Chereads / AGNOS / Chapter 8 - ANG HATID NG KINABUKASAN

Chapter 8 - ANG HATID NG KINABUKASAN

Matapos mabanaag nang sandali ang paglubog ng araw sa dalampasigan, hinatid na ni Ravan ang kaniyang mag-ina sa kanilang tahanan. Isinuot niya ang kaniyang pinaglumaang uniporme. Dinala niya rin ang ipinahanda ng pinuno na isang personal na pampalutang. Halik sa noo nina Mara't Christine ang kaniyang iniwan bago tuluyang umalis. 'DI na niya dinala ang kaniyang sasakyan at dumiretso na lang sa Bahay gamit lamang ang yapak.

Nang makarating sa opisina ukol sa mga namumuno sa bansa, sinenyasan na lang siya ng titig ng pinuno upang sumunod patungo sa isang lihim na silid. Ang daan papasok ay isang aklatang nauusog upang magbunyag ng isang lihim na hagdanan patungo sa ilalim ng Bahay Pamahalaan. Sa dulo ng hagdangan tumambad ang isang madilim na silid, tanging isang maliit na bumbilya lamang na nakasabit ang nagpapaiilaw sa silid. Pinagtataka ni Ravan ang tila tunog ng rumaragasang ilog na umuugong sa paligid.

"Nagawa mo ba ang aking mga ipinapagawa?" pambungad ng pinuno nang maupo sa isang silyang nasa ilalim ng liwanag ng bumbilya.

"Opo." tugon ni Ravan.

"Sa iyo ko unang ibinunyag ang lugar na ito. Lugar na nagsisilbing taguan ng mga naging at magiging pinuno ng bansa sa tuwing may nakabadyang panganib sa aming buhay." Diin pa niya, "Ikaw pa lang ang may alam."

"Salamat po sa pagtitiwala." tumango si Ravan. Naupo na siya sa nakahandang upuan sa tapat ng kinauupuan ng pinuno.

"Ngayong hating-gabi'y mailalatag na ang mga bangka. Ipapalaganap pa sa mga mamamayan ang magaganap na paglikas. Simulan mo nang maglikas bukas, ganito ring oras ng gabi, upang hindi mahalata ang pagtakas ng ating mga mamamayan."

"Bukas? Kaagad?" kumunot ang noo ni Ravan. Humingi pa siya ng pahintulot, "'Di naman po masama kung uunahin ko ang aking pamilya?"

Tumango ang pinuno, "Maari ka nang umalis. Mabuting gawin natin itong maiksi upang 'di mahalata ang aking pagkawala."

"Opo."

Tumayo ang pinuno mula sa kaniyang kinauupuan. Tumuro siya sa isang sulok kung saan maraming bariles ng alak ang naka-ipon. "Alam kong naaninagan mo ang mga iyon." Tumalikod ang pinuno kay Ravan at nagtungo sa magulong magkakapatong na mga lalagyan ng alak. "Pinagmukha itong imbakan ng alak kung sakaling mang may kahina-hinalang tao ang makadiskubre nito." Lumapit sa mga bariles ang pinuno at sinundan siya ni Ravan. "Nakikita mo itong natatanging malaking takip ng bariles na nakapatong sa sahig?"

"Opo, Pinuno."

"Tumalon ka riyan." seryosong iniutos ng pinuno. Nakita niya na napalunok si Ravan sa kaba sa kaniyang naisambit. Dagdag pa niya, "Isa 'yang sikretong pintuan. Babagsak ka sa tubig at aalunin ng ilog na nasa likod ng pamahalaan. Isa yang lihim na lagusang pantakas. Rumaragasa ang ilog ngunit walang alimpuyo ang sayo'y naghihintay."

"Nagtitiwala po ako sa inyo. Tatalon ako kung saan man ako dalhin nito." buong tapang bagamat kinakabahang tugon ni Ravan.

"'Wag kang mag-alala. Basta't dala mo iyan," tumuro ang pinuno sa suot ni Ravan, "kakayanin mo ang ilog." Sumaludo ang pinuno, "Pagpalain ka nawa. Mag-ingat ka. Pagpalain rin nawa ang ating mga mamamayan."

Ayon na rin sa utos ng pinuno, isinuot ni Ravan ang isang personal na kasangkapang pampalutang. Handa na ang lahat kaya't sinuong na niya ang lihim na lagusan na nagdala sa kaniya sa tubig. Tubig, na parte rin ng malaking ilog mula sa hilaga ngunit sa ilalim ng lupa dumadaloy. Mabuti na lamang at malalim ang ilog kaya't sa ilalim matatagpuan ang mga malalaking bato na naiipon dito. Nagpaikot-ikot si Ravan at hirap na umahon dahil sa lakas ng alon. Sinusubukan niyang makaangat sa tubig kahit man lamang ang kaniyang ulo upang makahinga. Sa kabila nito, nagawa pa rin niyang maging mahinahon dahil sa mga pinanghahawakan niyang mga salita ng pinuno. Sa lakas ng daloy at sa halos tuwid nitong katangian, mabilis niyang binaybay ang nalalabing bahagi ng tubig na rumaragasa. Mas huminahon siya't nakabawi ng hininga nang kumalma na ang tubig sa parte ng ilog na malapit sa bunganga nito. May iniwan ang pinuno na dalawang bangkang nakalubid sa labasan sa dagat. Ginamit ni Ravan ang isa upang umikot patimog.

