Chereads / SIMEON / Chapter 4 - “TAKSIL!”

Chapter 4 - “TAKSIL!”

"Bro, ayos ka lang? Bakit hingal na hingal ka?", nagtatakang tanong ni Arc sa matalik na kaibigan.

"W-wala. Hinabol ko lang kayo kasi ang layo niyo na. Hay jusko ang bilis niyo maglakad!", palusot ni SC sa kaibigan.

"Pare, andito pa lang kami mga ilang lakad pa lang, anong mabilis doon.", nagtatakang paliwanag ni V-three.

"Baka kasi iwan niyo ko, malakas pa naman kayo manukso.", sagot naman ni SC na naka-simangot ang mukha.

Kahit nakikipagbiruan ang binatilyo ay halata ang takot sa kanyang mga mata. Hindi niya maipaliwanag kung ano ang nangyayari. Hindi niya alam kung bakit may mga imahe siyang nakikita, at kung bakit parang totoo ang mga ito. Wala man lang siyang masabihan ng mga ito, at ayaw niya rin namang kung ano ang isipin ng tiyo at mga kaibigan niya.

Ngunit kahit pa itago niya ito, kitang kita ng mga kaibigan niya ang takot sa kanyang mga kilos. Nais sanang kausapin siya ng mga kaibigan, pero hindi rin nila alam kung paano ito sisimulan. Nag-aalala sila na baka maling mga salita ang lumabas mula sa kanilang mga bibig, at lalong malugmok ang kaibigan.

Oh, 'tol. Ano nga sabi ko sa'yo kanina? Komunikasyon! Mahirap ba na gawin 'yon? Hindi, 'di ba? Hindi ko alam bakit hirap na hirap 'tong mga unggoy na 'to na kausapin 'yung kaibigan nila, eh. Kawawa naman si SC, parang siya lang mag-isa sa mundo niya.

Ang nakakalungkot pa doon, nangyayari din ito hindi lang sa magkakaibigan. Hindi lang dahil sa communication. Madalas, ang mga problema ng mga tao ay dahil sa assumption. Oo, mahilig manguna sa iniisip at nararamdaman ng iba, kaya ayun, paranoid gumalaw. Ano, manghuhula ka ba para gawin 'yon? Hindi naman, no?

Hindi ako galit sa'yo. Hindi naman ako sigurado kung mahilig ka din ba na manguna sa nararamdaman o iniisip ng iba. Ang akin lang, dapat may confirmation muna bago mag-isip ng kung ano-ano tungkol sa isang tao. Kung ganyan siguro lahat ng tao sa mundo, baka mas tahimik tayong namumuhay pare-pareho.

Isipin mo 'yun. Walang issue na kumakalat, walang mga tsismis na nakakasira sa reputasyon ng isang tao. Kaway-kaway sa mga article at tabloid journalist na mahilig sumulat ng mga tsismis na walang katotohanan. Kaway-kaway din sa mga public personalities na mahilig manghalungkat ng mga nakaraan ng isang tao para lang sumikat. Apir! Damay mo na rin 'yung mga kapitbahay mong kung anu-anong tsismis ang kinakalat sa barangay niyo, hahahaha!

Nagrereklamo na naman ako, pasensya na. Sige, balik na tayo sa kwento ulit. Naputol na naman, eh. Hindi ka naman galit, 'di ba? Good!

Inabot na ng dilim ang mga magkakaibigan sa Intramuros. Pero bago sila umuwi, naisip nilang dumaan sa Luneta Park. Nagdesisyon sila na maupo muna sa damuhan at doon na rin kumain. Pumunta muna sila sa SM Manila para bumili ng pagkain sa Jollibee.

"Oo na, sagot na kita. Basta bumawi ka 'pag nakatapos na tayo.", sabi ni Arc kay V-three na mukhang walang dalang pera pambili ng pagkain.

"Thank you, pare! Oo, babawi ako!", pasasalamat ni V-three sa kaibigan na laging sumasalo sa kanya 'pag wala siyang pera.

"Ano order niyo?", tanong ni Arc sa iba.

