Chereads / Mga talumpati ni Master MG / Chapter 10 - Guest Speaker

Chapter 10 - Guest Speaker

Allan C. Capulong

MT-1

Panauhing Tagapagsalita

( SULIVAN NAT'L HIGH SCHOOL S.Y. 2016-2017)

Araw ng Pagpaparangal

Talumpating Handa

Isang mapagpala at matimyas na umaga sa ating lahat. Isang makabuluhang pagbati sa ating mga magigiliw na panaunhing pandangal sa bayan at lalawigan ng Bulakan, sa mga respetadong kaguruan ng Mataas na paaralang Sulivan sa pangunguna ng kanilang butihing prinsipal Sir, Jeffrey DC. Basilio , sa mga magulang na super proud ngayon, at walang sawang sumusuporta sa kanilang mga anak, at ang mga  pinaka  bida sa programang ito, kayong mga mag-aaral na nabigyan ng parangal at pagkilala dahil sa pagpapamalas ninyo ng sikhay at talino sa loob ng isang panuruang taon 2016-2017.

Salamat sa isang umagang nakabalik muli ako, sa aking sintang paaaralan at ngayo'y nakakadaupang-palad ko ang mga tagapanday ng aking kabataan at ang mga mag-aaaral na patuloy nilang hinuhubog at ipinapakilala ang tamis ng simula ng kanilang tagumpay.

Isang napakalaking pagkakataon ang pagtayo ko sa inyong harapan upang ipakilala ko ang panitik o akda ng aking buhay. Ang pagsisimula ng bawat titik at salitang pumapaimbulog sa akin ngayon ay hindi ganoon ko kadaling natamo, bagamat ako ay isang guro sa pampublikong paaarlan sa Sangay ng Pampanga bilang Master Teacher , nilandas ko ang napakadawag at mga mahahabang talataan bago ko nakamit ang isang maayos at masining na panitikan o obra maestra ng aking buhay.

Ako si G. Allan C. Capulong o minsang tinawag na ako sa  ambil na MAPAGKANDILINNGURO, mapagkandili ang ibig sabihin ay maalaga o mapag-aruga, isang guro at dalubwika sa Wikang Filipino. Gurong nagpapakilala rin sa mga mag-aaral na sa bawat araw na kasama namin kayo ay kinakailangan matutunan ang bawat disiplinang itinuturo  sa iba't ibang asignatura , kumpinyansa sa sarili at higit sa lahat ang kagandahang-asal na maaaring magiging dahilan ng isang matagumpay at produktibong mamamayan sa daratal na panahon.

Mayroon kayong iba't ibang kakayahang intelektuwal batay sa Multiple Intelligence ni Dr. Howard Garner, marahil siguro ang iba ditto, may dalawa o higit pang kakayahan ang kanilang naipamalas sa loob ng panuruang taon kung kaya't marahil kayo ay kinilala at nabigyan ng karangalan ngayong umagang ito.

Kaming mga guro ang naging tagasuri, naging tagamasid at  naging tagatasa sa lahat ng mga iyan upang kayo ay makarating sa kinalalagyan ninyo ngayon. Isang pagbati muli mga minamahal kong mag-aaral sa mga unang tagumpay ng inyong buhay.

Kung si Dr.Gardner ay ipinakilala nito ang konsepto ng Multiple Intelligences, ipapakilala ko rin ang isang awtor ng makabagong panahon sa Pilipinas, Si Roberto Ong, (Bob –Ong), datapwat ang kanyang pag-iisip ay malalim at nabibigyang ng iba ng maling Interpretasyon , sa kanyang akdang 12 uri ng estudyante ay makikilala mo ang personalidad mo bilang mag-aaral sa loob ng klasrum.

Kung hindi ako nagkakamali mga kapwa guro ko sa Filipino at mga ginigiliw kong mag-aaral , nabigyan natin ito ng puwang sa ikapitong baitang bilang paksa sa unang Markahan   Sabi ni Bob -Ong sa kanyang akda, kayong mga mag-aaral daw ay may labindalawang uri o mukha sa loob ng klasrum...At ano-ano ang mga ito?

Umpisahan natin sa CLOWNS – Ang official kenkoy ng class.

GEEKS – Mga walang pakialam sa mundo, libro-teacher-blackboard lang ang iniintindi.

HOLLOW MAN ang mga estudyanteng madalas invisible, bakante ang upuan, madalas absent.

SPICE GIRLS –Madalas na may hawak na suklay, brush, at songhits.

DA GWAPINGS –isinilang sa mundo para magpa-cute.

CELEBRITIES – sila ang mga sikat sa kampus…mga lider-lideran sa klase, magaling umawit at sumayaw,  at kilala bilang magaling sa iba't ibang isports.

