Huy, ikaw! Gusto mo ba ng history lesson na hindi tinuro sa'yo kahit kailan? Talaga? Interesado ka? Ok, sige! Halika, kwentuhan tayo.
"Calamba, Laguna - 1887"
Kung nakinig ka noong high school, alam mo kung gaano ka-importante ang lugar at taon na 'yan. Oo, tama ka! 'Yan ang lugar at taon kung saan unang lumabas ang nobelang Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal. Ang hindi alam ng karamihan ay mayroon siyang kaibigan na tumulong sa kanya upang matapos ang nobelang ito. Sino, 'kamo? Walang nakakaalam ng tunay niyang pangalan, pero tawagin na lamang natin siyang Simeon Crisostomo. Oo, tama ang na-basa mo. Siya ang inspirasyon sa paglikha ng karakter na Crisostomo Ibarra/Simoun. Wala siya sa kahit anong history books dahil pa-sikreto ang kanyang pagtulong kay Rizal.
Ang tanong, bakit nga ba importante si Simeon kay Rizal at sa kanyang mga nobela? Si Simeon lang naman ang nagsilbing tiga-payo ni Rizal t'wing kailangan niya ng direksyon sa nobela upang mas lalong tamaan ang mga espanyol. Kahit sobra ang galit ng misteryosong lalaki sa mga espanyol, kaya niyang makiisa sa mga ito dahil mayaman siya't may impluwensya sa Espanya. Isa rin ito sa dahilan kung bakit hindi niya pinu-publiko ang kanyang buong pagkatao, kahit kay Rizal. Nais niyang maging perpekto ang gawa ng ating Pambansang Bayani. Para sa kanya, ito ang magiging unang hakbang sa matagumpay na paghihimagsik laban sa mga Kastila.
"Ginoo, masaya ako't matagumpay ang Noli Me Tangere. Madaming mga Pilipino ang lalong nabubuhayan ng loob upang lumaban para sa ating kalayaan.", pabati ng misteryosong tiga-payo.
"Bagama't masaya ako sa aking naisulat, ako ay binabahala ng bangungot at imahe ng kalungkutan.", tugon ni Rizal. "Gabi-gabi ay nakikita ko ang mga kamag-anak kong namatay, kasama na rin ang tatlong paring martyr. Malaki rin ang aking panghihinayang sa pagtatapos ng aking nobela. Nais kong i-tuloy ito, alang-alang sa aking mga mahal sa buhay, pati na rin sa inang bayan.". Makikita ang lungkot sa kanyang mga mata habang kinakausap si Simeon.
"Kailangan mo ba ng aking tulong, kaibigan?", tanong nito habang naka-hawak sa balikat ng magiting na doktor.
"Oo, pero sana maintindihan mo na hindi ko ito itutuloy upang maghiganti. Gagawin ko ito upang maibsan ang laman ng aking isip, at upang magising ang dugong makabayan ng ating mga kapatid sa Pilipinas.", pakiusap ni Rizal.
"Naiintindihan ko, Pepe. Huwang kang mag-alala. Bibigyan lamang kita ng impormasyon upang maging mas ma-kulay ang depiksyon mo sa takbo ng istorya. Sabihan mo lamang ako kung kailangan mo ng tulong.", mahinahon na sagot ng tiga-payo. "Halina't maghapunan muna tayo. Masusunog na ang mata natin kaka-titig sa lampara mo. Anong nais mong kainin, kaibigan?"
"Halina't kumain tayo ng champorado't tuyo, Simeon.", giit ni Rizal na halatang gutom na.
"Aba, sabi na nga ba't 'yan ang gusto mo. Nagpaluto na ko sa aking kasambahay, halina't bumaba sa hapagkainan.", masayang aya ni Simeon kay Rizal. Doon nga ay bumaba na sila upang kumain.
"Tignan mo 'tong tropa natin. Naglalaway na naman habang natutulog.", pabulong na biro ni Arc kay V-three.
