"Hindi ko na lang kaya itutuloy ang pag-expose sa ginawa nila," sabi ni Ervin na tinutukoy ang paggamit ng mga estudyante sa mga eksperimento nina Ms. Urbano at ng mga kasamahan. Kanina pa niya iniisip ang bagay na 'yan. Magmula nang lumabas sila ng Physics Lab hanggang matapos ang kanilang pinakahuling klase.
"Sige! Magandang ideya 'yan," nakangiting wika ni Gerald.
"Hindi mo lang ba ako pipigilan?" Tumigil si Ervin sa paglalakad nang makarating na silang dalawa sa sakayan patungo sa mall kung saan siya bibili ng bagong cellphone. Magmula nang mahulog ang kaniyang cellphone sa sahig ng lumang research facility ay kadalasan na itong nagloloko. Si Gerald lang ang sumama sa kaniya dahil may ibang mga lakad at gagawin ang kanilang mga kaibigan.
"Bakit naman kita pipigilan? Mas mabuti na nga iyon para hindi ka na mamroblema diyan." Natatawa na lang si Ervin nang marinig niya iyon mula sa kaibigan. "Isa pa, what you don't know won't hurt you. Past has passed. Present is more important than that," saad ni Gerald at ngumiti habang nakatingin sa mga mata ng kaibigan.
"Wisdomer ka na pala ngayon," bulalas ni Ervin habang tumatawa.
"Anong wisdomer pinagsasabi mo diyan?" Mula sa ngiti, pagtawa na ngayon ang nakarehistro sa mukha ni Gerald.
"Biro lang." Tumigil si Ervin sa pagtawa nang may napagtanto. "Tama ka nga. Hindi ko naman alam kung anong gagawin pagkatapos kong ilathala ang mga nadiskubre natin. I don't know if it's worth the cost. Magkakaroon lang ng kaguluhan at mababahiran ang imahe ng unibersidad. Madadamay pa ang mga tao sa kasalukuyan kung ibabalik pa ang nakaraan. Pagtuunan na lang natin ng pansin ang pag-develop ng ating mga unlocked abilities para magampanan natin ang sinabi ni Dr. Armada." Bumalik sa isipan ni Ervin ang mga sinabi ni Dr. Armada nang una silang pinatawag sa TAC 605.
"You have the abilities to lead the country to prosperity. The country needs students like you. You are the future."
"Hindi mo na lang din ba pagtutuunan ng pansin ang hindi pagsabi ni Ms. Urbano sa iyo ng katotohanan tungkol sa iyong unlocked ability?"
"Hindi na lang din siguro. 'Di ba, 'What you don't know won't hurt you?' Pero sa totoo lang, hindi ko ititigil 'yung nasimulan natin kung may buhay lang kahit isa sa kanilang tatlo dahil sila lang ang naiisip kong makakatulong sa atin," sabi ni Ervin at bumuntong-hininga na kasabay ang pagbagsak ng mga balikat.
"Mas mabuti na nga 'yun, eh, para hindi ka na ma-stress pa," wika ni Gerald at pinisil-pisil ang magkabilang pisngi ng kaibigan. Umalma si Ervin at pilit niyang pinapatigil ang kaibigan. Napatingin ang mga taong nasa kanilang paligid. Binitawan naman iyon ni Gerald matapos ang ilang sandali.
"Bakit mo ba ginawa 'yun? Ang sakit, ah," singhal ni Ervin sa kaibigan habang sapo ang kaniyang magkabilang pisngi. Nakangiti lang si Gerald habang nakatingin sa namumulang pisngi ng kaibigan. Nang makita ni Ervin na nakangiti lang ang kaibigan ay sinamaan niya ito ng tingin. "Hoy! Ano bang pumasok sa isipan mo? Ayan tuloy, tinitingnan tayo ng mga tao rito."
Parang nagising mula sa panaginip si Gerald nang hinawakan siya ni Ervin sa magkabilang balikat at niyugyog. "Pasensiya na. Hindi ko na kasi napigilan ang sarili ko."
"So, may pagnanasa ka talagang gawin 'yun?" tanong ni Ervin na may masamang tingin sa kaibigan.
