Chereads / Mga talumpati ni Master MG / Chapter 15 - Talumpati ng isang Valedictorian

Chapter 15 - Talumpati ng isang Valedictorian

Gustong kong ibigay ngayon sa bulwagang ito ang aking matimyas na pagbati sa inyo aking ginigiliw na tagapakinig.

Mula sa dating apat na taon na pag-aaral sa Mataas na paaralan ay nadagdagan ng dalawang taon para sa pagpapalawig pa ng kalinangan sa iba't ibang kakayahan at kaalaman.

Pumasok sa mundo ng mag-aaral ang programa ng K-12 na marami ang sumang-ayon at mayroon din namang hindi nagustuhan ang nasabing implementasyon ng Senior High School.

Maraming mga magulang ang umalma sa dagdag na dalawang taon. Kesyo dagdag gastos daw ito at pabigat sa kanila. Imbes na magkolehiyo na ang mga anak nila ay babagal pa ang pag-usad sa pag-aaral ng tersarya.

Marami ang reklamo ang aking narinig. Palibhasa'y hungkag sa kaalaman ang iba kung kaya hindi nila nakikita ang kagandahang taglay ng Senior High School para sa mga mag-aaral ngayong ika-21 siglo.

Ako, bilang mag-aaral, totoong lumawig ang aking kaalaman at kakayahan kung saan nakikita ko ang aking mga kalakasan. Natugaygayan ko rin kung ano talaga ang gusto ko pagdatal ng kolehiyo. Mas nahasa ang aking kakayahan sa pakikipagkomunikasyon. Mas taglay ko at hawak ang husay sa larangan ng pananaliksik. At lalong-lalo na ang aking abilidad sa aking track na ngayon ay malapit ko na matapos.

Nasisiya ako na hindi na tayo nahuhuli pagdating sa usaping globalisasyon. Kapantay na natin ang istandard ng mga bansang tinitingala ng mga maliliit na bansang kagaya natin pagdating sa husay at galing sa pagtatrabaho.

Sa katunayan, nahubog ang aking buong pagkatao sa dalawang taon. Mas hinog na ako at handa sa darating na hamon ng buhay. Handa sa kolehiyo. Handa sa trabaho at handa sa negosyo.

Kahit alin sa tatlo ay alam kong magtatagumpay ako dahil sa mga epektibo na naikintal sa akin ng mga leksiyon sa pag-aaral ng Senior High School.

Huwag kang maging negatibo sa pagbabago bagkus palawigin ang  ating pahat  na kaisipan para sa magandang pagbabago. Hindi lang ang sarili mo ang kakikitaan ng malaking progreso bagkus pati ang bayan mo.

Masaya ang buhay sa Senior High School. Nagiging mas makulay ang buhay sa maraming karanasan. Karanasan na masasabi rin nating ito ang pinakamahusay na guro kahit saan pa man.

Aim High Senior High. Pasalamat tayo sa magandang kurikulum na ito. Dahil sa bukas na darating, masasabi kong hindi ka hilaw gaya ng kaning sinaing. Hindi ka kinalburo gaya ng prutas para masabing hinog ka. Bagkus isa kang matayog na mamamayan at hindi maitutumba ng kahit sino pa man.

Maraming salamat sa inyong walang sawang pakikinig. Nawa'y nakapulot kayo ng magagandang kaisipan.