"Buti nga siya tulo-laway lang. Ikaw amoy laway!", sagot ni V-three habang naka-ngiti.
"Wala namang personalan, p're.", iritableng sagot ni Arc habang sinasapak ang braso ng kaibigan. "Oh, bibilang akong tatlo, ha. Sabay tayong sumigaw ng gising."
"Sige, sige."
"One... Two... Three..."
"HOY, SC! GISING NA, 'TOL!"
"Ummmm... Ang aga-aga andito na kayo. Wala namang pasok, bakit niyo ko ginising ng maaga?", tanong ni SC na kalahating tulog pa.
"P're, maglalaro tayo sa bidyuhan! Tatalunin pa kita sa Street Fighter.", sagot ni Arc.
"Teka, teka! Akala ko ba sa inyo? Wala akong panlaro, boy.", singit ni V-three.
"Sagot na kita, basta ba matalo mo ko.", mabilis na responde ni Arc. Kita sa kanya na gustong-gusto niya nang maglaro.
"Pwede ba na kumain muna tayo? Magpapa-luto ako kay Papa-Tiyo.", sabi ni SC habang bumabangon sa kanyang kama.
"Ayos! Jackpot tayo, Arc! Libre pagkain!", halos pasigaw na sabi ni V-three.
"Oo nga eh, sakto gutom na din ako! 'Di kasi nakapagluto si mommy dahil may meeting.", sang-ayon ni Arc.
Bumaba na ang tatlo sa sala nila SC. Doon ay nakikinig ng radyo si Tiyo Mac.
"Oh, ano gusto niyong almusal?", mabilis na tanong ng Tiyo.
"Parang gusto ko po ng Champurado pati Tuyo, Papa-Tiyo.", sagot ni SC.
"Aba, nice choice, iho! Sakto kumpleto ko ingredients d'yan.", masayang giit ni Mac. Dali-dali siyang nag-asikaso ng hiling na almusal ni SC at ng kanyang mga kaibigan.
Hopya-mani-popcorn! Teka lang. Alam ko may iniisip ka habang nagbabasa, pero kalma ka lang. Mamaya ka na kumain! Marami pa akong iku-kwento! Tara dali, upo ka muna d'yan!
"Tito, ang sarap ng luto mo! Thank you! Alis po muna kami!", masayang pasasalamat ni V-three sa tiyo ni SC.
"Wala 'yon! Kung magutom kayo, punta lang kayo dito't paghahanda ko kayo.", sagot naman ni Mac habang tenga sa tenga ang ngiti. "Oh, ingatan niyo yang alaga ko, ha?"
"Opo, kami po bahala dito. Bubugbugin namin kung sino 'man mang-aaway sa kanya.", paangas na sagot ni Arc.
"Ulol! Kala ko naman. Eh isa ka 'ding asar talo. Hahaha!", pabulong na banat ni V-three.
"Aba'y ga.."
"Oh, oh! Tama na 'yan! Palakasan na lang sa arcade para magkaalaman.", pag-awat ni SC sa kanyang mga kaibigan.
"Sige ba! Matalo sa'tin manlilibre ng ice cream ni Mang Emman, ha?", paghahamon ni Arc sa kaibigan.
"Sige, palag ako d'yan!", kumpyansang sagot ni V-three.
Nakarating na sa arcade place ang mga binatilyo. Maaga itong nagbubukas tuwing weekend dahil mabenta ito sa mga bata na walang pasok. Dito, naglaro ng ilang oras ang magkakaibigan. Mula sa matinding labanan ng Street Fighter, hanggang sa pataasan ng puntos sa larong Pacman. Halata ang tuwa sa mata ng tatlong magkakaibigan.
"Oh, paano ba 'yan. Talo ka na naman ng Ryu ko.", pagyayabang na sabi ni V-three sa natalong si Arc.