"Chickenjoy sa aming tatlo. Regular Coca-Cola 'yung drink. Tapos additional Peach Mango Pie sa akin.", sabi ni SC.

"Sige pare, kayo may idadagdag pa ba kayo?", padagdag ni Arc kina Dolf at V-three.

"Ako pare pa-dagdag na lang ng Yumburger, 'yung may cheese.", sabi ni Dolf

"Sige, sige. Hanap na muna kayo ng uupuan. Tawagin ko kayo pag ok na tapos punta na tayo sa Luneta.", sabi ni Arc sa mga kaibigan.

"Sige pare.", sabay na sabi ng tatlo.

Matapos maka-order ay naglakad na ang tatlo papunta sa Luneta. Nilakad na lang nila mula SM Manila hanggang doon. Dumaan sila sa likod ng Manila City Hall, at mula doon ay dumaan sila may mapa ng Pilipinas hanggang sa makarating sila sa rebulto ni Rizal. Nakahanap sila agad ng pwesto at naupo na sa damuhan. Doon sila malapit sa mismong rebulto.

Masayang kumain ang magkakaibigan. Kahit gabi na ay maliwanag pa rin doon. Maganda ang liwanag ng buwan, madaming street lights, at kitang kita rin ang ningning ng mga bituin. Sa sandaling panahon ay nawala ang mga pinoproblema ng mga bata. purong saya lang ang nararamdaman nila noon. Katahimikan. Maginhawang katahimikan ng isip.

Pero sa kabila ng katahimikan at saya, hindi pa rin mapakali si SC. Mas lalo siyang nababahala sa mga nakikita niya. Hindi niya alam kung ano ba talaga ang nangyayari, at hindi niya rin alam kung tama na ba ang timing para sabihin ito sa mga kaibigan ng mas maayos. Ayaw niyang mapahiya, ayaw niya rin namang isipin ng mga kaibigan na nagtatago siya sa kanila.

"Mga 'tol.", biglang sabi ni SC sa mga kaibigan.

"Oh, bakit pare?", sagot ni Arc habang kumakain ng ChickenJoy.

"Gusto ko lang pag-usapan 'yung sinabi ko kanina.", nahihiyang sabi ni SC.

"Alin? 'Yung mga panaginip mo ba?", pagsingit ni Dolf. "Sige pare, magkwento ka, papakinggan namin. Pero magbibigay din kami ng insight namin, ha?"

"S-sige.", pagpayag ni SC. "Pero i-promise niyo muna na walang biruan. Mamaya na kayo mang-asar."

"Oo 'tol, mukhang nababahala ka din eh. Papakinggan ka muna namin.", pangako ni V-three sa kaibigan.

At doon na nga tinuloy ni SC ang kwento niya kanina tungkol sa mga panaginip niya. Lahat ng detalye ay sinabi niya sa mga kaibigan, at binanggit niya rin kung gaano ka-totoo ang mga ito sa kanya. Pati ang mga imaheng nakita niya kanina sa Fort Santiago ay hindi niya pinalagpas.

"So, ang sinasabi mo, may mga nakikita kang imahe kanina? Kaya ka tumakbo papunta sa amin?", biglang tanong ni Dolf sa kaibigan.

"Oo, ganoon na nga. Hindi ba ang turo sa atin, tinanggap ni Rizal 'yung pagkamatay niya?", pagtuloy ni SC sa kwento.

"Oo. Bakit, ano ba 'yung nakita mo?", nagtatakang tanong ni Arc.

"Kasi parang iba 'yung nakita ko.", sagot ni SC na parang bumalik 'yung kaba. "Hindi siya mapakali. Medyo madilim na pero sigurado akong may galit pati magsisisi sa mga mata niya."

"Normal lang naman siguro 'yung ganoong feeling sa mga may death sentence, pare. I mean, bibitayin siya eh.", subok na paliwanag ni Dolf.

"Hindi eh.", mabilis na sagot ni SC. "Iba 'yung galit niya. Iba 'yung takot sa mga mata niya. Parang hindi dahil sa kamatayan niya, eh. Parang may pinagsisisihan siya na ginawa o hindi niya ginawa. Parang ganoon."

