Chereads / AGNOS / Chapter 14 - KAIBIGAN

Chapter 14 - KAIBIGAN

Nagpasuray-suray ako sa paglakad nang dumagundong ang paligid nang magkaroon muli ng pagguho. TIla bumibigay na isang bahagi ng gusaling labis na naapektuhan at nadadamay na ang ibang parte nito. Mabuti at walang mga bumagsak sa akin. Muli kong sinuong ang paligid ayon sa aking pagkakatanda bagamat malaki na ang pinagbago ng bilangguan sa natamo nitong pagkasira. Patuloy kong iniisip at nananalangin na walang nangyaring masama kay Avir. Humanap ako ng daan patungo sa bartolina. Tumambad sa akin ang mga rehas na may mga bangkay ng mga bilanggo, mayroon rin namang mga pinalad na makatakas. Mas lalo akong kinabahan, kaya't nagmadali na akong hanapin si Avir. Mabuti't walang ganoong nagkalat sa hagdanan patungo sa ibabang palapag ng bilangguan. Sa isang masikip at madilim na daanan, mga sirang pader at mga yuping mga pintong bakal ang sumalubong sa akin. "Avir? Ginoo? Avir?" pilit kong isinisigaw at umaasang may sasagot sa aking mga daing. "Avir?", at patuloy ko pang tinahak ang makipot na daan. Tila muli ko siyang hinahanap sa kuwebang kaniyang pinagtataguan, ngunit sa ngayon ang lahat ay unti-unting gumuguho. "Avir? Ginoo?" Tinakpan ko ang aking bibig at bahagyang pumikit dahil sa nagkalat na abo. Napanghihinaan na ako ng loob dahil halos maubos ko na ang mga bartolina ngunit hindi ko pa rin akong nakita. May ilang mga sumasagot ngunit hindi ko sila kilala. Tila naakit sila sa tunog ng pagkalampag ng aking mga susi.

"Ca-te-line." isang bulong na nagpasigla ng aking puso ang aking narinig. Nabuhayan ako't agad kumaripas sa pagtakbo habang sinisilip ang mga siwang sa pinto ng bartolina, pilit inaaninag ang hugis ng ginoo. Sa pinakadulo ng hanay ng mga bartolina ko siya natagpuan. Nayupi ang pinto ng bartolina at butas ang kisame nito. Tanaw ko siya. Alam ko. Bagamat kay dilim, alam kong siya iyong aking natatanaw. Kumabog ang aking dibdib. Gumagalaw siya ngunit hindi makaalis dahil sa mga guhong bumagsak sa kaniyang mga paa't kaliwang balikat. Inisa-isa ko ang kay raming susing aking bitbit. Nanginginig ang aking mga kamay sa pagmamadali. Bilis! Cateline, Bilis! Mas nagsisigawan pa ang ibang nanatiling nakakulong sa pagkalampag ng aking mga susi. Sa wakas, nagawa kong mabuksan sa pang dalawampung subok. Agad akong dumiretso sa kaniya at hinawakan ang kaniyang mukha. "Avir?"

"Ca…te…line." ang bulong ng lalaking nakadapa. Tama ako. 'Di ko man masilayan ang napakaamo niyang mukha alam kong si Avir ang aking ngayo'y hawak. Ngunit, ano itong aking nahawakan? Du-d-dugo?

"Avir?"

"Umalis ka na … Cateline. M-mapanganib na ang lugar." hiling ni Avir habang sinusubukan niyang iangat ang kaniyang ulo. "Tatanggapin kong kabayaran ang ganitong kamatayan kapalit ng aking mga nagawang pagkakamali."

"Hindi, Avir!" buong loob kong sinigaw. Agad akong tumayo upang buhatin ang mga guhong sa kaniya'y bumagsak. "I...li…ligtas kita." sa isang malakas na hinga ako'y bumitiw pansamantala, kay bigat ng mga guhong nakadagan sa kaniya. "'Di ko maatim ang ganitong imahe sa aking isip dahil wala man lang akong ginawa."

"Sapat na ang iyong ginawa. Iligtas mo ang iyong sarili. Masaya na ako at nasilayan kita sa mga huli kong sandali."