"Oo na nga, sige. Lilibre kita ng ice cream mamaya 'pag dumaan si Mang Emman.", ang sabi ni Arc na medyo dismayado sa kanyang pagka-talo. "Pero ok na din 'yun. 'Di mo naman matatalo Dhalsim ni SC. Ilang games kayo, hindi ka man lang nanalo kahit isang beses! Wala ka dito kay SC!", pagsingit niya sa nagmamayabang na kaibigan habang nakaakbay kay SC.
"Eh paano naman ako mananalo, ang hirap umiwas sa apoy niya. Nagkalat sa buong screen yung apoy, eh!", depensa ni V-three.
"Wala lang 'yun. Katuwaan lang talaga, haha! 'Di bale V-three, next time hindi ko na igaganti si Arc sa'yo. Lamunin mo siya ng buo.", paliwanag ng mahiyaing kaibigan.
Masayang tinuloy ng tatlo ang kwentuhan nila hanggang sa makarating sila ulit sa bahay ni SC. Habang naghahanda ng tanghalian ang kanyang tiyo...
"Mga p're, nga pala, may tanong ako sa inyo."
"Ano 'yun, SC?"
"Ano tingin niyo sa ending ng El Fili? I mean, 'di ba 'yun yung essay na parte ng exam natin kahapon?"
"Ah. Ako kasi nilagay ko lang doon na imbes na magpakamatay si Simoun, tumakas siya kasama 'yung kayamanan niya tapos nagkaroon ng tahimik na buhay.", sagot ni Arc.
"Ako naman, nagdalawang-isip si Basilio ibigay 'yung lampara sa handaan. Imbes na ibigay niya eh dinala niya yung lampara pauwi.", sagot naman ni V-three.
"Oh, tapos?", sabay na tanong ng dalawa.
"Ayun na 'yun. Hahaha! 'Di ko na natapos kinapos ako sa oras eh.", patawang rason ni V-three.
"Sira ulo! Akala ko may karugtong pa, eh!", painis na sabi ni Arc sa kanya. "Teka, bakit mo nga pala natanong, SC?"
"Wala naman. Curious lang ako sa sagot niyo."
"Eh ikaw ba, ano ba sinagot mo doon?"
"Basta, medyo mahaba nakaka-pagod ikwento. Ang masasabi ko lang eh nanalo si Simoun."
Naudlot ang kwentuhan ng tatlo dahil tinawag na sila ni Mac upang kumain ng tanghalian. Nagluto siya ng paboritong Tinola ni SC. Tuwang tuwa ang tatlo dahil napag-usapan nila itong ulam na ito sa palaruan. Napadami ang kain nila, sinabayan na rin sila ng Tiyo.
Matapos kumain ay nagpunta sila sa kwarto ni SC at naglaro ng Super Mario Bros. sa NES niya. Salitan sila kung mamatay sa laro ang nagko-control kay Mario. Dito sila nagpalipas oras hanggang hapon.
"Ang hirap, p're! Ano ba naman 'tong mga apoy na 'to, ang hirap makalagpas.", napipikon na sabi ni Arc habang kinukuha ni V-three ang controller.
"Akin na, pakitaan kita!", sabi ng kaibigang kargador noong nakuha niya na ito. Ilang minuto lang ay...
"Ano ba 'yan! Bakit ang hirap naman nitong stage na 'to. Ang dami masyadong apoy na lumalabas!", halos pasigaw na sabi ni V-three.
"Mahirap talaga diyan. Kahit ako hirap na hirap 'pag andyan na ko, eh. Pero ayan din pinaka-enjoy akong stage.", sabi ni SC na sobrang kalmado habang hawak ang controller. Nilaro niya ang kanyang turn at natapos niya ang laro sa isang subok lamang.
Manghang-mangha ang dalawa sa pagpapakitang gilas ni SC sa kanila. Nagkulitan pa sila hanggang sa marinig nila ang kalembang ng ice cream ni Mang Emman. Dali-dali silang lumabas ng bahay.