"Siya lang nakakaalam niyan, SC.", sabi naman ni V-three. "Madaming nangyari sa buhay niya, hindi natin alam kung alin doon 'yung pinagsisisihan niya."

"Ayun nga, eto ang pinaka-hindi ko makakalimutan.", banggit ni SC na pinapawisan na ngayon. "Noong andoon tayo kanina, may narinig akong boses na nagsasabi ng lampara. Tungkol sa lampara."

"Anong meron sa lampara?", nagtatakang tanong ni Arc.

"Lampara. Teka, 'yung sa El Fili?", pagpapa-kumpirma ni V-three sa kaibigan.

"Oo, 'yun ang naiisip ko.", sagot ni SC. "Mukhang may kinalaman nga sa lampara ng El Fili. Pero hindi ko alam kung ano meron.

"Kung ano man 'yun, 'wag mo masyado isipin.", payo ni Dolf. "Try mong i-divert atensyon mo. Baka magkasakit ka niyan kakaisip."

"Mahirap, pare. Hindi siya mawala sa isipan ko.", natatakot na sagot ni SC. "Every night simula noong una ko 'yang mapanaginipan, laging ganyan na pagtulog ko.

"Gusto mo ba samahan ka namin para magpa-check up?", suggestion ni Dolf sa kaibigan.

"Hindi, 'wag na. Wala naman akong sakit pare. Tingin mo ba sa'kin may sakit?", medyo naiinis na sagot ni SC.

"Oh, 'wag ka na magalit diyan. Hindi pare. Basta kausapin mo kami 'pag gusto mo.", nakangiting sagot ni Dolf.

Matapos ang kwento ni SC ay tinuloy nila ang bonding sa Luneta Park.

Inabot sila ng nine-thirty ng gabi doon at minabuti na ngang umuwi. Sabay-sabay silang nag-bike at umuwi sa daan ng Divisoria. Tahimik ang gabing 'yon. Walang masyadong tao sa labas, pati maliwanag ang buwan kung kaya't kampante ang magkakaibigan na ligtas ang kanilang pag-uwi. Naghiwa-hiwalay na sila ng daan pagbaba ng Jones Bridge.

Masaya naman si SC sa pag-open niya sa mga kaibigan. Kung tutuusin ay nakangiti siya habang nagba-bike pauwi. Kaso lang, hindi nawala 'yung bigat sa pakiramdam niya kahit ganoon. Hindi niya ma-explain, pero sobrang bigat pa din ng pakiramdam niya. Sinubukan niya itong hindi pansinin hanggang sa makauwi siya't makapagpahinga.

Inabutan si SC ng kanyang tito sa labas ng bahay.

"MonChi, kamusta lakad niyo?", tanong ni Mac.

"Ayos lang, PapaTiyo. Masaya naman.", nakangiting sagot ni SC. Nakita niyang may tinatagong yosi ang tito sa likod. "Anak ng... PapaTiyo itapon mo 'yan!"

"Ano ba namang bata 'to, ang talas ng paningin! Oo na, eto na itatapon ko na.", nagrereklamong sagot ni Mac.

"Isa pang yosi niyo sasabihan ko na si Aling Lucy na 'wag kang bentahan.", pagbabanta ng binatilyo.

"Hay jusko, mas malala ka pa sa lolo mo!", pabirong sagot ni Mac. ""Sige na. Maglinis ka muna at pinawisan ka. Magpahinga ka na pagtapos."

"Opo, papasok na ko para mag-ayos at makatulog na.", pagpapaalam ni SC na halatang inaantok na.

Nag-ayos na nga si SC para magpahinga. Matapos maglinis at mag-ayos ng kwarto ay nahiga na siya. Doon siya binalot ng malamig na katahimikan. Doon niya naramdaman ulit ang bigat, ang takot.

"Bakit ganito na naman nararamdaman ko? Akala ko mawawala na 'to 'pag nagkwento ako sa kanila.", bulong ng binatilyo sa sarili. "Ang sakit ng batok ko, nahihilo ako. May sakit nga ba ako?"

