Hirap sa paghabol sa hangin.
Tumatakas mula sa mga lalaking gustong dumakip.
Malakas ang kabog ng dibdib.
Basang-basa ng tubig na nahuhulog mula sa langit.
Malakas ang buhos ng ulan nang imulat ni April ang kaniyang mga mata. Nakatayo na naman siya sa harap ng administration building. Pinakiramdaman niya ang kapaligiran at hindi inalintana ang pagtama ng mga malalaking butil ng tubig sa kaniyang balat.
Sa kaniyang paglingon sa kaniyang kanan ay nakita niya ang isang pamilyar na lalaking tumatakbo na bakas sa mukha ang pagkahingal. Pilit niyang inalala kung saan niya nakita ito.
"Siya nga!" bulalas ni April nang bumalik sa kaniyang balintataw ang mga nangyari nang hawakan niya ang larawan sa opisina ni Ms. Urbano. Biglang natisod ang lalaki at lumagapak sa lupa. Nilapitan niya ito at tinulungan subalit siya'y nagulat nang may tatlong lalaking dumating at dumampot dito nang sapilitan. "Bitawan niyo siya,�� pagpigil ni April subalit itinulak lamang siya ng isa sa mga dumakip.
"Huwag kang maki-alam rito," sabi ng tumulak sa kaniya.
"April!" Napalingon siya nang marinig ang pagtawag sa kaniya. "April!"
"Gising, April! Tinatawag ka ni Ms. Galon." Ibinuka niya nang kaunti ang kaniyang mga mata at bumungad sa kaniya ang pagmumukha ni Bruce.
"Huwag kang magulo, Bruce. Sabihin mo mamaya na lang," saad ni April at bumalik sa pagsubsob ng kaniyang mukha sa mesa.
"Naririnig mo ba pinagsasabi? Tinatawag ka ni Ms. Galon dahil papupuntahin ka niya sa harap at ipapa-solve 'yung problem sa'yo," wika ni Bruce.
"April," tawag ni Ms. Galon na siyang nakapaggising ni April.
"Yes, miss." Napatayo siya at napaharap sa tumatawag.
"Are you sleeping? Solve the problem on the board."
"Bakit hindi niyo ako ginising?" pabulong na tanong niya sa mga katabi. Bumuntong-hininga na lang si Bruce dahil hindi siya makapaniwala sa kaniyang nasasaksihan. Nagpunta sa harapan si April na gising na gising.
Pagdating ng hapon habang nakatambay sa Physics Lab at naghihintay sa susunod na klase ay pinag-usapan nila ang tungkol sa mga nadiskubre.
"Gusto ko lang malaman kung bakit hindi sinabi ni Ms. Urbano ang totoo tungkol sa unlocked ability ko. Hindi ko inasahang aabot tayo rito," pagsimula ni Ervin.
"Maybe we're destined to know all of these," kibit-balikat na saad ni Athena. "Besides, it's quite a cool experience to pass out due to chloroform inhalation."
"Totoo, cool nga. Masaya akong naka-try na parang na-kidnap," pagsang-ayon ni Aries at tumawa.
"Hindi 'yun cool dahil naghirap kaming buhatin at dalhin kayo sa clinic habang nag-iingat upang walang makaalam at magduda na galing tayo sa ilalim ng admin building," singhal ni Melody na hindi ikinatuwa ang mga sinabi ng mga kaibigan. "Isa pa, hindi biro at hindi masayang ma-kidnap."
"Punta tayong canteen, Athena. May KJ kasi rito," saad ni Aries at pinaparinggan si Melody.
"KJ mong mukha!" Hindi pinansin ni Aries si Melody at hinila si Athena palabas ng silid.
"Nagbabangayan na naman kayo. Akala ko ba magkasundo na kayo?" sambit ni Romeo.
"Huwag mo na lang pansinin 'yun," wika ni Sheina.