"Hoy, 'yung libre mo sa'kin ha!", paalala ni V-three kay Arc.
"Oo na, oo na!", sagot ni Arc. "Mang Emman, ano mga flavors mo ngayon?"
"Meron tayong chocolate, mango, pati keso. Pili na kayo!"
"Chocolate sa'kin, pare.", request ni V-three.
"Sige. Manong, isang chocolate, isang keso... ikaw SC, ano sa'yo?"
"Halo 'yung Mangga pati Keso sa'kin. Ako na magbabayad nung akin."
Matapos bumili ay naupo na ang tatlo sa gilid ng kalsada, sa tapat ng bahay ng mga Buendia. Habang nag-eenjoy sila ng ice cream, may tanong muna ako sa'yo. Gaano ka kadalas managinip? Also, gaano mo rin kadalas maalala ang iyong napapanaginipan? Ano ang ibig sabihin ng mga napapanaginipan mo? Bakit ang dami kong tanong sa'yo, eh hindi ka naman makakasagot. Kung sasagot ka man, magmumukha kang tanga diyan dahil kinakausap mo 'yung libro.
Hindi, biro lang. Pero alam mo, may naisip ako. Hindi kaya daan papunta sa ibang dimensyon o oras ang ating mga panaginip? Hindi kaya sa t'wing natutulog tayo, naglalakbay ang ating diwa sa ibang timeline kung tawagin nga nila. At hindi kaya kung bakit natin nakakalimutan ang mga panaginip na 'yon eh dahil ibang tao tayo doon sa mga oras na 'yon? Oh, napaisip ka rin ba? Magandang topic ito, hindi ba? Gumagana 'yung isip natin. Tinanong ko lang din dahil madalas akong managinip. Medyo malabo nga lang at hindi ko siya maalala. Huwag kang mag-alala. Iisipin ko ng mabuti para mamaya, ma-share ko siya sa'yo.
To be honest, hindi lang naman ako ang madalas managinip. Sige, ituloy muna natin ang kwento para malaman niyo ang aking ibig sabihin. Gabi na rin eh, tignan natin ang mangyayari.
"Mga 'tol, uwi na ako. Baka pagalitan ako ni mommy."
"Teka, Arc. Sabay na ako sa'yo pauwi!", biglang singit ni V-three nang makita na pauwi na nga si Arc.
"Sige na SC, una na kami. Salamat, p're! Sa Monday na lang ulit!"
"Ingat kayong dalawa!", kaway ni SC habang papasok ng bahay. Inabot na sila ng dilim. Mabuti na lang ay madali silang nakain dahil pagod na siya. Dumiretso siya sa kanyang kwarto't agad na nakatulog.
"Calamba, Laguna - Disyembre, 1887"
"Pepe! gising ka na ba, amigo?", gising ni Simeon kay Dr. Rizal na mahimbing ang tulog.
"Oo, ito na, gising na. Ano kailangan mo?", tanong ng Doktor habang bumabangon sa pagkaka-higa.
"Narinig ko ang mga kastila kanina na nag-uusap tungkol sa Noli Me Tangere. Delikado ka dito. Kailangan nating pumunta sa Europa, mas ligtas ka doon. Isa pa, mas mapapadali ang iyong paglikha doon dahil sa ganda ng reputasyon mo kaysa dito sa Pilipinas.", paliwanag ng tiga-payo.
"Ano mismo ang narinig mo?", tanong ni Rizal.
"Hindi ako sigurado, pero ang rinig ko ay alam na nilang pa-tama sa kanila ang nobela mo. Pinapahanap nila ang sumulat, at mukhang alam nila na ikaw 'yon. Ayoko magbaka-sakali, kaibigan. Mahahanap ka nila, sigurado ako diyan. Kaya't kailangan mo munang lumayo."
"Matagal na nilang alam, kung kaya't nakararanas ng pananakot ang aking pamilya.", mahinahong sagot ni Rizal.
