Chereads / PURAW (Ang Gwapong Mangyan) *ongoing* / Chapter 14 - Chapter 11 (Bangungot)

Chapter 14 - Chapter 11 (Bangungot)

Alyanna P.O.V.

Tatlong araw na ang nakalilipas magmula ng malaman kong kaklase ko pala sina Puraw. At tatlong araw na rin nang mapasama ako sa grupo nila.

Akalain mong sikat pala sila rito. Kaya simula nang sumama ako sa kanila ay masasamang tingin mula sa ibang estudyante ang natatanggap ko. Tss, mga insecure lang!

"Psst... Sa'n ka?"

"Jordan, ikaw pala... Puntahan ko lang yung kambal. Sasabay daw sila sa lunch kung pwede? Sabay kasi break time nila sa'tin ngayon kaya gusto nilang sumama." Paliwanag ko.

"Sure, walang kaso... Samahan na kita." Offer niya atsaka pinangunahan ako sa paglakad. Sige, ikaw na lang kaya ang pumunta?! Hindi man lang ako hinintay. Ang galing!

Napairap na lamang ako at sumunod na lang sa kanya. Ilang saglit pa'y nasa bukana na kami ng classroom ni Maleng. Nasulyapan niya kami kaya sumilay ang ngiti sa kanyang labi. Magkaiba sila ng room ni Aning dahil nga magkaiba sila ng major.

Pagkatapos ng ilang minuto, lumabas na ang kanilang prof kaya 'di magkandaugaga sa pagtayo ang lahat kasama na si Maleng.

"Hi Jordan/Hello Blake!" Sabay na bati ng kambal sa kasama ko. Hindi ko napansin ang paglabas ni Aning sa katabing room at napansin ko na lamang na nasa harapan na namin siya. Pero wow as in wow lang! Nandito ako ohhh! Ako yung kaibigan niyo ohhh! Aba! Nakakita lang ng gwapo, nagkalimutan na, ganun?!

"Hi girls, sasabay daw kayo sa'min. Tara na!"

Tamo 'tong mga 'to! Aba'y hindi talaga ako napansin dito!

Padabog akong humakbang at kasabay nun ay biglang may pumatid sa'kin. Nawalan tuloy ako sa balanse kaya napatumba ako.

"Pfffft..."

Tumunghay ako at nakita ko ang nakangising babae na hindi ko naman kilala para gawin sa'kin 'to. Napangiwi ako sa sakit ng dibdib ko dahil 'yun ang unang tumama sa sahig. Leche!

"Hey, Alyanna. Ok ka lang?" Puno ng pag-aalalang tanong sa'kin ni Jordan kaya tumango na lang ako at tumayo.

Tinulungan naman ako ng kambal na pagpagan ang damit kong nadumihan ng konti. Tss, kung hindi pa ko humalik sa sahig, hindi ako mapapansin ng dalawang 'to!

"Bakit mo ginawa 'yun, Jhaira?" Galit na tanong ni Aning. So Jhaira is the name? Tss, bitch!

"Haha.. I didn't do anything. May pagkatanga lang siguro ang friend niyo kaya pati sahig gustong halikan."

"Aba't----"

Pinigilan ko na si Aning sa pagsugod. Ayaw ko na lang patulan dahil malas niya kapag nagalit ako. Hindi lang sahig pahahalikan ko sa labi niya pati kamao ko!

"Hayaan niyo na. Hindi naman ako napuruhan, eh."

"Ok ka lang ba talaga? Gusto mo dalhin kita sa clinic?"

"O.A. ka Jordan! Ok lang ako. Tara na baka hinihintay na tayo nina Danica."

Napabuntong hininga na lang si Jordan at tumingin ng masama kay Jhaira. Napairap lang naman ito at tinalikuran na kami.

Nanguna na ko sa paglalakad. Lumingon ako sa tatlo na halata pa rin ang pagkainis sa mga mukha nilang nakabusangot.

Binalikan ko sila dahil ang kukupad lumakad.