"Ipagpalagay na lang natin na nauntog ang kanilang mga ulo at naapektuhan ng chloroform ang mga utak kaya ganoon ang kanilang naiisip," saad ni Bruce na nakapagpatawa sa kanilang lahat.
"Siya nga pala, April. Alam mo ba kung bakit wala si Bryan ngayon?" tanong ni Vince.
"Aba'y ewan ko sa kaniya. Ayaw na niya siguro sa'kin kasi hindi man lang nag-message kahit like man lang," mataray na sagot ni April. Tumango na lang si Vince at hindi na nagtanong pa ulit dahil parang hindi kaaya-ayang pag-usapan ang bagay na iyon na bakas sa mukha ni April.
"Ito na pala 'yung mga nakuha nating files sa underground facility," sabi ni Gerald sabay lapag ng mga folder at larawan sa mesa.
"Ito naman 'yung kopya natin sa mga files mula sa opisina ni Ms. Urbano." Mula sa bag ni Ervin ay kaniyang kinuha at inilagay sa mesa ang mga papel. Inusisa nila ang mga papel na nasa kanilang harapan lalo na ang mga nakuha nila sa lumang pasilidad sa ilalim ng administration building.
"Tunay ngang may nauna sa atin pero ang mga ability nila ay dulot ng serum na itinurok sa kanila," sambit ni Vincent habang tinititigan ang mga nakasulat sa hawak na mga papel.
"Ano bang mayroon sa serum na 'yan?" usisa ni Bruce.
"Iyan ang hindi natin alam," sagot ni Gerald.
"Magtanong na lang kaya tayo kay Ms. Urbano," suhestiyon ni Romeo na agad sinalungat ni Ervin.
"Hindi pwede. Kung nagsinungaling siya tungkol sa ability ko, hindi malayong magsisinungaling din siya tungkol sa serum. Isa pa, mukhang sikreto ang tungkol dito. Maaaring pagbabawalan tayong malaman ang mga impormasyon na may kaugnayan sa bagay na iyan," seryosong saad ni Ervin.
"Kung gayon, kanino tayo magtatanong tungkol sa serum? Saan tayo kukuha ng mga impormasyon?" tanong ni Vince subalit walang sumagot, walang may alam.
"Ipagpalagay nating nakakuha na tayo ng impormasyon tungkol sa serum. Makakatulong ba 'yun sa pag-develop natin ng ating mga abilities? Hindi naman tayo na-expose sa serum, eh. May natatandaan ba kayong may nag-inject sa atin ng serum? 'Di ba, wala?" untag ni Bruce na ngayon ay nagtataka kung bakit pagtutuunan nila ng pansin at pag-aaksayahan nila ng oras ang paghahanap ng impormasyon tungkol sa serum.
"We will expose what they did. Gumamit sila ng mga estudyante para sa isang experiment," sagot naman ni Ervin.
"Guys, hindi ba kayo nagtataka sa mga subject numbers?" tanong naman ni Melody habang inilalatag sa kaniyang harapan ang mga pahina kung saan nakasulat ang subject number. "Para sa'kin lang ha, hindi naman tayo kasali sa eksperimento sa serum, eh, pero bakit kasunod sa subject number nila ang nakalagay sa atin? Are they treating us as guinea pigs, too?"
"Marami pa tayong katanungang hindi masasagot sa ngayon. Hindi naman tayo pwedeng magtanong sa mga tao rito sa loob ng unibersidad," tanging wika ni Vincent.
"Paano kung sa labas?" Napakunot ang kanilang mga noo sa sinabi ni Ervin dahil hindi nila batid kung ano ang kaniyang tinutukoy.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Vince.
"Hanapin natin ang tatlong nauna sa atin. May posibilidad na makahingi tayo ng tulong sa kanila," seryosong tugon ni Ervin.
"Pwede 'yun," pagsang-ayon ni April. Tumingin si April sa kawalan at bumuntong-hininga bago muling nagsalita. "Nitong mga nakaraang araw, nananaginip ako tungkol sa kanilang tatlo. Oo, alam kong panaginip lang 'yun pero parang totoo, parang tunay ngang nangyari."
