Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 95 - KABANATA 24

Chapter 95 - KABANATA 24

MALUGOD naman iyong tinanggap ng kanyang Daddy. "Ganoon rin ako, halika na sa loob sasamahan kita sa kwarto ni Louise" ani Ralph na nagpatiuna papasok sa loob na sinundan naman ni Arthur at maging ni Hilde.

Ilang sandali lang at muli silang naiwan ni Dave. "Pagkatapos nito, wala ka ng ibang dapat gawin kundi asikasuhin ang kundisyon mo. Masaya ako para sayo" naramdaman niya sa tinig ng kaibigan ang sinabi nito.

Ngumiti siya. "Salamat" ang tanging nasambit niya.

"ATE!" nakangiting nilinga ni Louise ang kapatid kasunod ang Papa niya at sa likuran naman ay si Raphael.

"Papa! Vince!" masigla niyang turan.

"Pinabibigay ni Kuya Raph" nang makalapit ay noon iniabot sa kanya ng bunsong kapatid ang isang tangkay ng kulay pulang rosas. "namiss ka raw niya."

"Namiss? Bakit hindi ba dito nakatira si Raphael?" ang takang tanong ni Arthur na naupo sa katapat niyang silya.

Noon niya nginitian ang nobyo na nang mga sandaling iyon ay kasama ni Vince na nakaupo sa Bermuda grass hindi kalayuan sa kanila.

"Hindi na po Papa, sa penthouse na niya siya nakatira. Alam na kasi ng Mama at Tito ang tungkol sa amin kaya para makaiwas sa tsismis pinalipat siya doon ng Tito, although plano naman na talaga niya iyon noon pa."

Nang makalabas siya ng ospital ay minabuti na niyang aminin ang lahat sa ina. Maging ang tungkol kay Arthur at lalong higit ang tungkol kay Raphael. Sa simula ay bahagyang nagalit sa kanya si Hilde, pero hindi nagtagal at naunawaan narin nito ang lahat.

Si Ralph ay naging maunawain naman sa lahat ng pangyayari. At masaya siya dahil sa pagiging magkaibigan ng dalawang lalaki. Ganoon nga siguro ang totoong pagmamahal, hindi nagkakapuwang ang panibugho dahil mas nangingibabaw ang tiwala at dalisay na pagmamahal. Iyon ang dahilan kaya malaya siyang nadadalaw nina Arthur at Vince sa anumang oras na naisin ng mga ito.

Minabuti niyang pakiusapan ang mag-amang Ralph at Raphael na huwag ng ituloy ang planong pagsasampa ng demanda ng mga ito laban kay Jane. Alam niyang sa kabila ng lahat ay hindi ginusto ni Jane ang nangyari. Sapat na sa kanya ang pag-alis ni Jane ng SJU at paghingi nito ng tawad sa kanya na ipinadaan lang nito kay Raphael bago ito lumuwas ng Maynila para doon na manirahan kasama ang ilang kamag-anakan.

"Masaya akong marinig iyon, kung sabagay tama nga naman ang desisyon ni Ralph. Talagang napalaki nila ng tama ang nobyo mo" anito sa kanya. "o paano, maiwan kana namin ng kapatid mo. Dumaan lang kami rito kasi may bibilhin ako para doon sa kotse nitong si Raphael" paalam sa kanya ni Arthur na tumayo at hinalikan siya sa noo.

"Bye ate! Babalik ako sa susunod ha?" anitong yumakap sa kanya.

"Mag-iingat kayo at alagaan mo ang Papa para sa akin ha?" bilin niya sa kapatid saka ginulo ang buhok nito. Tango lang ang nakuha niyang sagot kay Vince.

"So, kumusta ang mahal ko?" si Raphael na mabilis siyang hinalikan sa kanyang mga labi na ikinabigla niya. "at least ngayon kahit may makakita legal na tayo" masaya nitong sabi nang mapunang nakangiting nakatingin sa gawi nila si Manang Doray.

"Pilyo! Kumusta na nga pala ang rehearsal ninyo?" ayon sa doctor, after two days ay pwede na siyang bumalik sa eskwela.

Hindi naman kasi malaki ang sugat niya sa ulo at bukod pa roon ay normal naman lahat ng lab test maging ang resulta ng CT Scan niya. Pero minabuti parin ni Ralph na gawing isang linggo ang pagpapahinga niya para siguradong okay na siya pagpasok niya.

"Next week papasok na ako, tamang-tama, mapapanood ko ang huling Rock Fest mo sa SJU" aniya sa nobyo.

Nakangiting ginagap ni Raphael ang kamay niya saka hinalikan. "I love you so much Lovely Hair, salamat at bumalik ka" makahulugang turan ng binata.