"Hey, Aning. Sino yung Jhaira pala?" Tanong ko bigla.

"Naku! Yana, h'wag na h'wag kang lalapit dun dahil dakilang bully yun kahit nung nasa Lab High kami, umiiwas na kami dun dahil nga masama ang ugali. TAPOS HANGGANG NGAYONG COLLEGE, ANONG ITIM PA RIN NG BUDHI!!Kung 'di ninyo lang ako pinigilan kanina bibirahi ko yung babaeng yun para magtímo!" Inis na turan niya.

(Translate: bibirahi~bibirahin/bubugbugin

magtímo~tumigil/magtino)

"Ahhh, bakit naman ako iiwas dun? Dapat siya nga ang umiwas sa'kin dahil 'di niya ko kilala, noh?!" Mayabang kong sabi.

Napairap na lang sa'kin ang kambal. Totoo naman kasi! Hindi alam ng Jhaira na 'yun na mas masahol pa ko sa bully. Kantiin niya pa ko at may kalalagyan sa'kin ang bruha na 'yun!

"Hoy, Yana! Alam ko 'yang mga ngising 'yan, huh! H'wag kang mag-iisip ng kalokohan dahil hindi ako magdadalawang-isip na isumbong ka kay Ma'am Bernadette." Sabi ni Maleng. Pinandilatan niya pa ko kaya napairap na lang ako.

Tss, oo nga pala, noh?! Kaya nga pala dito ako pumasok para magtino... Haissttt! Pero alangang magpaapi na lang ako kung sinasaktan na ko, 'di'ba?! Tss... pero kapag nalaman ni Mama na may ginawa na naman akong kalokohan, tiyak bye-bye na sa luxuries ko... Hanep na buhay 'to!

"Sinong Ma'am Bernadette?" Tanong naman ni Jordan.

"Ahh, she's my mom." Sagot ko.

"What do you mean, isusumbong ka niya sa mommy mo?" Turo ni Jordan kay Maleng habang nakatingin sa'kin.

Tumingin naman sa'kin ang kambal na parang nagpapahiwatig ang mga tingin.

Tss...fine!

"I'm g--grounded I t-think?! Hehehe..." Pinanliitan naman ako ng tingin ni Jordan at parang hindi kontento sa sinabi ko. "Ok, fine... Ipinatapon ako rito ng parents ko kasi action star ang 'peg ko. As a result, I'm gonna study here and try to be the best version of myself for me to get back in Manila. And Booo! Back to normal." Dagdag ko.

"Ohhh, ok-okay?! Hehehe... Ta'na nga hahaha," naiilang na wika ni Jordan. Natakot 'ata sa term kong "action star". Paano pa kaya kung makikita niya kong makipagbugbugan?! Hahaha...

Lumakad na kami at pansin kong tahimik silang tatlo. Hindi ko na lang pinansin iyon hanggang sa matanaw na namin ang nakangiting si Danica at ang walang emosyong mukha ni Puraw na prenteng nakaupo at bagot na bagot na sa paghihintay sa'min sa cafeteria.

Sabay-sabay kaming umupo sa bakanteng upuan sa lamesa nina Danica. Napansin kong nagtataka ang dalawa kung bakit katahimikan ang namutawi sa aming tatlo. Bumuntong hininga na lamang ako at humihiling na sana'y h'wag nang ungkatin pa ng kambal o ni Jordan ang nangyari kanina dahil nahihiya ako sa magiging reaksiyon ng dalawang kasama namin lalo na si Puraw na kanina pang nakatingin sa'kin.

Heto na naman ang kakaibang pakiramdam na tumubo sa dibdib ko. Nakayuko ako at pilit na h'wag tumunghay dahil pamihadong sasalubong sa'kin ang kulay abong mga mata ni Puraw.

"Pinatid ni Jhaira si Alyanna."

Dire-diretsong lahad ni Aning kaya napalingon ako sa kanya at tiningnan siya ng "bakit-mo-sinabi?"