"Baka kasali 'yan sa unlocked ability mo. Hindi lang ang makakita ng nakaraan sa nahahawakan mong mga bagay ang kaya mo, pati na rin ang makakita ng nakaraan sa iyong panaginip," sapantaha ni Ervin na nakapamangha sa mga kaibigan maliban kay April na tumango lamang.
"May naisip na akong ideya kung paano natin mahahanap silang tatlo," biglang sabi ni Gerald at kinuha ang kaniyang laptop. "Maaari kong i-access ang database ng unibersidad at kumuha ng kopya ng kanilang student profile."
"Magandang ideya. Unahin na natin si Hartly Sabanal, ang Subject H-0001," wika ni Ervin.
Hinawakan ni Gerald ang kaniyang laptop at nagsimula itong mag-flicker. Bumabaha ng mga codes sa display nito at ilang sandali pa lamang ay nasa harap na nila ang student profile na kanilang hinahanap. "Ito na," wika ni Gerald.
"I-save mo 'yan. Isunod na natin 'to sina Jea Andales at Rhea Marie Hermosisima," saad ni Ervin habang itinuturo kay Gerald ang pagbaybay sa mga pangalan.
Ilang minuto ang lumipas ay natapos na si Gerald sa paghahanap. "Guys, nahanap ko na pero malabong makahingi tayo ng tulong sa kanila."
"Bakit?" nagtatakang tanong ni Ervin.
"Patay na silang lahat. May nakita akong mga articles patungkol sa kanilang pagkamatay." Ipinakita ni Gerald sa mga kaibigan ang mga articles na kaniyang sinasabi. "Parehong nag-suicide sina Rhea at Jea. Tumalon si Rhea sa 3rd floor ng Social Science building dahil daw sa problema sa pamilya. Si Jea naman ay nagbigti sa parehong lugar dahil sa pagkamatay ng kaniyang kaibigan na si Rhea. Nabiktima naman ng hit-and-run si Hartly at dead-on-arrival sa hospital." Napabuntong-hininga na lamang silang lahat at iniligpit ang mga papel sa kanilang harapan.
"Parang tayo-tayo na lang talaga ang maghahanap ng impormasyon at walang maaaring makatulong sa atin," sabi ni Ervin.
"Huwag na lang kaya natin 'tong ituloy. Masasangkot lang tayo sa malaking gulo kapag nagkataon," saad naman ni Bruce na nagpakunot ng noo ni Ervin. "Isa pa, midterm exams na next week. Ito pa talaga pinoproblema natin."
Sumang-ayon silang lahat kay Bruce maliban na lang sa bahaging hindi pagpapatuloy ng kanilang nasimulan na inayawan ni Ervin. "Midterm exams nga next week at kailangan nating mag-aral pero kung ititigil niyo na ang paghahanap ng kasagutan, ako na lang mag-isang gagawa."
May sasabihin pa sana si Bruce subalit biglang dumating sina Aries at Athena. "Nandito lang pala kayo. Kung saan-saan pa namin kayo hinanap. Nagpunta pa kaming TAC 605," bulalas ni Aries na ikinataka ng siyam.
"Anong pinagsasabi mo? Dito nga kayo galing bago kayo nagpunta ng canteen," mataray na singhal Melody. Nakapagpakunot naman ito ng noo ni Aries at Athena at hindi naniniwala sa isinambit ni Melody. "Ganiyan ba ang naidudulot ng chloroform?"
"Anong chloroform-chloroform pinagsasabi mo?" pasinghal na tanong ni Aries.
"Magsitigil na nga kayo," pagsaway ni Athena. "Pumunta na tayo sa susunod nating klase. Malapit na 'yung oras." Naguguluhan man at nagtataka sa nangyayari sa kanilang dalawang kaibigan, nilisan nila ang Physics Lab at nagtungo sa susunod nilang mga klase.