Pinapawisan si SC kahit hindi naman mainit ang gabi. Malamig ang pawis niya, at para bang umiikot ang buong kwarto niya habang nakahiga. Akala niya masama ang pakiramdam niya kahit hindi.

Bigla siyang napatayo at dumiretso sa cr ng kanyang kwarto. Hindi inaasahan, ngunit bigla siyang nagsuka. Hilong-hilo si SC at pawis na pawis. Matapos niyang sumuka ay nilinis niya ang kanyang cr. Ilang minuto rin siyang naglinis dahil sa dami ng kalat.

Minabuti niyang maghilamos matapos maglinis. Habang hinuhugasan ang mukha, may pamilyar na boses na naman siyang narinig.

"LAMPARA! BAKIT HINDI MO GINAMIT? BAKIT MASYADO KANG NATAKOT?"

"LAMPARA!"

"LAMPARA!"

"MAMAMATAY KA DAHIL SA PAGIGING DUWAG MO!"

"PUTANG INA KA, TAKSIL KA! DAPAT LANG SA'YO ANG MAMATAY!"

"SINO KA BA?! UMALIS KA! AYOKO NANG MARINIG KA!", biglang sigaw ni SC dahil sa sobrang hilo at takot. "UMALIS KA NA! NAHIHIRAPAN NA AKO!"

Narinig ito ni Mac, at dali-daling tumakbo sa cr kung nasaan ang pamangkin.

"MonChi?! MonChi?! Iho, anong problema?", nag-aalalang tanong ni Mac.

"G-gusto ko na ng katahimikan, PapaTiyo!", umiiyak na sabi ni SC. "Gusto ko na po matulog."

"May gumugulo ba sa'yo? Anong katahimikan ba sinasabi mo?", nagtatakang sabi ng tiyo.

Tahimik ang binatilyo. Hindi niya masabi ang mga nangyayari sa kanya sa tito. Ayaw niya kasing mag-alala si Mac bilang may hypertension siya.

"W-wala, PapaTiyo.", nanginginig na sabi ni SC. "Hilong-hilo lang po ako kaya siguro ganito, ang init kasi."

"Sigurado ka? Ayaw mo magpatingin sa doktor bukas?", sabi ni Mac na hindi mawala ang pag-aalala sa mukha.

"Kulang lang po 'to sa pahinga.", pagdadahilan ni SC.

"Oh siya siya. Kung naiinitan ka, doon ka muna sa sala matulog. Buksan mo 'yung aircon.", sabi na lang ni Mac.

"Sige po. Pasensya na kung bigla akong sumigaw. Sobrang hilong-hilo lang po ako.", nahihiyang sabi ni SC sa tito niya. Matapos mag-usap ay bumaba na siya, binuksan ang aircon, at natulog.

Nakatulog na ang binatilyo, sa wakas. Pero si Mac? Hindi mapakali sa nangyari. Nag-aalala siya sa kanyang pamangkin. Iniisip niya kung ano ba ang mali, kung ano ang dahilan kung bakit nagkaka-ganoon ang bata.

Sa kakaisip ni Mac ay napainom at yosi na lamang siya. Kumuha siya ng tatlong bote ng Red Horse at dinukot ang nakatagong kaha ng Marlboro Red. Naupo siya sa tapat ng bahay nila't nagsindi ng isang stick at doon na rin nag-inom mag-isa.

"May problema kaya 'yun sa eskwelahan?", tanong ni Macario sa sarili. "Hindi naman siguro mga kaibigan niya, masaya naman siya noong umuwi. Hay ewan! 'Di ko rin maintindihan 'tong bata na 'to minsan."

Nang maubos ni Mac ang tatlong bote, pumasok na siya sa loob at nagpahinga na rin. Ginagambala pa rin siya ng pag-aalala para sa pamangkin, pero hinayaan na lang niya ito at natulog. Sa isip niya, may tiwala siya sa kanyang pamangkin, at alam niya na magsasabi ito kung may problema man.

