M A V Y
May nag-ring.
Pare-parehas kaming napakuha sa kaniya-kaniyang cellphone. Tinignan ko 'yong akin, naka-lock pa rin naman. Nilingon ko sila at si Ate ang may kausap.
"Hello, Ma?"
Ayan na nga.
"Gusto raw makipagkita ni Mama, kaka-confirm niya lang ng lugar sa akin." Itinago ni Ate cellphone niya at kita ko sa mukha niya ang pag-aalala.
"Sisiputin niyo ba?" tanong ni Carlos.
Tinignan ko lang si Ate at nakatingin din siya sa'kin, "Umiiyak si Mama, mukhang kailangan niya tayo."
Tinaasan ko ng kilay si Ate. "Ano? Bakit tayo? 'Di ba may ibang pamilya na siya?"
Hindi ako galit, sadyang ang hipokrito lang para sabihin niya na kailangan niya kami. Pagkatapos niya kaming iwanan ni Ate?
"Mavy..."
Agad akong tumayo at kinuha ang gamit ko. May mga deadline pa 'kong hahabulin. Hinablot ako ni ate sa pulso.
"Mavy, Nanay pa rin natin siya—"
"Oo, pero naging nanay nga ba siya sa'tin?" Ang lakas ng takbo ng dugo ko sa mga braso. "Ano, wala man lang paramdam? Walang kumusta man lang? Bigla siyang magsasabi sa'yo na nasa Pilipinas siya at gusto niya makipagkita. Ang galing!"
Alam kong mali na magalit kami sa kaniya, pero sa dinami-daming taon na lumipas, ngayon lang siya tatawag? Tapos sasabihin niya, kailangan niya kami? Kailangan din namin siya noon pero nasaan siya?
"Mavy, naiintindihan kita. Pero paano kung may nangyaring masama sa kaniya? O baka naman mamamatay na siya? Hindi pa ba natin siya pupuntahan?" Pumiglas ako sa hawak niya.
"Ate, ang tagal na niyang hindi tumawag sa'tin. 'Yong asawa lang naman niya nagpapadala nu'ng pera eh! Wala ba siyang hiya? Haharap siya matapos niya tayong kalimutan at iwan?"
Unting-unti lumapit sa'kin si Ate, kitang-kita ko sa mukha niya ang pagmamakaawa. Nagtutubig na rin ang mata niya nang hawakan ang braso ko. "Alam kong malaki ang kasalanan niya sa'tin. Pero, si Mama pa rin 'yon. Kung narinig mo lang kung paano siya nagsalita kanina, sa tingin ko hindi ka magre-react nang ganito."
Kumalma ako nang titigan ko mga mata ni Ate. Hindi ko naman maitatanggi na umasa akong magiging maayos ang pamilya namin—magiging buo ulit kami. Pero, ayokong umasa kami. Ayokong umasa si Ate dahil alam kong mahina siya pagdating sa ganito.
Pero ang totoo?
Mas mahina ako. Kailangan ko lang talaga itago ang kahinaang 'yun. Hinigpitan ko ang boses ko.
"Ate, mahal kita, at mas matanda ka sa'kin kaya susundin kita. Pero ngayon lang 'to, sa oras na magparamdam siya muli sa'tin. Hindi na'ko papayag," sabi ko at bigla akong niyakap ni Ate.
"Salamat, Mavy. Sana hindi ka magalit sa'kin dahil sa pabor kong ito."
"Hinding-hindi ako magagalit sa'yo dahil wala ka namang ginagawang masama," sabi ko at pumiglas na siya sa pagkakayakap. "O, sa'n daw ba?"
"May tinutulyan siyang hotel ngayon. Du'n daw muna siya kitain. Ta's may alam daw siyang magandang resto dun." sabi ni Ate at agad akong napa-irap.
"Sakto, dala ko auto ko," singit ni Carlos, nandito nga pala siya.
"Tara na, ayokong mag-aksaya ng panahon."
---
"Sa'n dito?" na sa lobby kami at iniintay ang text ni Mama.
"Bababa raw siya, antayin lang daw natin siya rito." sabi ni Ate.
Napa-iling na lang ako, hindi ko talaga maintindihan lahat ng nangyayari ngayon.
Lumipas ang ilang mga minuto at may tumawag sa'ming dalawa ni Ate, "Reid? Malaya?"
Si Mama lang tumatawag sa second name ko. Reid.
Lumingon kami ni Ate at hindi ko maiitatanggi na nagpipigil ako ng luha. Ngayon ko na lang ulit siya nakita. Ilang taon na nakalipas? Lima? Anim? Nakakapanibago. Si Mama ba talaga 'tong tinatawag kami ngayon?
"Reid!" ako ang una niyang niyakap. "Miss na miss na kita, Anak."
Anak?
Napapikit ako at huminga nang mamalim. Hindi ako puwedeng magalit sa kaniya.
"Na-miss din kita, Ma."
Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko, "Ang laki-laki mo na... Nasaan 'yong beanie mo? Kala ko ba—"
"Nasa bag ko, Ma. Sinusuot ko pa rin, huwag kang mag - alala." Ngumiti na lang ako.
Niyakap niya si Ate, kitang-kita ko 'yong saya niya na makita si Mama. Kung tutuusin, dapat masaya rin ako kasi sa wakas, makakasama ko si Mama. Pero, alam ko, hindi siya uuwi rito dahil lang sa gusto niya kaming makita.
"Ayos ka lang?" inakbayan ako ni Carlos.
"Ewan."
"'Lika, Nak. Kain na muna tayo." Kumapit si Mama sa braso ni Ate.
Umirap ko habang naglalakad kami. "Ano ba talagang dahilan ba't ka umuwi, Ma? May kailangan ka ba? Hiwalay na ba kayo?" Hindi ko na napigilan ang sarili ko.
"Mavy!" tinignan ako ni Ate.
"Nagtatanong lang ako?"
Parang ang dating kasi, por que nanay namin siya, wala na lang sa'min 'yong pag - iwan na ginawa niya. Oo, sinasabi niya na para sa'min, naiintindihan ko 'yon. Pero, 'yong hindi na siya makakauwi? hindi na siya nagpaparamdam? parang hindi naman tama na bigla - bigla ka lang magpapakita kasi gusto mo.
"Hayaan mo na 'yang kapatid mo, Malaya." Ngumiti siya sa'kin. Parang hindi pa rin siya tumatanda. Kung sabagay, ikaw ba naman tumira sa Japan? "Hindi, hindi pa kami hiwalay."
Eh bakit nga siya nandito?
Bago pa'ko sumagot, nagsalita na siya muli. "Kumain muna tayo. Medyo mabigat 'yong sasabihin ko." Nauna sila ni Ate at naglakad kami ni Carlos sa likod nila.
Mabigat? Bakit kailangan pang kumain? Kung puwede naman na niya sabihin ngayon? Ano? Babawi muna siya? Ta's sasabihin niya, dito na siya titira? Kasama nu'ng mga kapatid namin sa asawa niya? Tapos—
"P're..."
Tinignan ko si Carlos, "Alam ko nasa isip mo. Pagbigyan mo na lang muna."
"Pagbigyan? Magpapakaawa siya kay Ate sa telepono tapos 'pag kaharap na'tin, sasabihin niya, kain muna tayo? Problema niya?"
Bumuntong hininga si Carlos. Hindi ko talaga sila maintindihan, "Mas nakakaintindi ka 'di ba? Alam nating lahat na hindi ka ganiyan umasta kay Tita, ano bang problema?"
"Naiinis ako, P're. Parang wala lang sa kaniya 'yong ginawa niyang pag - iwan sa'min. Mahal ko si Mama, oo, pero wala man lang ba siyang hiya para ipaliwanag kung bakit siya nanatili do'n? O 'di kaya ba't siya—"
Biglang hinawakan ni Carlos ang balikat ko, "Ayan ka na naman e. Chill ka lang. Maging positive ka muna na nandito si Tita, nakakausap mo na siya, at kilala ka pa niya. Mas masuwerte ka sa ibang tao. Kaya puwede ba? Kahit ngayon lang, matuto kang makuntento. "
"Ibalik mo 'yong Mavy na kilala ko. Baka stressed ka lang. Huminahon ka," sabi niya at nauna nang maglakad kaysa sa'kin.
Huminga ako nang malalim. Tama siya. Hindi ako 'to. Hindi ako nagagalit sa Nanay ko, kahit noon pa man. Mas nakakaintindi ako kaya, dapat makuntento ako sa kung anong naibibigay sa'min ngayon ni Mama. Dapat maging masaya ako kasi buhay pa siya. Nalungkot tuloy ako para kay Carlos dahil patay na si Tita.
Masyado lang ako nagpapadala sa inis dahil hindi ko kayang tanggapin na iba na ang buhay ng Nanay ko at hindi lang kami ang mga anak niya. Hindi niya rin naman kami tatawagan kung wala na siyang pakielam sa'min at hindi rin naman siya magpapadala sa asawa niya ng pera kung hindi niya na kami inaalala.
Sumunod na'ko sa kanila at kinuha sa bag ko ang beanie na bigay ni Mama. Tuwing suot ko kasi 'to, natatandaan ko 'yong mga magagandang alaala na mayroon kaming tatlo. Mga alaalang hindi mapapalitan ng kahit sino.
Pagbibigyan kita ngayon, Ma.
Nakaupo na kami sa loob ng resto, ako sa looban ng mesa sa may bintana, katapat si Ate. Katabi ko si Carlos na si Mama naman ang katapat. Agad na umorder si Mama ng pagkain. Ang sigla at ang saya ng aura niya, baka siguro dahil nakita niya na ulit kami. Pero, hindi ko maalis sa isipan ko ang sinabi ni Ate na malungkot ang boses ni Mama kanina.
Sino sa kanilang dalawa ang nagsisingungaling sa'kin?
Dumating na ang mga pagkain at nag-kuwento si Mama ng kung ano - ano. Pinapaalala pa niya sa'min 'yong mga gawain namin noon.
"Naalala niyo pa ba, itong si Carlos, nahulog sa kanal? Tapos tuwang - tuwa pa siya." paalala ni Mama.
"Ta's nilalapitan ko si Mavy, diring-diri ang supot!" sagot ni Carlos.
Nagtawanan sila, "Hoy! Hindi na'ko supot ah!".
"Talaga ba? So, nakipag-sex ka na?" asar sa'kin ni Ate.
"HINDI 'NO! VIRGIN PA'KO!" Nagtawanan na naman sila.
May masama ba sa pagiging virgin sa edad kong 'to?
"Mahina!" asar sa'kin ni Carlos.
"Adik, virgin ka rin hoy! Wala ka nga naging jowa e!"
"Mas malakas pa pala ako sa inyo!" sabi ni Ate.
Napatingin kami kay Ate at nanlaki ang mata ko sa kaniya. "Hoy!"
"Bakit? Malakas kasi mas maraming naging Jowa." Teka, na-curious ako.
"Pero virgin ka pa?"
Inirapan ako ni Ate habang sumisimple sa pag-ngiti. Nakatitig kaming lahat sa kaniya. Hanggang sa nagsalita siya.
"Charot. Ano ba virgin pa ko siyempre!"
Tawa lang kami nang tawa hanggang sa dahan dahang tumamlay ang mukha ni Mama. Agad ko itong napansin, "Ma? May... problema ba?"
Umiwas siya nang tingin at pare-parehas namin siyang inaantay magsalita.
"Natutuwa lang ako sa pakikitungo niyo sa isa't isa..."
Niyakap siya ni Ate nang dahan dahang nagtubig ang mga mata ni Mama, medyo nanginginig na rin ang baba niya.
"Alam ko... marami akong pagkukulang sa inyo. Alam ko, may konting galit pa rin kayo sa'kin. Alam ko rin na hindi niyo na hinahangad na umuwi pa'ko pero..."
"Pero ano, Ma?" tanong ni Ate.
Ito na. Kinakabahan na'ko. "Ano ba 'yong sasabihin mo sa'min, Ma?"
Biglang dumaloy ang mga luha ni Mama at nagkatinginan kami ni Ate. Bihirang umiyak si Mama. Ano 'to?
"Kaya ako umuwi kasi—"
Tinignan niya kami isa-isa.
"Patay na ang Tatay niyo."
Tumigil ang mundo ko. Hindi ako makahinga nang maayos, ang daming tanong ang pumapasok sa isipan ko. Anong nangyayari? Bakit... bakit ngayon pa? Hindi ko maintindihan. Tila blangko ang aking isipan at hindi ako makapagsalita.
"Tita... hindi magandang biro 'yan."
"Mukha ba'ko nagbibiro, Carlos? Patay na ang Tatay niyo, kakabalita lang sa'kin ng presinto nu'ng isang araw. Kinuha siya ng mga kapatid niya at ngayon may—"
Tumayo ako. Hindi ko kayang pakinggan lahat ng 'to. Hindi ko kaya—
"Mavy, anak, sa'n ka pupunta?"
Hindi ko sila pinakikinggan. Ayoko, hindi ko kaya.
Umalis na'ko sa restaurant at dere-deretso lang akong naglakad. Kailangan ko umalis dito, ayoko rito.
"Mavy!" Piniglas ko ang kamay ni Ate.
"Pabayaan niyo 'ko!" Hindi ko na namalayan na tumutulo na pala ang mga luha sa mata ko. "Putang ina, hayaan niyo muna ako."
Ramdam kong nakatingin lang sa'kin si Carlos, hindi ko sadyang itulak siya nang madaanan, pero hindi ko na kaya. Naiinis ako. Hindi ko makontrol ang sarili ko.
"Sige, hahayaan kita, pero tandaan mo. Wala kang mapapala sa galit mo." Dinig ko ang boses niya habang inaayos ko ang bag ko.
Sa paglakad ko lagpas ng mga mesa ay nasusulyapan kong kung sino-sino ang napapatingin sa akin. Wala na 'kong pake. Bago lumabas, nilingon ko muna uli sila at mula sa malayo, kita kong takot ang mukha ni Ate. Sinara ko ang kamao ko at binuksan na ang glass door. Ayoko pang gumawa ng eksena lalo na't nasa publiko. Isa lang ang naiisip ko ngayon at 'yon ay umalis dito.
Naramdaman kong nag-vibrate ang phone ko sa bulsa. Wala ako sa wisyong kumausap ng kahit sino ngayon. Malamang din, si Ate lang 'yan na pinapabalik ako.
Hindi ko talaga kaya.
Lumakad ako sa sidewalk. Pinunasan ko ang luha sa mga mata ko na hindi ko namalayang umaagos. Hindi ko alam kung saan ako pupunta o kung saan ako dadalhin ng mga paa ko. Isa lang ang alam ko at 'yon ay ayoko rito.
Patay na ang Tatay niyo.
Napatigil ako sa paglalakad nang marinig ko sa utak ko ang sinabi ni Mama. Nagvibrate na naman ang phone ko, tatlong beses.
"Tangina, lubayan niyo muna ako!" Sinipa ko ang isang lata sa tabi.
Ngayon lang ako nagalit nang ganito.
Hindi ko rin alam bakit ako galit na galit. Siguro dahil hindi ko nagampanan ang maging isang anak dahil ni minsan, hindi ko binisita ang Tatay ko sa kulungan. Siguro, naiinis ako dahil umiiyak si Mama. Siguro, naiinis ako sa sarili ko kasi wala akong magawa. Siguro, naiinis ako kasi nagkakaganito ako.
Ang hina hina ko.
Isa-isa nanaman ang bugso ng pag-vibrate sa bulsa ko, isa-isang pagtangka na ibalik ang atensyon ko sa mundo. Hindi ko na nabilang kung ilang text 'yun.
Tinanggal ko ang suot kong beanie, para sa'n pa ba 'to? Ba't ko pa ba suot 'to? Nanggigil ako sa lahat— sa mundo. Ano ba dapat kong gawin? Ang hirap mag-isip. Ang daming tumatakbo sa utak ko pero ni isa, wala akong makuha. Wala akong maintindihan. Ano na bang nangyayari sa'kin?
Ganito ba ang pakiramdam na masaktan nang sobra?
Pinunasan ko ang mga luha ko at naglakad hanggang sa makakita ako ng Taxi. Gusto ko na lang umuwi at magkulong sa kwarto. Gusto ko na lang umalis sa mundong 'to. Sa mundong iniwan ako ng nanay ko at patay ang tatay ko.
Sumakay ako, at walang tigil nang nag-vibrate ang phone. Mukhang tawag na. Nakakagigil. 'Di ko napigilang sumigaw.
"PUTANG INA SINO BA 'TO!?"
Napalingon si manong sa akin mula sa driver's seat. Hinilamos ko lang ang mukha ko, nag-sorry, at sinabi ang address namin. Inabot ko ang cellphone sa bulsa pero hindi ito nilabas, diniinan ang power button hanggang sa naramdaman ang huling vibrate ng pagpatay nito. Ayoko makipag-usap. Ayoko ng kahit sino. Gusto ko muna mapag-isa. Dumungaw ako sa kawalan sa bintana, patay na patay ang mukha. Gusto ko na lang umuwi.
At walang sino man ang makakapigil sa'kin sa mga gusto kong gawin.
***
C A R L O S
Hindi ko alam kung saan ako lulugar. Hindi ko rin alam kung anong mararamdaman ko, kung ano gagawin ko. Kilala ko si Mavy, bihira siya magalit kaya nakakapanibago 'yong inasal niya kanina. Pero, hindi ko rin siya masisisi. Kailangan lang ng time nu'n.
Tinake-out na lang namin ni Ate Malaya ang mga pagkain na hindi naubos. Lahat kami off-guard, nawalan na ng gana magmula nu'ng nag-walk out si Mavy.
"Tita, sorry ulit kay Mavy. Sana po maintindihan niyo kung bakit," sabi ko nang paalis na kami sa kinainan.
Hindi lang naman si Mavy ang nadadamay rito, kami rin. Si Tita rin. Kahit sabihin nating hindi sila sobrang nagka-ayos, alam kong mahal pa rin nila ang isa't isa. Minsan na rin nilang naranasanan maging isang buong pamilya.
"Hayaan mo na, Carlos. Expected ko na gano'n ang magiging reaksyon niya," namumugto pa rin ang mga mata ni Tita.
"Ma, sorry. Ako na hihingi ng sorry." sabi ni Ate Malaya.
"Hindi ikaw ang dapat mag-sorry, ako. Ang laki ng pagkukulang ko sa inyo, ni hindi ko man lang kayo nasubaybayang lumaki. Sorry anak, kung nawala ako. Pero sana, maintindihan niyo kung bakit ko ginawa 'yon. Para sa inyo rin ni Reid 'yon, Anak." Umakap si tita sa'min parehas ni Ate. "Alam kong mali 'yong ginawa ko. Pero, noong panahon na 'yon, 'yon lang ang kaya kong gawin. Patawarin niyo 'ko."
Lutang kami pare-parehas. Ang bigat. Kung nandito lang sana si Mavy, maririnig niya 'tong sinasabi ni Tita. Maiintindihan niya sana kung bakit nagawa 'to ng mga magulang nila.
I never met my parents. Tanging mga kapatid ko lang ang nagpalaki sa'kin at isa na rin do'n si Tita. Sobrang laki ng utang na loob ko sa kaniya. Ever since kaniya-kaniyang pamilya mga kapatid ko at naghiwalay na kami ng landas, kinuha niya 'ko. If it weren't for her, malamang deds na 'ko.
"Ma, okay lang. Naiintindihan kita. Alam kong ginawa mo lang 'yon para sa'min. At sobra - sobra akong nagpapasalamat sa'yo. Huwag ka na umiyak, Ma." sabi ni Ate.
Hindi ako umiimik dahil ayokong makisali. Pero, nasasaktan din ako sa mga nangyayari. Sabi nga sa movie, 'di ba?
Family means no one gets left behind or forgotten.
Hindi naman nakalimot si Tita sa'min, sa mga anak niya. Ginagawan niya pa rin ng paraan para mataguyod niya sila Mavy, kahit hindi niya pera. Buti na lang at open-minded talaga 'yong napangasawa niya, mabait at hinahayaan na magpadala ng pera rito.
Ang sakit lang. She never had the chance to make things right. Survival na lang din nila Mavy ang naging dahilan ng pag-abroad niya. Aaminin ko, naging pabigat din ako no'ng bago pa nakaalis si Tita. Kaya, nagsumikap talaga ako na makapag-aral para bumawi. I helped Ate Malaya in finding her first job, ta's si Mavy rin, kung sa'n ko keri makatulong.
Radyo lang ang tumutunog habang nagda-drive ako. Tang ina, Sunday classics pa.
"Sa susunod na araw na ililibing ang Tatay mo, buti at pinauwi ako ng asawa ko rito.
Walang nag-react sa sinabi ni Tita.
"Kung alam niyo lang kung gaano ko kayo naiisip araw-araw. Kung gaano ko gustong umuwi o 'di kaya isama kayo sa Japan para lahat tayo makapagtrabaho at mamuhay roon." Dahan siyang nilingon ni ate sa likod. Gumalaw na rin siya sa wakas.
"Pero alam mo namang, dito ang buhay namin, Ma. Bakit hindi na lang ikaw ang umuwi?" sagot ni Ate sa kaniya.
Tila nagbago ang itsura ni Tita, "Hindi ko alam kung magagawa ko pa 'yan, Anak. Nandoon na 'yong buhay ko, may anak na rin ako doon. Hindi ko pa sila puwedeng iwan. Pero, kayo, malalaki na kayo, kayang-kaya niyo na buhayin sarili niyo."
Bigla akong nainis sa sinabi ni Tita. So, ganon-ganon na lang 'yon? Dahil lang ba malaki na sila Mavy, puwede na niyang pabayaan? Hindi ba dapat siya 'tong mag-adjust para sa kanila? Ilang taon siyang nawala.
Tinignan ko si Ate, blangko ang mukha. Nagkatinginan kami pero, hindi ko alam kung ano naiisip niya ngayon. Alam ko kasing close talaga sila ni Tita. Lagi 'yang may dahilan basta justified ang mga nagawa Tita. Pero itong naririnig namin ngayon? Parang ang unfair.
Nilamon na naman kami ng tunog ng radyo. Huminga ako nang malalim.
"Bibisitahin ba natin ngayon si Tito?"
"Bukas na lang. Anong oras na," sabi ni Ate, "Ma, sasama ka ba sa bahay?"
"Hindi na siguro."
Pagkanan ko ay ayun na uli ang hotel, nagpaalam si Tita at niyakap kami muli. "Mag-iingat kayo, sana masabi niyo kay Reid lahat ng sinabi ko."
Kumawala na kami sa yakap. Hindi ko rin alam kung paano ko sasabihin kay Mavy, sobrang nakakapanibago pag-uugali niya ngayon. But, I can't blame him. Kahit naman ako, urat ako kay Tita. Pero, kailangan namin intindihin e.
Binalikan na namin ang kotse kong naka-hazard lang. Hindi kami kumikibo. Siya, tutok lang sa cellphone.
"Nag-aalala ako kay Mavy."
Napatingin ako sa kaniya, "Hayaan mo na lang muna, 'Te. Galit 'yong tao, e."
Hindi ka rational kapag galit ka. It doesn't work that way.
"Kahit na, Carlos. Hindi naman siya ganiyan dati, ah? Kung tutuusin, siya nga 'tong nagsasabi sa'kin na huwag magalit sa mga magulang namin."
Nagkibit - balikat ako, "Hindi ko rin maintindihan. Siguro kasi, bunso siya? Atsaka, hindi rin naman natin expected na ganito pala sasabihin sa'tin ni Tita."
"Naiinis ka ba?"
"Ikaw ba Ate?"
"Ewan. Para kasing, gets ko kung bakit. Parang ang hirap magalit sa kaniya. Si Mama 'yon, e."
Gets ko, she just loves Tita too much to be mad.
"Oo, pero hindi mo naman masisisi si Mavy. Bunso siya, bata pa kami nu'ng umalis si Tita. It's totally normal na mainis siya—"
"Dahil kay Sab 'yan, e," pagputol sa'kin ni Ate.
Anong mayroon kay Sab?
"Ba't siya nadamay rito?"
"Simula no'ng nagkakilala 'yong dalawa, lagi nang nakakalimot si Mavy. Parang mas naging balisa siya. Ta's tignan mo, natuto nang magalit—"
"Anong pinagsasabi mo? Tingin mo dahil kay Sab kaya nagagalit 'tong si Mavy?" Ano ba 'tong si Ate?
"Bakit hindi?! Alam nating lahat na hindi ganiyan umasta si Mavy. Alam kong alam mo rin na kahit kailan, hindi nagagalit o nagmumura 'yong kapatid ko!"
Tangina? Tao lang din naman siya? Hindi na ba puwedeng magalit ngayon ang isang mabait na tao tulad niya?
"May hangganan lahat ng tao, Ate! Kahit magulang mo, kapatid mo, kaibigan mo, may karapatan siyang magalit! Nakakainis naman kasi talaga sinasabi ni Tita?"
"O tignan mo! Pati ikaw! Nabubulag kayo ng babaeng 'yan! Naging nanay mo rin siya, Carlos! Mahiya ka nga sa sinasabi mo! Honor your mother and father, 'di ba?"
"Don't bullshit me with your commandments! May masabi ka lang, Ate? Baka ikaw rito ang bulag! Oo, Ate, mahal tayo ni Tita pero gumising ka nga! Hindi na siya uuwi rito! Narinig mo ba sinabi niya? Ha? Malaki na raw tayo! Hinding-hindi na siya uuwi rito!"
"Aba! Sumasagot ka sa'kin? 'Yan! Ganiyan na ganiyan umasta 'yang kaibigan mo! 'Di ba? Galit siya sa Tatay niya? Kaya ano? Gagayahin mo rin? Si Sab—"
"Walang kinalaman si Sabrina rito, Ate!" hindi ko na napigilan ang sarili ko. Wala sa ayos na sisishin niya ang isang tao na wala namang ginagawang masama. "Masyado kang nagpapadala sa inis mo—kay Tita, ta's namatay si Tito—"
"Palibhasa kasi hindi ikaw 'yong namatayan, palibhasa kasi, hindi mo araw - araw kasama si Mavy. Palibhasa kasi—"
"Ba't ikaw?" Putang ina. "Hindi ba naka-graveyard shift ka noon? Sino ba sa'tin laging nilalapitan ni Mavy? Sino ba sa'tin ang mas may ambag sa buhay ni Mavy, sa stability ni Mavy? Sino ba sa'tin ang mas pinagkakatiwalaan ni Mavy? Hindi ba ako, Ate?"
Tinignan lang niya 'ko na para bang hindi niya akalain na sasagutin ko siya. Ganito ba talaga ang nangyayari kapag isang bagsakan lahat ng problema mo? Nalalabas mo lahat ng saloobin mo na kahit kailan, hindi mo masabi sa iba, 'yung inis na araw-araw mong lang tinatabi? Ganito ba 'yon?
"Ate, baka nakakalimutan mo. Pinsan mo'ko. Nasa side ako ni Tita. Namatayan din ako, 'di ba? Pero ano? Nanisi ba 'ko? Problema kasi sa'yo 'pag may masamang nangyayari, kailangan may sisihin ka lagi. Imbis na magdamayan tayo rito, naninisi ka. Walang mangyayari kung lahat tayo kinakain ng rage natin!"
"So anong gusto mo? Sabihin ko na magiging okay lahat?"
"Wala akong sinasabing gano'n! Ang point ko rito—"
"Alam mo, magmula talaga no'ng nakilala niyo 'yang babaeng—"
"Jusko, Ate! Ganiyan ka ba kababaw? Parehas lang kayo ni Mavy ngayon. Magkapatid nga kayo. Masyado kayong nagpapadala sa mga emosyon niyo!"
Hindi na nakasagot si Ate. Nakauwi na kami. Hindi talaga ako makapaniwala na ganito sila aasta. Imbis na magdamayan, nang-aaway pa sila. Okay lang sana kung frustrated ka lang kasi unexpected naman talaga, pero hindi e. Pinapalala nila 'yong sitwasyon. Kung tutuusin, maayos naman 'yan sa kalmadong usapan.
Parehas kaming tahimik pagpasok ng bahay. Dito muna 'ko makikitulog dahil bukas, pupuntahan 'yong lamay ni Tito.
Sinubukan kong katukin ang kwarto ni Mavy. "P're?"
Walang sagot.
Sige, pairalin niyo pride niyo. As if mabubuhay pa si Tito 'pag tumaas nang tumaas 'yan.
Pumunta na'ko sa guest room nila Mavy. Dito ako dati, eh. Humiga ako at tinignan ang cellphone ko, nakaka-stress 'tong araw na 'to. Tuloy-tuloy ang mga problema. Una, mawawalan na'ko ng trabaho sa studio ni Sabrina, ta's ngayon naman, namatayan na kami. Hindi pa'ko pinapansin no'ng dalawa.
Nakakainis. Nakakairita.
Bumuntong - hininga ako at biglang tumawag si Sabrina, "Hello?"
"CARLOS!"
"Ano?"
"Is there something wrong?"
Kinamot ko ang ulo ko. "Madami."
"Wrong timing ba? Nag-aalala ako. Text ako nang text kay Mavy kanina. Tapos sinubukan kong tawagan."
"Bakit? May kailangan ka ba sa kaniya?"
"Wala naman, gusto ko lang sana magpasalamat. Ang laki ng utang ko sa kaniya, gusto ko lang bumawi."
Napangiti na lang ako, natututo na si Sabrina mag-appreciate sa mga nagbibigay importansya sa kaniya.
Sana all.
"Patay na si Tito."
"Ha?"
"Mavy's father is dead."
"Oh my god. Condolence, besh."
Napaupo ako sa kanto ng kama. "Kaya ayon, walang kinakausap si Mavy. Si Ate naman, medyo nagkatampuhan kami."
