Chereads / We're Connected / Chapter 8 - THE DARK PAST ~FLASHBACK~

Chapter 8 - THE DARK PAST ~FLASHBACK~

"Iranaaaa! Pupunta ka na daw sa amin! Yeyy magkasama na tayo sa bahayyyyy!" masayang sigaw ni Aaron, sabi kasi ni papa lilipat daw muna ako ng bahay kasi hindi na niya ako maaasikaso dahil sa pagiging Chief niya sa presinto tapos wala naman na si mama.

Yinakap ako ni Aaron at ginantihan ko naman iyon. Clingy na parang isip bata siya kung kumilos pag ako ang kaharap niya kahit 13 years old na siya, sobrang lapit kasi namin sa isa't isa bata pa lang na para bang magkapatid na kami. "Aaron! Magiging parang tunay na tayong magkapatid!" saad ko din. Pumasok na kami sa loob ng bahay nila, niyakap naman ako agad ni tita habang si tito ay nakikipag-usap kay papa. "Irana, gusto mo talaga dito ano?" nakangiting tanong ni tita. "Opo tita" sagot ko naman, maya-maya ay lumapit sa'kin si papa at lumuhod para mag-pantay kaming dalawa medyo pandak kasi ako haha. "Anak, Rana.. Dito ka muna okay? Kukuhanin ka na lang ulit dito ni papa kapag wala na akong masyadong gagawin ha? Madami kasing inaasikaso si papa e" saad ni papa. "Opo 'pa, ingat po kayo bye" saad ko at yumakap sa kaniya, hinalikan naman niya ako sa noo at tumayo na tsaka umalis.

- - - -

"Kain na!" sigaw ni tita. Nandito kami ni Aaron sa kwarto niya, nag-aaral. Bumaba na kami sa kusina at umupo na sa hapag. Maya-maya ay dumating na din si tito Irwin at umupo, katabi ko si Aaron habang sa tapat niya ay si tita Lacy at sa tapat ko si tito Irwin, magkatabi din sila. Nagdasal kami at nagsimulang kumain.

Ilang sandali lamang ay natapos na si Aaron kaya't nauna na siyang umakyat sa kwarto, lumabas muna si tita saglit sa ligpitan at nilagay doon ang plato ni Aaron. Medyo natagalan siyang bumalik dahil kumuha pa siya ng tubig na ipinapakuha ni tito, habang nasa labas si tita ay kumakain lang ako kahit naiilang na sa pag-titig sa akin ni tito. Maya-maya pa ay dumating na si tita dala ang tubig, tapos na din akong kumain kaya't ako'y umakyat na.

"Aaron, bakit kaya nakatitig sa'kin si tito kanina noong kumakain tayo?" tanong ko kay Aaron. Nagkibit balikat lamang siya't tinuloy ang pag-aaral. Bumalik na lamang din ako sa pag-aaral ngunit hindi pa din mawala sa isip ko kung bakit nakatitig sa akin si tito.

- - - -

Kinabukasan ay linggo, pumunta kami ng simbahan upang makisama sa pagdiriwang ng mabuting balita para sa araw na iyon. Nang makauwi ay may nakita kaming dalawang magkasunod na sasakyan sa harapan ng bahay na katapat ng bahay nina tita, isang kotse at isang truck. Laman ng truck ay ang mga gamit at mga furniture kaya't paniguradong may lilipat ng bahay.

