ᜁᜃᜎᜊᜒᜅ᜔ ᜇᜎᜏᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ
Ikalabing-dalawang Kabanata
Nagising ako sa isang papag sa loob ng isang hindi pamilyar na kubo. Tumingin ako sa bintana at natanaw ang kahel na kulay na kalangitan.
Palubog na pala ang araw. Kinusot ko ang aking mata at sinuri ang paligid. Hinawakan ko ang aking magkabilang balikat sa magkasalungat na direksyon upang takpan ng aking braso ang aking dibdib dahil bahagya akong nilalamig sa tindi ng simoy ng hangin. Napansin ko ang ilang pirasong dahon na nakatapal sa aking balikat, at nang diniinan ko ang pagdampi dito ay nakaramdam ako ng sakit.
Kinagat ko lang ang aking labi upang mapigilan ang aking pag-aray.
Nasaan ako?
Maliit lang ang kubo. Tumayo ako mula sa papag at tumanaw sa bintana. Nasa gitna pala ito ng kagubatan.
Dumaan sa aking isipan ang mga tao sa nayon, si Luwad, ang mga manananim at mga mangingisda, at ang iba pang mga mamamayan na tinuring akong kapamilya. Ang isa sa pinakalubusan kong inaalala ay si Adamin na aking kapatid. Wala akong malay kung nasaan siya sa mga oras na ito, o kung nasa maayos ba siyang kondisyon. Wala akong magawa kun'di idinasal ko sa mga diyos ng kalikasan at kalangitan ang hangarin na kaligtasan para sa kanila.
Maya-maya lang ay may kumatok sa pinto ng kubo.
"Sino yan," tanong ko sa kumatok.
Dahan-dahan akong lumapit sa pinto. Hinintay ko ang kaniyang tugon ngunit kumatok lang ito muli. Inulit ko pa ang tanong at naghintay muli ng tugon.
"Ako 'to si Adang Mata, kamahalan. Kung natatandaan niyo po kanina, ako yung binati ni pinuno habang kasama ka niya patungo sa lawa."
Matanda ang kaniyang boses. Oo, natatandaan ko nga siya. Dahil doon ay pinagbuksan ko siya ng pinto at nakita siya na may hawak na palayok habang nakangiti sa'kin, tulad ng ekspresyon na pinakita niya sa'kin kanina.
Sa kaniyang kulubot na balat, madaming nakaguhit na tinta na sumisimbolo sa iba't ibang elemento sa mundo. Tradisyonal din ang kaniyang kasuotan habang punong puno siya ng iba't ibang alahas na gawa sa ginto at tanso.
"Dinalhan kita ng makakain. Hindi mo kasi naabutan yung tanghalian. Medyo malamig na yung ulam sa palayok. Nais niyo po bang initin ko ito para sa inyo, kamahalan?"
Umiling ako. "Hindi na kailangan. Salamat sa pagkain," simple kong tugon.
"Kung ganoon ay hahayaan nalang po kita dito sa aking balay. Lalabas po muna ako saglit upang kayo po ay mapag-isa sa hapunan," aniya at inilapag ang palayok sa papag kasama ang kahoy na mangkok at kutsara, saka umalis.
Nilapitan ko ito at binuksan. Umalingasaw ang mabangong amoy ng lutong gulay. Ngunit may bagay na bumagabag sa akin at hinabol ang matanda sa labas upang tawagin.
"Sandali!"
Wala pa siya sa malayo ng maabutan ko siya. Mga ilang hakbang lang ang aking tinungo palabas. Lumingon si Adang Mata sa'kin at yumuko.
"Ano pa po ang kailangan niyo, kamahalan."
"Sabayan mo 'ko sa pagkain. May nais akong malaman mula sa'yo."
Tumango ang matanda at lumapit sa balay. Pagpasok namin ay hinihintay ko siyang kumuha ng mangkok upang sabayan ako sa pagkain ngunit hindi niya ito ginawa. Pareho lang kaming nakaupo sa papag, samantalang ako lang ang may hawak na pinggan.
Kumuha ako ng sapat na dami ng lutong gulay at inilagay ito sa aking mangkok. Sa pangalawang pagkakataon ay inalok ko siya ulit na sumasabay sa'kin sa pakain ngunit humalakhak lang siya ng bahagya at umiling.
"Niluto ko iyan para sa iyo. Huwag niyo na po akong intidihin sapagkat nakapagtanhalian na po ako," aniya.
Sumubo ako sa pagkain. Malinamnam ang pagkakatimpla nito, at masarap kahit pa hindi na siya mainit. Siguro ay ilang oras na niya akong hinintay na magising upang ihain sa akin 'to.
Pagkatapos ng ilang subo ay binaba ko saglit ang mangkok.
"Wala ka bang napansing kakaiba kay Dakum?"
Nanatili lang ang mata ng matanda sa akin pati na ang ekspresyon nito.
"Madalas kasi... hindi ko na maintidihan ang mga katangian na ipinapakita niya sa'kin. Yung mata niya... parang... parang nag-iiba ng kulay," ani ko pagkatapos pumikit ng mariin upang isipin ng malalim ang mga bagay na hindi ko maipaliwanag tungkol kay Dakum. "Yung amoy niya... hindi ko maipaliwanag kung saan ito nanggagaling. Siguro sa bulaklak, pero anong klaseng bulaklak dahil kailanman ay hindi ko pa nalalaman na may bulaklak na may ganitong katangian ng amoy. Yung amoy... para bang..."
...binibihag ako na gumawa ng milagro kasama siya. Hindi ko na tinuloy ang aking sasabihin sapagkat ayaw kong malaman ni Adang Mata ang nangyari sa'min. Tahimik lang siyang nakikinig sa'kin, na sa palagay ko ay seryoso siya ngunit hindi ko maiwasan na kabahan.
Umisip ka ba ng ibang kakaiba sa kaniya...
Hinawakan ko bigla muli ang aking balikat nang matantong may tapal iyon na dahon, ngunit hindi naging magandang ideya sapagkat napa-aray ako sa sakit. Itinuro ko nalang ito habang nasa ere ang aking daliri.
"Ito! Alam mo naman siguro yung sugat na 'to! Kinagat niya 'ko gamit yung pangil niya. Hindi ko alam kung bakit bigla siyang tinubuan ng gan'on! Marahil, hindi siya tao! Iba siya sa atin--!"
"Shh!" mahina niyang pagpapahinto sa'kin. Tiningnan niya ako habang nakangiti. "Baka guni-guni niyo lang po iyan, kamahalan. Hindi kailanman naging kakaiba ang pinuno namin dahil ilang taon na namin siyang pinagsisilbihan. Wala pang nakakasaksi sa kaniyang nagpakita ng pangil," aniya.
Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko, tatanggapin ko nalang ba na guni-guni ko lang ito o mababastos dahil pinahinto niya ako sa pagsasalita kahit pa ako yung "kamahalan" niya.
"Sige nga po, Adang. Kung hindi man siya totoong nagpapakita ng pangil, bakit ako nagkaroon ng kagat dito? Alam mo naman siguro kung anong klaseng pagkakasugat ito. Bakat naman siguro na pangil ang naging sanhi nito, diba?!"
Napailing lang ang matanda. Mahabagin! Ano pa bang gusto niyang ebidensya para malaman niya ang katotohanan tungkol kay Dakum.
"B-bakit hindi ka naniniwala? Hindi tuliro ang utak ko! Alam ko na pangil ito. Hindi!" mariin ang aking pagkakasabi.
"Dumating dito si pinuno habang bitbit ka niya sa kaniyang likod. Malayo palang ay nakita ko na ang sugat mong may umaagos na dugo. Sabi niya sa'kin ay nakagat ka raw ng ligaw na lobo nung plano mo siyang takasan. Pinakiusapan niya ako na gamutin po kita, at pumayag naman ako. Iyon lang po ang alam ko," aniya.
Pambihira naman.
Nagdadalawang-isip ako na sabihin din ang tungkol sa pag-iiba ng kaniyang balat sa pagiging balahibo, ngunit hindi naging malinaw sa'kin ang pangyayaring iyon. Maaaring iyon ang tunay kong guni-guni.