"Is there anything I can do to help you?"
"I'm fine. I've dealt with a lot of deaths before. 'Di na 'to bago sa'kin. Oo, masakit, pero... saglit lang 'to. Nakakainis lang mga nangyari kanina."
"Bakit?"
"Umuwi kasi si Tita, 'yong Mama no'ng dalawa. Alam mo naman siguro pakiramdam na parang wala ka lang sa magulang mo? 'Yong feeling na, papabayaan ka na niya kasi malaki ka na."
"Yeah, ang saklap nu'n. So, kaya lang umuwi si Tita kasi para do'n sa asawa niya na namatay?"
"Oo, 'yon lang. 'Yung mga anak, kinumusta lang saka in-update."
"Ba't may mga ganiyang mga magulang. Sinasabi nila para sa'tin mga ginagawa nila pero in the end, gusto lang nila tumakas. Damay-damay tuloy."
Tama siya. Hindi ko rin maintindihan bakit gano'n sila mag-isip. Nakakainis din 'yong sinasabi nila na, hindi pa kami magulang kaya hindi namin maintindihan. 'Di ba dapat, i-explain nila sa'min kasi sila 'tong mas nakakaalam? Pero hindi e, hinahayaan na lang nila.
Ang malala, ina-assume lang nila that everything's fine with us. Na para bang, por que magulang sila, mas matanda sila, tama na sila. Parang dapat nako-consult din kami—nagre-reach out.
Kahit na sabihin nilang, bata pa kami, mga walang alam sa mundo, ang dali lang naman i-explain? Ipa-intindi? Kaso hindi e, nangangako sila. Nangangako sila tapos sisirain din.
That's why I don't blame children who keep shit from their families.
Sa mga kapatid ko nga, hindi ako makapag-open up. Kasi, nabuhay akong takot. I never had the courage kasi feel ko, ija-judge lang ako. Iisipin nila na, kasalanan ko lahat. Oo, totoo, but, it's not too late to fix mistakes 'di ba? Imbis sana ipahiya, sana damayan na lang—kausapin.
Napa-buntong hininga ako.
"Ewan, sana lang talaga maging civil na lang sila. Mas maayos, 'di ba? Isa pa, namatayan kami e. We should be there for each other imbis na nagtatabuyan sila."
"True, I actually can't relate since only child ako pero naiintindihan kita. Sana naiisip din ni Tita kung gaano kasakit sa anak ang maramdaman na parang, we're nothing to them."
"Siguro, nasanay na lang siyang ganun ang paraan niya. Iba rin ang norms saka kulturang nakasanayan ng generation nila, eh. Kung sinubukan lang sana niya dati mag-reach, out 'di ba?"
"Kaso hindi e, they don't even try. You know naman siguro how Filipino parents say sorry to their children." Natawa ako sa sinabi ni Sabrina.
"Most of them don't."
Siguro kung mas na-accept lang nila na nagkakamali sila, mas peaceful ang pamilya. Kaso hindi. Dinadaan sa regalo, sa pagiging mabait pagkatapos.
Pero minsan, iniisip ko—it's their way. Hindi rin naman kasi tayo pare-parehas ng pag - iisip. Hindi lahat, affectionate. Hindi rin lahat, kayang i-lower 'yong pride. Point is, it's better na parehas kayong marunong mag-adjust. Better yet, intindihin kung ano ba 'yong middle ground na okay sa bata at sa magulang, compromise.
Communication is key.
"'Yon din kasi siguro nakalakihan nila," dugtong ko.
"Kaya ako 'pag nagka-baby. Hindi ko paparanas sa kaniya nararanasan ko. I'll be there for them, to listen."
Ngumiti ako, buti talaga at nagkakasundo kami ni Sabrina sa mga ganitong bagay. Ang mature niya mag-isip, kahit minsan ang kulit niya. "Same, besh. Trauma talaga nagshe-shape sa isipan ng mga tao."
"And also, the experience." natawa kami parehas, "Anyway, may gagawin pa'ko. Just wanted to know ano nangyari diyan. Condolence ulit. "
"Sure, thank you, Sab."
"Thank you rin. Kulang pa 'tong ginagawa ko sa mga tulong niyo sa'kin ni Mavy."
"O sige na, gawin mo na kung ano gusto mong gawin." natawa siya.
"Kasama na ba du'n 'yong nagda-drive na ko papunta sa inyo?"
Oh my gahd pupunta siya...