Chereads / AGNOS / Chapter 11 - HELEN

Chapter 11 - HELEN

Nagising na ako ngunit 'di pa rin mawala sa aking isip ang kinahinatnan ni Avir. Ano kaya ang kaniyang sinasapit sa kamay ng mga sundalo? Nakakain ba siya ng maayos? Mas madilim ba ang bartolina kaysa sa kwebang kaniyang pinaglagian? Napahawak na lamang ako sa aking noo sa tindi ng pag-aalala. Sa patingin-tingin sa paligid, nasulyapan kong halos tirik na ang araw. Agad akong nagmadaling magbihis. Baka mapagalitan na naman ako ni ina dahil 'di na naman ako nakapamili ng kaniyang ihahanda sa pagbukas ng aming kainan. Kumaripas ako sa pagbaba. Nagtaka ako dahil walang parokyano ang kumakain, wala sina ina sa kanilang puwesto, at sarado ang aming kainan. Biglang bumukas ang pinto ng aming kusina at agad naman akong inanyayahan ni ina pumasok. Inihanda ko na lamang ang aking sarili sa tindi ng galit na naghihintay sa akin.

"Maupo ka, Cateline." ikinaway pa ni ina ang kaniyang kamay bilang paanyaya nang makapasok na ako sa loob. Kataka-taka dahil hindi ganito ang inaasahan ko mula sa kaniya. "Saluhan mo kami ni Christine sa hapag." patuloy pang pagtawag ni ina sa akin. Napansin kong hindi na suot ni ina ang kaniyang guwantes.

"Hindi na po, ina. Mamimili na po ako ng mga sahog at karne sa pamilihan." balisa kong tugon, "Patawad po."

"Sige na, saluhan mo na kami." tila naiiritang sigaw ni Christine.

"Marami pong salamat." Naupo na ako sa hapag sa tapat ni ina. Ipinatong ko ang aking mga kamay sa mesa upang magsimulang kumain. Sopas? Sa inaasahan, napakabango nitong sopas na niluto ni ina. Alam ko ring napakasarap nito. Hindi na ako makapaghintay pang matikman ito. Ngunit, pinangungunahan ako ng hiya. Nagulat na lamang ako nang biglang abutin ni ina ang aking kamay.

"Patawad, Cateline." Tinitigan ako ni ina sa aking mga mata. Maluha-luha ako dahil tila nanumbalik sa aking gunita ang titig na iyon. Ang titig na sumalubong sa akin sa tahanang ito. "Alam kong napakarami kong naging kasalanan sa'yo. Napagtanto ko na dahil rin sa aking mga nagawa, malaki rin ang aking kasalanan kay Helen, sa pinakamamahal kong kapatid." Bahagya akong nagulat sa aking narinig.

"May kapatid ka, ina?" tanong ni Christine.

"Oo, anak. Kapatid ko ang ina ni Cateline. Ang pinakamamahal kong bunsong kapatid." Muling tumingin sa aking mga mata si ina, "Maari ko bang makita ang inyong litrato?"

"Opo!" pasigaw at maligaya kong tugon. Nagmadali akong umakyat sa aking kuwarto't kinuha mula sa kuwadro sa likod ng aking litrato ang larawan namin ni ina. Darating na kaya ang araw na hindi ko na kailangan pang itago ang aming litrato? Napakasaya ko, ina, dahil magkapatid pala kayo ng aking pangalawang ina. Kumaripas akong muli sa pagbaba at agad na ipinakita kay ina ang ating larawan, ina.

Napaluha na lamang si ina nang mahawakan niya ito. "Patawad," umagos ang kaniyang mga luha sa aming litrato. "'Di ko maisip na nagawa kong magtanim ng poot sa iyo, sa pinakamamahal kong kapatid." Muli akong tinitigan ni ina at ngumiti. Napaluha ako dahil nasilayan ko, sa mismong aking harapan, ang muling pagngiti ng aking inang si Mara. "Sana mapatawad mo ako, Cateline."

"Wala pong kaso sa akin ang lahat ng iyon, ina." taimtim kong tugon.

"Napakaganda tagala ni Helen, ano? Nakuha mo ang kaniyang katangian at halos naging kawangis mo siya." Muling hinawakan ni ina ang aking palad, "Hindi ko maisip na imbis na mahalin kita dahil sa pinapaalala mo sa akin si Helen, ay mas lalo pa akong nagpalamon sa aking poot." Hindi ko na napigilang lumuha.

Hinablot ni Christine ang aming litrato't nagkumento, "Aba, kay ganda nga ng iyong ina. 'Di mo naman nakuha lahat." pabiro niyang panlalait. "Ang pangit mo palang sanggol!" Tumawa na lamang ako. At tumawa rin sina ina't Christine.

"Alam niyo ba naalala ko sa inyo nina David ang kabataan namin ni Helen." nakangiting sambit ni ina.

"Bakit naman, ina?" tanong ni Christine.

"Matagal ko nang tinatangi si Ravan ngunit alam kong si Helen ang kaniyang ginigiliw."

"Ina naman!" dabog ni Christine na nagpatawa pa sa amin ni ina.

"Napakasaya ng inyong ama, maging ng aking kapatid sa tuwing nagkikita sila sa aming tahanan araw-araw." ngumiti si ina habang inaalala ang nakaraan. "Ngunit gumuho ang lahat ng iyon ng may isang kriminal ang nandakip sa aking kapatid." Tumamlay ang mukha ni ina. "Nagpakalasing at halos sirain na ng inyong ama ang kaniyang buhay. Nagsalo kami sa aming kalungkutan. Aaminin kong nagkamali ako nang hinayaan kong ang bugso ng aking damdamin ang magdikta, kaysa sa aking isip, sa kung ano ang aking gagawin." Biglang tumulo ang luha ni ina. "Nabuntis ako ni Ravan at dahil doon, nagtanim ng galit ang aking mga magulang kay Ravan at itinakwil naman nila ako."

"Ina." tumayo si Christine at pinunasan ang mga luha ni ina.

"Patawad sa mga kasalanan kong nagawa, Cateline." Tumayo rin ako't agad niyapos mula sa likuran si ina. "Sinubukan kong bumangon kaya't pinagbuti ko ang aking pagluluto, dahil iyon ang tangi kong nagawa na napuri ako ng aking mga magulang." Ibinalik naman ni ina ang aming pagmamahal nang kami'y kaniya ring yakapin. Pangangahalagahan at ituturing kong yaman ang araw na ito. "Magsalo na tayo," sambit ni ina. At pinagsaluhan nga namin ang mainit, masarap, at may halong tamis na sopas ni ina.

"Nasaan nga pala si ama, ina?" nagtatakang tanong ni Christine.

Biglang may katok sa aming pinto. "Ina ako na po." tumayo ako't lumabas ng kusina't pinagbuksan ng pinto ang kumatok. Tinawag ko sina ina nang may sundalong tumambad sa akin.

"Ano ito't may pumarito na namang sundalo, nasaan si Ravan?" tanong ni ina. Halata ang pag-aalangan at kaba sa mukha ni ina.

Yumuko ang sundalo bilang paggalang at naghayag, "Lahat ho tayo ay magtungo sa gitna ng siyudad sa Bahay Pamahalaan, dahil may mahalagang iaanunsiyo ang pinuno ng bansa."