Unti-unti kong binuksan ang mga mata ko at pinilit na umupo kahit na sumasakit pa ang ulo ko. Halatang nasa hotel room ako, dahil maganda ang pagkakaayos ng mga gamit at may nakalagay na fire escape plan malapit sa pinto ng kuwarto ko.
Humiga ulit ako at nagbumuntong-hininga. Nakatulog lang ako nang makarating na kami dito sa hotel. Panaginip lang ang lahat.
Kinapa ko ang kuwintas na nasa leeg ko. Mapapangiti na sana ako ngunit may naramdaman akong basa. Unti-unti kong tinignan ang mga daliri ko. Putik.
"Tangina, may putik!" napasigaw ako nang sobrang lakas. Sa panaginip ko, binato ko ang kuwintas sa putikan. Hindi, baka nadumihan lang ito nang naglalakad kami papunta sa hotel. Hindi, hindi puwedeng maging totoo ang panaginip na iyon! Hindi tao si Cacao. Imposible.
Napalingon ako sa direksyon ng pinto nang bigla iyon bumukas. Tumambad doon si mama, at bigla niya akong niyakap nang makita niyang gising na ako.
"Salamat sa Diyos at nagising ka na, nag-alala kami!" sabi niya at hinawakan ang magkabilang pisngi ko.
"Grabe naman, Ma. Nakatulog lang ako, 'wag kang OA," natatawang sabi ko sa kanya.
"Hindi ka nakatulog, hinimatay ka! Alam mo bang hinanap ka namin? Muntik nang atakihin sa puso ang tatay mo no'ng biglang dumating yung gwapong lalaki habang buhat-buhat ka!" Halatang nag-aalala si Mama habang hawak-hawak niya ang mukha ko. Hindi na ako nakasagot at bigla akong namutla.
"Ma, anong itsura no'ng lalaki?" Nanginginig na ang mga kamay ko sa takot. Hindi totoo si Charleston. Hindi tao si Cacao.
"Si Charles? Maputi, mukhang foreigner! Buti nga marunong magtagalog. Nando'n siya sa lobby, kasama ng tatay mo." Binitawan ni Mama ang mga pisngi ko at tinignan ang relo niya. "Pupunta 'ata sila dito, kakamustahin ka."
Tahimik lang akong tumango. Umupo si Mama sa tabi ko at hinawakan ang kamay ko. Napaupo ako ulit nang bumukas ang pinto at narinig ko ang tawanan sina Papa at Charleston. Bigla akong pinagpawisan nang malamig.
"Buti gising ka na. Binilhan ka namin ng tatay mo ng kape," nakangiti na sabi ni Charleston at inabutan ako ng isang paper cup. Tinitigan ko lang ang paper cup. Hindi ako makapaniwala na totoo ang panaginip ko.
"Bakit ka nandito? H-hindi ka tao!" sigaw ko. Parang humihingi ng tulong si Charleston nang tumingin siya sa mama ko. Agad naman akong nakatikim ng batok.
"Naku, Mike! Kung hindi ka nakita ni Charles, nabubulok ka na siguro sa gubat na 'yon! Magpa-salamat ka nga!" sermon ni Mama sa 'kin. Napabuntong-hininga na lang ako.
"Salamat sa pagligtas sa 'kin..." labas sa ilong na pagkakasabi ko. Napansin naman 'yon ni Charleston pero hindi siya nagpaapekto. Ngumiti lang siya at nilapag ang paper cup sa bedside table katabi ko.
"Walang anuman," nakangiti niyang sabi at ginulo ang buhok ko. "Siguro napalakas lang yung pagkauntog ng ulo niya kaya niya 'yon nasabi. 'Wag niyo na po siyang pagalitan." Si Mama naman ang nginitian niya.
"Nauntog siya?" Biglang tumayo si Mama at kumuha ng isang bote ng tubig sa maliit na refrigerator ng hotel at nilagay iyon sa ulo ko.
"Ma, okay lang ako," mahina kong sabi habang nakatingin sa sahig. Hindi ako makatingin kay Charleston nang diretso.
"Mag-iingat ka palagi, Michael," narinig kong sabi ni Charleston bago siya naglakad papunta sa pintuan.
"Aalis na po ako. Salamat sa kape!" sabi niya sa tatay ko at tuluyan na siyang umalis.
Sino ka ba talaga, Charleston? Bakit mo ako binabantayan?
***
Nang araw na iyon, pinost-pone muna nila ang lahat ng mga lakad namin para makapagpahinga ako. Ilang beses din akong kinulit ni Venice– paulit-ulit niyang tinatanong kung anong pangalan no'ng lalaki, kung nasa akin ba ang number niya, at kung may facebook account ba siya, ngunit paulit-ulit ko lang siyang 'di pinapansin hanggang sa napagod na siya kakatanong. Halatang nagkaka-crush ang nakababata kong kapatid sa taong-aso na 'yon. Ano kaya ang mararamdaman niya kung bigla na lang mag-transform sa harap niya si Cacao at maging paru-paro, o di kaya si Charleston mismo? Mababaliw siguro iyon.
Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi kaka-isip ng mga bagay-bagay, pero napilitan akong bumangon ng maaga dahil napag-usapan nilang magbi-beach kami ngayon.
Masayang nagsu-swimming sina Venice, Mama at Papa sa dagat habang nakaupo lang ako sa buhangin at nakapayong. Mas gusto kong i-preserve ang energy ko kaysa magtampisaw sa dagat at umitim. Pinapanood ko lang ang mga tao habang sila'y lumalangoy, naglalaro ng beach volleyball, o naglalakad lang sa tabing-dagat. Siguro namboboso na ng mga naka-bikining babae ang sino mang lalaki na nasa puwesto ko ngayon, pero wala talaga akong interes sa mga ganoong bagay. Hindi talaga ako nagkakagusto kahit kanino, at sigurado na akong asexual ako– isang taong 'di nagkakagusto kahit kanino man.
Kinuha ko ang cellphone ko at pinicturan ang dagat. Nagpatuloy lang ako sa pagkuha ng mga litrato habang pinipilit ko ang sarili kong 'di pansinin ang pakiramdam na may nakamasid sa akin.
Alam kong si Charleston lang 'yon. Ano kaya ang anyo niya ngayon? Aso? Paru-paro? Butiki? Elepante? Siguro, dikya siya ngayon. Kawawa naman yung mga taong madidikitan niya.
Hindi ko talaga alam kung bakit niya ako binabantayan. Hindi naman siya mukhang guardian angel. Kung masama naman siya, eh 'di sana matagal na niya akong sinaktan. Siguro isa lang siyang alien mula sa Mars at napagdiskitahang i-stalk ako.
"Michael." Speak of the devil, and he shall appear.
"Charleston?" Bulong ko sa ere. Panigurado, mukha akong tanga ngayon dahil mukha akong walang kausap. Buti na lang at wala gaanong mga tao sa parte kung saan ako nakaupo.
Biglang may dumapong itim na paru-paro sa tuhod ko. Titirisin ko na sana kaso bigla 'tong lumipad at dumapo sa ilong ko. Halos maduling na ako nang sinubukan ko itong tingnan.
"Oo, ako 'to! Wag mo nga akong sasaktan!" rinig kong sigaw niya. Tumawa ako at tinaas ang palad ko. Agad naman siyang dumapo rito.
"You look forlorn, Michael," komento niya. Kumibit-balikat lang ako.
"Bakit ayaw mong sumama sa pamilya mo?" tanong niya.
"Bakit ang dami mong tanong?" pabalik kong tanong sa kanya. Narinig ko ang tawa niya.
"Isang tanong lang naman iyon," sabi ni Charleston. Kung tao siya ngayon, siguro naka-puppy eyes naman siya sa 'kin.
Hindi ko alam kung bakit, pero biglang gumaan yung pakiramdam ko sa kanya ngayon, na parang kaibigan ko lang siya. Napatingin ako sa paru-paro na nasa palad ko.
"Tinatamad akong lumangoy. Mas gusto ko pang mag-sun bathing dito." Tumingin ulit ako sa pamilya ko na masayang naghahabulan na parang mga bata sa buhangin. "Masaya sila, kaya masaya na rin ako."
"Mahal na mahal mo ang pamilya mo, at mahal ka rin nila," bulong ni Charleston. Napatango na lang ako.
Bigla kaming napatahimik. Patuloy ko lang pinagmasdan sila at nakadapo lang sa palad ko si Charleston. Bigla akong napaisip.
"Paano ka.... nakakapag-transform?" nag-aalinlangang tanong ko.
"Mahabang kwento. Saka ko na sasabihin, baka himatayin ka na naman," ani ni Charleston sa akin. Napabuntong hininga na lang ako.
"Nasan pala ang pamilya mo? Mag-isa ka lang ba?" pagtatanong ko ulit.
"Bakit ang dami mong tanong?" Ginaya ni Charleston ang tono ng boses ko kanina. Napasimangot ako at tumingin ulit sa dagat.
"Masisisi mo ba ako?" dagdag kong wika sa kanya. Pagtingin ko sa palad ko, wala na siya roon.
***
Natapos na ang tatlong araw na bakasyon namin at nakasakay na kami sa van pauwi. Ngayon ko lang naisip, paano kaya ako nasundan ni Charleston? Wala naman akong napansin na itim na paru-paro sa van.
Gabi na nang makarating kami sa bahay. Atat na atat akong bumaba ng van. Gusto kong makita si Cacao. Gusto kong makumpirma kung siya nga ba talaga si Charleston.
Pagkabukas ko ng pinto ay agad akong natumba. Bakit? Kasi may isang labrador na biglang dumagan sa 'kin habang dinidilaan ang mukha ko. Nagsitawanan lang sila at pumunta na sa sari-sarili nilang mga kuwarto dala ang mga gamit nila.
"Tangina mo, Charleston. Kadiri," bulong ko sa aso. Tumahol ito at umalis sa pagkakadagan sa 'kin. Agad ko namang pinunasan ang pisngi ko.
