Chereads / Supreme Asura / Chapter 2 - Chapter 2

Chapter 2 - Chapter 2

Nagkikislapang bituin ang makikita sa kalangitan habang ang batang lalaki na bagong tapak lamang sa edad na anim nitong nakaraang araw ay masayang tinatanaw ang mga bituin. Nakahiga ito sa damuhan at masayang gumuguhit ang kamay nito sa mga bituin na animo'y pinagdudugtong ito sa pamamagitan ng mga animo'y di makikitang linya. Ito ang karaniwang ginagawa ng batang nagngangalang Li Xiaolong. Madalas nitong paglaruan ang mga bagay na nasa malayo. Sa edad na ito ay mayroon itong masayang personalidad. Ang anyo ng batang ito ay may maputing balat, matangos na ilong na pinaparesan ng magagandang dalawang singkit na kulay abong mata. May medyo may kahabaang kulay puting mga buhok. Masasabi mong isa siyang depinisyon ng lahi o miyembro ng Li Clan.

Ngunit sa kabila ng magaganda st gwapong mukha ng kanilang angkan ay kabaliktaran naman sa kanilang mga talento sa Martial Arts. Sa mundong ito ay pinamukha sa kanila ang pagkakaiba ng lakas o kapangyarihan kaysa sa panlabas na anyo. Kaya hindi kataka-takang isa sila sa pangunahing tinutukso kung lalabas sila sa kanilang teritoryo. Kahit na maituturing na maliit na Angkan lamang ang mga Li ay masasabing malaki ang sakop ng kanilang teritoryo o lugar maging ang kanilang mga karatig na mga angkan katulad lamang ng Huang Clan at ng Lin Clan ay masasabing malalaki rin ang Teritoryo na sakop ng mga ito subalit hindi maiiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan at iba pang mga suliranin sa kanila at ng iba pang mga angkan.

Isa sa dahilan ng paghina ng angkan ng mga Li ay ang kaunting mga Martial Arts Technique at resources ng kanilang angkan na dulot ng nagdaang panahon ay unti-unting nawala ang kanilang mga Martial Arts Techniques at mga Cultivation Resources kung kaya't hindi kataka-takang lubos na humina ang kanilang puwersa. Kung hindi dahil sa mga bagay na ito ay siguradong namamayagpag pa rin sila hanggang ngayon. Marami pang mga misteryo ang nakatago sa likod ng problemang kinakaharap ng Li Clan sa kasalukuyan.

Sa edad pa lamang na anim ay maraming namutawi sa isip ng mga kabataan lalong-lalo na sa mga bagong henerasyon ng Li Clan kasama na rito si Li Xiaolong. Pinangarap niyang maging isang malakas na Cultivator sa hinaharap. Gusto niyang ibangon ang Li Clan sa pamamagitan ng pagpupursiging malakas. Naaawa siya sa kanyang mga magulang na isang ordinaryong miyembro ng Li Clan. Ang kanyang ama ay si Li Qide na isang magsasaka lamang at ang kanyang ina na nagngangalang Li Wenren ay sa bahay lamang upang alagaan ang kanyang nakababatang kapatid na si Li Ying na isang taong gulang pa lamang. Masasabing kinakapos pa rin sila sa pang-araw-araw na gastusin lalo pa't ang kita ng kanyang ama ay isang daang tanso lamang na siyang dahilan kung bakit gustong maging malakas ng batang si Li Xiaolong.

Marami pang namutawing larawan ng mga pangarap ni Li Xiaolong sa kanyang mapaglarong isipan.

"Xiaolong, umuwi ka na!" Sambit ng malakas na sigaw mula sa hindi kalayuan.

Agad na nawala ang iniisip ng bata dahil sa narinig niya. Alam niyang boses iyon ng kanyang inang si Li Wenren. Sigurado siyang tapos na ang kanyang ina sa paghahanda ng kanilang hapunan.

Agad na napabangon si Li Xiaolong sa kanyang kinahihigaan mula sa malagong damuhan. Agad niyang nilisan ang lugar na ito lalo pa't kabilin-bilinan ng kanyang ina na huwag magpagabi o paghintayin na lumamig ang kanilang pagkain dahil isa itong kabastusan sa lumikha sa kanila. Biyaya mula sa langit ang mga pagkain kung kaya't hindi dapat baliwalain o masayang man lang ito.

Mabilis na tumakbo si Li Xiaolong mula sa pinuwestuhan kanina sa isang madamong kabundukan malapit sa kanilang bahay papunta sa kanilang bahay. Medyo bumusangot ang mukha ni Li Xiaolong ng malapit na siya sa bakuran ng kanilang maliit na bahay na animo'y kubo lamang dahil sa medyo may kaliitan ito lalo pa't nareyalisa niyang napakadungis niya pala dulot ng matinding pagbibiyak ng mga kahoy upang gawing panggatong.