Umiwas naman siya ng tingin kaya bumuntong hininga na lamang ako. Ang kaninang mukhang nakangiti ni Danica ay napalitan ng pagkakunot habang si Puraw ay nanatiling walang emosyon ang mukha.

Ano bang aasahan mo, Alyanna? Ang magalit siya kasi pinatid ka ng bruhang kamukha naman ng clown sa sobrang kapal ng kolorete sa mukha?!

"Kumain na lang tayo, guys... Ok lang naman ako, hehehe." Sabi ko at nag-order na sa counter ng pagkain. Sumunod na rin sa'kin ang tatlo para umorder. Hindi naman makatingin sa'kin si Aning sa takot na kutusan ko siya.

Pagkatapos ay umupo na kami at tahimik silang sumabay sa pagkain. Nangingita pa rin sa kanilang mga mata ang makahulugang tingin sa akin kaya naiilang ako sa pagsubo. Ngunit dala na lang din ng kagutuman kung kaya't hindi ko na sila pinansin pa at inabala ko ang aking sarili sa pagkain.

"Buti naman Aning nakasabay kayo sa'min. Kain lang kayo huh." Tukoy niya sa order nila kanina na dessert. "Libre 'yan ni Puraw kasi malakas ang benta niya ngayon eh.." lahad ni Danica.

Napatunghay naman ako sa sinabi niya. Lumingon ako sa gawi ni Puraw nang nangunguwestiyon ang tingin. Nakuha naman niya ang nais kong iparating kaya inilapag niya muna ang kutsara at humanda sa pagsasalita.

"Ubos lahat 'yung paninda ko eh." Panimula niya habang nakatingin sa'kin. "Tinutulungan ko ang Nanay sa pagtitinda ng gawa niyang suman sa lihiya." Dagdag niya.

Nagulat ako at alam kong pansin nilang lahat ang pagkamangha ko. Wow lang kasi! Ngayon lang ako nakakita ng katulad niyang lalaki na tumutulong sa magulang sa pagtitinda. Kasi 'di'ba nasa 21st century na tayo tapos may mga lalaki ngayon na puro papogi lang ang alam.

"Hanga talaga kami sa'yo Puraw. Ang yaman-yaman niyo tapos nagtatrabaho ka pa. Ang astig mo talaga!" Masayang sabi ni Aning habang pumapalakpak pa.

Napatawa tuloy kaming lahat at maging si Puraw ay napangiti na rin.

"Hindi naman kasi para sa'kin yung perang kikitain ko sa pagtitinda eh." Sambit ni Puraw habang hawak ang sentido. "Eh, para saan pala 'yun kung gano'n?" Singit ko naman kaya napatingin siya sa'kin.

"May pinapaaral ako eh." Sagot niya sa'kin at mariin na tumitig.

Napatigalgal ako. May pinapaaral siya? How come? Sino?

"Hey, Puraw!" Tawag nang nasa likuran ko kaya hindi na nagawang ibuka muli ni Puraw ang bibig para magpaliwanag. At napalingon kaming lahat sa nagmamay-ari ng boses.

"Coach." Sabay na wika ni Puraw at Jordan at tumayo sa kani-kaniyang upuan upang batiin ang nasa harapan.

Kaya pala pamilyar sa'kin. Siya pala yung coach nila nung Interhigh.

"Alam niyo na ga yung announcement? Wala kayong klase ngayong hapon dahil start na ng registration sa mga organization at club. At kayong dalawa ang kasama ng mga seniors mamaya sa try-out ng basketball boys at girls." Paliwanag ni coach sa dalawa habang hawak ang balikat ng mga ito.

Kami namang mga babae ay nagtinginan at parang nagdidiwang ang mga mata dahil sa balitang walang klase mamaya.

"Nga pala sasali ka ba Danica sa basketball? Magtry-out ka." Kumbinsi ni coach na nakatingin na sa gawi ni Danica.

Napalingon saglit sa'kin si coach at ngumiti kaya ngumiti na rin ako. At gano'n din ang ginawa niya sa kambal. Marahil ngayon niya lang napansin ang presensiya naming tatlo.