Maya-maya ay lumabas sa kotse ang isang maputing babae, matangkad siya at sa palagay ko ay kasing tanda ni tita. Karga karga niya ang isang sanggol na sa palagay ko ay babae sapagka't pink ang pinaka suot nito. Kasunod nilang lumabas ay ang isang batang lalaki, mukhang kasing edad lamang namin. Matangkad siya, maputi din matangos ang ilong at hindi naman ganoon kasingkit. Bumaba na din sa kotse ang isang lalaking may edad na, tinulungan ito noong batang lalaki tsaka sila pumasok sa bahay. Kahulihang lumabas ang lalaking kasing tanda lamang yata ni papa, maputi din ito kaya't sa tingin ko ay hindi talaga sila taga dito sa probinsya ng Libanon. Kahit kasi siyudad itong Madarang, probinsya pa din ang Libanon dahil hindi pa ito gaano kaunlad at kakarampot pa lamang ang mga istruktura kaya't masayang tumira dito. Sa ngayon nga ay nagdadamihan na ang mga taong lumilipat dito't unti unti na silang nagtatayo ng kung ano-anong istruktura kaya't sigurado, sa paglipas ng panahon ay magiging siyudad na din itong Libanon.

Pumasok na kami ni Aaron sa bahay at hindi na lamang pinansin ang ginagawa nilang paglipat.

- - - -

Alas dose ng tanghali, lumabas kami ni Aaron dahil inutusan kami ni tita Lacey na bumili. Nang makarating sa tindahan ay nakita namin ang lalaking bagong lipat dito, naka t-shirt siya ng blue at sweat shorts na gray. Hindi niya kami napansin at dire-diretsong umuwi bitbit ang dalawang itlog at isang balot ng tuyo. Nagkatinginan kami ni Aaron at parehas natawa ng makalayo ang lalaki, pa'no ba naman kasi ay hindi namin inaasahan na bibili ng itlog at tuyo iyong lalaking 'yon, sa yaman ba naman ng itsura. Binili na namin ang isang bote ng mantika at bumalik na sa bahay, habang pauwi ay nakita namin ang lalaki sa harap ng bahay nila, sa may swing. Nakapikit ito at nakasuot ng earphones sa tenga, hindi ko mawari kung nalulungkot ba ito, umiiyak o ano. Hindi ko na namalayan na pumasok na pala si Aaron sa bahay kaya't hindi ko na lamang pinansin ang lalaki at sumunod kay Aaron, baka kasi makagalitan pa ako ni tita.

- - - -

Nandito kami sa kwarto ni Aaron at hanggang ngayon ay hindi ko pa din maiwasang isipin kung ano ang problema ng lalaking iyon. Kanina kasi nung bumili siya ay para din siyang balisa kahit sabihin pang maayos naman ang kaniyang damit, may kalungkutan kasi sa mata niya.

"Aaron.. sa tingin mo bakit malungkot yung lalaki?" tanong ko kay Aaron na kasalukuyang naglalaro ng basketball sa kaniyang cellphone.

"Napansin mo pa 'yon, 'di halata! Tsaka bakit mo tinatanong? May gusto ka d'on? Hala Irana! Akala ko ako lang" saad niya't ngumuso, natawa ako.

"Baliw ka, baka nakalimutan mo nang pinsan kita?" saad ko, ibinalik na lamang niya ang paningin sa nilalaro at hindi sumagot.

Patuloy pa ding naglakbay ang isip ko hanggang sa tawagin na kami ni tita para sa tanghalian.

- - - -

Lumipas ang maghapon at ngayo'y tutulog na kami, gaya ng kagabi ay magkasama kami sa isang kwarto ni Aaron. Dalawa ang kama doon at tig isa kami ng tulugan.

Madaling araw ng magising ako dahil sa uhaw kaya't bumaba muna ako sa kusina upang kumuha ng tubig. Saktong pagsara ko ng ref at pagtalikod upang bumalik sa kwarto ay nasalubong ko ang paningin ni tito, naroon na naman ang kakaibang pakiramdam. "Bakit gising ka pa hija? Anong oras na ah" tanong niya, "Ah, uminom lang po ako ng tubig. Nauhaw po kasi ako" sagot ko, kinakabahan sa hindi malamang dahilan. Tumango siya kaya't dumiretso na lamang ako sa kwarto ngunit ramdam ko pa din ang paningin niyang nakasunod sa akin.

Ano ba itong nararamdaman kong takot?