NATAPOS ang kanta pero nagpatuloy siya sa tahimik na pag-iyak. Ilang sandali pagkatapos ay sinimulan ni Raphael na tuyuin ang kanyang mukha. Dahil doon ay nagkaroon siya ng chance na titigan ng husto ang maiitim na mata ng binata. Sa ganda ng mga iyon, mahihiya ang buwan at mga bituin sa madilim na kalangitan.
"Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang lahat" ang binata na masuyong hinaplos ang kanyang mukha.
Suminghot siya. "Sisimulan ang ano?" kunot noo niyang tanong.
Noon kumilos ang isang kamay ng binata na dumukot sa bulsa ng suot nitong maong. Ang mga tao sa paligid sabay-sabay na nagtilian, parang nahuhulaan na ng mga ito ang susunod na mangyayari.
"Let's start our forever?" hindi naka-mic si Raphael, pero dahil nga sa kanila nakatutok ang camera ay kitang kita ng lahat ang nangyayari sa lahat ng LED monitors sa buong theater. "make me the happiest man in the world? Four? Five years from now?" ang binatang binuksan ang maliit na kahong hawak nito.
Tumambad sa kanya ang isang singsing na may batong esmeralda. "R-Raphael?" ang tanging nasambit niya sa pagitan ng pinaghalong tuwa at kaibigang muling maiyak.
"I love you so much, gusto kong malaman mo na wala na akong planong pakawalan ka. I'm giving you this ring as a sign of my pure and endless love," pagpapatuloy ng binata.
Kasabay ng pagtango niya ay ang mabilis na muling pagdaloy ng kanyang mga luha. Noon naman tuluyang isinuot ni Raphael sa daliri niya ang engagement ring. Hindi na siya nakapagprotesta nang kabigin siya nang binata at mainit na hinalikan. Pinakawalan siya ni Raphael makalipas ang ilang sandali. Walang panama ang ingay ng paligid sa tindi ng kabog ng kanyang dibdib.
Hinanap ng mga mata niya ang kanyang mga magulang at kapatid, nang matagpuan ay masaya niyang ipinakita sa mga ito ang suot niyang singsing. Nakita niyang ngiting-ngiting ang Papa niya,ganoon din si Vince, habang ang Mama niya ay nagpapahid naman ng mga mata na inakbayan ni Ralph na halata namang nasisiyahang nakatingala sa kanila.
Napangiti siyang isinahod pa ang isang kamay nang mapuna ang naglalaglagang rose petals sa kanila. "Sa kasal natin ganito rin ha? Maraming roses?" aniyang tiningala ang binata.
"Mas marami pa diyan" anito ng nakangiti saka siya muling hinalikan. Pero sa pagkakataong iyon, mas matagal na.
SA parking space ng SJU sila nagtuloy ng binata pagkatapos."O heto na pala sila" ang narinig pa niyang tinuran ni Arthur. Sina Hilde at Ralph ay nauna ng umuwi.
"Papa" aniya nang makalapit sa ama.
"Mauuna na kami, medyo gabi narin at inaantok na itong kapatid mo" paalam ni Arthur.
Tumango siya saka hinalikan ang kapatid na nakaupo na sa loob ng owner typed jeep. Hindi nagtagal at naiwan narin silang dalawa ng binata. "Hindi pa ba tayo uuwi?" naitanong niya sa nobyo pagkuwan.
Ngumiti lang sa kanya si Raphael pagkuwan ay hinawakan ang kamay niya saka iginiya sa tapat ng isang kotseng may cover. "Heto ang isa pang regalo ko sayo" anito.
Nagsalubong ang mga kilay niyang tiningala ang nobyo. "Huh?"
"Sige na" ani Raphael.
Noon siya kumilos saka inalis ang cover ng sasakyan. Nang tumambad sa kanya ang isang napakaganda kotse ay hindi niya napigilan ang mapahikbi. Kulay puti iyon at mukhang bagong-bago. "Ito ba iyong?"
"Yes, and I named it after…" nakangiting ibinitin pa ni Raphael ang ibig sabihin.
"Oh Raphael!" aniyang itinakip ang dalawang kamay sa sariling bibig nang mabasang pangalan niya mismo ang nakalagay hood ng sasakyan. "you're so sweet" aniya mahigpit na yumakap sa nobyo.
"Hindi ako magiging ganito kundi dahil sayo, so thanks to you" ang binatang kinurot ng bahagya ang kanyang baba. "come, subukan na natin ang ating bridal car" saka siya nito inalalayan sa passenger's seat.
"Saan tayo pupunta?" naitanong niya nang pareho na silang nasa loob ng sasakyan.
Malagkit ang titig siyang nilinga ng nobyo. "Saan mo ba gusto?"
Ngumiti siya saka hinawakan ang kamay ni Raphael. "Kahit saan, ikaw ang bahala. Tutal kahit anong lugar naman ang puntahan natin alam kong magiging masaya ako, kasi kasama kita" makahulugan niyang sabi.