May varsity pala sila ng basketball para sa mga babae?! Hmmmm.

"Sige po Coach." Sagot ni Danica.

~*~

"Ano Yana? May naisip ka na gang sasalihang organization?" Tanong ni Maleng habang inaayos ang kanyang gamit. Magpapa-register kasi siya para makasali sa school publication. Hilig kasi niyang magsulat na kinaiinggitan ko dahil hindi naman ako marunong gumawa ng balita.

Ganoon din ang nais ni Aning kung kaya't nagbabasa na rin siya ng mga current issues online para kapag nagkaroon ng workshop ay may maisusulat siya. Sana lahat!

Nandito kami ngayon sa library at nakatambay. Sinamahan lang nila ako dahil wala akong kasama at isa pa sina Jordan ay nasa court na para sa paghahanda ng try-out.

"Wala akong balak salihan. Baka ma pa-trouble pa ko." Senyas ko pa upang iparating na hindi na mababago pa ang desisyon ko.

"Sige ka, hindi mo makakasama si Puraw. Hindi ga deds na deds ka do'n?! Akala mo hindi ka namin napapansin na panakaw-nakaw tingin sa kanya! Naaaayyy!! Sarap mong kuruti sa singit! Ayyy kakire!" Kantyaw sa'kin ni Aning sabay duro-duro pa at nanlilisik ang mata. Tss! Baliw!

(Translate: kuruti~kurutin)

"Tigilan mo nga si Yana. H'wag piliti ang ayaw at baka pumayag! Hahaha." Nakangising tukso rin ni Maleng kaya napabuga na lamang ako ng hangin.

(Translate: piliti~pilitin)

"Umalis na nga kayo! Ang lakas ng mga boses niyo parang wala kayo sa library ahhh!! H'wag niyong subukang ilaglag ako kay Puraw dahil kayo ang sasamain sa'kin! Pananakot ko sa kanila kaya napanguso na lamang ang dalawa at sabay irap na umalis.

Kanina pa rin ako malalim na nag-iisip kung sasali ako. Sayang din yun pandagdag ng points sa grade. E'di matutuwa pa sina Mama kung sakaling malaman nilang nagtitino na ko tapos active sa mga activity tulad ng ganito so ibabalik na nila ako sa Manila. Sige, sasali na nga ako! Bwahahaha.

Hiyawan at palakpakan ang naabutan ko sa grand stand kung saan nandoon din ang basketball court. Tirik na tirik ang araw at tagaktak na ang pawis ng mga naglalaro. Ang mga nanonood naman ay mga nakatayong naghahagikhikan sa taas ng mga bleachers.

Nakita ko sa may baba sina Puraw at Jordan kasama si Coach at nang iba pang mga kalalakihan marahil sila ang seniors na tinutukoy ni Coach kanina. Nagpalinga-linga ako para makita naman si Danica pero hindi ko siya matagpuan. Akala ko ba magtatry-out siya?

Buti na lamang lagi akong may handang t-shirt sa bag kaya mabilis akong nagpalit kanina sa malapit na C.R. Nakapantalon naman ako at rubber shoes kaya okay lang naman siguro ang ganito sa maglalaro.

Nakita ko nang nag-alisan mga lalaking freshmen sa court marahil ay tapos na sila. Pumunta na sila sa direksiyon nina Puraw habang nililista naman ni Coach ang mga pangalan na nagpakita ng angking kakayahan sa larong basketball.

"Girls naman!" Sigaw ni Coach.

Tilian ang narinig ko hanggang sa pumunta na nga sa court ang ilang mga babae. Mukha namang papansin lang dito at hindi maglalaro! Paano ba naman mga naka-make up pa!

Nanood na lang muna ako mamaya na ko sasalang. Mukha namang madali lang dahil shooting pa lang ipinagawa sa kanila. Nakakatawa pa nga ang ilan na parang nagpapa-cute lamang sa direksiyon nina Puraw at Jordan. Wala namang pakealam yung dalawa at nakatingin lamang sa ring at naghihintay kung may makaka-shoot ba.