GUINESS – Mga record holders pagdating sa persistence. Pilit pinupunan ng kasipagan ang kakulangan ng katalinuhan. Sila ang kadalasang nagtatagumpay sa buhay. Masinop sa projects, aktibo sa recitation.

LEATHER GOODS – mga estudyanteng may maling uri ng determinasyon..

WEIRDOS –. May kanya-kanya silang katangian, konti ang kaibigan, madalas mapaaway, mababa ang grades.

MGA ANAK NI RIZAL – Ang mga matatalino sa klase sa . Straight 'A' students  . Hari ng Math, Science, at lahat na yata ng asignatura,  pero may oras pa rin sa konting extra-curricular activities.

BOB ONGS –Sila yung estudyanteng habang nagle-lecture yung teacher e pinaplano na yung librong ipa-publish nya tungkol sa mga classmates nya.

COMMONERS – Mga generic na miyembro ng klase. Kulang sa individuality at katangiang umuukit sa isipan.

. Posibleng may mga estudyante na ang katangian ay kombinasyon ng mga nabanggit. Posible ring hindi lahat ng uri ng estudyante ay makikita sa iisang klase.

Ang tanong bakit ko ipinakilala sa inyo ang mga ito, marahil kayong lahat ay kabilang sa mga mga tinatawag na MGA ANAK NI RIZAL – matatalino laging nabibigyan ng karangalan...Straight 'A' students pero well rounded at hindi geeks. Teacher's pet pero hindi sipsip.

Gaya ni Rizal noon sa kanyang paaralan sa Escuela Pia, o ang Ateneo University  ngayon, kinilala siya bilang sobre saliente sa kanyang mga asignatura...kinikilala noon pa man sa kanyang kabataan hanggang sa panahon ngayon.

Sabi nga sa patayutay na kasabihan " Namatay si Rizal para mabuhay!" Ngunit hindi iyon ang aking punto de vista, mga ginigiliw kong mag-aaral, at dito ko sisimulan marahil ang tunggalian at kasukdulan bilang bahagi ng Maikling kuwento ng aking buhay.

Honestly speaking...hindi ako kabilang sa Mga anak ni Rizal, hindi ako tumuntong sa entabaldo na di gaya ninyo ilang medallion na ang inyong nakakamit taon taon dahil sa talino at sipag .

Si sir Allan, ay payak, simple o pangkaraniwan mag-aaral noon, pasok ako sa Commoners ni Bob Ong masasabi ko...

COMMONERS – Mga generic na miyembro ng klase. Kulang sa individuality at katangiang umuukit sa isipan.

Sa una ganoon ko nakita ang pagkatao bilang mag-aaral subalit naging GUINESS din ako, di kagaya ng tinatawag na Anak ni Rizal na matatalino.

Ang GUINESS – Mga record holders pagdating sa persistence. Pilit pinupunan ng kasipagan ang kakulangan ng katalinuhan. Sila ang kadalasang nagtatagumpay sa buhay. Masinop sa projects, aktibo sa recitation.

Sila ay mga pangkaraniwan, di matalino pero hindi rin mahina, at buong puso kong ipinagmamalaki na talagang produkto ako'y nito. Dito ko rin napatunayan na hindi lang sapat ang talino para makamit mo ang tagumpay bagkus ang sipag at tiyaga… ang isa  sa dapat na maging pundasyon sa simula ng pakikihamok sa buhay.

Ganyan ang MAPAGKANDILING GURO  noong ako'y mag-aaral pa sa elementarya, sekundarya, at kolehiyo. Puhunan ko ang sipag, ang lakas ng loob ang paninidigan na kailangan makatapos ako sa kabila ng hirap sa buhay.

Magsasaka si tatay  at gumagawa ng palantsahan na inilalako sa mga karatig bayan Bulacan at Pampanga. Dahil iyon ang nakagisnan, naimulat  nila kami sa pagsasaka, ako ay nakikipagtanim at nakigapas noong hayskul hanggang kolehiyo...

Tuwing sasapit ang mga araw na walang pasok sa klase...nakaadya ang aking sarili sa bukid para makatulong sa kanila. Walang pang High School sa lugar namin noon kung kaya't ang Sulivan National High School ang naging pangalawang tahanan naming magkakapatid sa pag aaral ng sekundarya.

Si ate, ako at aming bunsong kapatid. May panahon naglalakad kami pauwi ng  Pampanga na kalapit baranggay ng Tilapayong tuwing uwian sa hapon –ito ay sa dahilang kumakapos ang aming 25 pesos na baon.