Samantala, naglakad-lakad sa labas ng Bahay Pamahalaan ang pinuno bago muling bumalik sa kaniyang opisina. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang tumambad ang heneral na nakaupo sa ibabaw ng mesang laan para sa mga pinuno. Nakapatong ang mga braso nito sa tuhod at bahagya namang nakayukod. Kay talim ng titig nito sa kaniya at nakasuot ng isang baluktot na ngiti.

"Kamusta kagalang-galang na Pinuno." mapanuksong bati ng heneral nang patalon siyang bumaba mula sa mesang kinauupuan.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" mahinahong tugon ng pinuno.

"Samahan mo ako sa baba, mag-inuman tayo." alok ng heneral. "Saan nga ba ang daan papunta roon?"

Napalunok ang pinuno at bahagya itong ngumiti.

Nagsimulang maglakad ang heneral at inikot ang silid. "Dito ba?" tumuro siya sa dingding kung saan nakasabit ang pinakamalaking larawan ng pinakamagiting na naging pinuno ng bansa. "Dito ba?" mapanuya pa nitong dagdag nang ituro naman ang malaking watawat ng bansa. Dahan-dahang naglakad ang heneral patungo sa malaking salansanan ng aklat, "O DIto?" Napangiti siya ng bahagyang gumalaw ang salansanan sa mahinang pwersang kaniyang ibinigay. Bigla siyang humarap sa pinuno at pinaputukan ito ng baril sa kaliwang balikat at sa kanang hita.

Napaluhod ang pinuno dahil sa natamo. "Tuso ka talaga." mahangin at mahingang sambit pa nito.

"Simula pa lang noong nagkadiskusiyon sa hukuman nang malaman ni Ravan ang totoo, pinamanmanan ko na siya. Lahat ng naging yapak at naging aksiyon niya, alam ko." pagmamalaki ng heneral. "Dalhin na iyan!"

Pumasok ang dalawang kasabwat na sundalo at dinakip ang pinuno patungo sa lihim na silid. Nang makarating, ibinagsak ng dalawa ang pinuno sa harapan ng heneral. Nagpako pa ang mga ito ng dalawang kadena sa pader na ipanggagapos sa pinuno.

"Ano ang inyong pinag-usapan ni Ravan?" ngasngas ng heneral.

"Wala kang malalaman." paninindigan ng pinuno.

Dahan-dahang yumukod ang heneral sa harap ng nakaluhod na pinuno. Nang subukan niyang bumulong sa tainga nito, agad nakabunot ang pinuno ng punyal at sinubukang hiwain ang kaniyang mukha. Nakalayo agad si Magath; subalit, napatid ang kaniyang pilak na kuwintas at nadaplisan ang kaniyang mukha. Hindi lang ito nagdulot ng mahabang sugat, kundi na rin ng pagkabulag ng kaliwa niyang mata. Tumangis ang heneral habang nakatitig sa hawak niyang napatid na kuwintas. Napatakan ng luha at dugo mula sa magkabilang mata ang kaniyang palad. Hinggil sa galit, tumiim ang kaniyang mga ngipin at nagdugo ang kaniyang gilagid sa diin ng kaniyang kagat. Nakadagdag pa sa kaniyang galit ang mapanuksong hagikhik ng pinuno. Sinikmuraan niya ito't hinampas pa sa pader. Tanging pagsigaw na lamang ang nagawa ng pinuno dahil sa tindi ng sakit. Si Magath na mismo ang naggapos sa mga kamay nito. 'Di pa siya nakuntento, pinagsisipa at tinuhuran pa niya ang nanghihinang pinuno. Sa lakas ng pwersa ng bawat sipa't suntok, napasuka ang pinuno ng dugo. "'Di kita bubulagin hayup ka! Gusto ko makita mo kung paano ko papatayin si Ravan, at kung paano magwawakas ang inyong buhay!" harap-harapang sinigawan ng heneral ang pinuno. Nagpatuloy pa siya sa pag-usisa, "Ano?! Wala ka talagang sasabihin? Saan mo pinatakas si Ravan?!"

"Wala … kang ..." hirap na hirap na mga salitang sinambit ng pinuno, "mapapala … s-s'akin."

Muling sinuntok ng heneral ang pinuno sa kaniyang sikmura. Dinuro niya ito sa noo't sumambit, "Kung wala kang sasabihin, si Ravan na lang mismo ang papupuntahin ko." Utos ni Magath sa isang sundalo, "Ipaalám kay Ravan na magkikita ulit sila ng pinuno kinabukasan," ngumisi ito, "dito sa lihim na silid."