"Tumigil ka Avir!" sigaw ko. "Lakasan at tatagan mo lang … ang iyong loob!" buong lakas ko pa ring sinusubukan iangat ang mga guho kasabay ng aking paghikbi. Alam kong hindi ko kaya, ngunit pilit ko pa ring sinusubukan. Umilaw ang pag-asa nang marinig ko ang boses ni David.

"Cateline?! "Cateline?!" mga umuugong na sigaw na tiyak akong kay David nagmumula.

"David!" sigaw ko pabalik. "David!" pilit ko pang sigaw upang mapangibabawan ang mga sigaw ng ibang naipit sa kanilang mga bartolina.

Tanaw ko ang bilog na liwanag mula sa flashlight na nagwawagayway pakaliwa't kanan. "Cateline!" lumabas ako ng bartolina nang mas lumakas ang kaniyang tinig. Dumating nga si David. Nagmadali siyang lumapit sa aming kinaroroonan at agad akong tinulungan sa pag-alis ng mga guhong bumagsak sa katawan ni Avir.

Isa-isa naming naialis ang mga bato. Masama ang sinapit ng mga paa ni Avir kaya't 'di nito magawang makatayo at maglakad nang mag-isa. Inalalayan ni David si Avir sa pamamagitan ng pagtukod nito sa kaniyang mga balikat.

"Salamat." Ang mga salitang aking tugon sa 'di matatawarang pagtulong ni David sa akin sa simula pa lang. Nginitian ko siya bilang paghingi ng tawad, pati na rin upang ipakita ang aking pagsisisi sa mga kasalanan at sakit na kaniyang sinapit nang dahil sa akin. Nginitian niya rin ako pabalik.

Nagulat ako nang biglang hablutin ni David ang bilog na bakal na humahawak sa mga susi. Nang maiabot ko'y agad siyang nagpakawala ng isa mula sa bartolina. Binigay niya ang lahat ng susi dito't nag-iwan rin ng isang flashlight upang pakawalan pa ang ibang naipit. Nagmadali na kaming lumabas ng gumuguhong gusali at nagtungo sa sasakyan ni ama na ginamit ni David. Nauna naming isinakay si Avir.

"Salamat." mahinang mga salitang iwinika ni Avir nang siya ay maisakay. 'Di man lang lumingon si David ngunit ito ay napahinto nang sandali. Sumampa na si David at pinaandar na ang sasakyan.

Pumwesto ako sa likod upang bantayan si Avir. Nagpapasalamat ako na muli ko siyang nasilayan. Hinaplos-haplos ko lang ang kaniyang mukha habang taimtim siyang nagpapahinga sa aking kandungan.

Nagpapasalamat rin ako't mabuting 'di na nadagdagan ang napakalaking pagsabog kanina. Ngunit, nadaanan namin ang mga sira-sira't gumuhong mga gusali't kabahayan na naapektuhan ng kumalat na dagundong. Napakahirap masilyan ang mga mamamayang naghihinagpis dahil sa kanilang mga kawalan — gamit, tirahan, maging mga kamag-anak. May nakikita naman akong pag-asa sapagkat nagtutulungan ang mga sundalong magligtas ng aming mga kababayang nangangailangan. Ang ila'y sumisigaw upang ipaalam ang paglikas at para na rin subukang gawing maayos ito. Ang iba'y nililinis at isinasaayos ang mga labing mapaglalamayan. Ang ila'y umaalalay sa mga sugatan. At ang ilan nama'y nagsasamasama upang gumawa ng barikada, umaasang magpapabagal sa mga mananakop.

Unti-unti na kaming nakalalayo sa siyudad, sa bilangguan. Sa aking muling paglingon pabalik rito, tanaw ko ang tila usok na lumalaganap. Usok, na tila mula sa. … Ina! Napayuko't napahalik na lamang ako sa agnos ng aking ama nang makita kong ang mapayapang kinahihimlayan ni ina'y nilamon na ng makapal na apoy at usok. 'DI ko man lamang siya nagawang madalaw sa huling pagkakataon. I-ina. … At pinunasan ni Avir ang aking pumatak na luha.