Oh kaibigan, maiba lang ako, parang masarap uminom ngayon. Pusta ko, naisip mo rin bigla uminom no? Ayos lang 'yan. 'Wag mo lang sobrahan. Kung Gusto mo, bumili ka muna ng inumin mo bago ako magkwento ulit. Dito lang naman ako, hindi naman tatakbo 'to. Kuha mo na rin ako ng isang bote. De, biro lang, ayoko malasing.

Ay, siya nga pala. Nasubukan mo na ba na ibahin yung attitude mo in public? I mean, 'yung hindi mo usual na ugali 'yung pinapakita mo sa maraming tao? May ganoong instance sa buhay ng tao. Madaming dahilan kung bakit, pero sa pagkakaalam ko, madalas defense mechanism daw ito. Tama, 'di ba? Ang realidad kasi, at hindi ito exaggeration, mga tao ang pinaka-dangerous na nilalang na nabubuhay sa mundo. So bali instinct na natin ang protektahan ang sarili sa ibang kauri natin.

Adapt and adjust.

Ayan ang pinaka-effective na paraan para protektahan ang sarili sa iba, or at least 'yan ang sabi nila. Mag-conform sa kung ano 'yung established na tama, kahit questionable minsan.

Nakakatawa lang, kasi ang ironic nitong idea na 'to. Ang inaasam ng mga tao, kalayaan. Pero naka-tali tayo sa mga bagay na "tama" kahit alam natin na morally incorrect na minsan. Don't get me wrong, tama lang na may mga sinusundan tayong mga batas para may legitimate tayong kapayapaan. Ang sinasabi ko eh 'yung mga norms na dapat mong sundin para lang masabi na katanggap-tanggap ka sa society.

Halimbawa, pwede kang sigaw-sigawan ng boss mo sa trabaho pero 'pag nagbigay ka ng insight mo sa maayos na paraan, bastos ka't walang respeto. 'Wag mo sabihin sa aking hindi, dahil alam kong maraming ganyan. Pwede kang pag-rasunan sa pabalang na paraan, pero bawal kang magbigay ng rason mo kahit sa maayos na paraan. Para mag-adapt, ang mga na sa baba tatahimik na lang. Oo lang ang alam na sagot, yuko na lang 'pag pinagalitan kahit wala naman ginagawang mali.

Ops, kaway-kaway sa mga mahilig mag-power trip at manliit ng subordinates nila dyan! Magbago na kayo!

So, nagtataka ka ba kung bakit ang layo na ng usapan natin? Well, hindi lang naman sa corporate world nangyayari 'yan. Kahit saan merong ganyan, kung saan kahit alam mong tama ka o wala kang ginagawang mali, naka-takip ang bibig at mga mata mo. Oo lang ang sagot, yuko na lang habang minamaliit ng iba. Pwedeng hindi ka ganyan, pwedeng lumalaban ka, pero tanggapin natin, mas marami ang hindi kayang lumaban at nag-coconform na lang sa kung ano 'yung tanggap ng nakararami.

Sana nga, sana. Sana hindi ka isa sa mga "Tropang Yuko". Huwag kang papayag na maliitin ka. Pero sana rin hindi mo ilaban karapatan mo sa paraang manliliit ka rin ng iba. May tamang paraan para sabihin ang side mo ng istorya. Maging matalino ka rin sa mga aksyon mo, pero huwag mo kalimutan ang mga karapatan mo.

Ang drama ko na, hahaha! Teka, balikan muna natin si SC. Mukhang gising na eh. Ambilis, no? Mabilis talaga ang oras 'pag nag-eenjoy ka sa ginagawa mo. Tara, tignan natin kung ano na mga susunod na mangyayari.

"MonChi! Bumaba ka na dito, pinagluto kita ng pritong itlog at tuyo."

"Opo, pababa na po!"

Mabilis na nakababa ang binatilyo nang marinig ang pagkaing hinain ni Mac para sa kanya.

"Kamusta pakiramdam mo, iho?"

