Chereads / UNLOCKED: Serum CPH4-1028 / Chapter 21 - Chapter CPH4-1028-20

Chapter 21 - Chapter CPH4-1028-20

Anim na taon ang nakararaan…

"Rhea! Nasaan si Jea?" tanong ni Hartly na kararating pa lamang sa kanilang pinag-usapang lugar na pagkikitaan sa loob ng unibersidad. Si Hartly ay isang 2nd year BS Chemistry student habang sina Rhea at Jea naman ay 2nd year BS Biology student. Simula noong highschool pa lamang sila, palagi na silang magkasama sa mga Science contests hanggang ngayong nasa kolehiyo na sila. May ginagawa silang pananaliksik sa larangan ng Biochemistry na ibibida sa paparating na National Research Congress at ang kanilang adbayser ay si Ms. Urbano.

"Dumaan na muna siya saglit sa canteen kasi hindi siya nakapag-almusal sa boarding house niya. Pero patapos na naman daw siya," sagot naman ni Rhea habang naghihintay at naka-upo lamang sa bench sa TAC Groundfloor.

"Na-print mo ba 'yung chapter 4 and 5 na gustong mabasa ni Ms. Urbano?" untag ni Hartly habang may hinahanap na papel sa kaniyang bag.

"Tapos na. Ito nga dala ko na," sagot ni Rhea habang ipinapakita sa kaibigan ang puting sliding folder na naglalaman ng tinatanong ni Hartly.

"Siya nga pala! May nagawa na akong draft para sa display board natin," wika ni Hartly nang mahanap ang papel sa kaniyang bag kung saan nakasulat ang draft ng kanilang display board.

"Mas mabuti sigurong tarpaulin ang gamitin natin kaysa plywood or illustration board. Ano sa tingin mo?" suhestiyon ni Rhea. Sakto namang dumating si Jea.

"Pasensiya na kayo't nahuli ako," bungad agad ni Jea.

"Jea, may suhestiyon si Rhea na mag-tarpaulin na lang daw tayo instead of illustration board para sa display."

"Go ako diyan! Mas mabuti na 'yun kasi mas madali ang paggawa natin. May templates naman makikita online." pagsang-ayon nito. May iniabot si Jea kay Hartly na mga papel. "Iyan na 'yung para sa Appendix natin. Kasama na riyan ang lahat ng letters, gantt chart at liquidation of expenses."

���Nakita mo ba 'yung pinadala ko sa'yong biographical data kagabi?" tanong ni Rhea.

"Naisali ko na rin pati ang experimental raw data, mga larawan noong nag-experiment tayo kasama si Ms. Urbano at lahat ng nasa listang ibinigay ni Hartly," sagot naman ni Jea at ngumiti.

"Ang sipag, ah!" pabirong kantiyaw ni Rhea sa kaibigan at nagtawanan na lamang sila.

"Ako na ang mag-aabot kay Ms. Urbano nitong hinihingi niya," pagpresenta ni Hartly na sinang-ayunan ng dalawa.

Matapos ang kanilang pag-uusap, naghiwalay na sila ng landas. Nagpunta na sina Rhea at Jea sa Biology Laboratory habang si Hartly ay sa SM Hall dahil una niyang klase sa umaga ay Physical Education.

Pawisan si Hartly nang matapos ang kaniyang klase sa P.E. kaya nagpunta siya sa palikuran sa administration building. Nang makapagbihis, agad siyang lumabas ng palikuran dahil may ibibigay pa siya kay Ms. Urbano na sakto namang naglalakad sa hallway ng building. Hinabol niya ito subalit hindi na niya naabutan pa dahil sumakay na ito ng elevator.

Sa pagkakaalam niya, may research facility sa sublevel 2 kaya naisip niyang doon patungo sa Ms. Urbano. Napagpasiyahan niyang maghagdan na lang papunta doon. Pagkarating niya sa sublevel 2, hinanap niya si Ms. Urbano at tinatanong ang mga nakakasalubong na mga nakaputing lab gown subalit walang may alam. Nawalan na siya ng pag-asa kaya naglakad siya pabalik nang napansin niya ang madilim na hagdan patungong sublevel 3. Hindi niya namalayang dinala na siya ng kaniyang mga paa pababa. Nagulat siya nang may narinig na mga nag-uusap.

"The serum is now ready for human trials but we still need to search for subjects." Nagtataka si Hartly sa narinig na sinabi ng lalaki.

"Leave it to me." Mas nagulantang siya nang marinig ang boses ni Ms. Urbano na naging dahilan upang mabitawan niya ang ilang papel na ibibigay niya sana sa guro. Napamura na lamang siya sa nangyari at dali-daling dinampot ang mga nahulog na mga papel. Parang humiwalay sa kaniyang katawan ang kaniyang kaluluwa nang lumiwanag ang paligid at nakita niya sa kaniyang harapan si Ms. Urbano nang makuha niya lahat ng papel sa sahig. "What are you doing here, Hartly? Alam mo namang bawal ang mga estudyante sa sublevel 3."