Ilang saglit pa at nakita kong lumapit si Danica sa dalawa at bumulong. Saka nagpunta na sa may court at drinibble ang bolang binigay sa kanya ng isang senior.

Hindi ko ipagkakailang marunong siya, huh. Hinagis niya bigla ang bola and shoot! Silent!

Napalakpak ang dalawang kaibigan at maging ako'y napapalakpak na rin. Astig niyang gumalaw sa court.

Napangisi naman sa kanya si Coach at mukhang satisfied sa ginawa niya. Tiyak makakapasok siya sa varsity!

Lumakad na siya papalapit kala Jordan at nag-high five. Napangiti na lamang ako sa samahan nilang tatlo.

"Next." Sigaw ni Coach.

Okay ako naman. Bumuga ako ng hangin saka marahang lumapit sa may ring. Napatingin naman ang lahat sa akin. Maging sina Puraw ay napalaki ang mata sa gulat. Hindi ba sila makapaniwala na marunong I mean magaling ako maglaro ng basketball. Hmmmp, watch and learn.

Ngumisi ako at kukunin na sana ang bola sa isang senior nang may umunang kumuha nito. Napakunot ako nang makita ang mukha nang pumatid sa'kin kanina.

"Coach, 1 on 1. Kapag nanalo yan e'di pasok siya sa varsity pero kapag ako ang nanalo, payagan niyo kong maging Captain ng team dahil batid niyo naman ang kakayahan ko 'di'ba?" Baling niya kay Coach habang pinapaikot sa isa niyang daliri ang bola. Yabang.

"Pero Coach hindi puwede, shooting lang ang try-out ng girls'di'ba? Unfair yun kay Alyanna." Singit naman ni Jordan at bakas sa kanya ang pag-aalala.

"H'wag kang makisali, Jordan." Baling niya rito sabay irap. "Tss. Ano na? Mananahimik ka na laang diyan?! Natatakot kang matalo? HAHAHA. Dapat ka lang matakot dahil ako ang kalaban mo." Ngising asong sabi niya habang nakatingin sa mga mata ko.

"Go." Napalingon ako kay Puraw. Isang salita lang yun pero nabuhayan ako ng loob para ngumisi pabalik sa kaharap ko. "Kapag nanalo ka, ikaw ang magiging Captain ng varsity team ng girls." Lingon naman nito kay Jhaira kung kaya't lumaki naman ang ngiti ng babae nang marinig iyon mula kay Puraw. "Pero kapag natalo ka, si Alyanna ang magiging Captain." Gulat akong napatingin sa kanya.

Seryoso lamang itong nakatingin sa amin. Maging sina Danica at Jordan ay napalingon sa kasama at nagtataka sa binanggit nito.

Napalunok na lamang ako at bumuntong hininga. Kailangan mong manalo Alyanna!

Lumingon muli ako sa direksiyon niya. Hindi siya ngumiti sa akin ngunit nakikita ko sa mga mata niya ang pagtitiwala na makakaya kong manalo. Sina Danica at Jordan naman ay nag-thumps up sa'kin kaya napangiti ako sa kanila. Masaya akong napabilang sa kanilang grupo.

"Ehem. Okay, si-simulan na. Isang quarter lang tayo at kalahating court lang ang gagamitin. So normal na scoring pa rin. 2 points at 3 points, paramihan ng shoot hanggang sa maubos ang oras at ang pinakamaraming points of shoot ang mananalo. May referee tayo para sa foul and any violation. Good luck." Mahabang paliwanag ni Coach.

Ipinasa ni Jhaira sa'kin ang bola."Ikaw ang mauna." Ngumisi lamang ako at nag-dribble.

Pansin kong dumami ang nanonood at ang kaninang hiyawan ay napalitan ng pananahimik na parang naghihintay sila ng kapana-panabik na mangyayari.