"Ayos naman na po, PapaTiyo. Pasensya ulit kagabi, feeling ko dahil sa sobrang pagod sa lakad namin 'yun."

"Ano ba naman kasi ginawa niyo't pagod na pagod ka kagabi?"

"Maghapon kasi kaming na sa labas, eh. Pati mainit din kahapon."

Tumango si Mac. Sumang-ayon na lang siya sa sinabi ng binatilyo kahit halatang nag-aalala pa rin siya.

Sabay silang kumain. Madaling naubos ni SC ang laman ng kanyang plato dahil nagmamadali rin siyang pumasok sa eskwelahan.

"SC! Tara na, pare! Mag-bike na tayo papasok.", sigaw ni Arc na nakaabang sa labas.

"Andyan ka pala! Sige, sandali lang.", nagmamadaling sagot ni SC habang natatarantang ayusin ang gamit.

"Iho, halika dito saglit.", pabulong na tawag ni Mac kay Arc habang naghihintay matapos ang pamangkin.

"Tito, ano po 'yun?", tanong ni Arc.

"Ayos lang ba kayo ni MonChi? Wala naman kayong problema?", diretsong tanong ng matanda.

"Wala naman po. Masaya naman po kami kahapon. Bakit, may nangyari po ba?", nagtatakang tanong ni Arc.

"Kagabi kasi, bigla na lang siya sumigaw at parang may kaaway pero wala naman.", kwento ni Mac. "Nag-aalala ako. Huwag mo na lang sabihin sa kanya na sinabi ko sa'yo 'to. Gusto ko lang bantayan niyo siya, lalo ka na bilang best friend ka ng pamangkin ko."

"S-sige po.", naguguluhang sagot ni Arc. "Baka po sobrang pagod kahapon. Pero ako po bahala kay SC. Hindi ko naman po siya pinapabayaan."

"Tara pare, nakaayos na ko.", biglang pasok ni SC.

"Oh siya, mag-iingat kayong dalawa.", sabi ni Mac habang palayo ang tingin sa dalawa.

"Sige po, PapaTiyo. Mamaya na lang. Huwag kang magyoyosi, ha?!", pangaral ng binatilyo.

"Oo na, oo na.", buntung-hiningang sabi ni Mac sa pamangkin. "Kumain ka ng maayos doon."

"Opo! Ba-bye po!", paalam ni SC.

Kinuha na niya ang kanyang bisikleta at nagtungo na sa eskwelahan kasama si Arc. malapit-lapit lang naman ito sa bahay nila SC. sa loob ng sampung minuto ay andoon ka na agad. Asahan mo na hindi male-late ang magkaibigan.

Pagkarating sa eskwelahan ay itinabi nila ang mga bike nila sa mga bakal na railing malapit sa abangan ng mga magulang. Ni-lock nila ang mga ito at pumasok na sa loob.

THUD!

"Ay tang ina! Siga ka ba?! Gusto mo ng away, ha?!"

Nagkabanggaan si Damien at SC habang naglalakad ang binatilyo. Tumapon ang hawak na gulaman ni Damien sa sarili.

Sa sobrang galit, hinila niya sa kamay si SC at hinampas ang mapayat na katawan nito sa pader.

"Hindi talaga nawawala bwisit ko sa'yo kahit isang araw eh, tarantado ka!", nanggigigil na sabi nito.

"Hoy, demonyo! Hindi niya naman sinasadya!", pag-awat ni Arc sa varsity player.

"Huwag kang papansin dito, Nognog!", sigaw ni Damien.

Pinaikutan na sila ng mga kamag-aral nila. Isa sa mga naka-tingin ay si Clang, ang crush ni SC. Nakita siya ng binata na nakatingin, at napa-yuko na lamang si SC sa kahihiyan. Kita sa mga mata ni Clang ang awa para sa kanya, ngunit wala naman siyang magawa dahil ayaw niyang madamay sa gulo.

"Sige na, sapakin mo na ako. Ang bagal mo naman.", hamon ni SC kay Damien.

"Aba, sinusubukan mo talaga ako, tuko?"