Kumakabog ang kaniyang dibdib at nahihirapang makabuo ng salita dahil sa kaba. "M-may ibibigay lang po sana ako sa inyo," sabi niya sabay abot ng mga papel. Tinanggap naman agad iyon ni Ms. Urbano.

"Huwag ka nang magbabalik dito sa sublevel 3. Baka iba ang makakita sa'yo," sabi ni Ms. Urbano na mas ikinakaba niya at agad siyang bumalik sa ibabaw.

Ilang araw ang lumipas pero hindi pa rin nawawala sa kaniyang isipan ang mga narinig hanggang napagdesisyunan niyang pumasok sa sublevel 3 at tingnan kung anong nandoon, kung bakit ipinagbabawal ang pagpunta ng mga estudyante roon.

Makulimlim ang panahon at tila bubuhos ang ulan nang siya'y pumasok sa unibersidad nang palihim. Tahimik lang ang buong campus dahil walang pasok. Agad siyang nagtungo sa ilalim ng administration building hanggang umabot siya sa sublevel 3. Nakabukas ang mga ilaw subalit walang tao. Nang makapasok siya sa natatanging silid, napagtanto niyang ito'y isang research facility. May mga glass chambers, laboratory glasswares, chemicals at isang mesa na may maraming papel. Nilapitan niya ito at nakita ang isang folder na natatabunan ng mga papel na may nakasulat na 'TOP SECRET'. Dinukot niya ang kaniyang cellphone mula sa kaniyang bulsa at kinuhanan ng larawan ang lahat ng nakapaloob sa folder. Sa pinakahuling pahina ay ang isang memorandum or order na nagsasabing, "Mass Exposure to Serum CPH4-1028."

Nakarinig siya ng mga boses mula sa labas ng silid kaya dali-dali siyang lumisan subalit nakita siya. Tumakbo siya pabalik sa itaas gamit ang hagdan dahil hinabol siya ng tatlong lalaki. Nang makarating sa sublevel 2 ay rinig niya ang malakas na buhos ng ulan at mas lumakas pa ito nang umabot siya ng sublevel 1. Hindi siya nagdalawang-isip na sumuong sa ilalim ng mga tumatagaktak na malalaking butil ng tubig mula sa kalangitan para lamang matakasan ang mga humahabol sa kaniya. Kinakabahan siya sa maaaring mangyari kung siya'y maabutan. Dahil sa walang tigil niyang pagtakbo, nahihirapan na siyang huminga—sumisikip na ang kaniyang dibdib. Ang tubig na nasa kaniyang buhok ay dumadaloy sa kaniyang mukha at ang iba'y pumapasok sa kaniyang mata na nagpapahirap sa kaniyang makakita nang malinaw.

Hindi niya napansin ang lubak sa lupa kaya siya'y nadapa. Masama ang tama ng kaniyang tuhod kaya nahihirapan siyang muling makabangon. Naubos ang kaniyang oras at siya'y naabutan na ng mga humahabol sa kaniya. Dinampot siya at kinaladkad patungo sa elevator ng administration building. Nagpumiglas siya subalit hindi niya nagapi ang lakas ng tatlong katao.

Pagkarating nila sa sublevel 3 ay nandoon na ang mga researchers na nakasuot ng puting lab gown pati na si Ms. Urbano. Lumapit sa kaniya si Ms. Urbano at may binulong, "Sinabihan na kita pero hindi mo sinunod."

"Pakawalan niyo na ako," pagmamakaawa ni Hartly subalit hindi siya pinansin ni Ms. Urbano at bumalik sa tabi ng mga kasama.

"Too late," saad ni Ms. Dayagbil na nasa tabi ni Ms. Urbano.

"So, he's the first human subject, isn't he?" wika ni Mr. Armada mula sa isang mesa habang may hawak na 60-mL syringe at may lamang berdeng likido.

"Patulugin muna 'yan," utos ni Ms. Dayagbil na nagkumpirma sa hinuha ni Mr. Armada. Nagpumiglas muli si Hartly subalit may tumakip na panyo sa kaniyang ilong na naging dahilan ng pagkawala ng kaniyang malay.

Sa muli niyang paggising ay naramdaman niya ang sakit ng kaniyang ulo at katawan. Pinilit niyang tumayo at inilibot ang kaniyang tingin sa kinaroroonan. Nasa loob siyang ng isang glass chamber. Lumapit siya sa dingding ng chamber at sinusubukang mailusot ang paningin. Hindi man malinaw, napagtanto niyang nasa research facility pa rin siya subalit sa loob ng isang chamber.

