taon ay naging legal guardian siya ng ating bida. Kung kaya naman eh tawag sa kanya ni SC ay "Papa-Tiyo". Siya ay na sa kanyang late-40's, katamtaman ang katawan, medyo puti na ang buhok at bigote, matangos din ang ilong, mahilig mag-polo na mabulaklak ang disenyo. Mahilig siya manigarilyo, kung kaya't minsan eh gigil ang binatilyo sa kanya. Mahal nito ang binata, kung kaya't ginagawa niya ang lahat upang lumago ang kanilang negosyo na bigasan.
Sinamahan niya na si SC sa loob. Matapos kumain ay nanood na sila ng mga action films gamit ang VHS ni Tito Mac. Eto ang nagsilbing bonding ng dalawa. May koleksyon siya ng mga palabas ni FPJ at Lito Lapid, pati na rin ang mga action hits ni Steven Segal pati Jean-Claude Van Damme. Kung minsan ay nakikinig rin sila ng mga old school na banda, tulad ng The Beatles at Queen.
"Papa-Tiyo! Inaantok na 'ko. Aakyat na ko sa kwarto't matutulog na.", sabi ni SC habang humi-hikab.
"Sige na. Iinom muna ako ng isang lata ng San Miguel pampa-antok. Goodnight, MonChi.", sabi ng Tiyo. Matapos noon ay umakyat na nga ang binatilyo. Ilang minuto'y tulog na siya agad.