Chereads / AGNOS / Chapter 13 - KATATAGAN NG LOOB

Chapter 13 - KATATAGAN NG LOOB

Hawak at tinitigan ko muli ang litrato ng aking tunay na ina. "Patawad," ang tanging aking naiwika dahil 'di ko na magagawa pang madalaw ang kaniyang puntod sa huling pagkakataon. Agad ko itong isinilid sa aking supot at nagligpit na rin ako ng tatlong pares ng aking kasuotan. Sa patuloy na paghahalughog, may nakita akong dalawang kahon ng alahas sa aking tokador. Napakagandang agnos ang laman ng isa't may kasamang liham. Ang agnos ay kulay rosas, hugis puso, at may mga pangalang nakaimprenta — Mara, Christine, Ravan, at Cateline. Kay ganda. May maliit pang tela ang tila'y may tinatago sa ilalim, ngunit muli ko munang sinara ang kahon. Ang isa nama'y may lamang singsing, pati na rin isang liham. Isinilid ko na rin ang mga ito sa aking supot at agad dumiretso sa kuwarto ni Christine. Kinuha ko ang litrato ng aming pamilya at nagligpit rin ako ng tatlo niyang bestida. Gayundin ang aking mabilisang ginawa mula sa mga gamit ni ina sa kuwarto ng aking mga magulang. Natuwa ako dahil wala na ang mga guwantes ni ina, mukhang itinapon na niya ang mga ito. Sana't ligtas sila ng aking kapatid. Para kay ama, nagligpit naman ako ng tatlong pares ng pang-itaas at pang-ibaba. Pumukaw sa aking atensiyon ang lalagyan ni ama ng kaniyang mga gamit na may kinalaman sa kaniyang pagiging kumandante. Umaasa akong naiwan niya ang mga kopyang susi ng bilangguan. Naghalungkat ako at kay palad na natagpuan ko ang mga iyon. Agad kong ibinulsa ang mga ito. Bagamat nanginginig masilayan lamang ang mga sandata, nagbalot ako sa tela ng kutsilyo't baril mula sa kaniyang mga kagamitan. Ibinaba ko na ang apat na supot at nagmadaling unahing ipasok sa sasakyan ang naihanda kong mga kagamitan ni ama't ina. Papalabas na ako nang biglang bumukas ang pinto kaya't 'di ko sadyang mailaglag ang mga buhat-buhat kong mga gamit.

"Cateline, magmadali't kailangan niya ng tulong!" biglang pumasok si David habang buhat ang aking ama na matindi ang tinamong mga galos at sugat. Bumilis ang tibok ng aking puso sa galak ng makita kong siya'y buhay pa, taliwas sa inihayag ng heneral. Salamat, May Kapal. Inihiga ni David si ama sa sahig. Mabuti at naagapan niya gamit ang mga punit mula sa kaniyang damit ang malalalim na hiwa sa kaliwang braso at kaliwang paa ni ama.

"Ama," niyakap ko si ama nang pagkahigpit-higpit at tinulungan sa pag-upo. "Ano pong nangyari? Maayos lang po ba kayo?" Napaluha ako't humikbi. "Salamat, David." taimtim kong sambit sa aking kaibigan. Hinawakan ko ang kaniyang palad, at ang pisngi naman ni ama. Umakyat ako kaagad upang maghanda ng tubig, pamunas, at panggasa, at muling kumaripas patungo kay ama. Dahan-dahan kong nilinis ang kaniyang mga sugat habang inaalalayan siya ni David. Nakikita ko ang bawat pag-inda niya sa hapdi. Nahihirapan akong masilayan siyang nagkakaganito ngunit napakalaki ng aking pasasalamat dahil muli ko pa siyang nahahawakan. Ipinalupot ko na ang mga bendahe sa ngayo'y malilinis niyang mga sugat at ibinuhol, tinapik-tapik, at hinaplos-haplos. "Hindi mo alam kung gaano ako nag-alala sa iyong pagkawala." sambit ko habang pinupunasan ang tumutulo kong mga luha.

"Maraming … salamat sa inyong… dalawa," mahinang mga salitang sinambit ni ama, "kunin mo." May kinukuha siya sa loob ng kaniyang damit. Iniangat niya papalapit sa akin ang kaniyang agnos at inilagay sa aking palad, "Niligtas niyo ako, Cateline." Nakalubog ang gitnang parte nito na wari ko'y tama ng bala. Sinubukan kong buksan ito. Nanumbalik sa akin ang ligaya na aking naramdaman noong nakuha ang litratong ito, bagamat 'di na kita ang mukha ni ama't ina dahil sa lubog na gawa ng tama ng bala. Muli ko itong sinara at agad na ibinulsa. "Iingatan ko po ito, ama."