"Kaya nga't kailangan nating kumilos ng mabilis. Kailangan mo na ma-kumpleto na kaagad iyang pangalawang nobela mo upang magising na sa katotohanan ang ating mga kababayan at maging mas matapang sa paglaban!". Pilit na tinutulak ni Simeon si Pepe upang tumuloy sa Europa't kumpletuhin ang El Fili.
"Sige, kaibigan. Mage-empake ako, umalis tayo bukas ng umaga.", sang-ayon ng Doktor.
"Ako na mag-aasikaso ng mga papeles at barko na gagamitin. Basta't ayusin mo na mga kailangan mong ayusin."
"Maraming salamat sa pagbibigay-alam sa'kin.", sabi ng ating Pambansang Bayani.
"Wala 'yon. Kailangan ko din ang mga sulat mo. Kailangan ng inang bayan ang mga sulat mo. Kaya hindi ka pwedeng mapahamak.", paliwanag ni Simeon habang naka-ngiti.
At doon na nga't pinaghandaan ni Jose Rizal ang paglayag papuntang Europa. Disidido siyang magawa ang kanyang pangalawang nobela, at nais niyang matapos ito bago siya mahuli ng mga kastila. Si Simeon naman ay inasikaso ang mga papeles para sa paglalayag. Habang inaasikaso niya ito'y minamatyagan niya din ang mga opisyales na naglilibot sa bayan ng Calamba. Minasdan niyang mabuti ang mga myembro ng gobyerno, pati na rin ang mga prayle. Nais niyang masigurado na detalyado ang magiging depiksyon ng mga ito sa magiging nobela ni Pepe. Lalong nag-alab ang kanyang galit sa mga ito, dahil nakita niya kung paano tratuhin ng mga kastila ang kawawang mga pilipino. Tinutulak sa gitna ng daan, pinagbubuhat ng mabibigat na gamit, pinapatay dahil lang sa simpleng kamalian, at pinagtatrabahong mga kabataan.
"Monchi, gising na!", sabi ni Tito Mac habang kinakalabit ang kanyang pamangkin. "Alas-sais na, baka ma-late ka."
"Eto na, Papa-Tiyo. Gising na po. Medyo masakit lang ulo ko.", mahinang sabi ni SC.
"Oh, bakit? Nilalagnat ka ba?", nag-aalalang tanong ni Mac.
"Hindi po, dala lang siguro ng kakaibang panaginip ko. Kaya ko naman po pumasok."
"Bakit, ano ba panaginip mo? Pwede mo naman sabihin sa'kin."
"Mamaya po, sasabihin ko po sa inyo. Mag-aayos po muna ako para pumasok."
Bumangon na nga't nag-ayos ang binata para magpunta sa eskwelahan. Kumain siya ng pansit at gatas na inihanda ng kanyang tito bago pa man siya gumising. Nais sana niyang i-kwento 'yung panaginip niya, kaso nangangamba ang binatilyo na baka ma-wirduhan ang tiyo sa kanya. Ninais niya na lang muna na isipin kung paano siya magku-kwento.
"Napanaginipan ko na naman si Rizal.", sabi ni SC sa sarili. "Bakit parang totoo lahat? Bakit parang andoon ako, na ako mismo 'yung kausap niya? Kailangan ko hanapin kung sino ba talaga si Simeon, at kung ano naging papel niya sa buhay ni Rizal.", tugon niya sa sarili niyang tanong.
Dumating na nga siya sa eskwelahan. Tinapos niya ang unang dalawang subject habang kating-kati na magpunta sa library. Doon niya ginugol ang recess at lunch break niya. Maging pagtapos ng uwian ay doon pa din ang punta niya. Lahat ng mga libro na tungkol sa kasaysayan ay hinalungkat niya. Sinilip niya rin ang mga akda tungkol sa mga nobela ni Rizal kung may mahahanap siyang imporamson tungkol sa misteryosong si Simeon Crisostomo. Paulit-ulit niyang tinatanong ang sarili kung sino ba ito, at bakit hindi pa nakikita o naririnig ng kung sino man ang kanyang pangalan. Mahirap paniwalaan na may tiga-payo si Rizal sa kanyang mga nobela, ngunit iba ang pakiramdam ni SC sa t'wing napapanaginipan niya ito.
