Chereads / LANTIS (COMPLETE) / Chapter 14 - 12

Chapter 14 - 12

ISANG nakakailang na katahimikan ang namamayani sa loob ng sasakyan habang patungo sina Ember at Lantis sa tindahan niya. Mula sa periphery ay nakiKita niya si Lantis, pasulyap-sulyap sa kaniya. Binuksan niya ang stereo upang lunurin ang katahimikang iyon. It worked. Kahit paano ay nawala kay Lantis at sa nangyari kanina sa banyo ang isip niya. Subalit muntik siyang masamid kahit naman walang laman ang bibig niya nang sabayan ni Lantis ang kanta.

"So leave yourself intact, 'cause I will be coming back. In the phrase to cut these lips, I love you."

Napanganga si Ember lalo nang tapik-tapikin ni Lantis ang hita, sinasabayan ang beat ng kanta. Maya-maya ay lumingon ito sa kaniya at nagpatuloy sa pagkanta. He was obviously enjoying that moment.

"The morning will come, in the press of every kiss with your head upon my chest. Where I will annoy you with every waking breath. Until you decide to wake up."

Hindi niya napigilan ang mapangiti. In fairness, maganda ang boses ni Lantis.

"'Sorry sa nangyari kanina. Hindi ko sinasadya na...alam mo na. Hindi ko rin alam kung bakit bigla akong napunta ro'n. One moment I was outside your room, the next moment I was there with you."

"Ano 'yon? Nag-teleport ka papunta sa banyo ko?" Narating na nila ang LACE. Inihimpil niya ang pick-up sa likod ng isang motorsiklo na pag-aari ni Ate Susie, ang may ari ng printing shop sa tabi ng tindahan niya.

"Parang. But I remember hearing your voice, tinatawag mo ako..." Napahinto ito, napatigil naman siya sa pagkalas ng seatbelt niya. "Nangyari na ito, eh. Naalala mo noong unang beses tayong nagKita? Noong bigla na lang akong naglaho at napunta sa puntod ko? Narinig ko rin ang boses mo no'n. Tinawag mo rin ang pangalan ko—"

"Hep! Teka lang." Inilahad niya ang palad sa harap ni Lantis. "Ano'ng gusto mong palabasin? Na tinawag Kita papunta sa banyo ko? Na gusto Kitang kasabay na maligo?"

Napaawang ang mga labi ni Lantis. "Hindi 'yon ang ibig kong sabihin. I think you have to ability to summon me by just...I don't know, by saying or thinking of my name?"

Siya naman ang napaawang ang mga labi. Napakamot din siya sa kilay. Ano'ng pinagsasabi ng mumu na ito? "Sinasabi mo ba na hindi lang Kita nakiKita, naririnig at nahahawakan? Kaya rin Kitang tawagin kahit pa saang lupalop ka naroon?"

"It was just a hunch, Ember."

"I don't like it." Tuluyan na niyang kinalas ang seatbelt at hinablot ang sling bag sa dashboard. "Ayoko no'n. Ayoko!"

"Why not? It's cool and could be useful."

"Alam mo ba ang ibig sabihin no'n, Lantis? Kung pati utak ko ay konektado na sa'yo, ibig sabihin ay malalim na ang koneksiyon natin sa isa't isa. At saka masasagasaan na ang privacy ko kung sa tuwing iisipin Kita, susulpot ka sa harap ko."

Napangisi si Lantis. "Why, Ember? Lagi mo ba akong iisipin? At may plano ka bang isipin ako kapag nasa banyo ka at naliligo?"

Nanlaki ang mga mata ni Ember. Napaatras siya sa driver's side door dahil feeling niya, lumiliit ang distansiya nila ni Lantis. Nahihirapan siyang huminga at mag-isip nang matino. "Huwag kang asyumero, Lantis Arcanghel," sikmat niya rito, binuksan na ang driver's side door at bumaba.

"You look cute when you blush, Miss December Madrid," tukso pa ng multo bago niya maisara ang pinto. Malalaki ang mga hakbang na lumapit siya sa LACE. May mga nakatambay na estudyante ng DMAH sa bench sa labas ng tindahan. Kilala niya ang iba sa mga ito dahil suki niya ang mga iyon sa fried siomai at mami.

"Hi, 'Te Ember. Na-late ka yata?" tanong ni Katya.

"May emergency sa bahay," aniya.

"Anong emergency, 'Te?" Likas na usyosera talaga si Katya.

'Yung alaga kong multo, muntik nang hindi magising, gusto niyang sabihin. Speaking of multo, nasaan na si Lantis?

"Boo."

"Ay multong tikbalang!" sigaw niya nang bigla na namang nag-materialize sa mismong harap niya si Lantis.

Tumawa ito. "Inisip mo ako, 'noh?"

"Feeler much?"

"Nasa loob ako ng pick up kanina, narinig ko ang boses mo. And here I am. You can't deny it, Ember."

"Fine! Inisip nga Kita. So what?"

Noon naalala ni Ember na nasa labas nga pala siya ng LACE, napapaligiran ng mga suki niyang estudyante. Inilibot niya ang tingin. Hindi lang ang mga estudyante ang nakatingin sa kaniya, maging si Ate Susie, ang asawa nito at customers ng mga ito. Tinitingnan siya ng mga ito na para bang alien siya na biglang ibinagsak doon ng isang spaceship!

"Okay ka lang, Ember?" tabingi ang ngiting tanong ni Ate Susie, may hawak itong cellphone. Hindi na siya mabibigla kung tatawag ito sa mental hospital at ipadampot siya.

"O-Opo, Ate Suze." Dali-dali niyang binuksan ang glass door ng LACE, pumasok sa loob, umupo sa swivel chair niya at sinambit sa isipan ang pangalan ni Lantis. Ilang segundo lang at naroon na ito sa harap niya.

"Yes?" amused nitong tanong. Mabilis na naglaho ang amusement na iyon sa mukha nito nang sipain niya ito sa binti. But her kick didn't make contact with Lantis's skin. Gaya ng laging nangyayari, tumagos ang sipa niya.

Pareho silang napaungol ni Lantis. Ano na naman ang nangyari? Kanina ay nahahawakan na niya ito, ngayon ay hindi na naman. The spirit before her was full of surprises and inconsistencies. Anu-anong mga ka-weirduhan pa ang mararanasan niya bago ito tuluyang maglaho sa landas niya?