"Ah, oo. Sa katunayan nga, hindi lang ako ang may gustong gawin 'yun sa'yo." Napanganga si Ervin sa kaniyang narinig. Naiisip niya ang madadamang sakit at pamumula ng kaniyang pisngi kung may pipisil pa rito. Madali pa namang mamula ang kaniyang balat. "Pero huwag kang mag-alala dahil hindi na niya gagawin 'yun. Mas nauna ako sa kaniyang markahan ang teritoryo."
"Anong teritoryong pinagsasabi mo?" Naguguluhan si Ervin sa huling sinabi ng kaibigan. Dumating naman ang bus na sasakyan nila papunta sa kanilang destinasyon.
"Huwag mo nang isipin. 'Di ba bibili ka ng bagong cellphone?" Tumango lang si Ervin. "Ano pang hinihintay natin? Sumakay na tayo sa bus." Habang papasok sila ng bus ay nakahawak si Gerald sa magkabilang balikat ng kaibigan at marahang tinutulak.
Sa biyahe, nagkwentuhan lang sila tungkol sa mga cellphone na magandang bilhin at gamitin, malayung-malayo sa pinag-usapan nila nang hindi pa nakasakay sa bus. Makaraan ang halos kalahating oras na biyahe, nakarating na sila sa kanilang nais puntahan. Inuna na nila kaagad ang pagbili ng cellphone bago namasyal.
"Kumain na muna tayo. Nagugutom na kasi ako, eh. Libre ko," pagyaya ni Ervin.
"Pagkatapos ay pwede bang samahan mo akong manuod sa sinehan?"
"Sige! Anong panonoorin natin? Ay! Mamaya na lang natin isipin 'yan. Unahin natin 'yung pagkain kasi gutom na ako," saad ni Ervin at napatawa lang silang dalawa.
Matapos makahanap ng makakainan ay agad silang nag-order. Ilang sandali pa lamang ay dumating na sa kanilang harapan ang hinihintay na pagkain. Hindi na muling nagsalita pa si Ervin nang magsimulang kumain hanggang matapos.
"Maganda sana kung nandito rin ang iba nating kaibigan. Ang saya sana," sabi ni Ervin habang pinupunasan ng tissue ang kaniyang bibig.
"Hindi ka ba masaya ngayon?" tanong ni Gerald na tapos na rin kumain.
"Masaya naman pero mas masaya kung kumpleto tayo," sagot ni Ervin sabay ngiti.
"Sa susunod na lang siguro." Sumang-ayon naman si Ervin sa kaniyang sinabi. "Ano bang gusto mong panoorin?"
"Basta science fiction or fantasy, okay na sa'kin," sagot naman ni Ervin. Tumango naman si Gerald.
Napatigil si Ervin nang may nakitang pamilyar na taong papalabas ng restaurant. Tinawag agad ni Ervin ang waiter at hiningi ang kanilang bill. Nang iniabot sa kaniya ang hinihingi ay naglagay siya ng pera at sinabing, "Just keep the change." Agad siyang tumayo at hinila si Gerald palabas na ikinataka nito.
"Anong—"
"Huwag ka na lang magtanong. Magmadali tayo baka hindi na natin siya maabutan pa," saad ni Ervin nang hindi lumilingon kay Gerald. Tumatakbo sila at hinahanap ni Ervin ang nakitang pamilyar na lalaki. Nakasuot ito ng leather jacket na kulay kayumanggi. "Nasaan na ba 'yun?"
"Sino bang nakita mo?" naguguluhang tanong ni Gerald.
"Si Hartly," agad na sagot ni Ervin na patuloy pa rin sa paghahanap.
"Ano? Patay na siya, 'di ba?" Pinigil ni Gerald ang kaibigan sa pagtakbo. Ngayon ay nakatayo na sila sa gitna ng mga taong naglalakad.
"Hindi ako maaaring magkamali. Siya talaga ang nakita ng dalawang mata ko," pagmamatigas ni Ervin.
"Sumunod kayo sa'kin." Nagulat silang dalawa nang marinig ang boses ni April. Walang anu-ano ay sumunod sila kay April na nauuna na sa kanila.