Sinadya niyang hindi ako bantayan kaya malaya kong shinoot ang bola sa ring. 2 points.

Siya naman ngayon ang may hawak ng bola at pasikat na nagdri-dribble.

"GOOO ALYANNAAAAA!!!"

Napatingin ako sa dalawang kambal na kumakaway sa'kin. Haissttt! Ingay!

Patuloy lang sa ginagawa itong bruhang ito. Ano ba? Hindi ba niya ishoshoot ang bola?

"Ano? Wala ka bang balak agawin sa'kin ang bola, Alyanna Gwen Navarro?" Tuyang sambit niya habang nakatingin sa'kin ng matalim.

"Hindi ko akalaing sikat pala ako rito. At buong pangalan ko pa, huh?!" Ngumisi lang siya sa'kin at shinoot ang bola. 2 all.

Hawak ko ang bola at mahigpit na niya kong binabantayan. Lumipas ang ilang minuto at nagpapalitan lang kami ng mga puntos.

Pawang habol ang hininga at tumutulo na ang pawis sa aming katawan. Isho-shoot ko na sana ang bola nang agawin niya ito mula sa akin. Hinabol ko siya at sinubukang kunin sa kanya ang bola ngunit sadyang mahigpit ang kanyang depensa sa'kin.

Para kaming mga batang nag-aagawan kung kaya't hindi na namin pansin ang sigawan mula sa mga manonood. Napatigil ako nang magsalita siya.

"Paanong hindi kita makikilala, gayong ikaw lang naman ang natatanging anak ng pamilya Navarro na tila pinagkaitan ng pag-aaruga ng magulang. Kung ako marahil ang iyong ina ay ipagkakait ko rin sa'yo ang pagmamahal. Dahil wala ka namang ginawa sa buhay mo kundi mamuhay sa luho at makipagbasag-ulo." Bulong niya habang drinidribble ang bola.

Napangisi siya sa'kin nang makitang nandidilim na ang aking paningin.

Nagngingitngit ako sa galit at patunay dito ang pagkuyom ng aking kamao. Gusto ko siyang saktan. Gusto kong ipalasap sa kanya ang kanyang sariling dugo hanggang sa magmakaawa siya sa'kin.

Wala siyang karapatang insultuhin ako. Pigil na pigil ko ang aking sariling makalikha ng anumang ikasisira ng aking pangalan.

Kaya hindi ko siya papatulan kahit pa alam kong may nalalaman siya tungkol sa aking pamilya.

Kusang kumilos ang aking katawan hanggang sa namalayan ko na lang na nabawi ko sa kanya ang bola. Tumingin ako sa oras. Labinlimang segundo.

Parehas na 22 ang aming puntos. Kung maisho-shoot ko ang bola, mapa-dalawa o tatlong puntos man ang aking piliin ay ako pa rin ang mananalo. Ngunit kung dadaplis ako, tiyak magiging Captain ang bruhang ito. At hindi ako makapapayag na mangyari iyon.

Tumingin ako sa lugar kung saan nakahalukipkip na nakatayo doon si Puraw. Walang mababakas na kahit na anong emosyon sa kanyang mukha ngunit kung pakatititigan ang kanyang mala-abong mata tila marami itong nais sabihin.

Sa ilang segundo ay nasaulo ko na agad ang kabuuan ng kanyang mukha. Ang kulay-blonde na buhok niyang nakatakip na sa kanyang noo dahil medyo mahaba na ito. Ang matangos niyang ilong at makakapal na kilay. Mamula-mulang mga labi at perpektong hugis ng mukha. Higit sa lahat ang kanyang mapang-akit na mga mata na pinalamlam pa ng kanyang mahahabang pilik-mata.

Ngumiti siya sa'kin at tumango. Tila naalis lahat ang masamang pakiramdam ko kanina at napalitan ng kung anong magaan na damdamin na lumukob sa aking kaibuturan.

