Chereads / AGNOS / Chapter 15 - ANG MAGKABILANG PANIG

Chapter 15 - ANG MAGKABILANG PANIG

Sa paglubog ng araw kung kailan halos magkulay dugo ang kalangitan, dumaong na sa silangang katubigan ang mga makabagong barkong pandigma ng mga mananakop. Nagpadala ang mga barko ng malilit na bangka, lulan ang batalyon ng mga militar ng mananakop patungo sa dalampasigan ng Lanaw kung saan sila sasalubungin ni Magath.

Naabutan ng batalyon si Magath na galusan, basang-basa, at tumatangis habang nakahimlay sa kaniyang bisig ang bangkay ni Mara. "Makikita mo aking mahal, ipaghihiganti kita." bulong nito nang huling hagkan ang katawan ni Mara. Dahan-dahan niyang inilubog ang bangkay ni Mara sa malalim na tubig ng Lanaw at hinagisan ito ng mga bulaklak na kaniyang pinitas mula sa gubat.

Naghayag na ng utos at hudyat si Magath sa militar upang simulan na ang misyon. Sumakay na siya sa kaniyang sasakyan at nauna nang umalis upang tignan kung ano ang mga nagaganap sa siyudad. Tanaw niya ang malaking butas sa kapatagan na gawa ng pinakawalang pagsabog, pati na rin ang paligid nitong nagkulay abo. Tanaw niya rin ang nagliliyab na gubat. Nasilayan niya ang sira-sirang kabahayan, maging ang Bahay Pamahalaan ng bayang nais niyang pamunuan. Nakikita niya rin ang walang patutunguhang mga pagsisikap ng mga mamamayan at sundalo sa siyudad na sa kaniya ay nagtakwil. Taliwas ito sa kaniyang inaasahan, sa kaniyang nais. 'Di niya mawari kung bakit umabot pa ang lahat sa sukdulan. Ngunit, sa tuwing naaalala niya ang kaniyang dinanas, nanunumbalik ang poot sa kaniyang puso. Mas malupit at mas kahabag-habag pa rito ang kaniyang sinapit. Madali lang itong kumpunihin, madali lang ibalik sa dati. Ngumisi siya at muling nagsenyas sa kaniyang pulutong. Napababa siya sa kaniyang sasakyan nang mapansin ang dagsa ng mga tao patungo sa timog-kanluran ng isla. Muli itong sumakay at nagmadali patungo sa direksiyong iyon, matapos ng isa muling pagsabog.

Kasabay nito, patuloy pa ring isinasagawa ng mga sundalo sa abot ng kanilang makakaya ang nagaganap na paglikas.

* * *

Nang kami'y lumapag mula sa sasakyan ni ama, may isang sundalo ang lumapit sa amin upang ipaalam na may inilaan si ama na bangka na aming gagamitin. Isinakay at iniupo namin agad si Avir dito upang makapagpahinga, katabi ng mga supot na aming naihanda.

Kinausap ko si David sa pag-aalala, "David, mabuti pa at lumikas na kayo ng iyong pamilya."

Tugon ni David, "Kanina pa sila nakalikas. Mas minabuti kong magpaiwan upang tignan ang inyong kalagayan."

Yumuko ako. Mas nakaramdam pa ako ng matinding pagsisisi dahil sa aking narinig. Pagsisisi, sa kabila ng lahat. Nakikita ko rin na tila balisa at 'di mapakali si David. "David?"

"Ate Cateline!" sigaw ni Christine na kumuha sa aking atensiyon.

Niyakap ko siya agad at nagtanong, "Bakit 'di pa kayo lumilikas? Nasaan si ama?"

"Inutusan niya akong tumulong sa paglikas ng mga mamamayan." lumingon-lingon si Christine sa paligid, "Pinaupo ko lang siya diyan sa nakalaang bangka para sa atin. 'Di ko alam saan siya nagpunta." Napatahimik si Christine nang makita niya si Avir na aming isinakay sa bangka.

Humarang si David kay Christine upang mawala ang atensiyon nito kay Avir. Inilapat niya ang kaniyang palad sa ulo ni Christine. "Hanapin natin si Tito at—"

Biglang niyakap ni Christine nang mahigpit si David. Maluha-luha siyang tumingin sa mga mata nito. "Nagpapasalamat ako at ligtas mong naibalik ang aking kapatid. Malaki talaga ang pasasalamat ko sa iyo." Nagtagal pa ang pagyakap ni Christine kay David. Naramdaman ko ang kaligayahan ni Christine. Malaki na talaga ang utang na loob ko kay David. Napakarami na niyang mabubuting nagawa para sa amin.

