ᜁᜃᜎᜊᜒᜅ᜔ ᜁᜐᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ
Ikalabing-isang Kabanata
Pagkatapos ng pagyayaring iyon ay bumalik kami sa tubig upang banlawan ang sarili sa init at katas na umaalingasaw sa aming katawan. At ngayon, hindi ko na siya hinayaang lumapit sa'kin. Mabilis ang aking paglakad sa tubig, palayo ng palayo.
"Teka, umiiwas ka ba sa'kin?"
Nagpatuloy lang ako sa paglayo habang tansyado ko pa ang lalim ng tubig. Nakatingin ako sa mga puno na sinasayaw ng mga hangin habang dinadapuan ng mga ibon na humuhuni ng malakas.
Siguro nasaksihan nila ang pinaggagawa namin ng lalaking ito. Buti nalang at walang tao ang nakakita sa'min, maaari pang ikalat nito ang balita sa nasaksihan.
Bukod sa hangin, agos ng tubig at mga huni ng ibon ay wala nang ibang bumabagabag sa katamikan at kapayapaan ng kalikasan. Pumikit ako ng mariin upang damhin ang natatanging ginhawa na pumapaloob sa aking diwa.
"Ayaw mo ba sa'kin," tanong niya sa malayo. Naririnig ko ang pagbulabog niya sa tubig, hudyat na patungo siya sa'kin.
Lumingon ako sa kaniya kaysa lumayo pa dahil baka malunod ako sa pangalawang pagkakataon.
"Diyan ka lang. Huwag kang lumapit!"
Pinanlisikan ko siya ng mata at ipinakita ang pagkainis ko. Napakamot siya sa kaniyang batok na para bang nagdadalawang isip. Dahil doon ay nakita ko nanaman ang kaniyang kili-kili na may maninipis na balbon. Muli nanaman sumagi sa'kin isipan ang mga madidilim na hangarin.
Napalunok ako at umiling upang pigilan siya at ang aking utak na walang maisip kun'di ang ulitin ang mainit na tagpo. Naramdaman ko ang pag-init ng aking pisngi.
Napatuloy pa siya sa paglalakad.
"Hindi ka ba titigil? Doon ka! Lumayo ka sa'kin! Ayoko nang ulitin, pwede ba?!"
Gusto kong tapikin ng malakas ang aking bibig dahil nadulas ako sa aking sinabi. Para ko na ring sinabi na inaasahan kong itutuloy niya ang milagrong aming ginagawa kapag lumapit siya muli sa'kin. Dapat sa susunod, iisipin ko nang mabuti ang aking mga sinasabi.
Ngumiti siya sa'kin ng malapad. Iba iyon kumpara sa mga pagkakataon na hindi niya mapigilan ang pagtawa, at iba pa rin iyon kumpara sa tuwing kinaaliwan 'daw' niya akong panoorin sa mga bahagi ng aking buhay na hindi ko makitaan ng kaaliwan.
Tunay iyon at walang halong kabastusan tulad ng madalas niyang ipakita sa'kin sa maikling panahon na nakilala ko siya.
"Kung ayaw mo, hindi naman kita pinipilit. Titigil na ko, pangako. Ayaw ko lang na umiwas ka sa'kin."
Umiling ako dahil kailanman ay hindi ako nailang sa kaniya. Naiilang ako sa paligid na baka may makakita sa amin at mapag-usapan ito ng baryo. Ayokong hirangin nila akong magiging asawa ng kanilang pinuno dahil hindi ko nais na mangyari iyon.
Hawak palang ako ni Dakum sa pagkakataong ito. At ipapangako na na balang araw ay makakawala ako sa pagkakabitag niya sa'kin at maisasalba ang nasa panganib naming kanayunan.
Lumingon ako sa kaniya.
"Sa tingin mo, natutuwa ako sa gayum mo? Akala mo ba hindi ko napapansin? Ilang beses kita naamoy na mahalimuyak na nagdadala sa'kin ng kawalan sa matinong pag-iisip! Hindi ko iyon kayang pigilan, kaya pwede ba, huwag kang lumapit. Hindi ko kayang nagtitiwala ulit sa'yo!"
Pero nagmatigas siya at nagpatuloy sa paghakbang.
"Diyan ka nga lang sabi, e!"
Itinaas niya ang kaniyang dalawang kamay bilang pagsuko, at marahil nagulat din siguro sa bigla kong pagsigaw sa kaniya. Muli niyang ipinakita ang kaniyang bruskong mga braso na wari kaya akong lagutan ng hininga kapag kinulong ang aking leeg dito, ngunit bukod pa roon ay labis nanaman akong naaliw at napansin ang sarili kong pagkislap ng aking mata. Napakurap tuloy ako sa sandali upang gisingin ang aking nananaginip na diwa.
"Hahayaan nalang kita sa nais mo," aniya gamit ang buo't malalim na boses na para bang nagpapatunaw sa aking katawan. Ngunit sa pagkakasabi niyang iyon ay para ba siyang bigo.
Sinapak ko ang aking noo sa pamamaraan na hindi niya mapapansin. Ano nanaman bang nagawa kong mali?
Pero nasagi sa isip ko, ano nga ba ako sa kaniya? Isang araw palang kami magkakilala, pero dalawang beses nang may nangyari sa'min. Ayoko nang magtagal dito. Baka kung saan pa umabot ang pananatili ko rito ng matagal.
Nagdasal ako kay Amang Gabay upang gabayan ako sa pag-iisip ng plano kung paano ito matatakasan, hanggang sa nakagawa ako ng mga hakbang kung paano ito isasagawa ng maayos. Kailangan kong gamitin ang pagkakataong ito, ngunit kailangan ko munang klaruhin ang magaganap.