Alam mo 'yung pakiramdam na akala mo totoong nangyayari 'yung panaginip mo, tapos 'pag gising mo eh medyo na sa moment ka pa? Ganon 'yung nararamdaman ni SC, pero isipin mo na lang na triple 'yung pakiramdam 'pag gising niya. Mabigatm ramdam niya pati 'yung galit sa t'wing gumigising siya. Kaya naman eh nais niyang malaman kung ano ba ang tunay na ambag ni Simeon sa kasaysayan natin.
Inabot na ng dilim si SC sa library ng kanilang eskwelahan. Inabutan siya ni Mang Pabling, ang gwardya nila, na dapat ay isasara na ang gate ng paaralan.
"Simon! Bakit andyan ka pa? Umuwi ka na, iho. Madilim na't delikado sa daan.", tawag ng matanda kay SC.
"Ho?", tanong nia sabay tingin sa maliit na bintana ng silid-aklatan. "Hala! Nako, lagot ako kay Papa-Tiyo! nito! Sige po, uuwi na po ako. Sorry po, Mang Pabling."
"Sige na. Mag-iingat ka, ha?", sabi ng gwardya habang paalis na ang binatilyo.
"Opo! Thank you po!"
Naglakad na nga si SC pauwi sa kanilang bahay. Medyo madilim sa kanyang daanan dahil puro maliliit na kalsada ito na may mga sirang street light. Mula sa mga kalsadang ito ay kailangan niyang pumasok sa mga eskenitang walang ilaw.
Habang naglalakad, siya'y nakaramdam na parang may sumusunod sa kanya. Lumingon siya, wala namang tao bukod sa mga tambay na nag-iinuman sa malapit na sari-sari store. Tumingin sa kanan at kaliwa, wala rin namang sumusunod. Ngunit kahit pa ganoon ay mabigat ang kanyang pakiramdam. Pakiramdam niya'y may nagmamata sa kanya. Iba 'yung kaba, iba 'yung atmosphere.
Oh, baka naman iniisip mo na masyadong pamilyar 'yung takbo ng kwento? Mapapasabi ka na lang na "Ay, tipikal na horror genre pala ito!", o kaya naman "Ay, alam ko na mangyayari! May magpapakita sa kanyang espirito na tutulong sa kanya para malaman ang mga impormasyon tungkol kay Simeon.". Huwag kang mag-assume! Masakit umasa, hoy! Masyadong predictable 'pag ganoon. Huwag kang mag-alala! Wala akong plano i-spoil ang mga mangyayari, kaya relax ka lang! Seryoso, mas magiging exciting na mula dito!
Tara, balik na tayo sa istorya.
"Ikaw bata ka, saan ka ba nanggaling? Hindi ako mapakali kakahanap sa'yo!", nag-aalalang pangaral ni Mac.
"Pasensya na, Papa-Tiyo. Hindi ko po namalayan 'yung oras. Sa library lang naman po ako buong hapon.", paliwanag ni SC sa napaka-hinang boses.
"Hay nako ka!", buntong-hininga ng Tiyo. "Pinakaba mo naman ako. Oh, kumain ka na ba? Naghanda ako ng Galunggong pati Pinakbet d'yan."
"Magsasabi na po ako sa'yo next time. Pasensya na po ulit. Tara po, kumain na po tayo.", nakangiting sagot ng binatilyo. Sabay na naghapunan ang dalawa. Habang kumakain ay nagkwentuhan sila. Biglang nagtanong si Mac.
"Maiba lang ako. Bakit ba umabot ka ng gabi sa library niyo? Alas-kwatro uwian nyo, lumabas ka alas-siyete na."