"April, akala ko ba may gagawin ka ngayon?" tanong ni Gerald.
"Mayroon nga at kasama ko ang papa at kuya ko. Nakita ko kasi si Hartly na palabas ng restaurant at nakita ko rin kayong palabas kaya sumunod na rin ako. Kung sasabihin mong patay na siya, hindi ako naniniwala doon. Sigurado akong si Hartly ang nakita ko," sagot ni April na patuloy pa rin sa paglalakad. "Ayun siya!"
"Mukhang patungo siya sa basement parking," hinuha ni Ervin. Sinundan nila ito hanggang makaabot sila sa basement parking subalit bigla lamang itong nawala sa kanilang paningin. "Nasaan na siya? Nariyan lang siya kanina, ah."
"Parang alam niyang—" Hindi natuloy ni April ang kaniyang sinasabi nang may magsalita sa kanilang likuran at nakapaggulantang sa kanila.
"Sinusundan niyo ba ako?" Malamig na boses ang kanilang narinig mula sa nagsalita. Napaharap sila rito at nakita nila ang seryosong mukha ng lalaki na sinasabi nilang si Hartly.
"Huminahon lang po kayo, sir. May itatanong lang po kami sa'yo," kinakabahang wika ni Ervin habang dahan-dahang napapaatras kasama ang mga kaibigan dahil sa paghakbang palapit ng kanilang kaharap.
"Ano 'yun?" walang emosyong tanong nito.
"Ganito po kasi 'yun. May—"
"Ano ang inyong tanong?" pagputol nito sa pagsasalita ni Gerald.
"May nakita kasi—"
"Tanong!" pasigaw nitong pagputol sa muling pagsasalita ni Gerald. Dahil dito, napaigtad sila at mas lalong kinabahan. Nakatitig lang ito sa kanila gamit ang nanlilisik nitong mga mata.
Naglakas-loob si April na magtanong. "Kayo po ba si Hartly Sabanal?"
Makikita sa mukha ng lalaki ang gulat nang marinig ang tanong ni April subalit iyon ay nagbago nang siya'y sumagot. "Hindi." Tumalikod ito sa kanila subalit nagulat sila nang may dumating na tatlong lalaking may itim na bonnet na nagtatago sa kanilang mukha at may dalang kutsilyo.
"Ibigay niyo sa'min ang mga cellphone at pera niyo," sabi ng isa. Nakatutok sa kanilang magkakaibigan ang dalawang kutsilyo ng dalawang lalaki at ang isa naman ay sa napagkamalan nilang si Hartly.
"Kabibili ko pa nga lang nitong cellphone ko," bulong ni Ervin. Huminga siya nang malalim. "Kapag sinabi kong yuko, yumuko kayo," pabulong niyang sabi kina April at Gerald sa kaniyang tabi. Pumikit siya at muli huminga nang malalim. "Yuko!" Yumuko silang dalawa habang nakapikit. Dinig ang tunog ng malakas at pabulusok na ihip ng hangin. Umalingawngaw rin ang matitinis na tunog ng mga sasakyan na malapit sa kanila.
Sa muling pagdilat ng kanilang mga mata, nakahandusay na sa sahig ilang metro mula sa kanila ang mga holdaper pati na ang lalaking kanilang sinusundan. Nilapitan nila ito at tinulungang makatayo.
"Okay lang po ba kayo?" tanong ni April at tinanguan lang siya nito.
"Kailangan nating makaalis dito," suhestiyon ni Gerald.
"Ikaw na ang bahala sa CCTV footage," sabi ni Ervin at nakuha naman ni Gerald ang pinapagawa ng kabigan.
"Humawak kayo sa'kin," pasigaw na utos ng lalaki dahil nakita niyang bumangon ang isang holdaper at bumunot ng baril. Walang pag-aalinlangang humawak silang tatlo at isang kisap-mata lamang ay nasa iba na silang lugar.
"Nasaan na tayo?" tanong ni Gerald habang nililibot ang paningin sa kanilang kinatatayuan.
"Nasa sky park ng mall. Gawin mo ang inutos ng kaibigan mo sa'yo."
"Ikaw nga!" namamanghang wika ni Ervin. "Pero… paano?"
"I… survived."