Nag-init ang mga mata niya pero pinigil niya ang mapaiyak. "Kahit ilang beses pa, babalik at babalik ako para sayo. Dahil ikaw ang buhay ko, and I love you too" madamdamin niyang hayag.

IYON ang gabing pinakahihintay ng lahat ng estudyante sa pinaka-prestihiyosong unibersidad sa bayan ng Mercedes. Napuno ng manonood ang SJU Theater para sa Rock Fest, ang opening program ng Foundation Month ng SJU.

At katulad narin ng naipangako niya sa nobyo, kasama ang Papa niya, si Vince, ang Mama niya at maging si Ralph ay pinanood niya ang pinaka-huling Rock Fest ni Raphael sa SJU Rock Band.

Sa simula palang ng programa ay naghiyawan na ang lahat ng manonood. At lalong umugong ang mas malakas na sigawan nang buksan ang ilaw at makitang nakatayo sa gitna ng stage si Raphael kasama ang buong banda. Kinikilig siyang napangiti, napaka-gwapo nito sa simpleng all black casual attire.

Hindi man siya mahusay kumilatis ng mang-aawit pero masasabi niyang sa ganda ng tinig ng binata na napaka-soulful ay hindi kalabisang ihanay ang binata sa kahit kaninong local at foreign singer. Idagdag pang talagang magagaling tumugtog ang kasamahan nito ng kani-kanilang musical instruments.

Ang bawat galaw ng binata sa stage ay talagang tinitilian ang lahat, lalo na ng mga kababaihan. Dahil kung may tinatawag ang ilan na camera's favorite, para sa kanya si Raphael ang stage's favorite dahil mukhang at ease ito sa ibabaw ng entablado. Noon lalo niyang naunawaan kung bakit ganoon nalang kapomoso ang binata sa lahat ng kababaihan, at maswerte siya dahil sa dinami-rami ng mga nag-daang babae sa buhay nito, siya ang totoong minahal ng binata.

"Since One Last Song ang title ng Rock Fest natin this year, pwede ba akong humirit ng isa pang kanta?" ang binata sa crowd.

"Yessssss!!!!"

Pumunit ang isang napakagandang ngiti sa mapupulang labi ni Raphael. Iyon ang naging dahilan kaya muling nagtilian gawa ng matinding kilig ang lahat ng naroroon.

"Thank you" pagkuwan ay napuna niyang sa kanyang nakatingin ang binata. "pero bago iyon, gusto ko munang magkwento" pagpapatuloy ng binata.

Nanuyo ang lalamunan niya dahil sa kaba. Ilang sandali pa, marahil dahil nakita ng cameraman na sa kanyang nakatitig si Raphael habang nagsasalita, napuna niya ang sarili sa malalaking LED monitor sa gitna ng stage mismo.

"Sa totoo lang hindi ako naniniwala sa salitang forever noon. Pero nung nakilala ko ang babaeng ito, the first time na natitigan ko ang mga mata niya, noon ko narealized na may forever nga" agad na napuno ng ingay ang buong paligid dahil sa sinabing iyon ni Raphael. "hindi ko alam kung iyon ba ang tinatawag nilang magic but truly, I see my dreams come true everytime na titigan ko siya. And then I came to realize that I am in love, I finally found the love of a lifetime" hayag ng binata kaya mabilis na nabasa ng luha ang kanyang mga pisngi nang hindi niya namamalayan.

Ilang sandali ay sinimulan ng tugtugin ng banda ang isang pamilyar na piyesa. Hindi niya napigilan ang impit na mapahagulhol nang may maalala. "may favorite song ka ba na gusto mong kantahin ko para sayo sa Rock Fest, ha Lovely Hair?"

Nang simulang awitin ni Raphael awiting Love Of A Lifetime ay lalong bumilis ang pagdaloy ng kanyang mga luha. Matagal na niyang paborito ang kantang iyon. Pero ang marinig iyong inaawit ng lalaking pinakamamahal niya para sa kanya sa harap ng napakaraming tao, totoong nagdulot iyon ng kakaibang uri ng sigla sa puso niya. Nang hindi maipaliwanag na ligaya.

Hindi nagtagal, natagpuan nalang niya ang sariling nasa ibabaw ng stage. At nang hawakan ni Raphael ang kamay niya saka siya hinala patungo sa gitna habang patuloy ito sa mahusay na pag-awit. Nagpatuloy sa pagdaloy ang kanyang mga luha habang ang lahat ng tao roon ay parang hindi yata nauubusan ng boses sa lakas ng tili.

Finally found the love of a lifetime a love to last my whole life through I finally found the love of a lifetime forever in my heart I finally found the love of a lifetime.