Nagdidiwang ang aking puso at may kung anong kiliti sa aking kalamnan nang makita ko ang kanyang ngiti. Alam kong tukoy ko na ang aking pagtingin sa kanya pero tila naninibago pa rin ako.

Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko dahil nagtaka ang lahat nang tumakbo ako papunta sa kabilang court at dribble pa rin ang bola. Maging si Jhaira ay napatulala sa ginawa ko at marahil iniisip niyang sumusuko na ko.

Ngunit nagkakamali siyang kalabanin ang isang Alyanna Gwen Navarro.

Tumigil ako sa tapat ng ring at nakatigil naman si Jhaira sa kabila habang nangunguwestiyon ang tingin.

Limang segundo na lang. Katahimikan ang namayani sa lahat at tila hindi kumukurap para makita ang susunod kong gagawin.

Pumwesto ako at buong lakas na hinagis ang bola sa kabilang ring na kinalalagyan ni Jhaira. Nagulat ang lahat. Tila pigil ang mga hininga sa sobrang pagkagitla.

Naalala kong sa tuwing nakaririnig ako ng tsismis mula sa akin ay ganito rin ang ginagawa ko. Sa ganitong paraan inilalabas ko ang lahat ng galit, poot at hinanakit na nasa loob-loob ko.

Walang sinuman ang may kakayahan na yurakan ang aking pagkatao.

Matalim kong tinitigan si Jhaira na animo'y nanginginig sa takot. Hanggang sa tumunog na ang buzzer kasabay ng pag-shoot ng bola sa ring ng walang kahirap-hirap.

Napangisi ako at maging ang mga nanonood ay napahiyaw. At nangunguna na roon ang dalawang kambal na nagtatalon pa.

Nanalo ako.

Tumakbo sila sa'kin at mahigpit akong niyakap. Napatawa na lamang ako sa kanilang inasal. Isip-bata.

Hindi ko batid na nakalapit na pala sila Puraw.

"Astig mo Alyanna. Napahanga mo kami! Anuhi bagá naman ang bola, parang itinapon laang tapos akalain mong nai-shoot mo! Ang galing!" Nakangiting papuri sa'kin ni Jordan.

Ngumiti lang ako sa kanya. Binati rin ako ni Danica kaya nagpasalamat ako. Maging si Coach ay hindi rin makapaniwala sa aking ginawa. Sus! Basic! HAHAHA.

Maraming bumati sa'kin na ibang seniors. Ang mga nanood naman ng laro ay ngumiting tiningnan ako.

"Anong sinabi niya sa'yo?" Bulong ni Puraw kaya nagitla ako sa kanya. Hindi ko namalayang nakalapit na siya sa'kin.

Lakas ng pakiramdam talaga nito!

"Wa--wala yun. H'wag mo nang intindihin, gusto niya lang akong pikunin para malinlang niya ko." Pansin ang pangangatal ng boses ko.

Pinaningkitan niya naman ako ng mata kaya napaiwas ako ng tingin.

Tinawag siya ng isang senior kaya nagpaalam siya at umalis. Si Danica at ang kambal ay natatawang nakikinig naman sa kuwento ni Jordan tungkol sa nangyari sa laro ko.

Pansin ko talaga, kung sino pa ang magkakasama sa panonood. Sila-sila rin ang nagkukuwentuhan. Mga sira!

Napalingon naman ako kay Jhaira na hindi pa rin makaalis sa puwesto niya. Hindi niya napansin ang aking paglapit. Nanginginig pa rin siya at tulalang nakatingin sa baba.

Nilapit ko ang aking bibig sa kanyang tenga at bumulong.

"Pakatandaan mo ang aking pangalan. Ako si Alyanna Gwen Navarro. Ang iyong bangungot." Banta ko gamit ang malamig na boses. Napabalikwas siya at tumingin sa akin. Nakita ko sa mata niya ang pagsisisi kaya tinitigan ko siya hanggang siya na mismo ang bumitaw sa pagtitig.

Napangisi na lamang ako at tumalikod na sa kanya.

Hindi mo ko kilala...