"Oo. Tutal mas duwag ka naman sa akin kahit anong mangyari. Sa mga tulad ko lang naman ikaw pumapatol.", patuloy na paghamon ng binatilyo.

"GAGO!", sigaw ni Damien sabay sapak sa mukha ni SC. "SINONG DUWAG, HA?!"

Pangalawang sapak. Pangatlong sapak.

Madaming nanonood, pero walang tumitigil. Kahit si Arc nanigas na lang sa pwesto dahil sa mga nangyayari. Gusto niyang iligtas ang kaibigan, pero naninigas siya sa takot. Nakatingin na lamang siya kay SC. Sa gitna ng kaguluhan, may sumigaw. Isang sigaw lang pala ang katapat para tumigil ang gulo.

"ANONG NANGYAYARI DITO?!"

Si Sir Dumas. Nakita sila ng isang guro, isang respetadong guro sa buong eskwelahan. Ang nag-iisang guro na kinakatakutan ni Damien.

"Anong sinabi ko sa'yo last time?", galit pero mahinahong tanong ng guro kay Damien. "Ano?"

Walang sagot galing sa malaking binata.

"Hindi ka sasagot? Hindi mo kayang sumagot pero kaya mo manuntok ng mas maliit sa'yo?", pangaral ni Danilo. "Sumama ka sa'kin. Mag-usap tayo sa Guidance Office kung ayaw mo magsalita dito. Kung hindi ka susunod, papatawag ko daddy mo."

Tumingin siya bigla kay Arc.

"Macaiba! Tulungan mo si Buendia, dalhin mo sa clinic."

Dali-daling binitawan ni Damien si SC at naka-yukong sumunod sa guro. Nanginginig na nilapitan ni Arc si SC matapos siyang binatawan. Namamaga ang pisngi ng kaibigan, at may galos sa bandang kilay. Pumutok rin ang bibig nito dahil sa dami ng suntok na natanggap.

"P-pare. Sorry.", nanginginig na sabi ni Arc. Naluluha ang mga mata nito. "Hindi man lang kita natulungan."

Tumango lang si SC. Dinala siya ng kaibigan sa clinic para ipa-gamot ang sugat. Buti na lang at malapit lang ito mula sa kung nasaan sila. Madami pa namang oras bago magsimula ang klase, kaya may oras pa para magamot ang mga sugat ni SC.

Ok, habang ginagamot siya, may tanong ako sa'yo. Kung ikaw ang naipit sa sitwasyon ni Arc, anong gagawin mo? Tutulungan mo ba si SC, o tutunganga ka lang din? 'Di ba mag-best friend sila? Pero tignan mo, walang kahit anong tulong habang sinasapak siya ni Damien.

Mapapaisip ka na lang minsan kung ano ba talaga ibig sabihin ng salitang "kaibigan". Hanggang saan nga ba ang role na kayang gampanan ng isang "matalik" na kaibigan sa buhay mo? Kung ako kasi ang tatanungin, sagrado ang matawag kang kaibigan. Oo, sagrado 'yan tulad ng asawa o pamilya. Maniwala kang wala rin sa tagal ng pagkakaibigan niyo 'yan. May mga matatagal nang magkakaibigan na one day eh hindi na lang nagpapansinan.

Ang akin lang, dapat hindi ka lang matuturing na kaibigan 'pag masaya kayo. Ang tunay na kaibigan, malalaman mo 'yan 'pag inabot ka ng mahirap na sitwasyon pero andyan pa rin siya para sa'yo.

Nakakaawa lang kasi si SC. Maraming nanood na bugbugin siya pero walang naglakas loob na tulungan siya. Paano na lang kung hindi dumating si Sir Dan, ano na kaya nangyari kay SC noon? Baka napatay na siya ni Damien, kita mo naman hindi sana siya magpapaawat. Tandaan mo, mapayat si SC at medyo maliit. Ano na lang 'yung sakit na masuntok ka ng malaking lalaki tulad ni Damien. Nakakaawa, sobra.

Oh, sige na. Balik na tayo kay SC, mukhang nagamot na siya.