TALUMPATI : Panauhing Tagapagsalita sa Pagtatapos 2020
Magandang buhay sa ating mga panauhin ( POLITICIANS and DEPED personnel)
Isang mabungang pagbati ang aking ipinapaabot sa ating mga kaguruan ng paaralang ito sa pangunguna ng kanilang butihing principal na si____________ at sa mga minamahal na magulang na walang sawang nakasuporta sa kanilang mga anak. Paunang pagbati po sa inyong matinding pagsasakripisyo. At sa mga batang kayo ang bida ngayon sa oras na ito dahil magsisipagtapos kayo sa baitang o antas ng Elementarya.
Ang bawat kabanata ng pagtatapos ng isang mag-aaral ay hudyat ng panibagong pakikipagsapalaran at umpisa ng mas malaking hamon sa tunay na laban sa buhay.
Isa sa mga pinakaasam-asam ng isang mag-aaral ay ang araw ng kanyang pagtatapos. Ito ang araw na hindi lang tayo ang naghihintay na sumapit, bagkus ay kasama ang mga mahal sa buhay.
Mula sa tema ng ating pagtatapos ngayong panuruang taon 2019-2020 ng Departamento ng Edukasyon, Sulong Edukalidad: Pagtataguyod sa Kinabukasan ng Bayan.
Sa kabila ng pagsubok na ating nararanasan ngayon , ninanais ng Departamento na
Mapatibay ang husay at galing ng bawat kabataan sa pag-aaral. Maipataas ang pundasyon ng edukasyon sa ating bansa. Magkaroong mataas na kalidad upang ang bawat isa sa inyo ay matupad ang mga mithiin o pangarap na nais matamasa balang araw.
Alam natin ngayon na hindi ganoon kadali dahil sa banta ng mga krisis na ating nararanasan. Subalit ako ay naniniwala na malalampasan natin ito at kayang-kaya nating itaguyod ang ating magandang kinabukasan lulan ang mga magagandang asal, at leksyon na natutunan natin sa paaralan. Naniwala ako na ang mga batang marunong sumunod sa guro bilang pangalawang magulang sa inyong buhay ay malayo ang mararating at kayang maabot ang pangarap na inaasam.
At upang sa gayon kayo ay maging isang huwaran balang araw sa hinaharap at maging katuwang ng ating bansa bilang isang magaling na doctor, pulis, sundalo, nurse o di kaya isang guro na tutulong din sa mga mag-aaral sa darating na henerasyon.
Sa pagtatapos ninyo sa mababang paaralan mula sa pagiging mga ordinaryong mag-aaral ay ganap na kayong mga "graduate" ngayon. Ang kasalungat ng salitang pagtatapos ay umpisa. Umpisa o simula ng panibagong yugto ng mas mapaghamong uri ng buhay.
Ang inyong buhay na nasanay sa apat na sulok ng silid aralan ay iba na ngayon. Mas magiging malawak na ang uri ng mundo na tatahakin ninyo at unti-unting makikilala ang katotohanan at hamon ng buhay pagdating ng buhay sa hayskul.
Kaakibat nito ay ang mga malalaking obligasyon at mga responsibilidad na nakatang na sa inyong mga balikat. Dito na natin tunay na maiintindihan ang tunay na kahulugan ng salitang buhay at paano punuin ang mga pangarap na gusto ninyong marating balang araw.
Binabati ko kayong lahat lalong –lalo na ang mga magulang na walang sawang nagbibigay ng pag-asa sa kanilang mga anak. Totoong ang pagkilala at parangal na tatanggapin ng inyong mga anak ay simula pa lamang ng isang magandang bukas na naghihintay.
Tandaan natin mga anak, totoong walang silbi ang lahat ng ating mga parangal at mga gawad na natanggap mula sa ating pagtatapos kung hindi natin ito lubusang magagamit.
Ang mga diploma at mga matataas na grado ay magsisilbing mga palamuti lamang kung hindi natin ito magagamit ng may kabuluhan.
Alalahanin natin na sa kabila ng hirap ng ating mga magulang ay pilit nila tayong iginapang at itinaguyod para lamang makatapos tayo sa ating pag-aaral.
Ang karangalan sa pagtatapos ay regalo natin sa ating mga magulang. Ngunit ang kapakinabangan ng ating pag-aaral ay para sa ating mga kinabukasan.
Umpisa ng pag-abot ng ating mga munti at malalaking pangarap at paghahanda sa ating mga sarili para sa mapaghamong paglalakbay sa totoong kahulugan ng buhay.
Muli, mga anak binabati ko kayo sa inyong pagtatapos. Lagi ninyong isapuso ang sinambit sa atin ni Dr. Jose Rizal na ating pambansang bayani na "Kayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan."