Chereads / Sol at Luna / Chapter 23 - Kabanata 21: Huli na ba?

Chapter 23 - Kabanata 21: Huli na ba?

M A V Y

Dalawang araw matapos ang retreat. Hindi masiyadong nagre-reply si Sab matapos kami ihatid. Mukhang busy pa sa Tatay niya o kung ano pa mang napag-usapan nila. Medyo nababahala ako pero ayaw ko na lang din isipin. Buti si Carlos nakituloy pa rin sa amin. Hindi ko alam kung anong drama nun pero gusto niya lang daw akong samahan muna.

Tinitignan ko lahat ng comments sa Webtoon ko. Nakakatuwang basahin, sobrang babait nila at ang sarap mabasa na nagugustuhan nila ang storya ko. Mas lalo tuloy ako namo-motivate na gumuhit pa at ituloy lalo ang storya ko.

Pinatay ko na ang cellphone ko at inayos ang desk ko. Kakabisita ko lang uli sa psychotherapist, matapos ang matagal na panahon. Nakakagulat na mas umaayos na raw ang kalagayan ko. Nakakatuwang isipin na lumakas ang kontrol ko ngayon.

Habang nag-aayos ako, 'di ko tuloy maiwasan maalala ang Caleruega. Lalong-lalo na nu'ng kami lang ni Sabrina ang magkasama. Bigla tuloy ako napangiti, parang kailan lang nu'ng nagkausap kami. Hindi talaga ako makapaniwala. Kahit na, minsan na kaming nagkaroon ng alitan, mas nakikita ko ngayon na ayoko siyang mawala sa buhay ko.

Hindi ko tuloy maiwasan na isipin si Luna. Naniniwala kasi talaga ako na iisa lang sila, e. Ngunit, ayokong umasa, manghula. Alam kong wala naman mangyayari kung hindi ko susubukan pero, mas okay na'ko sa ganito. 'Di ko alam kung magkakaroon ba talaga ako ng lakas na loob hanapin at makausap muli si Luna. Isa pa, hindi ko rin naman alam kung nakakapit pa rin siya. Milagro na lang siguro kung may magsasabi sa'kin o 'di kaya—

"Uy, Mavy." Biglang pumasok sa kuwarto ko si Carlos.

"Ano?" nakakagulat naman 'to.

Umupo siya sa desk ko. "Kumusta check up mo?"

Tinulak ko siya, "Huwag ka diyan!"

Bumaba siya at naupo sa kama ko. Hinarap ko siya, "Sabi ni Doc mas okay na raw ako ngayon."

"Si Sab, nagparamdam na ba sa'yo?"

"Wala pa, pre." Suminghal ako, pero pigil. Bakit kailangan mong ipaalala 'yan?

"Nag... nagka-aminan na ba kayo?"

"Ha? Hindi."

Biglang nanlaki ang mata ko sa kaniya. At siya rin mukhang nagulat sa akin, pero nakangiti. Napalunok ako, at muling nagsalita.

"Sorry. Aminan? Anong meron? Anong aaminin?"

"Ikaw, ano ba sa tingin mo ang dapat aminin?"

"Na siya si Luna at ako si Sol??"

Hindi talaga ako siguradong sigurado sa sinabi ko. Pero biglang nawala ang ngiti sa mukha ni Carlos, nanlaki lalo ang mga mata niya at tumutok lang ang mukha niya sa akin.

"Wait, paano mo nalamang—"

"Tama ako, Carlos?" Kumunot ang noo ko.

"Tinutukoy ko actually, aminan niyo ng feelings sa isa't isa. Pero... ano 'yung Luna na sinasabi mo? Jino-joke mo lang ba ako, Tol?"

Tila bigla akong natauhan sa asta ni Carlos ngayon. Nagbalik lahat ng ala-ala ko kay Sabrina at lahat ng mga kinuwento niya sa'kin—mga panahon na naisip ko na siya nga si Luna.

"Hindi ako sigurado, P're. Paano na lang kung nagkataon lang? E di napahiya ako? Ayoko nu'n. Ilang beses ko siyang tinangka o napag-isipang tanungin. Kaso, nauuna talaga pag-overthink ko ng mga puwedeng magyari."

Nilibing ko ang mukha ko sa aking mga kamay, at hinilamos. Tinignan ko uli si Carlos. Hindi ko maramgaman ang mukha ko. Sobrang daming tumatakbo sa isip ko ngayon.

"Sabi ko sa sarili ko... hintayin ko na lang siguro siyang ilabas 'yung kuwintas, o kaya naman mahuli at matiyempuhan kong hawak niya o suot. Kaso... wala eh. Wala talaga. Hanggang ngayon, hindi ko na lang din naamin ang nararamdaman ko kasi kinakabahan ako lagi."

"Bakit naman?"

"Carlos, sobrang taas ni Sab. Inis siya sa sarili niya pero sa totoo lang, iba 'yung success niya ngayon. Iba 'yung direksyong pinatutunguhan ng buhay niya. Kung nalaman niyang ganito kinahinatnan ng Sol niya—"

"Mavy." Napatigil ako. "Ako dapat ang nagso-sorry kasi dati ko pa na-figure out lahat. Nanahimik lang ako kasi natatakot ako sa Tatay ni Sab. Pero kasi... tingin mo pa rin ba talaga, may pake si Sab du'n sa mga sinabi mo?"

"Pre..." Nautal ako bigla. "Siguro 'yung kundisyon ko na lang din. Sorry, nauuna na naman ang takot ko."

"Alam mo, Mavy, hindi na rin naman mahalaga 'yan?"

"Anong hindi mahalaga? Akala mo ba—"

"Mavy tinext ako ni Sabrina." Tinaasan niya ako ng boses. "Ngayon lang Mavy. Sorry daw. Inasikaso muna niya 'yung discharge ni Tito."

"Pero, Mavy. Hindi na raw siya susunod bilang CEO. Pumayag na Tatay niya."

Napasandal ako sa upuan ko. Hindi ko alam kung maniniwala ba'ko sa sinasabi ni Carlos o gagawa ba 'ko ng paraan para patunayan o kaya puntahan ko na lang si Sabrina tapos tanungin ko siya o kaya—"Ano? Are you going to man up or what?"

Tumango ako at tumayo, pupuntahan ko si Sabrina. Makikipag kita ako sa park, kailan ko siya harapin. Kailangan kong malaman, kailangan kong matuklasan, hindi na'ko papayag na— "Sa'n ka pupunta?"

"Kay Sab." lingon ko.

"Teka! May isa pa kasi akong kailangang sabihin sa'yo. Wala na si Sab."

"HA?"

"Ang ibig ko sabihin, aalis na siya papuntang States." Nanlaki mga mata ko. "Sorry, akala ko rin naman kasi, ikaw una niyang sasabihan nu'n."

Patay. Huli na. Paano ko pa siya makakausap?

"Kailan siya aalis?"

Nagbilang sa daliri si Carlos. Tumingin uli siya sa'kin, mukhang hinayang. "Ngayon ata."

"NGAYON? TA'S NGAYON MO LANG SINASABI SA'KIN LAHAT NG 'TO?" binatukan ko si Carlos.

"MAG-BEST FRIENDS KAYO MALAY KO BA?! Lagi kaya kayong magkasama. PUNTAHAN MO NA SA BAHAY NIYA BAKA NANDU'N PA 'YON!" tumayo rin siya at tinulak ako.

Agad-agad akong bumaba ng hagdan. Kinuha ko ang bag ko na nasa sala at nagdala ng sapat na pera. "Dalhin mo na kotse ko!" sabi ni Carlos.

"Susi?" dumukot siya sa bulsa niya at hinagis papunta sa'kin.

"Balitaan mo'ko! Dalian mo! Huwag mo rin gasgasan 'yan!"

"Oo na!" sabi ko at tumakbo palabas.

Kailangan ko siya makita.

Sab, huwag ka muna umalis, please.

---

Nakarating na'ko sa may village entrance nila at buti na lang nakilala ako nu'ng guard. Nakapasok na'ko at nag-park sa labas ng bahay ni Sab. Nandu'n pa ang kotse niya, sana nga lang pati siya ay na sa loob pa.

Agad akong bumaba at kumatok sa pintuan ni Sab. "SAB! NANDIYAN KA BA?"

Walang sumasagot.

Paulit-ulit akong kumatok pero wala talaga. Sinubukan kong tawagan si Carlos.

"Huy! Wala siya rito!" banggit ko at bumalik sa kotse.

"P're tawagan mo na! I-check mo sa airport!" Tinapos ko ang call namin, nag-dial kay Sab, at pinaandar ang kotse. Shet, bakit parang nawala bigla lahat ng nagti-trigger sa'kin?

Pag-ikot ko. Sumakto ang mabigat na traffic. Nagri-ring pa rin ang kabilang linya. Dabog ako nang dabog sa dashboard. Naka isang tawag akong busy, tapos tatlong tawag na puro ring lang. Sobra na'kong natataranta ngayon. Hindi ko ma-check kung online siya dahil wala akong data. Paano kung nasa bagahe na pala cellphone niya? Paano kung nakasakay na siya? Paano kung doon na niya makikita mga missed call ko pagbaba?

Maya't maya ay nasa airport na ako at mas lalong ako naging balisa. Paano ko siya hahanapin dito?

Paikot - ikot lang ako. Tila wala sa sarili. Ano bang iniisip ko? Wala na.

Tapos na.