"Natagpuan ko ang iyong amang palutang-lutang sa dagat habang ako'y nangingisda. Pasalamat ako at nagawa ko pang maagapan ang kaniyang lagay kaya't siya'y nagkamalay." Patuloy pa ni David sa pagsasalaysay, "Hindi lang 'yon, tanaw ko sa malayo noong ako'y nangingisda sa Aman Sinaya ang mga makabagong barkong pandigma, na tiyak kong iikot patungo rito sa isla. Mayroong isa na napakalaki kaya't tanaw kahit malayo." Tama nga si ama. May inihanda ngang pag-atake ang mga mananakop. Mukhang ang walang-hiyang heneral pa ang nagpapunta sa mga iyon dito sa aming bayan.

"Isakay mo na siya sa sasakyan David, at ilikas na natin si ama." pagmamadali ko. "Ako na ang magliligpit ng mga gamit na itong aking naikalat." Wala nang oras ang kailangan pang masayang. "Ako na ang maghihintay sa pagbalik ni Christine." sambit ko, ngunit nasa-isip ko na balikan ang aking kapatid, kasabay nito'y subukan ring palayain si Avir. Umaasa akong may isa sa mga kopyang susi na aking nahalungkat ang makapagbubukas sa kaniyang pinagkukulungan. Tumayo na ako upang magligpit ngunit natigilan.

"Sandali…" sambit ni ama, "paano ang mga mamamayan?"

"'Wag po kayong mag-alala." tugon ni David. Bigay-alam pa niya, "Nasabihan ko na po ang ibang mga mamamayan at ang ibang sundalo upang ipakalat ang balitang may mga bangka silang magagamit panlikas sa likod ng bangin na naikukubli ng makapal na hamog sa kanluran. Napakiusapan ko rin pong tumulong ang sundalong nagmagandang-loob na naghatid sa atin. Ang mga sundalo na po ang mag-aayos ng mga bangka mula sa gilid ng bangin patungo sa malapit na dalampasigan."

Tinitigan ko si David nang sandali at napangiti nang bahagya. Napakakalmado at handa niya sa kabila ng situwasiyon. Inalalayan niya si ama upang mas maayos na maka-upo. Matapos, tumayo naman siya upang iligpit ang aking mga naikalat. Ibinaling ko naman ang aking atensiyon kay ama. Hiling ko, "Ama, magpahinga po muna kayo. 'Wag po muna kayo magsasasalita at hayaan niyong manumbalik ang inyong lakas." "Hayaan niyo na ho kami ni David mag-asikaso rito."

"A-anak, nakita mo ba ang ang mumunti kong h-handog para sa inyo ni Ch-Christine." pilit pa ring iwinika ni ama kahit sinabihan ko na siya. "Inilagay ko sa pinakailalim na kahon ng iyong tokador."

"Heto po ba?" binuksan ko ang aking supot at pinakita ang dalawang kahon. Nag-abala pa si amang ako'y muling handugan.

Muling bumukas ang pinto at pumasok si Christine na labis ang pagtangis. Hinihingal at hapong-hapo siyang lumuhod sa harapan namin ni ama.

"Christine, mabuti't maayos ka." Niyakap ko siya agad at tinapik-tapik ang likuran. Kinutuban ako dahil kahit kailan ay hindi ko pa nakitang lumuha ng labis ang aking masayahing kapatid. "S-si I-ina?"

"P-p-pi…" nauutal na tugon ni Christine.

"Huminahon ka, Christine," hinawakan ni ama ang ulo ng aking kapatid, "ayaw ko kayong nakikitang lumuluha." Niyakap niya kaming dalawa at nagsabing, "Mahal na mahal ko kayo, lagi niyo itong tatandaan." Pinunasan ni ama ang mga luha ni Christine. "Huminahon ka, anak."

Matindi pa rin ang paghikbi ni Christine ngunit nagpatuloy na may pilit sabihin. "Si I-ina… ate, ama. P-pinatay siya ng heneral!" At mas lumakas ang kaniyang pag-iyak. Nagulantang ako't agad ring pumatak ang luha sa aking mga mata. Kaya pala ganoon na lamang madurog ang puso ng aking kapatid.

"Magbabayad 'yang Magath na 'yan!" bagamat nanghihina, sumigaw pa rin ang aking ama sa tindi ng kaniyang galit. Nakita ko ang paghigpit ng kamao at ang bagsik na namuhay sa kaniyang mga mata. "Nasaan ka, Magath?!" patuloy siyang tumangis.

"Ama," hinawakan ko ang kaniyang mga palad at muli siyang niyakap. Siguro may nagawa ako kung sinubukan kong sumama. Siguro nailigtas ko si ina kung sumunod ako. Siguro. Siguro. … Napahinto ako, humawak ako sa aking noo, napapikit, at napalunok. Sumagi sa aking isip ang mga paparating na mananakop at alam kong kailangan na naming mailikas sina ama. Inayos at itinindig ko ang aking sarili at hinudyatan si David sa mga mata, "Bilisan natin nang tayo'y makalikas na." At tumango si David.

Naiayos na namin at naisakay na ang lahat sa sasakyan para sa aming paglikas. Inihiga namin si ama sa kandungan ni Christine sa mga upuan sa likod ng sasakyan. Pasakay na rin ako nang biglang kaming makaramdam ng dagundong. May malaking pagsabog ang naganap at tanaw ang makapal na pagsaboy ng abo't usok mula sa aking kinalalagyan. Inabot ang napakaraming gusali, maging ang b-bilangguan? Nataranta ako't hindi mapakali ng makita kong may gumuho pang bahagi ng gusali. 'Di ko matanggap na nagawa ko siyang makalimutan kahit na sandali lamang. Isa lang ang aking nasa isip ngayon — si Avir.

* * *

Nagsimulang magpakawala ng bala ang pangmalayuang kanyon ng makabagong barkong pandigma ng kalabang bansa, hudyat na malapit na ang mga ito sa silangang dalampasigan. Pinunterya nito ang kapatagan sa bahagyang timog ng Bulubunduking Dumakulem. Sa lakas, nakagawa ito ng malaking butas sa lupa na kung saan nagkulay abo ang lahat ng nasa paligid nito. Halos mabura rin ang Kagubatan ng Kalingag at ang natira sa mga puno nama'y nagliyab. Umalingawngaw ang mga huni ng mga nagliliparang langkay-langkay ng mga ibon. Naglakbay ang dagundong hanggang sa maramdaman ito ng mga tao sa siyudad. Ang mga inabot ng malakas na dagundong ay nakatamo ng pagguho — ang Bahay Pamahalaan, Bilangguan, Hukuman, at mga kabahayan.

Tanaw ni David ang bawat galaw ng buhok, mga kamay at paa ni Cateline habang nakikita niya itong muling lumayo. Alam niya, 'di hadlang kay Cateline ang unti-unti pang pagbigay ng gusali, bagkos ito pa ang sa kaniya'y nagpapalapit. Napangisi't napailing na lamang si David dahil alam rin niyang walang makapipigil rito, maging ang pinakamamahal nitong ama. Pinihit na ni David ang manibela't nagsimula nang paandarin ang sasakyan.

"Ate, saan ka pupunta!" buong-lakas na hiyaw ni Christine. "Ate!"

"Cateline!" sigaw rin ni Ravan. Umupo siya mula sa pagkakahiga upang masilayan si Cateline.

"David anong ginagawa mo?! Sunduin natin si ate!"

"Alam ko po kung saan siya pupunta." mariing sambit ni David. Nginitian niya si Ravan at nagwikang, "Babalikan ko po siya ngunit sa ngayon, dadalhin ko po muna kayong dalawa sa mga bangkang panlikas." Inikot na ni David ang sasakyan patungo sa direksiyon ng tagpuan.

"Ngunit, napakamapanganib." nag-aalalang sambit ni Ravan. "Anak…"

Mabilis na nagmaneho si David patungo sa dalampasigan sa timog-kanluran. Nang makarating, iniakbay ni David sa kaniyang balikat ang kamay ni Ravan at naglakad na sila papunta sa mga sundalong nagbabahagi ng mga bangka. Napakaraming bangkang kahoy ang nakadaong rito. Marami ring mga mamamayan ang naroon na nagbabangayan, nag-aalitan, matiwasay na naghihintay ng pagkakataon, at nag-uunahan makakuha lamang ng masasakyan. Mapalad, dahil agad silang tinulungan ng ibang sundalo at nabigyan ng bangkang magagamit. Inalalayan ni David na isakay sa bangka sina Ravan at Christine, pati na rin ang kanilang mga gamit.

Lumapit si David kay Christine. Hinawakan niya ang kamay nito't binuksan ang palad. "Ang handog nga pala ng ama mo sa inyo, Christine." Iniabot niya ang mga kahon at mahigpit na sinara ang mga daliri ni Christine.

Agad ring hinawakan at sandaling hinaplos ni Christine ang mga kamay ni David. "Salamat," nakangiting sambit ni Christine, bagamat kay tamlay, habang nakatitig sa mga asul na mata ni David. At kinuha na niya ang mga kahon. "Nawa'y gabayan ka ng bughaw na kalangitan."

"Humayo na po kayo." tumango si David sa mag-ama, "Ako na po ang bahala kay Cateline." Inilubog ni David ang kaniyang paa sa tubig at buong-lakas na tinulak ang bangka mula sa pagkakadaong nito.

"Ingatan mo ang aking anak." bilin ni Ravan.

"'Wag po kayong mag-alala, tutuparin ko po ang inyong bilin sa akin." ngumiti pabalik si David.

Pamamaalam ni Christine. "Ingatan mo siya. Ingatan mo rin ang iyong sarili."

Muling lumingon si David sa huling pagkakataon at nagmadali nang pumaloob sa sasakyan upang sunduin si Cateline.