Hindi na mabilang ang mga batang nasasangkot sa ganitong uri ng eksena. Krimen kung ituring ang paksang aking ilalahad ngayong araw na ito sa inyo. Ang bullying ay isang malalang problema ng mga maraming kabataan sa ating bansa o higit pa sa buong mundo.
Sinasabing ang bully na bata ay sadyang nanakit ng damdamin ng iba dahil sila mismo ay nasaktan na ng kanilang kapaligiran o dili kaya masyadong mahigpit o walang kalayaan ang mga batang ito sa kanilang mundong ginagalawan.
Kung kaya't kapag mayroong mahinang bata na alam niyang kayang-kaya niya ito, ito ay kanya nang i-bu-bully.
Matindi naman ang pagdadaanan ng mga na-bu-bully. Sa aspetong emosyunal. Lalong bumababa ang tingin nila sa kanilang sarili. Mahinang-mahina sila at dahil napapahiya sa kanilang paligid lalong bumabagsak ang kumpiyansa nila sa kanilang sarili.
Hindi lamang iyon, minsan ang pambubuska ay humahantong sa pisikalan. Nakakapanakit na ang mga bully lalo na kapag mataas na ang emosyon nito. Tila tigre sila kung magalit at katatakutan talaga ng lahat. Dito nagiging makapangyarihan ang oras ng isang bully dahil alam niyang siya ang siga sa kanyang mundo. Magiging kawawa ang biktima lalo na sa mga pagkakataong mahahambalos, masusuntok o mas malala pa ay humantong sa di kanais-nais na pangyayari.
Ganyan ang mga kabataan ngayon na kumakaharap sa problemang Bullying. Kahit na may nakasaad na sa batas na ipinagbabawal ito patuloy pa rin ang pambubuska ng maraming kabataang Pilipino.
Tuldukan na ang bullying. Rumespeto tayo sa ating mga pagkakaiba sa buhay. Iwasan ang mapanghusga sa kapwa at linisin natin ang ating mga puso upang hindi makapanakit ng kapwa bagkus maging ehemplo sa lahat ng bagay.