Hindi ko na pinansin ang aso at dumiretso na ako sa kuwarto, alam kong susundan ako nito. Nang pumasok na ang aso sa kuwarto ay agad kong ni-lock ang pinto at tinignan nang maigi ni Cacao.
"Ngayon, patunayan mo na sa 'kin na ikaw at si Charleston ay iisa," sabi ko sa aso. Gusto kong manigurado. Baka ibang black labrador ang nakita ko sa Cagayan at hindi ang aso naming si Cacao.
"Puwedeng takpan mo muna yung bintana? Baka may makakita sa akin," rining kong sabi niya. Napabumuntong-hininga na lang ako at tinakpan ng kurtina ang bintana.
"Masyadong manipis ang kurtina! May makakakita pa rin," reklamo ni Charleston.
"Hindi 'yan! Magpalit ka na ng anyo, dali!" sabi ko. Excited na akong makita itong muli nang hindi hinihimatay.
"Baka may makakita!"
"Alas onse na ng gabi, wala ng tao sa labas!"
"Ugh, fine."
Nilapag ko ang back pack ko at umupo ako sa higaan. Sayang, wala akong popcorn! Pinanood ko siya habang unti-unting nawala ang buntot niya, lumiit ang mga tenga, at nawalan ng balahibo. Wala pang sampung segundo ay si Charleston na ang nasa puwesto ng aso ko.
Totoo talaga ang lahat... bulong ko sa sarili ko.
Ngumisi si Charleston. "Naniniwala ka na?" pagtatanong niya. Tumango lang ako. Hindi ko maalis ang titig ko sa kanya.
"Bakit nakadamit ka na agad?" pagtatanong ko. Tumingin siya sa 'kin, halatang hindi niya naintindihan ang sinabi ko. "Um, kasi no'ng aso ka pa lang, wala kang damit. Tapos ngayong tao ka na, naka-shirt at pants ka na." Nakakapagtaka lang kasi. Ano 'yon, magic?
"Bakit, gusto mo ba akong makitang nakahubad?" tanong niya pabalik sa akin. Kinuha ko ang unan at binato iyon sa kanya. Tumawa lang siya at umupo sa tabi ko.
"Ayos lang naman sa 'kin, Michael," bulong niya. Sinuntok ko siya sa panga. Tumawa lang siya.
Bakit gano'n, mahina ba ang suntok ko? Bakit hindi siya nasaktan?
"Bakla ka ba? Hindi tayo talo, hoy!" nandidiring sigaw ko. Kumibit-balikat lang si Charleston.
"Labas, matutulog na ako." Kumuha ako ng mga damit pantulog sa dresser ko.
"You're really not a very curious person," sabi niya.
"Anong ibig mong sabihin?" Tinignan ko siya. Nakangiti lang siya sa 'kin.
"Hindi mo ako tinatanong kung bakit ako nandito, ano ba ako, sino ba ako– things like that." Kinuha niya iyon unan na binato ko sa kanya at niyakap.
"Bakit ka nandito?" pagtatanong ko.
"Kasi gusto ko."
"Ano ka ba?"
"Isang guwapong nilalang."
"Sino ka ba?"
"Ako si Charleston Heidrich."
Ginulo ko ang buhok ko dahil sa inis. "Hindi mo naman sinagot ng maayos yung mga tanong ko!" reklamo ko. Mas lalong lumawak ang ngiti niya. Halatang iniinis ako ng gago.
"Ayaw kitang biglain," sagot niya. I rolled my eyes, at pumasok ng banyo para magbihis. Pagbalik ko ay nakahiga na si Charleston sa kama ko.
"Umalis ka diyan," utos ko. Nag-puppy eyes lang si Charleston sa 'kin.
"Pagod ako, gusto kong matulog!" pagmamaktol niya.
"Doon ka sa sahig," madiin kong wika.
"I would just pretend that I was sleeping on the floor but I would sleep beside you once you fall asleep. Parang yung ginagawa ko lang habang anyong-aso ako," nakagiting sabi niya.
"Tsk." Humiga na lang ako sa tabi niya at naglagay ng isang unan sa pagitan namin para magsilbing boundary.
"Good night," rinig kong sabi ni Charleston.
Nagtalukbong na lang ako ng kumot. Sa totoo lang, marami talaga akong tanong sa isipan ko. Gusto kong malaman kung sino ba talaga si Charleston, kung bakit siya nagpanggap bilang aso para mapalapit sa akin, at kung bakit niya ako binabantayan. Sinilip ko ang mala-anghel niyang mukha. Dapat natatakot ako sa kanya, dahil may kapangyarihan siyang magpalit ng anyo. Who knows, siguro hindi lang iyon ang kaya niyang gawin.
Pero siya rin si Cacao. Ang asong nagpapasaya sa akin, ang asong kaibigan ko. Hindi niya ako sasaktan– yata.
Pinikit ko ang mga mata ko at nakaramdam na ako ng antok. Bukas ko na lang aalamin lahat ng mga bagay na gusto kong malaman.
"Gute Nacht, meine Liebe."
Kung ano man yung sinabi niya, hindi ko na 'yon narinig. Unti-unti na akong nakatulog.