Nakakatawa pero totoong isipin na kapag walang pambiling ulam sa tanghalian Kay Tata Ruding Robles, diyan sa looban sa kanyang Carenderia,  nairaos ko ang marami kong tanghalian sa paghingi lamang ng SABAW... May baon kaming kanin sa umaga para sa tanghalian subalit minsan tinitipid namin ang mga sarili sa mga gastusin sa mga proyekto, o di kaya sa pamasahe kung kaya't sa sabaw ako nakakatipid…sa sabaw nagtatago ang isang ngiting tagumpay.

Salamat sa sabaw ni Tata Ruding, mabait si Tata Ruding, pero minsan nakakahiya rin ang laging humihingi ka na lang, minsan ibang diskarte ang ginawa ko, si classmate na masasabi nating di hirap sa buhay, sabi ko sa knya ako na lang utusan mo na bibili at pipila sa karenderya para di na siya mapagod.

Nakakahiya man pero totoo, kpag ako na ang oorder ng ulam ni klasmeyt, sabay agad dugtong ng pahingi po ng sabaw...at hindi naman ako nabibigo, ang sabaw na iyon ang tutulong sakin sa kalahating araw  para sa pag-aaral.

Maraming pagkakataon ang ganoon, di madali pero ayokong mabigo ang paninidigan ko, ang hindi makatapos gaya ng mga ilan kong kaklase sa aming baryo na agad sumuko hayskul pa lamang.

Marahil di ako kagaya ninyo na simula pa lamang ay nagpapahiwatig na ang salitang tagumpay dahil sa karangalan na inyong natatamo, subalit sa akin ang importante lang noon ay pumasa, at makarating pa sa madawag na pakikihamok sa mataas na antas ng pag-aaral.

At ngayon, sobrang bilib ako sa inyo mga anak, taas noo ako sa mga parangal na ipinapaabot ninyo sa inyong mga magulang, magulang na walang sawang sumusuporta.

Ang buhay ko sa kolehiyo ang siyang nag paramdam ng kirot sa aking buhay,walang sinabi ang SABAW noong hayskul, dahil sa pagkakataong ito .Laman naman ang nawala, ang aking ina.

Si nanay na binawi sa amin kaagad ng Poong Maykapal. Halos mabaliw ako noon sa nangyari, tinamaan ako ng Nervous breakdown at huminto ng dalawang taon sa pag-aaral sa kolehiyo.

Laging kong iniisip ang ina ko na hindi man natikman ang ganitong pagkakataon. Ang umakyat sa entabalado para maging proud sa anak niyang kinikilala at pinaparangalan.

Dun nagsimula ang aking kalbaryo na ang buong akala hindi na ako hahakabang sa sa mga hagdan ng hagdananan, di ko na makakatok ang pinto ng pintuan na sa  pagpasok mo ay naghihintay ang ganitong tagumpay na tinatamasa ng mapagkandilingguro. 

Napugal na ako sa bukid nang madalas sa pagkakataong ito, tuwing tag-ulan nakikipagtanim, tuwing tag-araw naman ay nakikigapas. Naroon na ang pagtwanan ka dahil sa putik na dala-dala mo pag-uwi sa bahay.

Yun maririrnig mo sa iba na hanggang dun lang talaga ako sa unang antas ng kolehiyo at pilit inaabot ang hindi naman kaya. Subalit di ko pinansin, sa Pampanga sa bayan at baranggay namin kapag hindi ka nag-aral, talaga ang bagsak mo noon ay sa bukid bilang marangal na trabaho.

Gapas,tanim sa loob ng dalawang taong paghinto. Lumipas ang mga panahong iyon, nakaalapas sa dagok ng buhay. Nakipagsapalaran si ate sa abroad, nabuhayan ng loob si tatay, kinausap ako at pinabalik sa mundo ng pag-aaral.

Hindi ganoon kadali, ang adjustment...pagpasok ko sa school, naninibago ako, subalit bitbit ko ulit ang konsepto ng pagsisikap, pagsisikhay at paninidigan na makatapos balang araw.

Baguhan ang mga kakalase ko habang ang mga datihan ay magsusuot ng itim na toga sa kanilang pagtatapos. May panghihinayang at inggit, pero naging masaya ako dahil isang hagdan na naman ang aking inakyat sa hagdanan ng tagumpay.

Hindi naging madali subalit sa panahong ito naging mas malakas ako, may pagkilala na kahit papano, namuno sa ilang asosasyon, mas tumibay ang paniniwala at paninindigan, nagtuloy -tuloy ang pagpapala...nakatapos ako ng Degree sa edad na 22 sa Pamantasang ng Baliuag taong 2010 sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino.

Tagumpay , lalong -lalo na nang makapagtrabaho ako sa isang pampribadong paaralan, kasunod ang pagpasa saBoard Exam. Marahil dininig ng Diyos ang aking dalangin mas higit   nang nakapasok ako bilang isang guro sa pampublikong paaraalan sa Bahay Pare HS sa Sangay ng Pampanga.

