Chereads / Mga talumpati ni Master MG / Chapter 2 - Guro Ko Aking Idolo

Chapter 2 - Guro Ko Aking Idolo

Isang mapagpalang buhay sa ating lahat. Sa inyo mga tagapakinig  nawa'y may kumintal na aral  sa inyong isipan at tumanim na pagmamahal sa ating mga naging guro aa ating buhay.

Kulang ang isang milyong salamat para ihandog sa ating mga pangalawang magulang, mga nanay at tatay sa paaralan. Isa ka na ba sa mga nakagalitan, nasigawan, binigyan ng espesyal na tingin sa lahat, pinahalagahan at higit sa lahat kinaurali ng iyong mga naging guro? Ganyan sila. Iba-iba ang kanilang maskara sa makulay nilang mundo sa loob ng klasrum.

Iyan marahil ang kanilang mukha sa araw-araw na pagtatagpo natin sa apat na sulok ng ating silid-aralan. Nakakagalitan tayo dahil gusto nila tayong itama sa ating mga nagagawang mali. Gusto nilang maituwid tayo at makarating ang isang tuwid na landas. Marahil nasigawan tayo dahil hindi sila perpekto. Sila ay tao lamang na dumadaan din sa pagsubok na personal nilang buhay.

Huwag nating isipin na tayo lang ang kanilang kinakaurali bagkus may pamilya rin silang dapat alagaan at bigyan ng wastong pagkalinga. Subalit kung ating tutuusin,mas maraming oras pa ang inilalaan nila sa atin. Halos sa atin na umiikot ang kanilang buhay. Ang paghahanda sa gabi ng mga kagamitang pampagtuturo ay kaagaw pa ng kanilang pamilya na disin sana ay magkasama sila sa mga kasiyahan at pagpapahingalay. Subalit hindi, ang ating ulirang mga guro ay nagpupuyat pa upang matapos ang mga ito at iniisip kung paano mo makukuha ang leksyon at disiplinang magagamit mo sa iyong buhay.

May favorite raw si teacher, ako naniniwala ako na totoo ito. Pero kung ating gugunam-gunamin mas nagiging proud ako sa kanila. Sa kanilang ganitong pagtingin na espesyal sa mga mag-aaral ay alam kong may mas malalim na dahilan si mam o sir kung bakit hindi minsan pantay ang patak ng ulan.

Marahil mas dapat bigyan nang pansin ang mga mag-aaral na nagtatrabaho sa gabi upang pantustos sa kanilang pag-aaral, mabait siya sa mga ilang walang baon sa recess at tanghalian, at lalo siyang galante sa mga batang umanoy iniwan na ng kanilang magulang. Diyan ako bilib sa kanila. Diba't daig pa niya si Captain Barbel at Darna. Tunay na bayani sila sa aking mga mata.

Kaya ikaw mahal kong pita. Huwag na sanang mag-isip pa nang masama sa kanila. Magtiwala tayo dahil alam nila ang tama sa mali. Huwag pairalin ang inggit at panibugho. Suportahan natin sila at maging masaya sa kanilang ginagawa.

Marami na ang nagpatunay na iba talaga ang guro nating ibinibida. Walang mahuhusay na tao sa ating mundo kundi hinubog ng aking tunay na idolo. At alam ko sa bandang dulo, isa ako samga taong ito na makikila sa tugatog ng tagumpay dahil sa guro ko na ating iniidolo.

Maraming salamat po sa inyong matimyas at matamang pakikinig. Nawa'y nakilala ninyo ang mga salita ko na tigib ng pagsuyo at walang halong siphayo.

Muli, maraming salamat.