"Nakita ko talaga! Alam ng dalawang mata ko ang nasaksihan ko. Lumapit siya sa'kin at kinagat ako. Hindi ako nagkakamali!"
"Kamahalan, marahil nabigla lang kayo sa pangyayari. Maaaring iniligtas po kayo ni pinuno mula sa ligaw na lobo na tunay na kumagat sa inyo. Baka ang natatandaan niyo lang po ay nung nilapitan ka niya habang kinakagat ng isang mabangis na hayop."
Inilapat ko ang dulo ng aking hintuturo sa aking sentido at hinilot iyon. May punto nga siya sa kaniyang sinabi. Dapat kong burahin sa aking isipan ang kakat'wang kaisipan dahil malabong maging totoo ito. Malabong isa siya sa mga taong-lobo na madalas kong naririnig sa aking ina noong nabubuhay pa siya.
Ang mga taong-lobo ay madalas na nagiging maharlika no'ng araw dahil alam ng lahat na mas makapangyarihan ito kumpara sa ordinaryong tao. Sila ang pinakamalakas sa lipunan kaya sila ang madalas na binibigyan ng katungkulan. Ang mga likas na tao at nananatiling tagapagsilbi sa mga maharlika.
Maliban sa kuwento sa'kin ni Ina, wala na akong ibang alam tungkol sa mga taong-lobo. Hindi rin ako nakatagpo ng kahit isa.
Sumang-ayon nalang ako sa matanda at nanahimik nalang habang kumakain.
Kung sakaling totoo na taong-lobo si Dakum, maaaring niyang gawing hapunan ang aking mga kanayon pati si Adamin. At kapag tunay nga ang aking ispekulasyon, pakay niya na kainin kami kaya niya kami binihag.
Ngunit kahit pa sabihin kong hindi totoo ang lahat ng aking iniisip tungkol kay Dakum, hindi pa rin mabura ang aking pag-aalala kay Adamin na natitira kong pamilya.
Pasensya na kapatid, kung hindi man tayo pagtatagpuin sa pagkakataong ito, ngunit gagawa pa rin ako ng paraan. Sana kaya mo pang magtiwala sa'kin.
Nang matapos ako sa pagkain ay kinuha ng matanda ang aking mangkok at inilagay sa mumunting lababo.
"Akala ko ba, alam mo na nais kong takasan si Dakum. Bakit mo gustong umalis kanina?"
Kasalukuyan siyang nakaharap sa lababo at blanko ang kaniyang tingin dito.
"Dahil panatag ako, kamahalan. Dumaan na sa aking mata ang mga pangyayari bago pa ito maganap," aniya at biglang tumingin sa'kin. "Sa tingin niyo po, bakit ako tinawag na Adang Mata? Ada ang aking pangalan ngunit mayroon akong kakaibang mata."
Isa pala siyang propeta. Kung ganoon ay totoo ang hiwaga na nagbibigay sa tao ng kakaibang katangian. Pero bakit hindi niya magawang maniwala sa'kin ang tungkol kay Dakum?
Ngayon, alam ko na kung bakit niya ako pinagkatiwala sa matanda. Nagtitiwala siya sa kaniyang pangitain na hindi ako makakaalis kapag nasa kaniya ako.
"Maghanda ka, may paparating dito na mga kawal matapos ang tatlong minuto," ani niya sa akin habang ako naman ay napatayo habang naghihitay sa maaaring bumisita sa'min.
Natapos nga ang ilang sandali ay may kumatok sa pinto, tatlong beses. Agad ko itong pinuntahan at pinagbuksan.
Nagpakita sa aking harapan ang tatlong lalaki, isa sa kanila ay yung alipin na nakilala ko kanina ngunit hindi ko alam ang kaniyang pangalan. Ang dalawa naman ay may hawak na sibat na nakapuwesto kaniyang likuran.
"Pinapatawag ka po ni pinuno, kamahalan. Sasamahan ko na po kayo pauwi sa kaniyang tahanan," ani ng alipin. "Ada, nagpapasalamat sa inyo si pinuno sa panandalian pangangalaga niyo sa kaniya."
"Walang problema," sabi ng matanda.