Sa mga akdang naisulat ko bilang manunulat sa mundo ng panitikan. Hindi pa rin nawawala sa isipan ko ang pag-aaruga ng aking mga magulang .Gaya ng mga mahal na magulang natin ngayon sa programang ito,  ramdam ko ang hangad po ninyong mapabuti ang inyong mga anak at matamo ang higit pang tagumpay sa darating pang panahon.

Isang tula ang aking ibibigay sa inyo mga mag-aaral patungkol sa inyong magulang lalong lalo na sa inyong mahal na Ina...Sanay kapulutan ninyo ng aral. BABASAHIN ANG TULA.

"Buti Ka Pa, may Nanay"

Napakamalas ng batang ulila na sa ina,

wala nang ngiti,sumpa'y kapara

gigising kang wala sa bisig niya,

babangon nang may pighati't dusa.

Nang kaurali ko siya sa mundong ibabaw,

matimyas na ngiti sa umaga't araw...

Busog sa pagkain,kayliksi nitong galaw

malinis na damit,pamilyang may tanglaw.

Ngayon nakikita ko na lang sa kapitbahay,

pagmamahal ng isang ina ay  tumutugaygay...

pag-iimbot ng puso,umiiyak na tunay,

asan ka ina'y...bakit ang aga mong nagpahingalay!

Nakita ko ang hapis ng iyong dinanas,

di mo man nalasap mansanas na makatas

di mo man nakita anak mo'y nasa tuwid na landas

sanghaya niya ngayon marangal na maaliwalas!

Sa'king pagdaan...

Naulinigan mga nagbabangayan,

si anak kay nanay natuto nang lumaban,

nguso'y nakataas,boses na wari'y nabasag na pinggan

walang paggalang ni walang pakundangan.

Buti ka pa... ay may nanay!

buti ka pa,sa'yoy patuloy na may umaalalay

Hindi lahat biniyayaan nang ganyang bagay,

H'wag na hintayin ang pagsisi ay sumalakay!

O aking ina'y  sa langit ng pagmamahal,

asan ka man,pag-ibig ko sayo'y sana ay dumatal,

kahit kailan sampaga ka sa'ming buhay

perlas na lantay na walang makakapantay!

Ganyan kayo pinagpala, pinapakita ninyo ngayon pa lang ang tagumpay na inyong natamo sa inyong magulang lalo na sa inyong ina. Sobrang hirap talaga pag walang nanay. Marahil iyon ang aking kapalaran, subalit mapalad na rin ako dahil naririnig naman ng aking ama ang lahat ng tagumpay na ito.

Nasaksihan din niya ang tagumpay na natatamo ko ngayon sa aking propesyon. Ang buhay ng aking tagumpay at pagpupunyagi ay inihahalintulad ko sa Maikling Kwento bilang uri ng isang akdang pampanitikan, may banghay, may simula, tunggalian, kasukdulan at wakas ---na siyang nagbigay ng aral at inspirasyon sa tagpong ito.

Ang pagiging propesyunal na guro ko ang siyang tanging tagumpay na maaari Kong ipangalandakan sa lahat nang naririto. Kay tatang na alam ko na sobrang proud kayo kahit di mo nasasabi ng personal , Datapwat natagpos ko na rin ang pag-aaral sa Masters at kababaang loob po na natamo ko na rin ang pagiging Master Teacher sa Departamento ng Edukasyon sa Sangay ng Pampanga...utang ko po lahat ng ito sa inyo, Isa pang pag-aaral ang aking tinutugaygayan   sa  mas mataas pang pag-aaral sa Paaraalng Gradwado.

Sa Pambansang Mataas na Paaraalng Sulivan na naging saksi sa pakikihamok ko sa pag-aaral. Salamat po  muli sa mga guro ko na nagpalakas , umunawa at kumilala sa akin bilang si Allan noon.

Hindi ko na po kayo iisa- isahin...Taos puso at babang loob po akong nagpapasalamat dahil isa kayo sa nagbigay ng kulay sa mundo ng aking pangarap at ngayon, kasama po ninyo ako sa isang Departamento ng ating bansa ang Kagawaran ng Edukasyon na patuloy pang manghuhubog sa talino, at disiplina ,higit sa lahat sa kagandahang -asal ng mga mag-aaral sa ating mga nasyon.

Muli Tayo sa Edukasyon, tayo para sa Edukasyon

Laging una, para sa bata,

Para sa Diyos

at para sa bayan.

Mabuhay po kayo mga mahal kong mga mag-aaral, Mabuhay po tayong lahat…Mabuhay Sulivan National High School!

Maraming salamat po.

"WAKAS"