Sa edad na apat ay nakikitaan na ng potensyal ng kanyang magulang si Li Xiaolong sa larangan ng lakas. Pinaniniwalaan ng kanyang ina na biniyayaan si Li Xiaolong ng pambihirang lakas lalo pa't sa edad na apat ay kaya nitong magbuhat ng isang sakong bigas at sa edad na lima ay nakaya nitong pumutol ng malalaking puno. Dahil sa taglay nitong lakas ay madalang lamang siyang makipagsalamuha sa ibang mga kaangkan niya lalo na sa mga kabataan lalo pa't hindi ordinaryo ang lakas nito. Noong apat pa lamang siya ay muntik na aksidenteng nadaganan niya ang isang miyembro ng kanilang kaangkan na muntik ng mabalian ng buto sa mga ribs nito kung kaya't pinaaalalahanan siya ng kanyang magulang na mag-ingat lalo na sa mga kaedaran niya o sa mga nakababata sa kanya sa pakikipaghalubilo sa mga ito lalo pa't hindi ordinaryo ang mga braso niya. Kung kaya't sa halip na magliwaliw buong maghapon ay namumutol na lamang siya ng mga puno o kaya ay namamalakol ng malaking mga puno lalo na ang mga tuyong kahoy upang gawing panggatong. Maraming mga puno ang pinapalakol niya at ibinebenta niya sa mga kapitbahay nila upang matulungan ang kanyang mga magulang sa pagtataguyod ng kanilang pang-araw-araw na gastusin. Bawat bugkos ng mga pinalakol na kahoy ay limang tanso ang halaga nito kung kaya't sa isang araw ay kumikita siya ng tatlumpong tanso na binibigay niya sa kaniyang ina ngunit hindi ito tinatanggap ng kanyang ina.

Agad na hinawakan ni Li Xiaolong ang kanyang bulsa at dinukot nito ang mga tanso at binilang.

"Isa, dalawa, tatlo...sampo....tatlumpo" pagbibilang ni Li Xiaolong sa kanyang kinita ngayong araw. Napahinga ng malalim si Li Xiaolong at napangiti ito dahil inaakala niyang naiwala niya ito ng humiga siya kanina.

"Buti na lang...." Sambit sa isipan ni Li Xiaolong at iwinaksi niya ang kanyang isipan ang kaninang iniisip. Agad na binuksan nito ang medyo may kaliitang pintuan ng harang ng kanilang bahay na isang tao lamang ang makakapasok at agad na binuksan ang kanilang pintuan sa bahay. Agad na nakita ni Li Xiaolong ang kaniyang ina na katatapos lamang maghain ng pagkain sa kanilang lamesa. Makikita ni Li Xiaolong na mainit-init pa ang mga pagkain na hinain ng kaniyang ina.

"O, anak kumain na tayo dahil siguradong gagabihin ng uwi ang tatay mo. Siguradong dumaan pa iyon sa pamilihan upang mamili ng mga dapat na kailangan natin sa bahay." Malumanay na wika ng kanyang ina na si Li Wenren habang nakatingin sa kanyang anak.

"Opo ma. Siya nga pala ma, ito po yung naging kita ko ngayon sa pagbebenta ng mga kahoy." Sambit ni Li Xiaolong at dinukot ang lahat ng kanyang perang tanso. Agad nitong inilahad sa kanyang ina ng nakangiti ngunit tiningnan lamang siya ng kanyang ina at nagwika.

"Itago mo lamang iyan upang gawing ipon nang sa gayon ay kung may pagkakagastusan ka o gustong bilhin ay maaari kang makabili. Masuwerte kami at binigyan kami ng masipag at mabuting anak." Sambit ng kanyang ina na ngayon ay nakatingin na sa mga mata ni Li Xiaolong. May mumunting tubig na makikita sa mga mata ng kanyang ina kahit na nakangiti ito sa kanyang anak na si Li Xiaolong.

Kahit na musmos pa lamang si Li Xiaolong ay biniyayaan siya ng matalas na pag-iisip lalo na patungkol sa pagbabasa ng emosyon ng tao. May malalim itong persepsyon ptungkol sa mga bagay-bagay kung kaya't nauunawaan niya ang gustong ipabatid ng kanyang ina. Hindi sila mayaman at lalong hindi sila isang maharlika kung kaya't ang pag-iipon lamang ang kanyang magagawa. Kahit na ganoon ang estado nila sa buhay sa kasalukuyan ay masasabing napakapalad pa rin ni Li Xiaolong sa kanyang mga naging magulang. Kahit na napakaordinaryong mamamayan sila ng Li Clan ay masasabing napakasipag ng kanyang ina at ama sa pagtataguyod sa kanila.

"Sige po ma, maghuhugas lamang ako ng kamay upang kumain." Masayang sambit ni Li Xiaolong upang magpaalam sa nanay niya.

"O sige anak, saka maligo ka na din kasi ang dugyot mo hahaha!" Masayang pagkakasabi ni Li Wenren sa kanyang anak habang natatawa ito.

"Ah...Ehh.... Sige po ma." Sambit ni Li Xiaolong habang kinakamot ng kanyang kanang kamay ang batok nito na wari'y nahihiya.

Agad na kumaripas si Li Xiaolong sa upuan na naiwan ang kanyang ina na tawang-tawa pa rin. Alam ng ina ni Li Xiaolong na si Li Wenren na responsable ang kanyang anak at parang binata na ito kung mag-isip. Kaya nasanay na siyang hindi ituring na bata si Li Xiaolong dahil na rin sa mature nitong pag-iisip at kung minsan ay sisimangot ito pag bini-baby.