"Ah... Eh... May inaaral po kasi ako. Advance review lang din para po ready ako sa mga susunod na aaralin namin.", paiwas na sagot ni SC.
Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung paano sasabihin sa kanyang tito ang mga panaginip niya na parang totoong nangyayari. Ayaw niya rin magsabi sa mga kaibigan niya dahil baka tuksuhin lamang siya ng mga ito. Gusto niya muna sanang kumuha ng mga impormasyon bago ito i-kwento sa iba.
Kung sabagay, hindi naman nakakaapekto sa negatibong paraan ang mga panaginip na ito. Sadyang may uneasiness lang siyang nararamdaman sa t'wing nagigising siya. Hindi naman ito nagiging hadlang sa buhay niya, at least hindi sa ngayon. Dapat ay sabihin niya ang mga nararamdaman niya sa iba, dahil mahirap kung maiipon ito sa loob niya. Mas maayos na rin na may pinagsasabihan siya upang mabawasan ang bigat sa pakiramdam. Ito din ang dahilan kung bakit nais niyang mag-imbestiga tungkol dito sa lalong madaling panahon.
"Monchi, nga pala. Sabi mo magku-kwento ka tungkol sa panaginip mo kanina?", tanong ni Mac habang naghuhugas siya ng kinainan.
"Ho? Wala po. Kalimutan niyo na 'yun. Hindi ko na rin po maalala, eh.", pagulat na sagot ni SC.
"Sigurado ka, ha? Basta 'pag may problema ka, magsabi ka sa'kin.", paalala ng Tiyo.
"Opo. Hindi po ako mahihiyang magsabi sa inyo."
"Mabuti kung ganoon. Sige na, ako na bahala dito. Magpahinga ka na."
Umakyat na ang binatilyo sa kanyang kwarto. Binaling niya muna ang atensyon niya sa paglalaro ng kanyang Nintendo Entertainment System. As usual, nilaro niya ang paborito niyang Super Mario Bros. Nag-eenjoy siyang tapusin ang iba't-ibang stage ng laro. Mula sa unang lugar hanggang sa ilalim ng tubig, pati mga kweba. Umabot na siya sa castle ni Bowser, ang pinaka-kalaban sa laro. Sinimulan niya nang lakbayin ang stage na ito nang tamaan siya ng umiikot na apoy. Habang lumiliit si Mario, biglang nakakita si SC ng imahe ng isang lampara na may napaka-lakas na apoy. Binalewala niya ito at tinuloy ang paglalaro. Inisip niya na lang na baka dahil ito sa kakabasa ng mga Philippine history books kanina. Binalewala niya ang imahe, pinilit niyang hindi pansinin kahit nakikita niya ito t'wing may lumalabas na bolang apoy sa laro.
Umabot na siya sa boss fight, kung saan kailangan niyang talunin o takasan si Bowser. Makakatakas na sana siya ng bigla siyang tamaan ng binubugang apoy nito. Sa saktong pagtama ng apoy kay Mario ay lumabas na naman ang imahe ng lampara na ngayon sumasabog. Mula doon ay kumalat ang apoy sa lampara na tila sinasakop ang buong isip ni SC. Hindi na kinaya ng binata ang mga imahe kung kaya't pinatay na nito ang NES, binuksan ang radyo, at pinili na lamang matulog habang nakikinig sa mga kanta. Tumutugtog ang Poor Man's Grave ng Eraserheads. Bago siya tuluyang hilahin ng panaginip ay may nakita siyang imahe ng lalaki na naka-suot ng formal na damit, tila nakatingin sa kanya habang lumalapit. Nakita ni SC ang mga mata nito na tila nababahala't may lamang galit. Hindi na siya halos naka-kibo dahil sa antok. May nais ata itong ibulong sa binatilyo ngunit naudlot dahil tuluyan na nga siyang nakatulog.