"Bilisan na natin at hanapin na natin si Tito." binalik ni David ang ngiti kay Christine.

Hinanap namin si ama sa gitna ng kapal ng kumpulan ng mga tao at sa nananaig na kaguluhan. Nagtanong-tanong kami sa mga sundalo't ibang mamamayan ngunit hindi nila alam ang kinaroroonan ng aking ama. Bilang isa siyang magiting na sundalo ng bansa, 'di mawala sa aking isip na sinubukan niya pang sumama sa gitna ng siyudad sa mga sasalubong at pipigil sa mga mananakop. Sinubukan kong sumunod sa barikada, ngunit ako'y pinigilan ni David.

"Mapangib, Cateline!" hinawakan ni David nang mahigpit ang aking braso. "Hayaan mong ako na lang ang sum—"

Bigla muling nagkaraoon ng pagsabog, mas malakas ito kumpara sa mga nauna. Tanaw ang nalikhang usok na umabot hanggang sa kaitaas-taasan. Umugong ang tunog ng dagundong hanggang sa aming kinaroroonan. Umuga-uga ang mga bangka kasabay ng nalikhang maliliit na alon. Nayanig hindi lamang ang aming kinatatapakan, ngunit maging ang aming pag-asa.

"Ate Cateline!" sigaw ni Christine, "Humayo na tayo! May tiwala ako sa ating ama sa bagay na kaniyang nais gawin!"

Hinila na ako ni David papunta sa bangka kung nasaan si Avir. Inayos namin ang mga gamit at isa-isang pumwesto. Mas nagmadali pa kaming sumakay nang makarinig kami ng pagtigil ng humaharurot na sasakyan sa ibabaw ng bangin. 'Di ako maaring magkamali, sasakyan ito ng heneral. Sa aming paglayo, tanaw namin ang paglabas ni Heneral Magath. Tanaw rin namin ang nagngangalit na apoy at usok mula sa aming bayan. At ang bilog na buwan, bagamat kay liwanag, ay nagsisilbing simbolo ng pawakas naming araw.

* * *

Sa ibabaw ng bangin, bumaba si Magath upang masilayan ang kaganapan. Nakaramdam ng paglusob ang heneral mula sa kaniyang likuran kaya't ito'y napalingon. Laking gulat niya ng bigla siyang saksakin ni Ravan sa kaniyang tagiliran.

"Buhay ka pa pala." ngumisi si Magath. Sinubukang lumaban ng heneral, ngunit napatigil ito nang biglang iikot at diinan pa ng kumandante ang pagkakasaksak sa kaniyang tagiliran. Napasuka siya ng kaunting dugo habang nakayapos sa kaniya si Ravan. Sumuko na siya nang makitang naagaw na rin ang kaniyang baril. "Sa kalagayan mo, mahusay ka pa rin." mahina niyang sambit.

"Para ito kay Mara, kay Helen, sa aking pamilya, sa mga Mangis, at sa lahat pa ng pinagtaksilan mo. Tignan mo ang paligid." nanggigigil sa galit si Ravan. Ngasngas pa ng kumandante sa tainga ng heneral, "Nilamon na ng apoy ang mga gubat, nagkulay abo na ang siyudad, nagkalat ang mga bangkay. Ano pa ang iyong pamumunuan?"

"Pamumunuan? Hindi ko kailangan ng kahit ano sapagkat wala nang natira sa akin." ngasngas ni Magath kay Ravan. Matapos ang isang buntong-hininga, napangiti't napatingala na lamang si Magath. Nilabas niya ang piraso ng kuwintas ng kaniyang ina, "Tinitingala kita ngunit bakit ganoon. Bakit mo sila iniwan? Bakit ikaw pa ang kaniyang inibig? Bakit ikaw pa ang dahilan ng aking pagdurusa, kaibigan?" at tumulo ang luha mula sa mga mata ni Magath. "Bakit?" sigaw niya, "Bakit?!" Sa panghihina, napayuko ito at tuluyan nang sumandal ang kaniyang ulo sa mga balikat ni Ravan. "Tignan mo ang iyong anak, ginawan pa k-kita … ng pabor." patuyang ngumisi ang heneral. Namutla na ang kaniyang mukha at unti-unti nang bumabagsak ang mga talukap ng kaniyang mga mata. "M-mag-k-kasama na ang m-mag—" bigla pang mas sumuka ng dugo si Magath na dumungis sa likuran ni Ravan. Unti-unti ring bumukas ang kaniyang mga palad at mula rito, nabitawan ang piraso ng kuwintas.