Napaupo na lang ako sa isang tabi. Hindi ko na siya makikita pa muli. Nawalan na'ko ng gana na lumibot pa. Mali yata na ginawa ko pa 'to.

Ang tanga ko. Ginulo ko ang buhok ko sa sobrang inis.

Sana pala tinanong ko na siya noon pa. Sana sinabi niya sa'kin na aalis pala siya. Akala ko ba magkaibigan kami? Bakit niya hindi sinabi sa'kin? Ganu'n ganu'n na lang ba 'yon? Matapos lahat ng pinagsamahan namin?

Bumalik na'ko sa parking. Hindi talaga ako makapaniwala. Wala man lang siyang paalam sa'kin. Wala man lang siya binanggit. Si Carlos alam niya, pero ba't ako hindi? Nakakapraning. May ginawa ba'ko? Bakit siya umalis?

Sumakay ako at huminga nang malalim. Ayokong umiyak. Pero, hindi ko alam kung bakit nararamdaman ko 'to. Nakakapanghina. Nanghihinayang ako sa mga panahon na sana natanong ko na siya. Sana nalubos ko ang mga araw na kasama ko siya.

Sana umamin na'ko.

Sana umamin na'ko na gusto ko siya.

"Putang ina!" Inuntog ko ang ulo ko sa manibela.

Dinukot ko sa bulsa ko ang kuwintas na binigay sa'kin ni Luna. Kahit papaano ay kumalma ako. Huminga ako nang malalim at napagdesisyunan na pumunta sa lugar kung saan mas nakilala ko si Sabrina.

Kahit du'n lang. Makakasama ko siya, hindi man pisikal—sa puso't isipan ko naman.

Nagpatugtog ako sa kotse ni Carlos para hindi ako masyado magmuni-muni. Nakalipas ang ilang minuto at nakarating na'ko sa park. Pumarada ako at tinignan ko ang oras. Malapit na naman ang golden hour. Naalala ko tuloy ang pagpunta namin sa Tagaytay. Tinignan ko ang cellphone ko. Siya pa rin wallpaper ko.

Agad akong ngumiti. Ang ganda talaga niya.

Hindi. Hindi puwedeng ganito lang kami magkalayo. Sinubukan ko uli siyang tawagan. Bumungad ang boses niya.

"Hello?" Putangina salamat!

"Sab, ano ba? Aalis ka na pala papuntang States. Ba't di mo sinasabi sa'kin?"

Bumuntong hininga ako dahil medyo nasasaktan ako. 'Di bale, desisyon naman ni Sabrina 'yon at wala akong magagawa. Naglakad ako papunta sa may swing.

"Ha?" Natawa siya. Bakit siya tumatawa? "Sino may sabi?"

Bumuntong hininga ako at sinagot ko siya. "Sorry. Si Carlos may sabi. Wala ka na pala ngayon, 'di ka naman nagsabi sa'kin."

Tawa siya nang tawa. Puta, ano ako, biro??

"Gaga na sa park ako ngayon. Tangena talaga ni Carlos, next month pa alis ko. Inurong namin ni Papa. Gusto niya yatang mag-bonding muna kami since ngayon lang uli siya nakapagpahinga."

Nadaanan ko 'yung lugar kung saan madalas mag-rally. May ibang event na namang nagaganap ngayon. Nilaliman at binilisan ko ang paghinga.

"Pero sorry, I didn't tell you. I was about to update you, actually. Sorry pala di ako nakasagot kanina. I was driving."

Napa-iling na lang ako. Punyeta, Carlos. "Ayos lang. Gusto mo ba mag-usap?"

"Yes. Asan ka? sabi ni Carlos may plano ka raw sa'kin?"

"Ako? May plano?"

Nadaanan ko si Ate na nagbebenta ng probiotic drink. Mukhang dito na talaga siya nakalugar. Tinanguan ko siya at nginitian. Nagpatuloy si Sab.

"Oo. Actually kaya ako nasa park kasi bigla akong tinawagan ni Carlos at pinapunta sa park."

'Yun 'yung busy na tawag kanina.

"So, Mavy, ano na??"

Nadaanan ko 'yung lugar na pinag-drawingan ko kamakailan lang. Tinanong ko si Sab.

"San ka ba sa park?" Patuloy lang ang lakad ko. Patulin nang patulin.

Natawa uli siya. Tapos binaba ang phone.

"Sab?? Sab ano ba??" Bumuntong hininga ako at tinago ang cellphone ko.

Dama ko na ang preskong hangin sa liblib na bahagi ng park. Dahan dahan nang bumabalot ang lilim ng mga puno sa damuhan, at sa hindi kalayuan, natanaw ko na ang swing. Ayun siya, nakaupo, nakangiti. Muling bumilis ang tibok ng puso ko.

Hindi pa huli ang lahat.

"Mavy?" Nakita niya 'ko.

"Sabrina..."