Nakita niya ang repleksiyon ng kaniyang sarili. Ganoon pa rin ang kaniyang suot—nakapulang shorts at bughaw na t-shirt—at basa pa rin ito. Tiningnan niya ang kaniyang tuhod at nagtaka siya dahil wala na ang sugat na minsang namalagi rito. Kinapa niya ang kaniyang cellphone sa bulsa subalit wala na ito.

Umupo siya sa sahig at sumandal sa salaming pader. Nag-iisip siya kung paano makakatakas. Ilang minuto ang lumipas ay tumayo siya. Naglakad siya sa gitna ng chamber at huminga nang malalim. Tumakbo siya patungo sa pader at binangga ng kaniyang kanang braso. Napangiwi siya sa sakit subalit hindi siya sumuko. Ang nasa isip niya lamang ay ang makalabas ng chamber. Hindi pa rin nagkaroon ng lamat sa salaming binabangga at namamaga na ang kaniyang kanang braso. Hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa at ang kaliwang braso niya naman ang kaniyang ginamit. Sa ilang beses niyang pagsubok, kaunting lamat lamang ang natamo ng salamin.

Napaluhod na lamang siya at napapikit. Ang nasa isip niya lamang ay ang makalabas subalit hindi na kaya ng kaniyang katawan—namamaga na ang kaniyang magkabilang braso. Napaigtad at napadilat siya nang tumunog ang alarm pero ang nakapaggulantang sa kaniya ang nasasaksihan—nasa labas na siya ng chamber.

Napatayo si Hartly nang dumating ang mga researchers na may kasamang mga naka-itim na taong may dalang mga tranquilizer guns. Pinagbabaril siya ng mga ito subalit nakatago siya sa isang mesa. Nakakita siya ng mga metal bar na siyang inihagis niya sa mga tumutugis sa kaniya. Kahit saang direksiyon na lang tumatama ang kaniyang mga inihahagis at ang ilan sa mga ito ay tumama sa isang glass chamber na naging dahilan ng pagkabasag nito.

Nang maubos ang mga metal bar ay dahan-dahang lumapit sa kaniya ang mga tumutugis. Walang siyang ibang naisip kundi ang tumakbo. Ang nais niya lamang ay ang makalabas ng pasilidad.

Tumakbo siya nang hindi tumitingin sa paligid. Ang mga mata niya ay nakatuon lamang sa pintong magbibigay sa kaniya ng pagkakataong makalabas.

"TIGIL!" narinig niyang sigaw kaya siya'y napapikit at napahinto. Naramdaman niyang muli ang pagsakit ng kaniyang ulo. Sa kaniyang pagmulat, nagulat at nataranta siya nang makitang may papalapit na bus sa kaniyang kinatatayuan. Hindi niya magawang makatakbo dahil siya ay nahihilo na rin at masyadong malapit na ang bus. Ang huli niyang narinig ay ang malakas na busina ng sasakyan.

Iminulat niya ang kaniyang mga mata subalit kadiliman ang bumungad sa kaniya. Pinakiramdaman niya ang kaniyang paligid at napagtantong nakahiga siya. Agad siyang bumangon at inilibot ang tingin sa kaniyang kinaroroonan. Walang nakabukas na ilaw sa loob ng silid subalit sapat na ang iilang sinag ng liwanag na mula sa labas na dumadaan sa mga bintanang gawa sa salamin upang makita ang kaniyang kapaligiran. Naaaninag niya ang mga berdeng tela sa mga mesa na pawang may sinasakluban. Ipinasada niya ang tingin sa pinakamalapit na mesa at nakita ang pares ng paa ng tao na hindi naabot sa pagsaklob ng tela na may nakakabit na kulay dilaw na maliit na piraso ng papel.

Nagulantang siya at naging dahilan upang mahulog sa kinaupuan. Agad siyang tumayo at mas nawindang nang makitang wala na siyang saplot. Dali-dali niyang kinuha ang berdeng tela sa sahig at itinapis sa kaniyang baywang pababa. Nang mapagtanto kung nasaan siya, hinanap niya ang pintuan upang makalabas at makaalis sa lugar. Patuloy lamang siya sa pagtakbo at walang pakialam sa mga tao sa paligid. Gabi na at ang nais niya lamang ay ang makabalik sa kaniyang boarding house. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ang maglakad dahil walang humihinto at nagpapasakay sa kaniya. Ang ibang mga pasahero na naghihintay ay lumalayo at natatakot sa kaniya.

Sa ilang oras na paglalakad, narating na rin niya ang kaniyang boarding house. Inisip at inalala niya ang mga nangyari. Naguguluhan at hindi pa rin siya makapaniwala na nagising siya sa isang morgue. Sa kaniyang pagmumuni-muni, napagdesisyunan niyang umuwi sa kanila sa probinsiya.