Pumatak ang luha sa mga mata ni Ravan nang masilayan niya ang bangkang sinasakyan nina Cateline. Nawangisan niya ang lalaking may kutis na napakaputi, at kanang kamay na naputulan ng dalawang daliri. "Matagal kitang nakasama. Hindi ko mawari kung ano ang nagdulot sa iyo upang magpalamon ka sa iyong poot, upang parusahan mo ako nang ganito." nanghihinayang na isinambit ni Ravan kay Magath. "Akala ko magagawa kitang mapakiusapan. Mas matapang ka pa riyan."

"Siguro…nga." nanghihinang bigkas ni Magath. Ngumiti siya. Binunot ni Ravan ang kutsilyo at unti-unti namang bumagsak ang kaniyang katawan sa lupa.

Nakatulala si Ravan habang hawak ang kutsilyong nabahiran ng dugo ng kaniyang dating kaibigan. Tumayo na lamang siya nang makarating ang kalabang militar sa bangin at dalampasigan. TInatangay ng malamig at maaliwalas na hangin ang kaniyang maiksing buhok. Basang-basa naman ng kanilang luha ang kaniyang duguang damit. Nakatitig lamang siya sa kinaroroonan nina Cateline, umiiyak. Napakatagal bagamat sandali. At pinaulanan ng mga bala ng mga mananakop ang nakatalikod na kumandante.

* * *

"Ama!" 'di ko na mapigilan ang aking pagsigaw. 'Di ko kayang titigan ngunit hindi ko magawang hindi sulyapan. Una, si ina, ngayon naman, ang aking pinakamamahal na ama. Parehong sa kamay ng kasuklam-suklam na nilalang. Parang may nagbara sa aking lalamunan. Napakabigat ng aking dibdib, at nahirapan akong huminga. Bakit ka nanatili ama? Kung nahanap ka sana namin kaagad, sana nandito ka sa aming tabi ngayon. Bakit, ama? Napayukod na lamang ako at wala nang magawa. Bigla naman akong niyakap ni Christine. Tumambad sa akin ang blanko niyang ekspresiyon ngunit ang mukha niya'y nalulunod sa luha.

Mukhang 'di pa tapos ang lahat. Gamit ang mga makabagong baril, nagpaulan pa ang mga mananakop ng mga bala sa mga sumusubok tumakas. Nagkalat ang mga wasak na bangka, ang mga lumulutang na bangkay, at ang mga dugo nilang nagpinta ng pula sa ibabaw ng dagat. Wala ring habas nilang pinagpapaslang ang mga kababayan naming naiwan sa dalampasigan.

Bagamat nakalayo, napansin kong tila bumagal ang aming paglalayag. "David?" pag-aalala ko nang mapansin kong tumigil siya sa pagsasagwan. Nakayuko siya't. … Hindi maari! Sinubukan kong ilapit ang aking mga kamay sa aking kaibigan at tinitigan sa mata si Christine.

"D-david? David… paki-usap…" pagsusumamo ni Christine. Tila alam niya rin, na iyon na ang mga huling sandali ni David. Ipinanaggalang niya ang sarili upang kami'y 'di mataaman ng mga bala. Hinagkan ni Christine si David at pinahiga sa kaniyang kandungan. Nasilayan niya ang mga asul na mata ni David, nakadilat at 'sing bughaw ng kalangitan sa maliwanag na umaga. Ipinikit niya ang mga ito at niyakap ang katawan sa huling pagkakataon. "D-david?" Paalam, mahal kong kaibigan.

Sa kabila ng lahat, sinubukan kong ngumiti. Ngunit iba ang aking naramdaman. TIla may mga nakakabit na mabibigat na palad sa aking labi na pinipigilan itong umangat. Walang ni katiting na ligaya ang umuusbong. Gumaan lamang bahagya ang aking pakiramdam nang hawakan ni Avir ang aking palad. Mabuti na lamang at narito siya sa aking tabi upang mabawasan ang aking matinding kalungkutan. Dahil doon, napagtanto ko na kailangan ko maging malakas para sa amin. Kinuha ko ang sagwan at ako na ang namangka. Hinayaan na lamang namin na ang dagat ang maghatid kung saan nito kami dadalhin.