Humarap ako sa kaniya.
"Aahon na 'ko..."
Sapat ang lakas ng aking boses upang marinig niya iyon. Pagkatapos ay tumango lang siya sa'kin at hindi na tumugon.
Mabilis akong tumungo sa lupa at kinuha ang aking kasuotan ng mabilis. Hindi ko naisipang suotin ito sapagkat mabilis ang aking pagtakbo patungo sa kakahuyan. Hindi ko batid ang aking tutunguhin. Hindi ko kabisado ang nilalaman ng kagubatang ito ngunit alam kong palayo ito sa kanilang nayon dahil taliwas ito sa direksyon kung saan kami nagmula bago makarating sa lawa na ito.
Ang aking mga paa ay hindi alintana ang kapasidad ng lakas na kaya nito upang magpatuloy sa pagtakbo. Malakas na hangin ang aking sinasalubong habang binibitbit ang aking bahag ng sobrang higpit.
Ilang minuto bago ako napagod at nagpasyang huminto. Nasa gitna pa rin ako ng kagubatan. Matatayog na puno ang aking nasa paligid at maliban sa mga nagliliparang ibon ay wala na akong makitang iba pang hayop na nakapaligid.
Doon ko na isinuot ang aking bahag kahit pa kasalukuyang medyo basa pa ang aking katawan dahil sa pinaghalong tubig ng lawa at pawis dulot ng mabilisang pagtakbo. Huminga ako ng maluwag.
Ngayon ano na? Wala talaga akong matinong plano kung tutuusin. Ngayon na nakatakas na ako, ang tanging paraan na alam ko ay bumalik muli sa kanilang nayon at palihim na isalba ang aking mga kanayon.
"Siguro dumito muna ako hanggang sa maghapon na makaalis na siya," sabi ko sa aking sarili. Yumuko ako at hinilot ko ang aking bukong-bukong na muntikan nang mapulikat kung sakaling nagpatuloy pa ako sa pagtakbo.
Dahang-dahan akong tumayo habang nakapikit dahil tumatama ang sinag ng araw sa aking mata. Ngunit nabigla ako nang may puwersa na tumulak sa pasandal sa isang puno. Malakas ito at nagdala sa'kin ng matinding sakit sa aking likuran.
"Aray!!"
Isang pares ng kamay ang naramdaman kong nakalapat sa'kin. Isa sa aking dibdib at isa sa aking puson. Nang dumilat ako ay nakita ko ang mukha ni Dakum na sobrang lapit sa akin at umuusok sa galit.
"Wala kang karapatan upang takasan ako! Hindi dapat kita hinayaan! Hindi. Hindi. Hindi."
Mariin ang kaniyang mga salita, habang idinantay niya ang kaniyang mukha sa aking balikat. Kinapitan niya ang magkabila kong braso na para bang ayaw niya akong paalisin sa aking posisyon. Hindi ko maproseso ang mabilisang pangyayari, basta ang alam kong lang ay nahuli niya na ako.
Dapat hinayaan mo nalang ako, Dakum. Marami pa akong mga bagay na kailangang pagtuonan ng pansin at gawan ng aksyon. Hindi ako basta-basta isang ordinaryong tao na may maraming oras para aliwin ka, dahil kailanman ay hindi sekswal na pagpapaligaya ang aking lingkod para sa ibang tao.
Nais kong sabihin ang lahat ng ito sa kaniya, ngunit nanghina rin ako sa pagpapakita niya sa akin ng matinding pang-aangkin.
Aaminin ko, lahat ng nangyari sa'min ay lubusan kong nagustuhan. Pero ano nga ba ang kinaugatan ng lahat ng ito? Tinakpan niya ang ilog namin upang magdulot ng matinding tagtuyot sa aming nayon. Doon palang ay makikita na ang kakitidan ng kaniyang utak para gawin iyon. Sinong pinuno na may matinong plano ang makakaisip ng ganoong solusyon dahil sa inggit na mas marami kaming nahuling lamang-tubig kumpara sa kanila? Kung hindi ganito ang kokote ng pinuno nila ay marahil magiging tahimik ang aming nayon sa mga ganitong oras.
Hinayaan ko lang siya sa kaniyang pagkapit ngunit nakaramdam ako ng matinding sakit nang may isang pares ng pangil ang tumusok sa aking balikat.
Sumigaw ako sa sakit. Alam ko na kay Dakum lang galing mga pangil na iyon ngunit hindi ko alam kung paano siya nagkaroon nito.
Anong uri ng nilalang ba siya?! Isa ba siyang aswang?!
"Aray! Tama na!"
Sinisipsip niya ang aking dugo habang ako naman ay pilit pa rin siyang tinutulak.
Ayoko pang mamatay. At mas lalong ayaw kong mamatay sa ganitong paraan.
Pagkatapos ng ilang segundo ay tumigil na siya sa kaniyang pagsipsip at pinakawalan ako. Labis akong nanghihina kaya sumandal ako sa puno. Nasa harap ko pa rin si Dakum at malapit pa rin siya sa akin.
"Ikaw ang nakatakda sa'kin, Aparo. Kapag iniwan mo 'ko, labis ko yong ikamamatay."
Hindi ko maintindihan ang kaniyang sinasabi kaya pumikit lang ako para ipahinga ulit ang sarili. Hinawakan niya ang aking kamay at hinila niya ako. Naramdaman ko ang pagbuhat niya sa aking katawan, at ikinalong niya sa kaniyang likuran.
Nagdikit ang aming balat, at sa sandaling iyon ay naramdaman ko ang pag-iiba ng kaniyang balat sa pagiging mabalahibo.
Paanong nangyari yon?