Isang kuntentong ngiti ang pumunit sa mga labi ng binata. Pagkatapos ay walang imik siyang niyuko at hinalikan. Tinugon niya ang halik na iyon.
"I love you so much Lovely Hair" ang binata nang pakawalan nito ang kanyang mga labi.
"I love you more" sagot niya saka muling kinabig ang batok ng binata para sa isang mas maalab pang balik.
EPILOGUE
TWO YEARS LATER
"MATIGAS kasi ang ulo, sinabi ng huwag kain ng kain ng matatamis eh" sermon ni Louise kay Vince. Nasa St. Joseph Medical Center sila noon kasama si Raphael. "pasalamat ka at hindi pa permanent iyang ngipin mo" pagpapatuloy niya.
Nakita niyang nagpalitan ng tingin ang dalawang lalaki. "Masakit na nga ang ngipin ng tao pinagagalitan mo pa" sagot ni Raphael na kinindatan ang kapatid niyang ngiwing-ngiwi dahil sa sakit na nararamdaman.
"Naku, kinukunsinti mo kasi, hayan tuloy ang nangyari. Baka nga hindi bunutin ng dentist yan kasi namamaga eh" aniyang inirapan ang nobyo.
Nang kindatan siya ni Raphael ay hindi niya napigilan ang mapangiti. Dalawang taon narin ang nakalipas at sa awa ng Diyos, lubusan na ngang magaling sa sakit nito ang binata. Isa na ngayon itong licensed Electronics and Communications Engineer katulad ng mga kaibigan nitong sina JV, Lemuel at Dave. Isang taon narin ang nakalipas mula nang itayo ng apat ang MTC o Mercedes Telecommunications Company. Ang nag-iisang telcom sa bayan ng Mercedes na kumikita na ng maganda.
"Konting taon nalang, magiging asawa na kita, Lovely Hair" bulong sa kanya ng binata nang tawagin ng assistant ng dentist si Vince.
Sandali muna niyang sinuyod ng tingin ang mukha ng binata. "Malapit na, sandali nalang, I love you" aniya.
Hinalikan siya ni Raphael sa noo. "I love you more, hindi nagbago iyon o mas tamang sabihing mas mahal kita ngayon" ang binata sa pabulong na tinig.
THREE YEARS LATER
MAGANDA ang gayak ng St. Joseph Cathedral, puno ng puti at mapupulang rosas. Wala pa naman ang mga brides pero apura na ang pagpapatunog ng malaking kampana ng simbahan. Ang choir, well ang pinakamahusay na choir ng malaking simbahan ay patuloy sa pagsasanay. Iyon ang araw na pinakahihintay ng lahat. Ang kasal ng The Thirds.
Hindi niya maintindihan kung ano ang pumasok sa isipan ng apat na magkakaibigang ito para maisipang sabay-sabay na magpakasal. Pero sa loob-loob ni Ralph ay natutuwa siyang makitang hanggang sa huling sandali ay mas pinili parin nina JV, Dave, Lemuel at ng anak niya si Raphael na ganapin ang napaka-espesyal na sandaling iyon ng magkakasama.
"Bakit nagsosolo ka dito? Huwag mong sabihing mas kinakabahan ka pa kaysa anak mo?" si John na nagmula sa kanyang likuran kasunod nito sina Lem at Jovic.
Umiling siya. "Hindi ano ka ba, natutuwa lang akong makita sila ng magkakasama sa ganito ka-espesyal na okasyon. Tayo noon hindi natin naisip ang ganito" paliwanag niya.
Tumango si Lem. "Ang maikasal nang magkakasabay? Well, kailangan nating amining lumaki talaga silang malapit sa isa't-isa. Na parang mas higit pa yata sa magkakapatid, at nakakatuwang pati sa negosyo ay sila ang magkakasama. At least may naituro tayo sa kanila maliban sa pagiging playboy" si Lem na sinundan ng mahinang tawa ang sinabi.
"Yeah? At iyon ay ang maging faithful sa asawa" si Jovic naman na nakamasid sa anak nitong si JV.
"The true meaning of brotherhood, hindi importante kung kadugo mo. Ang importante nagkakaunawaan kayo" si Ralph na nakangiting tinapunan ng tingin ang tatlo.
"They'll be fine. Baka nga much better kaysa sa atin" si John na tinitigan naman ng buong paghanga ang anak na si Dave. "at least hindi na natin kailangang mag-alala, sila ang magpapatuloy ng lahat ng ating minana at sinimulan" dugtong pa nito.
Hindi umimik si Ralph kahit pa sinasang-ayunan niya ang sinabing iyon ng kaibigan. Oo, tama nga si John, ang ikatlong henerasyon nila ang magtutuloy ng lahat ng kanilang minana at sinimulan. Ang mga anak nilang mas higit pa sa magkakapatid ang naging turingan. Kaya walang siyang kailangang alalahanin. Dahil gaya narin ng sinabi ng ama ni Dave.
They'll be fine.